Chapter 4- In Doubts

2193 Words
Myra’s Pov: “Sigurado ka bang okay ka lang dito?” Napangiti ako nang marinig ang tanong ni Mama. Ilang beses na n’ya akong tinanong at kanina pa rin s’ya hindi mapakali. Mula sa pagkakaupo sa sofa ay lumapit ako sa kanya at niyakap ang braso n’ya. Humilig ako sa balikat n’ya. “Ma, ilang beses mo na akong tinanong sa bagay na iyan. Of course, I’m fine here. Narito ako sa loob ng bahay natin kaya siyempre pa ay maayos ako rito.” Huminga nang malalim si Mama. “Hindi mo maiaalis sa akin ang pag-aalala. Dalawang araw na mula nang umalis ka sa trabaho mo at wala kang ibang pinagkaabalahan kundi ang manatili rito sa loob ng bahay natin. Ikakasal ka na sa isang araw kaya hindi ko maiwasang hindi mag-alala.” Natawa ako sa sinabi n’ya. Inakay ko s’ya paupo sa sofa. “Ma, ano bang ipinag-aalala mo? Saka may pinagkakaabalahan ako rito. Cheni-check ko kung okay na ang lahat ng kailangan sa kasal ko. Ayoko namang kung kailan naglalakad na ako sa altar ay saka naman magkakaroon ng problema.” Tiningnan ni Mama ang ilang magazine at papel na nasa ibabaw ng babasaging lamesa. “Pupunta ba rito si Algean mamaya?” tanong n’ya. Tumango ako at kinuha ang baso na naglalaman ng orange juice. “Yes, po. Dadaan s’ya rito mamaya bago dumiretso sa shift n’ya sa ospital.” “Ospital?” Takang hinarap ako ni Mama. “Bakit hanggang ngayon ay nagtatrabaho pa s’ya? Hindi ba dapat ay nag-leave na s’ya dahil sa kasal n’yo?” “Mama, doctor si Algean. Hindi naman n’ya puwedeng tanggihan ang mga pasyente n’yang nangangailangan ng medikal na tulong. Isa pa ay bukas pa ang simula ng dalawang linggong leave n’ya sa trabaho,” paliwanang ko bago uminom ng juice. “Kahit na, dapat ay sinasamahan ka n’ya. Nag-resign ka nga sa trabaho para matutukan ang kasal n’yo, hindi ba?” Napahinga ako nang malalim. Ilang araw ko nang napapansin na hindi mapakali si Mama. Gusto n’ya lagi akong nakikitang may ginagawa. Minsan nga ay s’ya pa ang nagsasabing lumabas kami ng mga kaibigan ko para naman malibang ako. Noong una ay inakala kong kaya s’ya nagkakaganoon ay dahil nag-aalala s’ya sa akin. Naisip kong baka dahil iyon sa ginawa kong pag-alis sa trabaho. Alam ng buong pamilya ko ang pagmamahal ko sa trabaho at alam kong kahit hindi sila magsalita ay iniisip nilang malaki ang epekto sa akin ng pag-alis ko sa serbisyo. Apektado naman talaga ako. Malungkot ako at hindi pa ako nasasanay dahil hindi pa naman gaanong matagal mula nang mag-resign ako. Aminado rin akong napapatulala ako sa uniporme ko at paminsan-minsan ay hinahanap-hanap ko ang trabaho pero wala akong pinagsisisihan. Dahil mas nangingibabaw sa akin ang pagmamahal ko sa lalaking pinangakuan ko ng habangbuhay. “Ma, iba po ang sitwasyon ni Algean kaysa sa akin. Desisyon kong umalis sa serbisyo dahil iyon ang naiisip kong dapat kong gawin. “Hinawakan ko ang parehong kamay ng ina ko. “Matagal ko pong pinag-isipan ang desisyon ko at sa maniwala kayo o sa hindi, nalulungkot pa rin ako pero hindi ako nagsisisi sa naging desisyon ko. Dahil alam kong ito lang ang paraan para magkaroon kami ng maayos at payapang buhay ng mapapangasawa ko.” Malungkot na tumingin sa akin si Mama. “Pasensya ka na sa mama mo, anak. Hindi ko lang talaga maiwasang malungkot. Siguro ay dahil ikaw ang panganay ko at kung ako ang tatanungin ay ayoko talagang umalis ka sa pamamahay na ito.” “Ma!” Napahalakhak ako. Tumawa na rin si Mama. “Wala nga lang akong maihuhusga kay Algean dahil alam kong mabuting bata ang mapapangasawa mo. Wala akong dahilan para tutulan ang pagpapaksal mo sa kanya.” Mas lumakas ang halakhak ko. “Huwag kang mag-alala, Mama. Kahit naman magpakasal kami ay hindi naman kami lalayo. Magkakaroon lang kami ng sariling bahay at magsisimula ng pamilya pero mananatili pa rin ako bilang anak n’yo.” Suminghot si Mama. Bahagyang nanubig ang gilid ng mga mata n’ya. “Kumusta na nga pala iyong ipinapagawa n’yong bahay? Patapos na ba at puwede na ba iyong lipatan?” Excited na tumango ako. “Opo. Nililinisan na lang at baka bukas ay iayos na ang mga gamit na naipon namin. Pagkauwi ni Algean bukas ng umaga ay matutulog lang daw s’ya sandali pagkatapos ay bibisitahin namin ang magiging bahay namin.” “Hindi yata tama iyon,” ani Mama. “Ikakasal na kayo sa isang araw pero magkikita pa rin kayo hanggang sa bisperas ng kasal n’yo. Masama iyon.” Kumamot ako sa ulo at naiiling na sumandal sa sofa. “Mama naman, pamahiin lang iyan saka wala namang mangyayaring masama. Wala naman akong planong umurong at mas lalo na si Algean. Kung puwede nga lang na ikasal na kami ngayon ay siguradong nagha-honeymoon na kami sa mga oras na ito.” Natawa na rin si Mama. “Gawin n’yo ang lahat para magkaroon agad ako ng apo.” Sumaludo ako kay mama kaya mas lalo s’yang natawa. Nawala na rin ang kalungkutang kanina lang ay nasa mga mata n’ya. “Saan nga pala kayo pupunta ni Papa, Mama?” tanong ko. “Nasa garahe na si Papa at katulad n’yo ay bihis na bihis din s’ya.” Inayos ni Mama ang bag na nakasabit sa braso n’ya. “Pupunta kami sa kabilang bayan at magdadala ng invitation card sa mga kamag-anak natin doon.” “Oh, pupunta ba kayo kina Tita Cion, Mama?” Kaagad na tumango si Mama. “Oo at baka kasama na rin namin mamaya ang iba mong tita at mga pinsan. Dito na sila magpapalipas ng ilang araw sa atin para hindi na sila mahirapang bumiyahe sa araw ng kasal mo.” Tumango ako at itinuro ang ikalawang palapag ng bahay namin. “Kaya pala ipinalilinis n’yo ang mga guest room.” Ngumiti si mama. “Natutuwa nga ako dahil mukhang pupunta ang lahat ng mga kamag-anak natin. Plano rin naming na pagkaalis n’yo ni Algean para sa honeymoon n’yo ay maliligo kami sa dagat.” Tumango-tango ako. “Maganda iyan, Mama. Makakapaglibang sina Lola Charing. Gusto n’yo bang ako na ang magpa-book ng reservation n’yo para roon? Maganda sa Ocean and Green Resort, malalaki at malilinis ang mga swimming pool at may dagat pa. Siguradong mag-e-enjoy pati ang mga bata.” Nangislap ang mga mata ni Mama. “Sige, anak. Gusto ko iyan. Ikaw na ang bahala.” Tumango ako at tumayo na. Bago pa tamarin si Mama ay inakay ko na s’ya papunta sa may pintuan para makaalis na sila. Naghihintay na rin doon si papa at maging ang kapatid kong si Lazarus. “Ingat kayo, ‘Pa.” Lumapit ako kay papa at humalik sa pisngi. “Hindi porke wala na ako sa serbisyo ay puwede na kayong mag-drive nang mabilis.” Humahalakhak na ginulo ni papa ang buhok ko. “Oo na, Miss Detective. Huwag kang mag-alala, anak. Takot din naman akong mag-drive nang mabilis.” “Ba-bye, Ate Myra!” Kumaway pa sa akin si Lazarus bago pumasok sa backseat. Hinintay ko muna silang makalabas ng garahe bago muling pumasok sa loob ng bahay. Tatlong katulong ang kasama ko ngayon pero dahil magkakaroon kami ng mga bisita ay halos hindi ko rin makita ang kahit isa sa kanila. Hindi naman nakakapagtaka iyon dahil siguradong pare-pareho silang abala. Lumipas pa ang mga minuto at naging abala na ako sa pagsusuri ng bawat detalye ng kasal ko. Ka-text ko rin ang wedding organizer namin ni Algean para siguraduhing magiging maayos ang lahat. Katulad ng karamihan sa mga babae ay church wedding ang napili ko, hindi nga lang ako ang nagdesisyon niyon dahil maging pati si Algean ay iyon din ang gusto. Ayon sa kanya ay mas mabuting simulan namin ang pag-iisa namin sa harap ng Diyos, bagay na kaagad kong sinang-ayunan. Sa isang resort na malapit sa Raja Soliman Church ang pagdarausan ng reception. Ilang kuwarto rin ang nirentahan namin doon para sa mga bisitang hindi na magagawang makauwi sa oras na matapos ang kasal. Mula sa binabasang magazine ay umangat ang mukha ko nang marinig ang pagtunog ng doorbell. Kaagad na nangunot ang noo ko dahil wala naman akong inaasahang bisita ngayong araw. Sandali pa akong nanatiling nakaupo lamang, hinihintay na may isa sa mga katulong ang lumabas ngunit nakailang tunog na ang doorbell ay wala pa ring lumalabas kahit anino ng mga katulong namin. Mukhang madami talaga silang ginagawa. Tumayo ako at tinungo ang labas ng bahay. Nilampasan ko ang garahe at tinungo ang mas maliit na gate. Sinilip ko mula roon ang taong nasa likod niyon. Kaagad na nangunot ang noo ko nang makita si Ronmar. Mabilis na binuksan ko ang gate at hinila papasok ang dating ka-partner. “Anong ginagawa mo rito, Ronmar?” takang tanong ko at bahagya pang sumilip sa siwang ng gate. “Hindi ka pa rin nagbabago, Detective Myra,” ani Ronmar at napapalatak. “Huwag kang mag-alala, walang nakasunod sa akin dahil wala namang nakakaalam na may ginagawa akong lihim na imbestigasyon. Wala rin namang corrupt sa mga kasama natin kaya walang dahilan para maging paranoid ka.” Umismid ako. Pinili ko na lang na huwag nang magsalita. Dahil kahit pilit na itanggi ko ay hindi pa rin mawala sa akin ang pag-iisip na hindi lahat ng alagad ng batas sa presinto ng Raja Soliman ay mga matitino. Malakas talaga ang pakiramdam ko na may mga pulis sa presinto namin na may ginagawang labag sa batas. Bigo nga lang akong mapatunayan iyon dahil wala naman akong ebidensya. Ang kutob ko lang ang mayroon ako kaya hindi ko magawang isaboses iyon kahit kanino. At hanggang sa mga oras na ito ay sinasarili ko lang ang isiping iyon. “At wala ring mag-iisip na may ibang dahilan ang pagpunta ko rito dahil alam ng lahat sa presinto natin na malapit tayong magkaibigan,” dagdag pa n’ya at iniabot sa akin ang isang puting kahon. Kaagad na nakilala ko ang kahon, mula iyon sa paborito kong bake shop. Nang silipin ko ang kahon ay naglalaman iyon ng ilang malalaking cupcakes. “Hindi ka na dapat nag-abala pa,” sabi ko at kaagad na binuksan ang kahon at kinagat ang cupcake. “Nagmemeryenda na ako pero salamat pa rin dito.” “Galing iyan kay Chief.” Kaagad na nailuwa ko ang nginunguyang cupcake. Tawang-tawa naman si Ronmar sa naging reaksyon ko. “Hindi mo ba ako iimbitahan sa loob ng bahay n’yo, Detective?” naaaliw na tanong n’ya. “Siguradong sa oras na may makakita sa atin na magkausap dito sa may garahe n’yo ay tiyak na mag-iisip iyon ng kung ano at— Hindi pa man s’ya natatapos magsalita ay mabilis ko na s’yang hinawakan sa kamay at hinila papasok sa loob ng bahay. Pinaupo ko s’ya sa sofa at inilapag sa lamesa ang kahon ng cupcakes. Iniligpit ko rin ang mga papel at magazine na nakakalat sa lamesa. “Ikukuha lang kita ng baso,” sabi ko at mabilis na tinungo ang kusina. Wala pang isang minuto ay kaagad na akong bumalik sa sala dala ang isang baso. Iniabot ko iyon kay Ronmar bago naupo. Itinuro ko ang kahon na naglalaman ng mga cupcakes. “Anong dahilan ni Chief para bigyan ako ng mga iyan? Don’t tell me na nami-miss na n’ya kaagad ang presensya ko sa presinto?” “As a matter of fact, yes.” “What?!” Natatawang sumandal si Ronmar sa sofa. “Nag-iisa ka lang kasi, Detective. Lahat ng naiwan sa presinto ay masunurin at umiiwas sa gulo. Ikaw lang iyong natatanging pasaway at ginagawa ang lahat ng maisipang gawin kaya mami-miss ka talaga ni Chief.” “Is that a compliment or a sarcasm?” Nakaismid na tiningnan ko ang dating ka-partner. “At hindi porke nag-resign na ako ay tatawanan mo na lang ako. Ako pa rin ang senior mo.” Inambahan ko pa s’ya ng kamao ko. Natatawang itinaas ni Ronmar ang dalawang kamay. “Iyon nga ang pinasasabi ni Chief, Detective. Na ibigay ko sa ‘yo ang paborito mong cupcake at sabihing nami-miss ka n’ya.” Awtomatik na tumaas ang kaliwa kong kilay. “And sigurado rin akong sinabi n’ya lang iyon para marinig ng iba pang kasamahan nating nasa presinto,” wika ni Ronmar. “Mukhang katulad mo ay nag-iingat din si Chief na may mga kasamahan natin sa serbisyo na mag-isip ng kakaiba. Hindi ko nga lang alam kung bakit pareho kayong nag-iingat tungkol sa bagay na hindi ko talaga magawang maunawaan.” I looked at Ronmar. Nasa mga mata n’ya ang confusion at ilang mga tanong na alam kong hindi ko magagawang sagutin dahil sa ilang dahilan. Una, wala na ako sa serbisyo. Pangalawa, ang lahat ng nangyayari sa loob ng presinto ng Raja Soliman ay wala nang kinalaman sa akin at wala na akong dahilan para alamin pa iyon. Kaya kung sakaling tama nga ang kutob ko, sa oras na mapatunayan kong mali ang paniniwala ng lahat na malinis ang kapulisan ng buong presinto rito sa Raja Soliman, wala na rin naman akong magagawa pa.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD