SIMULA
JENNIEL
"Hoy, donya! Ano'ng oras na, oh!? Hindi ka pa ba babangon d'yan? Male-late ka na sa klase mo, Diyos ko ka talagang babae ka!" pagtatalak sa akin ng aking kaibigang si Sandino o Sandy, kaya naman agad akong napamulagat nang maalala kong may exam ako ngayong araw sa aking major subject.
Mabilis akong bumangon habang natataranta. "s**t! s**t! s**t!" sunod sunod mura ko.
"Late na ako, bakit ngayon mo lang ako ginising, Sandino?" nagagahol kong sambit at agad kinuha ang tuwalyang nakasabit sa likod ng pinto, saka ako dumiretso sa maliit naming banyo.
"Ay lintek na 'to! Ako pa ang kinagalitan mo! Hoy, Jenniel, for your information hindi ko na mabilang sa daliri ko kung ilang beses na kitang ginising na babae ka, tapos ngayon ako pa ang lumalabas na hudas sa ating dalawa at hinayaan kitang tanghaliin ng gising! Diyos ko, ha! Umayos ka, naku– naku– naku!" galit galitang sambit ni Sandy, pagkatapos ay lumabas na rin ito ng aking silid.
Napailing na lamang ako dahil mukhang nasira ko na naman ang mood nito. Magkaibigan kami ni Sandino, bata pa lang kami ay lagi na kaming magkasama, kumbaga nga si Sandy lang ang nag iisa kong matalik na kaibigan.
Takbuhan ko pag nagkakaroon ako ng mga problema sa lahat ng bagay lalo na pagdating sa aking pamilya. At hindi rin naman ako nito pinababayaan, kaya naman nang makakuha ako ng scholarship dito sa Manila ay agad akong sinabihan na wala na akong iisipin sa aking matutuluyan dahil maaari naman daw akong tumira sa apartment nito since na wala rin naman daw itong kasama.
Masaya naman akong kasama si Sandino, at sa loob ng apat na taon ay wala kaming bagay na pinag ayawan maliban na lamang sa isang bagay na kinaaayawan nito at paulit ulit na ipinapaalala sa akin. Ang lihim na pagtingin ko sa aking boss.
Nauunawan ko naman ito dahil alam kong kapakanan ko lamang din ang inaalala nito at hindi nito gustong mapahamak ko, subalit sa pagkakataong iyon ay hindi ko magawang sundin ang paalalang iyon ni Sandino o ang mapigilan ang aking sarili dahil lalo lamang nahuhulog ang loob ko sa aking boss.
"Hoy, Jenniel! Anong klaseng orasyon pa ba ang ginagawa mo d'yan? Pambihira ka talaga! Halos treinta minutos ka na d'yan sa loob ng banyo– ano? May pangarap ka pa ba sa buhay mo!?" muling pagtatalak ni Sandino sa labas ng banyo.
Bigla akong natauhan ay agad nagdumali sa pagbabanlaw. Hindi ko na naman napigilang mawala sa aking sarili dahil sa pag iisip ng kung ano anong mga bagay lalo na kung patungkol sa aking boss na si Sir James.
Pagbukas ko ng pinto ng banyo ay sumalubong sa akin ang nakataas na kilay at nakapamaywang na si Sandino.
"Sabihin mo lang kung wala ka nang pangarap sa buhay, agad agad kitang sisipain pauwi sa probi–––"
"Puwede ba, Sandino! Lalo lang akong natataranta d'yan sa pagtatalak mo, eh!" putol ko sa pagsasalita nito.
"Aba't– naku– naku! Pasalamat ka at naghahabol ka ng oras, kung hindi baka samain ka na sakin!" waring nauubusang pasensya sa sambit naman nito.
Napailing na lamang ako at dali dali na ring nagbihis ng aking uniform. Hindi ko na pinansin pa ang pagtatalak nito dahil alam kong hindi rin naman ito seryoso sa mga sinasabi o sa galit na ipinapakita nito sa akin. At sanay na rin naman ako sa ugali nito.
Pagdating sa school ay halos magkasunod lamang kaming dumating ng aming professor, napangiti na lamang ako at dali daling dumiretso sa aking upuan at agad akong naupo.
"Hay diyos ko, inday. Muntik ka na namang ma-late," halos pabulong na sambit ni Analyn.
Isa sa malapit kong kaibigan dito sa university. Isa rin itong scholar at pilit itinataguyod ang sarili mag isa tulad ko, kaya naman ganoon na lang din siguro kagaan ang loob ko rito dahil halos parehas lamang kami ng estado sa buhay.
"Tinanghali na naman ako ng gising, eh. Anong oras na rin kasi ako nakauwi kagabi galing sa work. Dumating kasi mga kaibigan ni Sir James, eh. Ayon halos pa-umaga na nag uwian saka napasabay pang ang dami ring costumer kaga–––"
"Ms. Pajares and Ms. Aguilar!" malakas na sambit ng aming professor sa apelyido naming dalawa ni Analyn, kaya't agad akong napatigil sa pagsasalita.
Umayos ako ng upo at bahagyang yumuko dahil sa hiya, samantalang tumaas lamang ang kilay ni Analyn sa aming mga kaklase.
"You can leave if you two just talk during my class period." Pagkatapos ay itinuro ni Sir Pates ang pintuan ng aming classroom.
"I'm sorry, sir," mahina kong sambit.
Napalingon ako kay Analyn nang mapansin kong hindi man lang ito humingi ng paumanhin sa aming professor o kahit ang kumibo man lang.
Nakayuko lamang ito habang hawak ang cellphone na waring abala sa pakikipag chat sa kung sino mang tao, kaya't agad ko itong siniko.
Tumikhim ito at agad napaayos ng upo saka mabalis na itinago ang cellphone sa bulsa ng suot na uniporme.
"I'm sorry, sir," mahina nitong sambit.
"This is your last warning. And sa susunod na magdaldalan pa uli kayo sa oras ng klase ko hindi na kayo makakapasok sa akin. Do you understand!?" malakas na sambit ni Sir Pates.
Napatungo na lamang kami ni Analyn at hindi na kumibo pa, hanggang sa nagsimula na ang aming klase ay wala na kaming naging kibuan.
Lumipas ang maghapon na damang dama ko ang pagod at matinding antok habang nagkaklase sa bawat subjects.
Halos ilang oras pa lang ang aking naiitulog dahil sa naging duty ko kagabi. Wala naman ako magagawa dahil ang trabaho kong iyon ang nagpapaaral sa akin, kaya't kailangan ko na lamang talaga ng mahaba pang pagtitiis.
Huling taon ko na rin naman ngayon sa kolehiyo at pagkatapos ko, maaari na rin akong mag resign sa trabaho at maghanap ng trabahong naaangkop sa kursong kinuha ko. Ang isang pagiging nurse.
"Jen, may lakad ka pa ngayon?" agaw ni Analyn sa aking pansin.
Umiling ako habang nag aayos ng aking mga gamit, "Wala naman, Ana. Pauwi na rin ako agad kasi may trabaho pa ako mamaya, gusto ko munang makatulog kahit ilang oras pa para makabawi ako ng lakas."
Pagkatapos ay nag angat ako ng mukha at tumungin dito, "Bakit mo natanong?" tanong ko.
Ngumiti ito. "Ahmm, papasama sana ako sa mall, eh. May ime-meet sana akong ka-chat. In-invite n'ya kasi akong mag early dinner na rin after namin magkita. Aayain sana kita para may kasama ako."
Napataas naman agad ang aking kaliwang kilay. "Aayain para may kasama o gagawing chaperone?" kunwaring pagtataray ko.
Agad naman ako nitong marahang hinampas sa braso kasabay ng pag irap, "Hoy, sobra ka naman! Inaaya ka lang, eh, iba na agad naisip mo. Kung ayaw mo, eh di wag! Hmmp, d'yan ka na nga." waring nagtampo namang sambit nito at agad na rin akong tinalikuran.
Napailing na lamang ako at nagsimula na ring tinahak ang pinto palabas. Gustuhin ko man itong habulin upang sabihing nagbibiro lamang ako, ngunit hindi ko na lamang ginawa dahil aaminin kong wala talaga ako ngayon sa mood at tanging ang gusto ko lamang gawin sa mga oras na ito ay magpahinga.
Habang papalabas ng campus ay napalingon ako sa isang sasakyan na kapapasok lamang sa unibersidad. At mula sa aking puwesto ay makikita ang ilang mga kababaihang halos magkandahaba na ang mga leeg habang makikita rin sa mga ito ang waring mga kinikilig.
Napapaisip man ngunit hindi ko na lamang pinansin pa dahil talagang hindi ko na rin kaya pang maki-usyoso. At pakiramdam ko ay umiikot na rin ang aking pakiramdam sa bahagyang pagkahilo na nararamdaman.
Subalit bago pa man ako tuluyang makalayo sa umpukan ng mga kababaihan ay lalo lamang akong nakaramdam ng hilo at alam kong ano mang oras ay maaari akong bumagsak, kaya't hindi ko napigilang makaramdam nang takot kasabay ng impit kong dasal na sana ay huwag akong mawalan ng malay.
Pinilit ko pa ring makarating sa sakayan ng mga jeep habang nakahawak sa aking ulo kasabay nang hindi maayos na paglakad, ngunit ang kagustuhan kong makarating pa rin sa sakayan ng jeep ay hindi na nangyari dahil bago pa man ako makalabas ng gate ay tuluyan na akong bumagsak sa simento.
Naramdaman ko ang malakas na paghampas ng aking katawan sa matigas na simentong aking kinatatayuan.
Gustuhin ko mang humingi ng tulong ay hindi ko magawa dahil pakiramdam ko'y ultimong boses ko ay ayaw makisama sa sitwasyon ko ngayon.
Hanggang sa naramdaman kong may mga brasong bumuhat sa akin mula sa pagkakahandusay ko sa simento.
Pinipilit ko namang imulat ang aking mga mata upang mapagsino ang taong nagmagandang loob na tulungan ako, ngunit hindi ko magawa dahil sa matinding hilong nararamdaman at sa matinding pagnanais na matulog na lamang, kaya naman muli ko na lamang ipikit ang aking mga mata at hinayaan na lamang din ang aking sariling makapagpahinga.