Simula
Nagising ako sa pusod ng kagubatan. Walang tao akong nakikita, maliban sa sarili kong nananalamin sa ilog na nasa harapan ko mismo kung saan ako nakatayo. Kahit anong gawin kong tingin sa paligid ko ay walang mababakas na pagkapinsala. Nakapalibot sa 'kin ang naglalakihang mga puno. Mga ibon na walang tigil sa paghuhuni. Mayayabong na mga magagandang bulaklak na nakapalibot sa may paanan ko, na sa tanang buhay ko ay ngayon ko lamang nakita. Sa pagtingin ko ulit sa ilog ay naaninag ko ang isang babaeng nakasuot ng puting bestidang nakahiga sa dayami. Napapalibutan ito ng iba't ibang kulay ng bulaklak. Iniangat ko ang aking paningin dahil baka'y guni-guni ko lang ang nakikita ko. Pero nagkamali ako, totoo ang nakikita ko. Agad akong napalusong sa kabilang dako ng ilog. Natatakot man pero pinilit kong pairalin ang positibong kaisipan na kailangang mamutawi sa utak ko.
Isang hakbang, ay siyang paghugot ko ng malalim na hininga.
Pangalawang hakbang, ay siyang paglakas nang kabog ng dibdib ko.
Pangatlong hakbang, ay siyang paglingon sa akin ng babaeng nakahiga sa dayami.
Para akong napako sa kinatatayuan ko. Ang positibong kaisipan saki'y napalitan ng matinding takot. Ang babaeng nakahiga ay walang iba kundi ako. Umiiyak ito, na para bang nagmamakaawa sa akin. Punong-puno rin ng matinding takot sa mga mata niya. Naguguluhan ako! Ako ay siya at siya ay ako. Napahakbang ako paatras. Iginalaw naman niya ang kaliwang kamay, para bang gusto niya akong abutin. Puno ng pag-aanlinlangan akong napapailing. Sa isang kisap-mata ay bigla na lang umapaw ang dugo mula mismo sa katawan niya. Nagimbal ako sa nakita ko at agad na napaatras. Laking gulat ko ng may yumakap sa akin mula sa likuran ko. Ang lakas ng pagkabog ng dibdib ko. Dahan-dahan akong napatungo. Isang lalaki ang yumakap sa akin. Pahapyaw ko siyang nilingon at ramdam kong gumapang ang isa niyang kamay para hawiin ang buhok ko na natatakip sa leeg ko. Para akong nahipnotismo nang masulyapan ko ng tingin ang malakulay asul niyang mga mata. Ilang segundo din ay tuluyan itong naging itim. Pero sa 'di malamang kadahilanan ay bigla itong nag-iba-iba ng kulay ulit. Kalaunan ay naging kulay pula! Sa pag-iba nito ng kulay pula ay siya ring pag-agos ng dugo sa leeg ko hanggang sa pakiramdam ko ay wala na akong maramdaman at tuluyang bumagsak sa damuhan. Namamanhid ang buo kung katawan.
“Catherine...”
Narinig kong sambit niya at biglang nawala sa harapan ko. Ni hindi ko man lang naaninag ang kanyang mukha. Pinilit ko pang lingonin ang sarili kong nakahiga sa duguang dayami pero wala na siya doon. Sa pagsinghap ko ay siya ring paglagot ng aking hininga.