Myra’s Pov:
Matagal na namayani ang katahimikan sa pagitan namin ni Ronmar. Napuno ng mga katanungan ang isip ko at hindi ko alam kung mahahanapan ko pa ng mga sagot ang mga tanong na namuo sa isip ko. Hindi ko maiwasang hindi makaramdam ng pagdududa at pag-aalala.
Noon pa man ay naramdaman ko nang may mali sa kaso ni Maebel. Hindi ko nga lang alam kung saan ko hahanapin ang maling iyon kaya hindi ko na nagawang hanapin ang mga sagot sa mga katanungan ko. Hindi ko akalaing sa paglipas ng mga taon ay mas lalong madadagdagan pa ang mga tanong na matagal nang nasa isip ko.
Mas dumami ang mga tanong at hindi ko sigurado kung masaagot pa ba ang kahit isa sa mga iyon.
Huminga ako nang malalim at sumandal sa sofa. Ipinikit ko ang mga mata habang nakahilig ang ulo sa malambot na sofa. Kanina pa ako nagbabasa ngunit ngayon ko lang naramdaman ang pananankit ng ulo.
“Sigurado ka ba sa sinasabi mo?” tanong ko kay Ronmar pagkatapos ng ilang sandali. Nagmulat ako ng mga mata at tiningnan ang dating kasamahan. “Dahil noong binuksan ko ang kaso ni Maebel ay wala naman akong napansin na katulad ng sinabi—
Kaagad na natigilan ako nang may ilang pangyayari sa nakaraan ang kaagad na sumilip sa isip ko. Muli akong napahugot ng malalim na paghinga. Hinilot ko ang sentido at ilang beses pa akong napahinga nang malalim.
“Bakit, Detective Myra?” tanong ni Ronmar. Nasa mga mata n’ya ang kalituhan. “May problema ba?”
Umiling ako. “Mukhang alam ko na kung saan may mali.” Bahagya pa akong natawa nang ma-realize na huli na ako. “Hindi ko nga lang naisip na saka ko lang malalaman ang tungkol doon ngayong wala na akong dahilan para alamin pa iyon.’
Ikiniling ni Ronmar ang ulo. “Hindi kita naiintindihan pero pakiramdam ko ay nasusundan ko ang gusto mong sabihin, Detective.”
I looked at him straight in his eyes. “Noong nagdesisyon akong buksan ang kaso ni Maebel, hindi ko man hiningi ang permiso ni Chief Regalado noon ay hindi ko naman iyon inilihim. Hanggang sa nalaman ni Chief ang ginagawa ko, hindi n’ya ako pinigilan at hinyaan n’ya lang ako. That time, bukas sa lahat ng mga kasama natin sa presinto ng Raja Soliman ang ginagawa ko. Nakasuporta pa sila sa akin…”
Tumango-tango si Ronmar.
Muli akong natawa. “But, that was also the time that I felt something was wrong with the case. Hindi ko nga lang nagawang alamin kung ano at saan ang mali dahil na-overwhelm ako sa mga suporta ng mga kasama ko noon sa presinto. Sinuportahan nila ako sa ginagawa ko. And I think, dahil doon ay nakalimutan kong sundin ang kutob ko.”
Uminom si Ronmar mula sa juice. “Ibig mo bang sabihin ay pinaniwala ka ng mga dati mong kasama na sinusuportahan nila ang ginagawa mong imbestigasyon noon? Kaya sa halip na pagdudahan mo sila ay mas nagpursige kang maresolba ang kaso dahil sa marami ang nakasuporta sa ‘yo?”
Mapait na ngumiti ako at tumango. “Sad to say, nabigo akong malaman kung sino ang mga taong hindi ko dapat pinagkatiwalaan noon. Bago pa lang ako sa force ng mga panahong iyon at ang ilan sa mga dating kasama ko ay nasa ibang lugar na at doon na nakadestino.”
“Puwede tayong mag-background check,” suhestiyon ni Ronmar.
Mabilis akong umiling. “Malabo iyan. Sa oras na magkamali ka ay kaagad na malalaman ng lahat ang ginagawa mo. Malalagay ka sa alanganin at ganoon din ang posisyon ni Chief Regalado.”
“Kung ganoon ay anong gagawin natin?” Napakamot sa ulo si Ronmar. “Ano palang gagawin ko?”
Kinagat ko ang ibabang labi. “Open investigation ang isinagawa ko noon. Hindi ko man ipinaalam sa pamilya ng biktima ay alam naman iyon ng buong pwersa ng presinto ng Raja Soliman.” Muli akong napailing. “And about what you had said, mukhang dahil sa paraan ng pag-iimbestiga ko noon kaya hindi ko nalaman na matagal nang nakalagay sa mga cold cases ang kaso ni Maebel.”
Sandaling napanganga si Ronmar. “Hindi ba ikaw mismo ang kumuha ng report sa kaso ni Maebel sa records room?”
“Hindi,” maikling sagot ko. “And sigurado akong kahit ako ang kumuha niyon ay hindi ko pa rin malalaman ang tungkol sa nalaman mo ngayon dahil alam ng lahat ang pag-iimbestiga ko sa kasong iyon.”
“At kaya nalaman ko iyon ngayon ay dahil lihim ang isinasagawa kong imbestigasyon, tama ba ako, Detective Myra?” tanong ni Ronmar at itinuro pa ang sarili. “Ginawa kong dahilan iyong pagkakalkal ko sa records noong mga kasong naresolba natin noong isang taon. Habang ginagawa ko iyon ay nagbabasa naman ako ng mga impormasyon tungkol sa kaso ni Maebel.”
“Kailangan mong mag-ingat, Ronmar,” madiing sabi ko. “Hindi ko alam kung nagkataon lang bang si Maebel ang nawala sa mga panahong iyon o may mas malalim pang kuwento sa likod ng kasong ito. Anuman ang malaman mo ay kailangan mong mag-ingat. Huwag na huwag ka ring magtitiwala sa kahit sino.”
Si Ronmar naman ang napahawak sa ulo. Sumandal s’ya sa sofa at tila pagod na pagod na tumingala sa kisame. “Hindi ba ako puwedeng humingi ng tulong kay Chief Regalado?”
“Maaaring wala ring alam si Chief,” sagot ko. “Dahil kung mayroon man, matagal nang naresolba ang kasong ito.”
Muling kaming nanahimik. Nahulog ako sa malalim na pag-iisp at hindi na ako magtataka kung pati si Ronmar ay nag-iisip na rin ng kung anu-ano sa mga sandaling ito.
Lumipat sa magazine at mga papel ang mga mata ko. Lahat ng nasa mga papel ay mga impormasyon tungkol sa kasal ko. Listahan ng pagkain, mga bisita at mga mahahalagang tao na dadalo sa pinakamasayang araw ko.
Gusto kong muling imbestigahan ang kaso ni Maebel ngunit wala na akong magagawa pa para ituloy iyon. Wala na ako sa serbisyo at hindi ko puwedeng isakripisyo ang kasal namin ni Algean para lang sa ikatatahimik ng konsensya ko.
Nagdesisyon na ako at paninindigan ko iyon. Ngunit sa kabila niyon ay hindi pa rin ako makawala sa sundot ng konsensya.
“Anong gagawin ko kapag nalaman kong may anomalyang nangyayari sa loob ng presinto natin, Detective Myra?” tanong ni Ronmar na bumasag sa mga iniisip ko.
Napakurap ako at napatingin sa dating kapareha. Nasa mga mata n’ya ang kalituhan at nakita ko ang sarili ko sa kanya noong mga panahong kinukutuban ako dahil sa parehong dahilan.
Madaming beses na naisip ko ang posibilidad na iyon. Hindi dahil sa wala akong tiwala sa mga kasama ko sa force kundi dahil alam ko kung ano ang nagagawa ng pera at kapangyarihan. Alam ko kung gaano kadilim ang mundong ginagalawan namin.
May dahilan kung bakit hindi maganda ang tingin ng publiko sa aming mga alagad ng batas. At hindi rin ako naniniwalang lahat ng nasa presinto ng Raja Soliman ay nagpapahalaga sa kanilang mga badge at sinumpaang tungkulin. May mga alagad ng batas na nagpakain na sa sitema ng korapsyon at masasamang gawain. Masyado nga lang akong mahina dahil hindi ko tinanggap ang posibildad na iyon noon.
Masyado akong nabulag na may maganda pa sa mundong ito.
Wala sa sariling napahinga ako nang malalim.
“Detective Myra…” tawag sa akin ni Ronmar. “Magagawa ko bang resolbahin ang kaso ni Maebel samantalang ikaw ay nabigong gawin iyon?”
Buo ang tiwalang tiningnan ko ang dating kasama. Tinapik ko ang balikat n’ya. “May dahilan kung bakit ikaw ang pinili ko para buksan ang imbestiagsyon na iyan.”
Nangunot ang noo ni Ronmar. “Huh?”
“Nakasama na kita ng ilang taon, Ron. Sa mga panahong nadadala ako ng emosyon, ikaw iyong laging nakaalalay sa akin at ilang beses mo na ring iniligtas ang buhay ko. At kahit na mas bata kaysa akin, nasisiguro kong magaling kang pulis at kung hindi ka magpapakain sa dilim ng sistema sa trabaho mo, sigurado akong magiging isa kang alagad ng batas na ipagmamalaki ng lahat.”
Ngumiwi si Ronmar. “Hindi ko yata gusto ang mga narinig ko, Detective. Bakit parang namamaalam ka na? Ikakasal ka lang naman, hindi ka naman mag-a-abroad, hindi ba?”
Natatawang binatukan ko ang lalaki. “Kung anuman ang malaman mo. Mag-ingat ka. Huwag na huwag kang magdedesisyon base sa nararamdaman mo. Stay calma and focus.”
Pilit ang ngiting tumango si Ronmar. “Ibig sabihin ay kailangan ko nang ihanda ang sarili ko, hindi ba, Detective?”
Muli kong tinapik ang balikat n’ya. “Alam kong alam mong hindi ganoon kaganda ang mundong ginagalawan natin, Ronmar. Mapupuno ka ng disappointment but never lose yourself in the process.”
Tumango si Ronmar at sumaludo. “Huwag kang mag-alala, mag-iingat ako at sisiguraduhin kong kapag hindi ko na alam ang gagawin ko ay ikaw ang una kong hahanapin.”
Ngumiti ako. Hindi ko nga lang sigurado kung bakit parang biglang umasim ang sikmura ko. Kumabog nang sobra ang dibdib ko at may dalawang segundo rin yata akong hindi makahinga.
“Detective, may problema ba?” nag-aalalang tanong ni Ronmar. “May masama ka bang nararamdaman?”
Huminga ako nang malalim saka umiling. “Hindi. Wala naman, nangasim lang ang sikmura ko.”
Ngunit sinong niloloko ko? Alam kong hindi nangasim ang sikmura ko. Ganitong-ganito ang pakiramdam ko sa tuwing may hindi magandang mangyayari. Kaagad na nararamdaman ng katawan ko kapag may masamang mangyayari sa hinaharap at hindi ko talaga gusto ang pakiramdam na ito.
Hindi na nakapagtanong pa si Ronmar nang may kumatok sa nakabukas na pinto. Kaagad akong napatayo nang makita si Algean, nakangiti s’ya at bahagyang inaantok habang nakatanaw sa amin.
“Pumasok na ako dahil mukhang hindi n’yo narinig ang pag-do-doorbell ko,” ani Algean at hinalikan ako sa pisngi bago bumaling kay Ronmar. “Oh, Ron, nandito ka pala.”
Kaagad na tumayo si Ronmar at nakipagkamay sa mapapangasawa ko. “Doctor, congratulations sa kasal n’yo.”
Natatawang tinanggap ni Algean ang pakikipagkamay ng dati kong kapareha. “Lagi mo na lang akong binabati sa tuwing nagkikita tayo.”
Tumawa rin si Ronmar at itinuro ang kahon ng mga cupcakes. “Dumaan lang ako rito para dalhin iyong mga cupcakes. Ipinapabigay ni Chief Regalado sa paborito n’yang detective.”
I forced a laugh. Hindi ko pa rin magawang makabawi sa naramdaman ko kanina. Iba na rin ang takot na nararamdaman ko ngayon at hindi ko alam kung bakit nakakaramdam ako ng takot sa mga sandaling ito, kung kailan wala na ako sa serbisyo.
Wala sa sariling napatingin ako kay Ronmar na nakikipagtawanan kay Algean. Hindi kaya… Paano kung para kay Ronmar ang takot at kabang nararamdaman ko? Dahil sa kasong hiniling kong imbestigahan n’ya?
Makakaya kaya ng konsensya ko na mapahamak ang dating kasama dahil lang sa kasong hindi ko nagawang maresolba? Paano kung iyon ang maging dahilan ng panganganib ng buhay n’ya?
“Mukhang nakakabala na ako rito,” ani Ronmar. “mauuna na ako, Doctor Algean. Detective Myra,” paalam pa ng lalaki.
“Sandali lang, Ronmar.” Kaagad kong hinawakan ang braso ni Ronmar at hinila. Bahagya kaming lumayo kay Algean.
“May problema ba, Detective?” takang tanong ni Ronmar at sinulyapan si Algean. “Baka magselos ang mapapangasawa mo,” biro pa n’ya.
Huminga ako nang malalim at hindi pinansin ang pagbibiro ng lalaki. “Mag-iingat ka. Kahit anong mangyari ay huwag kang gagawa ng ikapapahamak mo, naiintindihan mo ba ako?”
Nakauunawang tumango si Ronmar. “Oo naman. Wala ka bang bilib sa akin, Detective Myra? Ikaw ang naging mentor ko, hindi ba? Kilala mo ako.”
Tumango na lang ako at inihatid na s’ya sa may pinto. Muling nagpaalam sa amin si Ronmar at nanatili akong nakatanaw sa kanya hanggang sa lumabas na s’ya ng gate. Nang marinig ko ang tunog ng sasakyan n’ya ay saka lang ako nakahinga nang maluwag.
“May probelma ba?” tanong ni Algean na hindi ko namalayang nakalapit na pala sa akin. “May bago ba s’yang hawak na kaso na delikado?”
Umiling lang ako at humilig sa balikat ng kasintahan. “I’m sorry that I couldn’t tell you the details.”
Yumakap sa akin ang mga braso ni Algean. “It’s okay. Huwag ka nang mag-alala kay Ronmar, he’s a good detective. Siguradong walang mangyayaring masama sa kanya.”
Napangiti ako. Dahil sa narinig ay naging panatag ang puso ko. Tuluyan ko nang itinaboy sa kasuluk-sulukan ng loob ko ang negatibong emosyong kanina lang ay nararamdaman ko.
Tiningala ko si Algean. “Anong oras ang tapos ng shift mo?”
He kissed me on my forehead. “Bukas ng alas sais ng umaga. Didiretso muna ako sa amin para matulog then after lunch ay pupunta ako rito. Bibisitahin natin ang bahay natin.”
Ngumuso ako. “Magpahinga ka na lang kaya bukas, kasal na natin sa isang araw. Puwede naman nating bisitahin ang bahay natin pagkatapos ng ating honeymoon.”
He giggled. “I promised you that we will visit our house, iyon ang gagawin natin, alright?”
Gusto ko mang tumutol ay tumango na lang ako. Excited na rin naman akong makita ang magiging tahanan naming dalawa.