Chapter 2

1406 Words
AVERY Malakas ang kabog ng dibdib ko matapos akong bumaba sa dyip na sinakyan ko. Malaki ang hakbang na pumasok ako sa entrance ng San Lazaro Hospital para magtanong at hanapin ang kapatid ko. "Miss, saan ko po makikita ang kapatid ko na dinala dito kanina?" tanong ko sa information counter ng hospital. "Anong sakit po ng pasyente?" magalang na tanong ng nurse sa harap ko. "Hinimatay po kanina ang kapatid ko, bale dose anyos po siya at batang babae," mabilis na sagot ko. "Ailee Guiriba po ang pangalan ng kapatid ko," tuloy-tuloy na paliwanag ko. "Sandali lang po, miss, hahanapin ko lang po ang record niya," sagot ng nurse na kausap ko. Kulang na lang ay pumasok ako sa loob sa tagal ng bawat minutong naghihintay ako sa resulta. Marami rin kasing mga ibang kamag-anak ng pasyente na nakapila at naghihintay na gaya ko para mahanap at madalaw ang kapamilya sa loob. Normal na eksena ang ganito dahil isa itong public hospital. Marami ang mga gaya namin na hikaos sa buhay ang dito tumatakbo, dahil wala kaming kakayahan na magbayad sa pribadong hospital. "Miss, nasa emergency room po ang kapatid mo," untag sa akin ng nurse sa harap ko. Kanina pa pala siya nagsasalita at kinakausap ako, pero tulala ako na nakatayo sa harap niya. Iniisip ko kasi kung anong nangyari sa kapatid ko. Isa pa, wala akong hawak na pera ngayon para ipangbayad dito sa hospital bill niya kung sakali. "Sige po, nurse. Maraming salamat po," tugon ko saka tumalikod at mabilis na naglalakad patungo sa lugar kung nasaan ang kapatid ko na itinuro ng babaeng nakausap ko. Sa dami ng tao sa loob ng hospital ay hirap akong makalakad ng mabilis lalo na at may ibang pasyente ang nasa labas ng ward dahil na rin sa kakulangan ng pwesto sa loob. Humihingal na narating ko ang emergency room. Naabutan ko ang isang doktor at agad na tinanong ako nito kung ako daw ba ang kamag-anak ng pasyente na inaalagaan sa loob. "Dok, kumusta po ang kapatid ko?" agad na tanong ko. "Wala ba kayong mga magulang o kaya kamag-anak na pwede kong makausap?" tanong ng doktor na hindi sinagot ang tanong ko. Umiling ako at kagat ang pang-ibabang labi na bumaling ang tingin sa pintuan na alam kong naroon sa loob ang kapatid ko dahil doon nanggaling ang doktor na kausap ko. "Wala na po, dok. Ulila na po kaming magkakapatid at ako po ang panganay," marahang sagot ko. "Bweno, wala akong magagawa kung 'di ang sabihin sa iyo ang totoo at kausapin ka tungkol sa tunay na kalagayan ng kapatid mo. Ilang taon ka na nga pala," tanong pa ng doktor na kausap ko. Siguro kung pagbabasehan ang ayos ko ngayon ay para lang akong minor de edad dahil nakasuot lamang ako ng lose t-shirt at pinarisan ng kupas na maong na pantalon. Hindi rin kasi matured tingnan ang mukha ko kahit pa matangkad at balingkinitan ang katawan ko. "Twenty-one na po, dok," sagot ko. Nakita kong tumango ang lalaking doktor na kausap ko matapos sulyapan ang mukha ko, bago nagsalita. "Okay, to tell you the truth is, malubha ang lagay at kondisyon ng kapatid mo. Mahina ang t***k ng puso niya at maaaring namana niya ito sa isa sa mga magulang ninyo kaya ganito ang naging sakit niya," paliwanag ng doktor. Para itong bomba na malakas sumabog sa sa harap ko. Heto ang katotohanan na kinatatakutan kong mangyari at danasin ng isa sa mga kapatid ko. Nakita ko kung paano manghina si Ailee dahil sa kaunting bagay na ginagawa niya sa bahay. Mabilis din siyang hingalin kahit pa wala naman siyang masyadong ginagawa. May epekto rin sa kan'ya ang mainit na sikat ng araw, kaya nagkaroon na ako ng hinala dahil nakita ko ang senyales na ito sa aming namayapang ina. "Doktor, ano po kaya ang p'wede nating gawin para mapabuti ang kalagayan ng kapatid ko?" nanghihina na tanong ko. "Isa lang ang nakikita kong solusyon dito, hija. Kailangan na maoperahan ang kapatid mo sa lalong madaling panahon dahil hindi na maganda ang kondisyon ng puso niya at may ugat na bumara ang daluyan ng dugo, dahilan kaya bigla siyang natumba at hanggang sa ngayon ay wala siyang malay. Kapag nagtagal pa ito, maapektuhan na pati ang daloy ng dugo ng kapatid mo, maging sa iba't-ibang bahagi ng katawan niya, bagay na iniiwasan namin kaya ina-advice ko ang agarang operasyon para maisalba ang buhay ng kapatid mo," mahabang paliwanag. Pigil ang luha na tumingin ako sa mukha ng doktor na kausap ko. Tila ba inaarok ko ito na makuha ang sagot sa tanong ko. "Ibig sabihin na coma po ba ang kapatid ko?" nanlulumo na tanong ko. "Hindi pa natin masasagot iyan sa ngayon, hija. Marami pa tayong kailangang gawin na mga test. Hintayin muna natin na umabot sa forty-eight hours, bago namin siya i-declare na comatose. Under observation ang lagay ng kapatid mo. Pray for her, baka sakaling gumising siya," paliwanag pa nito. Tumango ako bilang pagsang-ayon dahil pakiramdam ko ay bumara sa lalamunan ko ang sariling laway na nilunok ko. "Kailan po siya dapat maoperahan, doktor?" wala sa sarili na naitanong ko. "Sa lalong madaling panahon, basta handa na kayo ay gagawin namin ang operasyon," sagot ng kaharap ko. "Kung ganon, magkano po ang kailangan kong ihanda at babayaran, dok?" nanlulumo na tanong ko. "Hindi ko masasagot ang actual amount dahil depende pa iyan sa mga test at gamot na kakailaganin niya. Pero base sa mga kaso na hinawakan ko, medyo mahal at malaki ang gastusin ninyo," seryoso na sagot ng doktor. "Mga magkano po?" tanong ko ulit. "Mga five to six hundred thousand o higit pa, hija," sagot nito sa tanong ko. Hindi ko alam kung paano nawala sa harap ko ang doktor na kausap ko dahil hanggang ngayon ay nakatayo pa rin ako sa lugar kung saan niya ako iniwan, habang paulit-ulit na naririnig ko ang halaga na sinabi niya. Mahigit five hundred thousand ang kailangan ko. Saang sulok ng Maynila namin hahanapin iyon? Kahit ibenta ko pa ang bahay na iniwan sa aming magkakapatid ng mga magulang ko ay hindi aabot ang ganong halaga dahil luma na ito at maraming tao lagi sa paligid, kaya nagmumukha itong eskwater dahil na rin sa dami ng tambay at lasing na nakabantay sa bawat kanto. Isang malalim na buntong-hininga ang pinakawalan ko, bago mabilis na pumasok sa loob ng emergency room kung saan naabutan ko na nakaratay ang walang malay na si Ailee na akalain mo lamang na natutulog. "Ate," naiiyak na sabi ni Aila na mabilis na lumapit sa akin at niyakap ako. "Anong nangyari, Aila? Bakit nawalan ng malay si Ailee?" magkasunod na tanong ko. "Nasa kusina ako, ate, naghuhugas ng pinggan. Iniwan kong maayos naman ang lagay ni bunso dahil nakaupo siya at nanonood ng palabas sa telebisyon. Narinig ko na lang na dumadaing siya habang sapo ang dibdib ng lapitan ko, tapos sabi niya, hindi raw siya makahinga," umiiyak na sabi ni Aila. Kahit na gusto ko rin umiyak at maglupasay ay hindi ko magawa. Kailangan kong maging matatag sa harap ng mga kapatid ko, dahil kung pati ako ay nanghihina ay sigurado akong lahat kami ay mawawalan ng pag-asa. Mabilis na pinahid ng kanang kamay ko ang luhang pumatak sa pisngi ko habang yakap ng mahigpit ang umiiyak na kapatid ko sa balikat ko. Alam ko na bilang ate ay natatakot at nasasaktan rin si Aila na makitang ganito ang lagay ni Ailee. "Wag kang mag-alala, gagawin natin ang lahat para gumaling si Ailee. Sisikapin ko na maoperahan siya," sabi ko kay Aila bago dahan-dahang lumuwag ang mga braso kong nakayakap sa kanya. "Ate, wala po tayong pera. Paano na 'yan? Saan tayo kukuha dahil wala rin po tayong ipon?" nag-aalala na tanong sa akin ng kapatid ko. "Gagawa si ate ng paraan, Aila. Kaya natin ito, manalangin tayo na bigyan tayo ng gabay ng panginoon," lakas loob na sabi ko, kahit pa miski ako ay hindi ko alam kung saan kukuha ng malaking halaga, para bayaran ang gastusin sa nalalapit na operasyon ng kapatid namin. Bahala na, basta maoperahan at gumaling lang ang kapatid ko. Kahit ano ay gagawin ko, masiguro ko lang na makakaligtas siya sa panganib na kinakaharap niya ngayon. Lihim na nakikiusap ako sa mga magulang ko na tulungan at gabayan ako habang mataman na nakatitig sa kapatid kong tila payapang natutulog sa hospital bed kung saan siya nakaratay ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD