Myra's Pov:
Nakangiting tiningnan ko ang sarili sa salamin. Magandang-maganda ang pakiramdam ko na tila ba ay hindi ako nakaramdam ng kakaiba kahapon. Maayos ang mood ko ngayong araw kahit pa nakatulog ako kagabi na medyo mabigat ang pakiramdam.
Wala sa sariling napatingin ako sa nakabukas na bintana. Maganda ang panahon at walang senyales na uulan.
Alas otso pa lang ng umaga pero matindi na ang sikat ng araw. Sumisilip ang sikat ng araw sa nakabukas na bintana at tumatagos sa puting kurtina. Tuluyan nang nakapasok sa silid ko ang ilang hibla ng sikat ng araw.
Hindi nga lang katulad ng mga nagdaang araw, hindi masakit sa mga mata ang init na ibinibigay ng haring araw ngayon. Dahil siguro sa simoy ng hangin na ibinibigay ng paligid. Naitataboy ng malamig na hangin ang init na dala ng araw. Sapat na iyon para ibalanse ang init ng panahon ngayong araw.
Muli akong tumingin sa repleksyon sa salamin at hinawakan ang buhok. Nang maramdamang hindi na basa iyon ay mabilis ko iyong ipinusod.
Ang sunod na pinagkaabalahan ko ay ang magkabilang kamay ng suot na long-sleeve polo. Itinupi ko iyon hanggang siko saka inayos ang kuwelyo ng polo.
Kaagad na napabaling ako sa may pinto nang makarinig ng ilang katok. Maya-maya pa ay iniluwa niyon ang kapatid kong si Lazarus.
Awtomatik na napangiti ako nang makitang nakasuot s'ya ng kulay lumot na Barong-Tagalog. Nakaayos din ang buhok n'ya at mukhang handang-handa na s'ya para sa okasyon bukas.
Pumalakpak ako. "Whoa! Ang gwapo naman ng best man sa kasal ko!"
Natatawang lumapit sa akin si Lazarus habang ibinubutones ang kamay ng barong.
"Bukas na ang kasal mo, Ate," aniya at nginitian ako. "Ayaw mo ba talagang magpapigil?"
Natatawang binatukan ko ang kapatid. "Bakit? Ayaw mo bang maging parte ng pamilya natin si Algean?"
Sumimangot si Lazarus. "Hindi naman sa ganoon, mabait naman si Kuya Algean at sigurado akong hindi ka n'ya sasaktan at lalong hindi ka n'ya pababayaan. Nalulungkot lang ako dahil siguradong hindi ka na uuwi rito pagkatapos ng kasal n'yo."
Hinila ko si Lazarus at iniayos ang pagkakabutones ng suot n'ya. "Hindi mo kailangang problemahin ang tungkol doon. Lilipat lang kami ng ibang bahay pero hindi naman kami aalis dito sa Raja Soliman."
Labing-anim na taong gulang si Lazarus at kasalukuyang nasa senior high. Malayo ang agwat ng edad namin ngunit dahil kaming dalawa lang ang magkapatid ay malapit talaga kami sa isa't-isa.
Iniayos ko ang buhok ng guwapo kong kapatid. Likas na matangkad s'ya kaysa sa mga kaedad n'ya kaya madalas na napagkakamalang ilang taon lang ang agwat namin. Iyon din ang dahilan kung bakit feel na feel n'yang umastang mas matanda kaysa sa akin.
"Bibisitahin mo pa rin ba kami rito, Ate Myra?"
Natatawang pinisil ko ang magkabilang pisngi ni Lazarus. "Oo naman. And hindi porke ikakasal na kami ng Kuya Algean mo ay puwede ka nang mag-girlfriend, ha? Hindi pa rin puwede, saka na kapag college ka na."
"Ate, naman!" Ngumiwi si Lazarus at tinanggal ang mga kamay ko sa pisngi n'ya.
Kinuha ko ang bag at isinukbit sa balikat. "Bakit nga pala ngayon ka lang nagsukat ng isusuot mo para bukas?" tanong ko at pinasadahan ng tingin ang itsura n'ya.
"Nawalan kasi ako ng oras, Ate," mabilis na tugon ni Lazarus.
Lumabas na ako mula sa silid ko at mabilis namang sumunod sa akin si Lazarus. Ang dami pa n'yang kuwento tungkol sa mga nangyayari sa klase n'ya at sa bagong sports club na sinalihan n'ya.
"Sigurado ka na ba riyan sa fencing?" tanong ko habang bumababa kami sa hagdan. "Patapos na ang school year pero pang-ilang club na rin iyan. Nagagalit na sa 'yo si Mama at kung hindi ko lang s'ya sinabihan na hayaan kang mahanap ang gusto mo ay siguradong napalo ka na n'ya sa puwitan."
Natatawang umiling si Lazarus. "Grabe ka naman, Ate. Salamat nga pala dahil sinabihan mo sina Mama. Hindi ko pa rin kasi talaga alam kung anong club ang gusto ko. Nabo-boring ako sa ibang club."
"So, why fencing?" tanong ko. Tuluyan na kaming nakababa sa unang palapag ng bahay namin. "Sa lahat ng sports club na sinalihan mo ay iyan ang malayo sa mga gusto mong subukan. Ni hindi ko nga alam kung bakit iyan ang napili mo."
Nangingislap ang mga matang tumingin sa akin si Lazarus. "It looks fun, Ate Myra. Nakita ko iyong mga practice at nag-research din ako tungkol sa fencing and ito ang kauna-unahang beses na nakaramdam ako ng excitement habang nanonood ng isang practice match ng mga fencers."
Tumikwas ang kilay ko. Mukha ngang kakaiba ang epekto sa kanya ng sports na sinasabi n'ya dahil iba ang kislap sa mga mata n'ya. Ngayon ko lang nakita kung gaano ka-hopeful ang mga mga mata ng kapatid ko.
"May fencing club din sa kabilang bayan, Ate Myra. Gusto ko sanang mag-enroll doon sa summer. Naisip kong mas mabuting maging kapaki-pakinabang ang summer ko kaysa naman manatili lang ako rito at maligo sa dagat."
Naaaliw na pinagmasdan ko ang teenager na kapatid. Natutuwa akong mukhang nagkaroon na s'ya ng ideya sa kung ano ang gusto n’yang gawin kahit na bata pa lang s'ya. Isa sy’a sa iilang sinuwerte sa aspetong iyon.
"At kailangan mo ako para ihingi ka ng permiso kina Mama, tama ba ako?"
Nagpapa-cute na tumango si Lazarus. "Desidido talaga ako sa fencing, Ate. Pakiramdam ko ay nakita ko na ang first love ko."
Kaagad akong napangiwi sa narinig. "Ang wirdo mo."
Mabilis na yumakap sa kanang braso ko si Lazarus at naglalambing na tumingin sa akin. "Sige na, Ate Myra, please!" Nag-puppy eyes pa ang loko.
Natatawang pinisil ko ang tungki ng kanyang ilong. "Oo na! Huwag kang mag-alala, ako na ang sasama sa 'yo sa kabilang bayan at ako na rin ang mag-e-enroll sa 'yo roon. Sasagutin ko na rin ang tuition mo, siguraduhin mo lang na hindi ka na magku-quit doon, alright?"
"Yes!" Malakas ang naging sigaw ni Lazarus. Tumalon pa s'ya sa sobrang tuwa.
Natatawang ginulo ko ang buhok n'ya. "Sige na, magpalit ka na ng damit at may lakad pa ako."
Mabilis na humalik sa pisngi ko si Lazarus. "Sige, Ate My! Salamat. I love you na talaga!"
Naiiling na natawa na lang ako sa inasal ng kapatid ko. Bata pa nga talaga s'ya. At mukhang tama talaga ang desisyon kong umalis sa serbisyo para maiwasan ang posibilidad na may mapahamak sa isa sa mga mahal ko sa buhay.
"Ano na namang hiling ng kapatid mo ang ibinigay mo, Myra?"
Kaagad akong pumihit sa pinanggalingan ng boses. Nakita ko si Mama kasama sina Tita Cion at Algean.
Nakangiting sinalubong ko ang mapapangasawa ko at hinalikan s'ya sa pisngi. "Kanina ka pa ba?"
"Nope, kararating ko lang kanina. Nakakuwentuhan ko lang sina Mama at ang tita mo." Mabilis na pumaikot ang isang braso n'ya sa baywang ko.
Hinarap ko si Mama at itinuro ang ikalawang palapag. "Naikuwento lang ni Lazarus na may gusto s'yang subukan. Iyong Fencing Sports Club sa eskwelahan nila."
Tumango-tango si Mama. "Kakausapin ko na lang mamaya ang kapatid mo. Mabuti pa ay umalis na kayo ni Algean para makauwi rin kayo kaagad. Hindi magandang magkasama pa kayo samantalang ikakasal na kayo bukas."
Humalik ako sa pisngi ni Mama at ni Tita. "Huwag kang mag-alala, Mama. Uuwi kami kaagad and huwag ka nang ma-paranoid sa mga scientific beliefs na iyan. Walang basehan ang mga iyan, 'Ma."
"Hayaan mo na ang mama mo, Myra. Nag-aalala lang s'ya," ani Tita Cion at tinapik ako sa braso. "Sige na, umalis na kayo. Kailangan n'yo ring makapagpahinga pagkauwi n'yo para maganda ang pakiramdam n'yo bukas."
"Mauuna na po kami," magalang na paalam ni Algean kina Mama at Tita Cion. "Hayaan n'yo po at iuuwi ko nang maaga si Myra."
Matapos ang ilang sandaling pamamaalam ay lumabas na kami ng bahay. Dumiretso na kami sa labas dahil doon pinili ni Algean na i-park ang sasakyan n'ya.
"Mukhang masayang-masaya na naman si Lazarus," wika ni Algean matapos buksan ang pinto ng passenger seat para sa akin.
Natatawang tumango ako at naupo na. "Gusto n'yang subukan ang fencing. Sinabi kong susuportahan ko s'ya dahil mukha namang seryoso s'ya sa bagong sports na gusto n'yang matutunan."
Marahang isinara ni Algean ang pinto ng sasakyan at mabilis na umikot sa kabila. Kaagad s'yang naupo sa driver's seat at binuhay ang makina ng kotse.
"Lagi ka namang nakasuporta sa kapatid mo," wika n'ya at pinisil ang kamay ko. "Sana lang talaga ay hindi magtampo sa akin si Lazarus kapag naikasal na tayo."
"Hmm, mukhang nagsisimula na nga s'yang magtampo."
Algean chuckled. Buhay na buhay ang tawa n'ya bagay na kinaaaliwan ko sa kanya.
"Puwede ka namang matulog sa bahay n'yo lalo na kapag gabi ang shift ko sa ospital. Mas mabuti na rin iyon dahil ayoko naman na maiwan kang mag-isa sa magiging bahay natin," aniya at nagsimula nang magmaneho. "Or puwede namang sa atin matulog si Lazarus para hindi n'yo ma-miss ang isa't-isa."
Sumandal ako sa upuan. "Huwag na muna nating problemahin ang tungkol diyan. Sigurado naman akong maiintindihan din ni Lazarus ang bagay na iyan."
Mabagal lang ang takbo ng sasakyan ngunit dahil sa kakaunti naman ang sasakyan na nasa kalsada sa mga oras na ito ay mabilis kaming nakalabas sa subdibisyon na kinatiririkan ng bahay namin.
"Tumawag sa akin iyong head engineer na gumawa sa bahay natin," ani Algean matapos ang ilang minuto. "Maayos na raw ang lahat at s'ya na rin ang nanguna sa pag-aasikaso ng mga gamit natin. Nagpadala na rin s'ya sa akin ng mga pictures, nakalimutan ko lang i-send sa 'yo."
"Okay lang iyon, papunta na rin naman tayo roon ngayon," wika ko at hinawakan ang kamay n'ya. "Excited na ako para bukas."
Pinisil ni Algean ang kamay ko. "Ako rin. Hindi na ako makapaghintay na maging asawa kita. Pakiramdam ko nga ay nasa cloud nine ako habang hinihintay na dumating ang araw na iyon."
Natawa ako. Kaagad nga lang nawala ang ngiti sa mga labi ko nang makitang malapit na kami sa talahiban, ang malawak at abandonadong lote na punong-puno ng mga talahib. Ang lugar kung saan ay lagi naming nakikita si Mang Kanor sa tuwing inire-report ang pagkawala n'ya.
Wala sa sariling napahinga ako nang malalim. Bumalik ang bigat sa dibdib na naramdaman ko kahapon. Hindi ko rin alam kung bakit habang papalapit sa talahiban ang sasakyan ay para akong sinasakal.
"Hey, Myra," tawag sa akin ni Algean. "Namumutla ka, may problema ba?"
Napalunok ako at umiling. "W-Wala. May bigla lang akong naalala." Hinaplos ko ang leeg, pakiramdam ko talaga ay nasu-suffocate ako.
Kaagad na kumilos si Algean at ibinaba ang bintana sa gawi ko. Iginilid din n'ya ang sasakyan at mas lalo akong nahirapang huminga nang sa mismong bukana ng talahiban tumigil ang sasakyan.
Humarap sa akin si Algean at hinawakan ang pareho kong kamay. "Myra... Anong problema? Gusto mo bang sabihin sa akin?"
Ilang sandali akong huminga nang malalim at tiningnan ang talahiban. "Sa lugar na ito, sa gitna ng talahibang iyan. Diyan namin lagi nakikita si Mang Kanor sa tuwing nawawala s'ya."
Si Algean naman ang huminga nang malalim. "Alam kong confidential ang lahat ng impormasyon sa trabaho mo. But, Myra, wala ka na sa serbisyo at ikakasal na tayo bukas. Kung makagagaan ng loob mo ay puwede mong sabihin sa akin ang lahat ng mga iniisip mo."
Malungkot na tumingin ako kay Algean. "Ang kaso ng nawawalang anak ni Mang Kanor ang tanging kaso na hindi ko naresolba."
Tumango-tango si Algean. "Kaya ka ba nakakaramdam ng nararamdaman mo ngayon ay dahil gusto mong maresolba ang kasong iyon?"
Umiling ako. "Matagal ko nang tinanggap na hindi ko na maso-solve ang kaso ni Maebel. Alam ko iyon at hindi masama ang loob ko dahil doon. Nag-aalala lang talaga ako kay Ronmar..."
Nangunot ang noo ni Algean. "Si Detective Ronmar?"
Tumango ako at huminga nang malalim. "Bago ako umalis sa serbisyo ay hiniling ko kay Chief Regalado na muling buksan ang kaso ni Maebel. Nagkasundo kaming hindi ipaalam sa ibang alagad ng batas ang tungkol doon. Kaming tatlo lang nina Ronmar ang nakakaalam ng tungkol doon at si Ronmar ang napili kong mag-imbestiga sa kaso ng anak ni Mang Kanor."
"Iyon ba ang dahilan kung bakit bumisita si Ronmar sa inyo kahapon?" tanong n'ya. "Kaya ba seryoso ang pinag-uusapan n'yo kahapon?"
Malungkot na tumango ako. "At kahapon ko rin lang na-realize na maaaring hindi lang missing case ang kaso ni Maebel. Maaaring mas may malaking dahilan sa likod ng pagkawala ng anak ni Mang Kanor."
Pinisil ni Algean ang mga kamay ko. "Hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa mga oras na ito. Hindi ko rin naman alam kung ano ang talagang nangyayari sa loob ng trabaho n'yo pero magagawa kong suportahan ang kung anumang gusto mong gawin sa mga oras na ito."
Hindi ako nagsalita. Muli kong sinulyapan ang talahiban bago huminga nang malalim.
Apologetic na tumingin ako sa kasintahan. "Puwede bang mamaya na tayo dumiretso sa bahay natin?"
Mabilis na tumango si Algean. "Sure. May gusto ka bang puntahan?"
I bit my lower lip. "Gusto ko sanang pumunta sa presinto. Hindi ako sigurado sa kung ano ang totoong nangyari kay Maebel pero hindi talaga maganda ang pakiramdam ko tungkol sa kaso n'ya. Ayokong mapahamak si Ronmar nang dahil lang sa hiniling ko."
Tumango si Algean at kaagad na binuhay ang makina ng sasakyan.
"Iyan ba ang gusto mong gawin?"
Determinadong tumango ako. "Hindi ko na pipiliting resolbahin ang kaso ni Maebel. Ang gusto ko na lang gawin ay iiwas si Ronmar sa panganib na maaaring dala ng kasong ito."
Muli kong naramdaman ang pagpisil ni Algean sa kamay ko. "Kahit anong maging desisyon mo, mananatili akong nasa likod mo at nakasuporta sa 'yo."
Buong pagmamahal na sumandal ako sa balikat n'ya. "Thank you."
He planted a light kiss on my head. "Kaya kong gawin ang lahat para sa 'yo. Para sa ikatatahimik ng loob mo, gagawin ko ang kahit ano. Maliit na bagay din lang naman ang hinihiling mo. So, let's go?"
Kaagad na tumango ako at nginitian ang kasintahan.
Maya-maya pa ay nasa gitna na ulit ng kalsada ang kotse ni Algean at ang direksyon na ng presinto ng Raja Soliman ang tinutumbok namin.