Myra’s Pov:
Isa pang kahon ang nilagyan ko ng mga gamit na mula sa mga nasa drawer ng lamesang inokupa ko rin sa mahabang panahon. Bukal man sa loob ko at desidido man akong mag-resign ay hindi ko pa rin maiwasang hindi makaramdam ng lungkot.
Mula pa noong nasa high school ako ay pangarap ko na talagang maging alagad ng batas. Mas luminaw na maabot ko ang pangarap kong iyon nang payagan ako ng mga magulang ko na pumasok sa kursong napili ko. Pagkatapos nga ng ilang taon sa kolehiyo at tila walang hanggang pagsasanay ay nakamit ko rin ang matagal ko nang pinapangarap.
Naging pulis ako ngunit nanatili lang akong nasa opisina sa loob ng dalawang taon. Nang mabigyan ako ng pagkakataon ay naging junior detective nga ako at napalipat sa Violent Crimes Department.
Ngunit kailangan kong gawin ito dahil ito ang alam kong makapagbibigay sa akin ng kapayapaan ng loob. Ito ang kailangan kong gawin para maibigay ko ang pamilyang nais kong ibigay kay Algean. Ayokong dahil sa trabaho ko ay malagay sa kapahamakan ang lalaking minamahal ko maging ang pamilyang gusto naming buuin.
“Myra,” tawag sa akin ni Chief Regalado, ang chief ng presintong ilang taon ko ring pinaglingkuran. Tiningnan n’ya ang kahon na nilalagyan ko ng mga gamit. “Mukhang tuloy na tuloy na nga ang pag-alis mo sa serbisyo. Hindi ka na ba talaga naming mapipigilan?”
Napangiti ako nang marinig ang sinabi ng taong halos pangalawa ko nang ama. Limampu at tatlo ang edad ng taong kaharap ko, ang may pinakamataas na posisyon sa presintong ito. Hindi nga lang halata sa kanya ang edad na iyon dahil matikas at mukhang bata pa rin ang itsura n’ya.
“Chief, ang alam ko ay may kalahating buwan na mula nang iabot ko sa inyo ang resignation letter ko,” pabirong sabi ko na ikinahalakhak n’ya. “Nai-train ko na rin iyong bagong detective na papalit sa akin. Sigurado akong magiging magaling s’yang alagad ng batas dahil ako ang naging mentor n’ya.”
“Nagbabakasali lang ako na baka magbago pa ang isip mo,” ani Chief Regalado. “Nanghihinayang talaga ako na isang magaling at talentadong detective ang kailangan kong pakawalan. Alam mo naman na hindi maganda ang imahe nating mga alagad ng batas sa publiko at hindi ko maiwasang hindi malungkot dahil ikaw pang isang matinong detective ang aalis sa serbisyo.”
Nangingiting napailing ako. “Huwag po kayong mag-alala, pareho nating alam na lahat ng mga alagad ng batas na narito sa presintong ito ay pawang matitino. Hindi n’yo mapapansin ang pagkawala ko rito.”
Muling humalakhak si Chief Regalado. “Ano pa nga bang magagawa ko kundi ang payagan ka, hindi ba? Alam ko namang kaya ka aalis sa serbisyo ay para mamuhay nang payapa at masaya kasama ang mapapangasawa mo.”
Hinawakan ko ang bag at may kinuha mula roon. Isang kulay asul na invitation card ang iniabot ko sa superior ko. “Kaya nga po kinuha ko kayo bilang ninong sa kasal namin ni Algean. Para may dahilan kayo para bisitahin kami sa oras na nami-miss n’yo ang pinakamagaling n’yong detective.”
Tumatawang inabot ni Chief Regalado ang invitation card at tiningnan iyon. “Sa Linggo na pala ang kasal n’yo. Apat na araw na lang at magsisimula na kayo ng isang masayang pamilya. Masaya akong natagpuan mo na ang lalaking para sa ‘yo, Detective Myra Clare Guaimbao. Nasisiguro kong magiging isa kang mabuti at ulirang maybahay.” Inilahad ng superior ko ang isa n’yang kamay.
Kaagad kong tinanggap ang pakikipagkamay ni Chief Regalado. “Maraming salamat po sa lahat ng mga bagay na naituro n’yo sa akin sa panahong nanatili ako rito. Masaya akong dito sa presintong ito ako napunta at ipinangangako kong kahit wala na ako sa serbisyo ay hindi ko pa rin kalilimutan ang mga bagay na natutunan ko sa inyo.”
Sandali rin kaming nagkamay at nang bitawan ko ang kamay ng superior ko ay siya namang pagpalakpak ng mga kasama namin sa presinto ng bayan ng Raja Soliman. Nang dumako ang mga mata ko sa mga taong nasa paligid namin ay bahagya akong natawa. Ang ilan sa kanila ay nakayuko at umiiyak. Hindi ko rin naman sila masisisi dahil kahit na hindi ganoon kalaki ang bayan ng Raja Soliman ay aminado akong malapit sa isa’t-isa ang mga tao rito lalo na rito sa presintong iiwan ko.
Mabilis na lumapit sa akin ang partner kong si Ronmar. Pinipigilan n’yang maluha nang iabot n’ya sa akin ang isang pumpon ng bulaklak.
“Sinabi ko naman sa ‘yo, Detective Myra, ayoko talaga ng bagong ka-partner sa pag-iimbestiga.”
Natawa ako nang marinig iyon. Tinapik ko sa balikat ang kasamahan at niyakap. “Huwag kang mag-alala, hindi naman ako mag-a-abroad. Kung sakaling mahihirapan ka sa hahawakan mong kaso ay puwede ka namang lumapit sa akin para humingi ng tulong.”
Kaagad na kumalas sa akin si Ronmar at mabilis na umiling. “Hindi ko gagawin iyon, Detective. Kaya ka nga nag-resign ay para magkaroon ka ng tahimik na buhay. Mawawalan iyon ng silbi kung susundin ko ang payo n’yo.”
Natatawang tumango ako. “Naks, biruin mo at kahit paano ay alam mo na ang tamang sabihin sa mga paliwanag ko,” biro ko pa sa kanya.
Nagkatawanan kami at maya-maya pa ay isa-isa nang lumapit sa akin ang iba pa naming kasamahan para magpaalam. Maging iyong mula sa ibang department ay lumapit na rin sa akin para sandaling ipakita ang suporta sa naging desisyon ko.
Masayang-masaya ako habang nagpapaalam sa mga kasamahan ko sa serbisyo. Nakakaramdam din ako ng lungkot dahil ito na ang huling araw ko bilang isang alagad ng batas. Pakiramdam ko ay may parte sa akin na tuluyang nawala at sigurado akong may mga araw na maaari kong pagsisihan ang naging desisyon kong ito ngunit dahil nasa tabi ko naman si Algean sa mga araw na iyon ay sigurado rin akong hindi na iyon magiging ganoon kalungkot at kasakit.
“Ako na ang magdadala nito sa kotse mo, Detective Guiambao,” ani Detective Bill at binuhat ang kahon. “Ito na lang ba ang huling gamit mo?”
Nakangiting tumango ako sa kasamahan sa Violent Crimes Department. “Maraming salamat.”
“Ako na lang ang magdadala ng halamang ito,” sabi naman ni Officer Ted at kinuha ang isang bonsai na may dalawang dangkal din yata ang taas.
Natatawang nagpasalamat ako sa dalawa at sinabing susunod na lang ako sa kanila.
“Mukhang may gusto ka pang sabihin, Detective,” puna ni Ronmar.
Bahagya akong tumango sa kapareha. “Alam mo namang hindi ko talaga gusto na may naiiwang trabaho, hindi ba?”
Kaagad na kumunot ang noo ni Ronmar. “Anong ibig mong sabihin, Detective?”
Huminga ako nang malalim at inakbayan ang lalaki. “Lahat ng kasong inimbestigahan ko ay naisara ko. Lahat ng mga biktima ay nagawa kong bigyan ng hustisya sa pamamamagitan ng batas. At iyon namang mga nagkasala sa batas ay nagbabayad sa kasalanan nila at lahat sila ay nasa likod ng rehas.”
Nakauunawang tumango si Ronmar. “Alam ko iyon kaya nga ikaw ang namuno sa department natin. Hangang-hanga nga ako sa dedikasyon mo noong unang araw ko rito, sayang nga lang at aalis ka na talaga.”
Bahagya kong diniinan ang pagkakahawak sa balikat ng ka-partner para matuon ang buo n’yang atneyson sa sasabihin ko.
“Naaalala mo pa ba ang kaso tungkol sa pagkawala ng anak ni Mang Kanor na si Maebel?’ pabulong na tanong ko.
Nanlaki ang mga mata ni Ronmar dahil sa sinabi ko. “Muntik ko nang makalimutan, isa iyon sa mga kasong binuksan mo at iyon din lang ang tanging kaso na hindi mo nagawang resolbahin.”
Tumango ako at napahinga nang malalim.
Tama ang mga sinabi ni Ronmar. Masyado akong dedicated sa trabaho ko kaya naging bida-bida ako sa mga unang taon ko sa department ng Violent Crimes. Bukod sa mga kasalukuyang kasong kinakaharap ng department namin noon ay ginusto ko ring buksan ang iba pang kaso na halos nabaon na sa nakaraan.
Hindi naman ako nahirapang resolbahin ang lahat ng kasong binuksan ko. Naging madali sa akin ang simulan ang imbestigasyon sa mga kasong iyon at nakahanap pa ako ng mga lead at ebidensya para tuluyang maisara ang mga kasong iyon. Nabigyan pa nga ng award ang presinto namin dahil doon kaya hinayaan na lang ako ni Chief Regalado na pakialaman ang mga kasong kulang na lang ay ibaon sa limot.
Nagawa kong magtagumpay at maresolba ang lahat maliban sa isang kaso—ang kaso ng pagkawala ng anak ni Mang Kanor na si Maebel.
May isang taon din yata ang panahong ginugol ko para humanap ng lead pero bigo ako. Ni kahit katiting na impormasyon tungkol sa nangyari kay Maebel ay wala akong natagpuan. Ayokong itigil ang imbestigasyon tungkol doon ngunit dahil sa kawalan ng lead at ebidensya ay sumuko na rin ako.
Ngunit ayokong matuldukan ang kasong iyon dahil lang aalis na ako sa serbisyo. Gusto ko pa ring kahit wala na ako ay mabuksan pa rin iyon, kahit na ibang detective na ang mag-imbestiga tungkol doon.
Hinila ko si Ronmar patungo sa opisina ni Chief Regalado. Nagtataka man ay hindi na nagtanong pa ang lalaki. Kusa s’yang sumama sa akin.
Kumatok muna kami sa pinto ng silid ng superior namin bago pumasok sa loob.
“Oh, akala ko ay nakaalis ka na,” bati sa akin ni Chief na kaagad na tumayo mula sa kanyang swivel chair.
Sinulyapan ko si Ronmar. Kaagad naman n’yang nakuha ang gusto kong mangyari. Mabilis na lumapit s’ya sa mga bintana ng opisina at ibinaba ang mga blinds.
Takang tumingin sa amin si Chief Regalado. “Bakit? May problema ba? May dapat ba akong malaman bago ka umalis?” pabirong tanong n’ya sa akin.
“May gusto pong sabihin sa inyo si Detective Myra, Chief,” tugon ni Ronmar.
“Ganoon ba? Maupo kayo,” ani Chief at itinuro ang receiving area.
Magkatabing naupo kami ni Ronmar sa mahabang sofa habang nasa pang-isahang sofa naman si Chief Regalado.
Mula sa bag ay kinuha ko ang folder na naglalaman ng ilang impormasyon tungkol sa kaso ng anak ni Mang Kanor. Dalawang papel lang ang laman ng folder at hindi talaga masasabing record iyon ng pagkawala ni Maebel dahil salat iyon sa detalye at mahahalagang impormasyon.
Inilapag ko iyon sa lamesa at kaagad iyong kinuha ni Chief Regalado. Binuksan n’ya ang folder at binasa ang laman niyon.
“This was the case of a missing person years ago,” ani Chief Regalado. “Iyong anak ni Mang Kanor na hanggang ngayon ay hindi pa rin nakikita.”
Tumango ako. “May gusto sana akong hilingin regarding sa kaso ni Maebel, Chief Regalado.”
“Dahil ba ito lang ang kasong hindi mo naresolba?” tanong ng superior namin. “Hindi ba at ilang beses ko nang sinabi sa ‘yong hindi mo naman kailangang buksan ang lahat ng kaso katulad ng isang ito dahil hindi mo naman sila orihinal na hinawakan?”
Huminga ako nang malalim. “Dahil wala namang gagawa niyon. Ako lang ang nagbukas ng kasong iyan at natatakot akong sa oras na umalis ako ay mawawalan na rin ng pagkakataon si Mang Kanor na malaman ang totoong nangyari sa anak n’ya.”
Tumango-tango si Chief. “Naiintindihan ko ang gusto mong sabihin, Myra. Ngunit wala ka na sa serbisyo, wala ka nang magagawa para sa kasong ito. Alam mo rin namang hindi mo katulad ang iba pa, mas gugustuhin ng iba na pagtuunan ng pansin ang mga kaso sa kasalukuyan kaysa hukayin ang mga kasong katulad nito.”
Mabilis na itinuro ko si Ronmar. “Hihilingin ko lang sana sa inyo, Chief, na bigyan n’yo ng pagkakataon si Ronmar na muling imbestigahan ang kasong iyan.”
“Detective Guiambao—
“Hindi po ako makikialam o kahit ano,” mabilis na putol ko sa napipintong pagtutol ng superior ko. “Gusto ko lang na kahit sa huling pagkakataon ay gawin ko ang tungkulin ko. Gusto kong bago ako tuluyang umalis sa serbisyo ay magawa ko ang lahat ng dapat kong gawin para wala akong pagsisihan sa bandang huli.”
Huminga nang malalim si Chief. “Sa oras na pumayag ako sa gusto mong mangyari, paano kung katulad mo ay wala ring makitang kahit anong lead si Detective Ronmar?”
Sandali akong natahimik. Hindi ko maiwasang hindi maikuyom ang mga kamay ko. “Kung anuman ang magiging resulta sa magiging imbestigasyon ni Detective Ronmar ay tatanggapin ko, Chief. Ang gusto ko lang ay kahit kaunting pagkakataon para sa anak ni Mang Kanor. Alam kong lahat tayo rito ay iyon din naman ang gustong mangyari. Ang magkaroon ng closure ang kasong ito.”
Huminga nang malalim si Chief Regalado. “Alright! Pagbibigyan ko ang kahilingan mo. Bibigyan ko ng pagkakataon si Detective Ronmar na mag-imbestiga tungkol sa kasong ito.” He faced Ronmar. “Do it discreetly. Gusto kong tayong dalawa lang ang makakaalam ng tungkol dito. Hindi rin puwedeng malaman ni Detective Guiambao ang kahit anong development sa kasong ito. Sa oras na magkaroon ng resulta, saka lang natin iyon ipaaalam sa kanya,” dagdag pa n’ya habang nakatingin sa akin.
“Yes, Sir!” Sumaludo pa si Ronmar kay Chief.
Tumango ako at tumayo na. “Maraming salamat sa pagkakataong ibinigay mo, Chief Regalado.” Ako naman ang naglahad ng kamay sa kanya.
Tumayo na rin si Chief at tinanggap ang pakikipag-kamay ko. “Until then, Detective Guiambao.”