Myra's Pov:
"Sa tingin mo kaya ay makikita pa natin si Maebel?" tanong ni Ronmar habang nagmamaneho.
Sinulyapan ko si Mang Kanor na pakanta-kanta pa din sa passenger seat. Kumalma na s'ya ngunit hanggang ngayon ay hindi pa din s'ya tumitigil sa pagsasalita at pagkanta ng kung ano-ano.
"Hindi ko alam," sabi ko at itinuon ang mga mata sa daan. "Panahon lang ang makakapagsabi."
Napahinga nang malalim si Ronmar. Naiintindihan ko ang dismayang lumarawan sa mukha ng lalaki dahil katulad ng iba pang alagad ng batas dito sa bayan ng Raja Soliman ay gusto ng lahat na matulungan ang kaso ng matanda. Ngunit wala talaga kaming alam na paraan para mahanap si Maebel dahil lahat na ng paraan ay ginawa namin ngunit laging iisa lang ang resulta niyon. Lagi kaming bigo at hindi makausad.
"Puting van, puting van!" Paulit-ulit na kinakanta iyon ni Mang Kanor.
Hindi uso ang traffic sa probinsya kaya mabilis kaming nakarating sa sentro ng bayan. Agad na pumarada sa parking lot ng presinto ng Raja Soliman ang sasakyan namin.
Bumaba ako doon at binuksan ang pintong nasa tapat ni Mang Kanor. Inalalayan ko ang matanda sa pagbaba.
"Kanor!" Mabilis na lumabas sa presinto si Aling Lidya, ang asawa ni Mang Kanor. "Saan ka na naman ba nanggaling?"
"Sa dati pa din, Aling Lidya," sabi ko sa babae. "Huwag po kayong mag-alala at maayos naman s'ya. Wala din s'yang sugat hindi katulad ng dati."
Naiiyak na hinarap ako ni Aling Lidya. "Maraming salamat talaga sa 'yo, Detective Myra."
Tinapik ko sa braso ang matandang babae at hinarap si Ronmar. "Ihatid mo na sila, Ron."
Sumaludo ang partner ko at iginiya ang mag-asawa sa patrol car.
"Done?"
Literal na gumuhit ang matamis na ngiti sa mukha ko nang marinig ang malamig at malalim na boses na iyon.
"Love!" I greeted Algean.
Itinuro ni Algean ang presintong pinanggalingan n'ya. "Kakarating ko lang and they asked me to wait you inside."
Sinulyapan ko ang mga kasamahan kong sumisilip sa salaming pinto ng presinto. They're cheering and teasing me like the usual.
"Tapos na ang duty ko for today," sabi ko pagkatapos humalik sa pisngi n'ya. "How about you? How's your day?"
Pumaikot ang bisig ng lalaki sa baywang ko. "I had a seven hours operation that's why I'm a bit tired and sleepy."
Kaagad na tiningala ko ang mukha ng kasintahan. Halata nga ang pagod sa mukha n'ya. Namumungay din ang mga mata n'ya.
"Dapat ay dumiretso ka na sa inyo. You need rest."
He looked at me lovingly. "I did. I'm home right now. Ikaw ang pahinga ko, hindi ba?"
Kinikilig na napahagikhik ako. Malambing na pinisil ni Algean ang tungki ng ilong ko at inalalayan ako papunta sa sasakyan n'ya. Pinagbuksan n'ya ako ng pinto ng sasakyan bago dumiretso sa driver's seat.
"Sinabi sa akin ni Rex na hindi ka pa kumakain," tukoy ni Algean sa isa sa mga kasama ko sa trabaho. "Where do you want to eat?"
Inayos ko ang seatbelt at hinarap s'ya. "Sa bahay na lang tayo, I'll cook for you."
Nangunot ang noo ni Algean. "Are you sure?"
Tumango ako. "Pwede ka ding magpahinga muna bago ka bumalik sa ospital. Siguradong may duty ka later."
Napahawak sa noo ang lalaki. "Oh, right. Pasensya na Love, tinamaan kasi ng dengue si Doctor Sioco kaya ako ang nagco-cover sa shift n'ya."
Buong pusong tiningnan ko ang kasintahan. "Huwag kang mag-alala, naiintindihan ko."
Binuhay ni Algean ang makina ng sasakyan at ilang segundo lang ay nasa kalsada na kami.
Katulad nang dati ay isang kamay n'ya lang ang nasa manibela dahil ang isa ay nakahawak sa kamay ko. Sobrang lambing n'ya at maraming beses ko nang pinasasalamatan ang Lumikha dahil sa uri ng lalaking ipinagkaloob n'ya sa akin.
Nasa tatlumpung minuto din ang naging byahe namin bago pumarada ang sasakyan sa garahe ng bahay namin.
"Sina Ate Lyn lang ang nandito dahil may pinuntahan sina Mama," sabi ko habang papasok sa loob.
Sinalubong kami ng dalawang katulong para batiin.
"Myra," bati sa akin ni Ate Lyn. "Dumating na ang gown mo kanina lang."
Nakaramdam ako ng excitement sa narinig at napabaling sa kasintahan. Katulad ko ay nangingislap din ang mga mata ni Algean dahil sa narinig.
"Nasa silid mo na iyon kasama ang iba pang isusuot mo sa kasal mo," dagdag pa ni Ate Lyn sa nanunudyong boses.
Nagpaalam din kaagad si Ate Lyn para maghanda ng maiinom kaya agad akong dumiretso sa hagdanang magdadala sa akin sa ikalawang palapag ng tahanan namin.
"Gusto mo bang makita?" Nilingon ko si Algean na halata din sa mukha ang excitement.
"Gustong-gusto..."
"Dito ka lang," sabi ko sa nobyo at agad nang umakyat sa hagdan.
Halos liparin ko ang kahabaan ng hagdanan para lang makarating agad sa silid ko. Pagkabukas ko pa lang sa pinto ng silid ko ay nakita ko na ang ilang kahon sa ibabaw ng kama ko.
Dali-dali kong nilapitan ang mga iyon. Ipinusod ko ang buhok ko at kaagad na nagtanggal ng damit.
Dahan-dahan kong kinuha ang puting-puting wedding gown mula sa kahon at maingat na isinuot iyon.
Halos lumundag ang puso ko nang makita ang sariling repleksyon sa salamin. Alam kong maganda ang disenyo at istilo ng gown ngunit nangibabaw pa din ang kasiyahan at kislap sa mga mata ko.
Naglagay ako ng kaunting powder sa mukha at nagpahid ng lipstick sa labi. Nang masiyahan sa itsura ay lumabas na ako sa silid ko. Tinunton ko ang hallway papunta sa hagdanan.
Kitang-kita ko kung paanong napatayo si Algean mula sa pagkakaupo sa sofa nang makita ako. I saw how he tried to suppress his feeling to run towards me.
Nasa ikalawang palapag ako ngunit nadinig ko pa din ang pagsinghap n'ya. He wiped his tears while staring at me lovingly.
Mabilis na umakyat din s'ya at inalalayan ako pababa.
"Nako! Bakit mo isinukat ang wedding gown?"
Pareho pa kaming nabigla ni Algean nang marinig ang naghi-histerikal na boses ng ina ko. Kapapasok lang nila ng ama ko sa bahay.
Nanatiling nakaalalay sa akin si Algean hanggang sa tuluyan kaming makababa at makalapit sa magulang ko.
Nagmano kami kina Mama at Papa pagkalapit sa kanila.
"Hindi magandang isinusukat ang damit pangkasal bago ang mismong araw ng kasal!" Bahagyang nataranta si Mama.
"Huwag po kayong mag-alala, Mama," turan ni Algean. "Wala pong dahilan para hindi matuloy ang kasal namin ni Myra. At wala ding makakapigil sa kasal namin."
"Naku, hayaan n'yo na ang Mama n'yo at alam n'yo namang madami talaga tayong pamahiin," biro ni Papa na ikinatawa namin.
Agad nga lang nawala ang kasiyahang nararamdaman ko nang mapadako ang mga mata ko sa gown na suot ko. May kung anong kabang bumundol sa loob ko pero hindi ko na pinansin pa iyon.
❤