PART 1
"Andy, sukob ka na sa payong ko," paanyaya ng isang babaeng maganda na isa ring estudyante sa Sanchi College kay Andy.
Subalit kaysa tanggapin ng binatang guwapo ang tulong ay tipid na ngumiti siya’t umiling lamang. Ang lakas kasi ng ulan at wala siyang dala na payong kaya inaalok siya nang mga nakakakita sa kanya.
Siya kasi si Andy Pagdatu, ang campus crush ng Sanchi College kahit na first year pa lang siya sa kursong Business Management. Napataob niya noon ang dating campus crush dahil napansin agad ng marami ang kanyang kaguwapuhan. Walang kahirap-hirap na napasakanya ang tronong pagiging campus crush. Iba kasi ang kaguwapohan niya raw. Nakakakilig o mas tamang salita ay nakakalaglag panty raw kaya siya na ang tinitilaan ngayon ng maraming kababaihang estudyante. Isama na ang mga bading na halos mahimatay kapag nakikita siya.
Wala rin ang kanyang motor o kotse dahil naki-ride lang siya kanina sa barkada niyang si Patrick. Hindi naman niya akalaing may biglang lakad ang kabarkadang iyon ngayong uwian kaya napag-iwanan siya, kung kaya wala na siyang magawa kundi ang maghintay na tumila ang ulan.
Hindi nga lang nagtagal ay iilan na lang ang estudyante ng school kaya medyo nag-aalala na siya. Ayaw naman niyang pagbigyan ang mga offer sa kanya ng mga magagandang chiks dahil baka bukas ay laman na naman siya ng tsismis.
Graduate na siya sa pagiging playboy. Sawa na siya sa image niyang iyon. Iniwan na niya sa kanyang high school life kaya hangga't maaari ay iniiwasan niyang magkaroon na naman siya ng issue about sa ganoon.
"Andy, miryenda muna tayo sa canteen. You want? Patilain na lang natin muna ang ulan," anyaya na naman sa kanya ng isa namang sexy na babae kahit estudyante pa lang. Ang kapal ng make-up.
"Sige lang. Busog pa ako eh," tanggi niya ulit.
"Andy, sabay ka na sa 'kin. Saan ba ang way mo? Hatid na lang kita?" papansin rin ng isa pang sosyalin na nakasakay naman sa kotse at sinadyang tumigil sa tapat niya para alukin siya ng ride.
"Thanks, pero parating na 'yung sundo ko," magalang pa rin niyang tugon kahit naiinis na siya sa mga makukulit na mga babae. Kung luko-luko lang siya ay ewan na lang.
Kunsabagay, kahit pairalin niya ang playboy image niya ay mapili naman siya. Hindi siya pumapatol sa kung sino-sinong babae tulad ng iba. Hindi siya tulad ng iba na nagpa-cute lang ang isang babae ay sosyotahin na agad. Hindi siya gano’n. Ang mga type lang niya ang pinapatulan niya. Minsan ay nagkasabay-sabay nga lang kaya nabansagan siyang playboy noon.
Hanggang sa tuluyan na yatang naubos ang babae sa school sa mga oras na iyon. Wala nang nangungulit sa kanya, pero ang ulan parang hindi pa rin maubos-ubos. Ang malas pa, eh, na-low battery na ang cellphone niya kaka-online games.
Badtrip talaga ang uwian na ito sa kanya.
Hindi na mailarawan ang kaniyang mukha na napabuntong-hininga. Paano'y mag-iisang oras na siyang nakatayo roon pero wala pa rin siyang magawa kundi ang maghintay pa na tumigil o humina man lang ang ulan.
Nakaramdam na rin siya ng panlalamig kaya nakasuksok na ang kanyang mga kamay sa kanyang magkabilang bulsa. Kaunti na lang ay gusto na niyang magsisi kung bakit hindi pa siya sumabay sa kahit na sino sa mga babae kanina. Inip na inip na siya.
"Kahit sinong babae na 'pag inalok ako ay sasama na talaga ako," ang kanya nang himutok. Ubos na ang kanyang pasensya.
"Andy?" Nang may bigla ngang nagsalita sa likuran niya. "Wala kang payong? Sumabay ka na sa 'kin?"
Napangiti si Andy. Nilingon niya ang nagsalita, ngunit agad ding napawi ang ngiti niyang iyon nang makita niya kung sino ang babae.
Si Yolly pala. Si Yolly Peralta, ang panget nilang kaklase.
Hindi naman sa mapanlait siya pero paano kasi ay baduy manamit si Yolly. May pagkamanang ang style. May salamin pa sa mata, na ewan kung may grado ba o wala. Tapos ang buhok, parang hindi nasuklay ng ilang taon kaya nabansagan itong panget sa school nila. At hindi niya masisisi ang mga kapwa estudyante dahil totoo naman.
"Naku naman," pabulong na reklamo niya sa sarili. "Kung mamalasin ka nga naman talaga, oh." Napahimas siya sa batok niya.
"Malaki ang payong ko," nakangiting ani ni Yolly. Ipinakita nito sa kanya ang hawak na payong. Hiniram iyon ng dalaga sa librarian kung saan ito galing. Kababasa kasi ni Yolly kanina sa mga libro sa library ay hindi nito namalayan na malakas na pala ang ulan.
Napangiwi si Andy sa offer na iyon ng dalaga. Sa isip-isip niya ay huwag na lang. Siguro naman ay may makakakita pa sa kanyang ibang estudyante na puwede niyang pakisabayan.
"Tingnan mo." Pero nang buksan ni Yolly ang payong na dala nito ay napanganga siya. Ang laki kasi ng payong na dala ni Yolly. Parang 'yong payong na ginagamit ng mga surbetero. What the heck!
"Tara?" Lumusong na sa ulan si Yolly.
Napalunok siya. Sabagay nagmamagandang loob lang naman ang panget na dalaga. Saka pansin niya nag-aalok lang ito ng tulong, hindi katulad ng iba na inaalok lang siya dahil crush siya. Ta's malaki ang payong. Puwede na.
"O-okay," alinlangan na niyang pagpayag at tumabi na siya kay Yolly. Kinilatis ang loob ng payong.
Nakangiwi siyang napatitig sa naka-side view na mukha ng dalaga. Ang totoo, humanga na siya rito kasi ang bigat ng payong pero parang hindi man lang nabibigatan.
Seryoso? Payong kaya talaga ito ni Yolly? Hindi niya ma-imagine na dala-dala ng dalaga ang payong na iyon tuwing papasok.
"Hiniram ko lang ito kay Miss Sirvano sa library. Sa tatay raw niya ito," bigla ay sabi ni Yolly. Para ba'y narinig nito ang mga katanungan niya sa isip.
"Ah.” Napahiya siyang tumango-tango. "Ako na hahawak," dikawasa'y gentleman niyang pagpepresenta.
"Sure ka?"
"Yeah." Kinuha niya ang payong pero anong gulat niya nang mabigat pala iyon. "Oy!" Madaling dinalawa niya ang kamay na pinanghawak na niya dahil muntik na niyang mabitawan.
Napangiwi siya. Hindi kaya tayangin sila ng hangin nito?
"Hi-hi," kiming napahagikgik naman ni Yolly.
Pinilit niyang ngumiti rito. Pahiya siya ro'n, ah. Tss!
Pero buti na lang talaga at malaki ang payong ng dalaga, ni ang braso nila ay hindi magdikit. Maluwang silang nakakalakad sa gitna ng ulan. Sapatos lang nila ang nababasa. Kahit na hirap na hirap siya sa paghawak niyon ay okey na rin.
Ang ayaw lang niya ay ang paminsan-minsan na paglinga sa kanya ni Yolly sabay tipid na ngiti. Na parang may gustong sabihin pero dahil nahihiya ay hindi magawa. Nag-iwas na lang siya ng tingin. Naiilang na siya, eh.
Sana lang ay walang makakita sa kanya na kasama niya si Yolly kundi tsismis siya bukas. Tiyak 'yon.
"Alam mo crush ka ng pinsan ko," mayamaya ay sabi sa kanya ni Yolly. Iyon pala iyon, kaya lagi itong tumitingin sa kanya.
Tipid siyang ngumiti. Kilala niya kung sino ang tinukoy ng dalaga. Si Cristine, ang chubby nilang kaklase na laging kasa-kasama ni Yolly.
Gusto niyang matawa pero pinigilan niya. Naiintindihan naman niya. Ang magaganda nga sa school nila ay may gusto sa kanya, ang mga panget pa kaya?
"Puwede ba tayo mag-selfie? Ipapakita ko lang sa kanya?"
Doon na siya napa-"Huh?!"
"Sige na? Please?"
Umasim ang kanyang mukha pero may magagawa ba siya? Inilabas na agad ni Yolly ang cellphone nito, eh. Tinutok ang camera sa kanila at nag-smile nang bonggang-bongga.
Nag-selfie na sila.
Hinayaan na lang niya at nakisama. Kakatawa pa dahil may wacky talaga. Panget na nga may wacky pa talagang nalalaman si Yolly. Ayos.
"Salamat, ha?"
Tumango siya na maasim pa rin ang mukha. Hindi niya alam kung guwapo siya sa selfie nila pero hinayaan na lang niya. Alam naman niyang kahit anong anggulo sa camera ay guwapo siya.
Pagdating sa waiting shed. "Dito na lang ako," ay sabi na niya. Doon kasi ay puwede na siyang mag-abang ng taxi pauwi. Tapos may mga guard ng school na puwede niyang hingan ng tulong kung sakali.
"Sigurado ka?"
Tumango siya. "Thanks."
"Sige." Iniwan na siya ng dalaga. Buti at hindi na siya kinulit.
Ngunit ewan niya kung bakit nakasunod pa rin ang tingin niya sa dalaga habang papalayo. Kitang-kita niya tuloy nang muntik itong matapilok.
"Ay, tanga!" Nasambit niya na napakislot. Ang laki kasi ng payong, eh.
Lumingon sa kanya si Yolly na mahahalatang nahihiya.
Kinawayan niya ito para ipabatid na wala iyong nakita niya. Naiiling na lang siya nang hindi na niya matanawan ang dalaga. Hay, sana naman ay hindi siya mapunta sa katulad ni Yolly.
Nang bigla ay naalala niya ang babala ng lola niya noon sa kanya na, ANG PLAYBOY! 'PAG NAKARMA! SA PANGIT DAW NAPUPUNTA!
Napa-knock on the wood siya pero yari sa bakal pala ang waiting shed. Ang malas lang niya ulit dahil wala siyang makitang kahoy.
"Naman, oh!" inis niyang sambit at kinilabutan.