1- "Be careful."
Dala ng curiousity sa paligid, tila may sariling buhay ang mga paa ni Carmela at lumabas siya ng rest house. Naglakad-lakad sa lupaing kulay berde dahil sa mga bermuda grass na umuukopa sa bawat paligid. Dinukot na rin niya ang cellphone mula sa bulsa ng shorts na suot para kuhanan ng litrato ang magandang tanawin kasama na ang pagse-selfie sa refresing na background.
Medyo malayo-layo ang kanyang narating kaya ngayon ay nakaabot na siya sa parte ng hacienda kung saan naghihilera ang mga puno ng niyog sa paligid. Manghang-mangha siya dahil ngayon lang siya nakakita ng coconut plantation, ganito pala ito. Lumaki kasi siyang city girl at wala nito sa Siyudad sa Maynila.
Biglang bumangon ang kaba sa kanyang dibdib nang may narinig siyang kalabog mula sa 'di kalayuan.
“May tao ba riyan?” aniya ngunit walang sumagot.
Patuloy lamang ang kung sino sa pagkalabog sa paligid. Kinakabahan na siya, paano na lang kung may masamang tao pala rito at may gawing hindi maganda sa kanya? The thought woke her up, kailangan na niyang magmadali pabalik sa kanilang rest house! Naglakad siya ngunit napagod na lamang at hindi pa rin nakakabalik. Parang naglilibot-libot lamang siya at doon siya tuluyang naalarma, naliligaw na siya!
Nararamdaman pa rin niya ang kalabog at tila nakasunod sa kanyang likuran kahit saan siya magpunta. Hindi siya mahinang tao pero ngayon, pakiramdam niya ay takot na takot siya. Nawawala siya nang mag-isa sa malawak na lupain na ngayon lamang niya napuntahan!
“May tao ba riyan? Pwede, 'wag n'yo ho akong tinatakot! Dayuhan ako rito sa hacienda at naliligaw ako kaya please lang po, 'wag n'yo naman akong pinakakaba ng ganito!” Halos manginig ang kanyang boses pero naroon pa rin ang taglay na katarayan.
Sa muli ay walang tumugon. Nilingon niya ang nagdidikitang mga puno ng kawayan mula sa 'di kalayuan at may gumagalaw na kung ano roon. Mukhang doon yata nagtatago ang sumusunod sa kanya. Kaagad niyang kinuha ang isang kahoy na nahagip sa paanan at pigil ang hiningang pumunta roon sa kakawayanan. Mahigpit ang hawak niya sa kahoy at handang-handa nang ihambalos ito sa kung sino mang poncho pilato ang sumusunod sa kanya.
Nang tuluyang marating ang kinaroonan ng kalabog at ihahampas na sana niya ang kahoy sa kung sino mang nananakot sa kanya ay saka naman siya biglang natigilan nang makita ang isang kabayo. Matamang kumakain ang kabayo ng mga dahon ng kawayan at ang nakakaloka pa’y may suot pa itong pulang ribbon sa leeg.
Nabitawan niya nang tuluyan ang kahoy habang sapo-sapo ang kanyang dibdib. “Diyos ko, akala ko kung sino na, kabayo lang pala!”
Kahit hindi pa nakaka-recover sa malakas na pagtambol ng dibdib dahil sa naramdamang kaba kanina ay hindi pa rin niya maiwasang matawa sa sarili. “Damn it, Mel! Nasindak ka ng isang kabayo!”
Gusto sana niyang lapitan ang kabayo at hawakan kahit likod man lamang nito ngunit inuunahan siya ng kabang baka sipain lang siya nito lalo pa't dayuhan siya at hindi nito kilala kaya imbes na hawakan ay kinuhanan na lamang niya ng litrato. Ang ganda palang pagmasdan ng kabayong mataimtim na kumakain at idagdag pa ang pulang ribbon nito sa leeg na mas lalong nagpadepina sa kakaibang appeal nito.
Kahit ganito kaliit na bagay ay sobrang naa-appreciate yata niya ngayon. Ngayon lang naman kasi siya nakasaksi ng mga ganito kasi wala naman nito sa kanila sa City. Nakakamangha pala talaga!
“Salamat sa pagpapakaba sa akin saka salamat na rin sa pagpapasaya na ikaw ang nakasunod at hindi pala isang masamang tao.” nakangiti niyang kausap sa kabayo na kunwari’y maiintindihan siya nito. Aba, sa panahon ngayon, mas mapagkakatiwalaan pa yata ang mga kabayo at ibang hayop kaysa sa mga taong may maitim na budhi!
Magaan ang pakiramdam na nagpatuloy siya sa paglalakad at pagbabaka-sakaling matunton ulit niya ang daan pabalik.
Sa paglalakad-lakad, nakaabot naman siya sa mango plantation, naghihilera rin ang mga puno ng mangga sa paligid at bawat puno ay nagtutumpukan ang mga bunga sa dinami-rami.
Sa dulo ng mango plantation ay bumungad sa kanya ang isang malawak na batis. Puting-puti at pure ang tubig, malinis. Medyo malamig na rin sa bahaging ito ng lupain at ang ganda sa pakiramdam. Napakabanayad ng haplos ng hangin sa katawan.
“Wow! Ganito pala talaga kaganda ang Hacienda del Martin!” natutuwang nasambit niya habang pinagmamasdan ang batis. Masayang kinuhanan niya ng maraming litrato ang batis tapos ay nag-selfie at ginawa itong background.
Umupo siya sa isa sa mga malalaking bato sa paligid at nagpatuloy sa pagsi-selfie.
Nang magsawa sa pagsi-selfie, naramdaman naman niya ang tila pagtawag ng nang-aakit na malinis na tubig ng batis, para bang kay ganda nitong damhin sa balat kaya naman kaagad na niyang tinanggal ang suot na rubber shoes at nag-umpisang magtampisaw sa tubig.
“Oh, great!” manghang naibulalas niya nang maramdaman ang tubig sa paa.
Palakad-lakad siya sa gitna ng batis at hinayaang pagsawain ang mga paa. Nang ma-bored sa paglalakad-lakad ay ibinaba naman niya ang zipper ng suot na jacket at hinayaang lumantad sa hangin ang pan-itaas niyang katawan na bra lamang ang suot sa nakabukas na jacket. Wala namang ibang makakakita sa kanya dahil paniguradong wala namang ibang tao rito pati na ‘yong kabayong may pulang ribbon sa leeg na mukhang hindi naman yata sumunod sa kanya hanggang dito. Kung may makakakita man, 'yon ay hangin lamang at pinagkakatiwalaan naman niya ang hangin.
Pinaghiwalay niya ang kanyang mga braso habang dinarama ang malamig na haplos ng hangin sa kanyang katawan kasabay ng pagsasayaw-sayaw ng maaalon niyang buhok. Maligayang nagpaikot-ikot siya habang nakapikit ang mga mata na tila ba isa siyang dyosa ng paligid sa mga sandaling ito.
Ang ganda na sana ng moment kaya lang bigla siyang may naapakang matulis na bato at bigla siyang napasigaw dahil sa pagkadulas. Napapikit pa siya nang mariin sa paghihintay na matumba at tumama ang likod sa mga bato ngunit imbes na mga bato ang pagbagsakan ay bumagsak siya sa matitigas na dibdib ng isang binata mula sa likuran niya habang salo siya nito sa mga braso nito.
“Careful, lady.” baritono ngunit malambing na wika nito.
IDINILAT ni Carmela ang kanyang mga mata at kumalabog ang kanyang puso nang makita ang mala-knight-in-shining-armor na mukha ng binata. Nagtama ang kanilang paningin at hindi niya maiwasang mapatitig sa brownish nitong mga mata, matangos na ilong, maputing kulay ng balat, mamasa-masa at mamula-mulang labi, nagpupumawis na leeg saka perpektong hubog ng katawan dahil sa kumpletong six-pack abs nito.
Wait, six-pack abs?!
Nuon siya tuluyang nagising sa kahibangan. Nakatitig siya sa katawan ng isang lalaking hindi niya kakilala sa kalagitnaan ng kanyang pagkakaligaw!
Kaagad siyang lumayo rito at umayos sa pagkakatayo.
“Sino ka? Ba't ka nandito? Sinusundan mo ba ako? Stalker ka?!” sunud-sunod na tanong-nang-aakusa niya sa binata.
Wala itong damit pang-itaas kaya lantad sa kanya ang perpekto nitong six-pack abs. Kupas na maong na pantalon sa baba naman ang suot nito tapos boots sa paa. Halata sa mukha nitong may halo itong dugong banyaga, maybe a half mexican or spanish? Basta! Medyo kahawig ito ni William Levi.
“Stalker?” ngumisi ito tapos ay bumaba ang tingin sa kanyang dibdib. “Hindi kita sinusundan, pinagmamasdan kita.”
Nakaramdam bigla siya ng hiya at pag-init ng pisngi kaya madali niyang itinaas ang zipper ng kanyang jacket. Damn it! Hinayaan niyang makita ng lalaking ito ang katawan niya. How stupid!
Pinanlisikan niya ito ng mga mata. “Pervert!”
“Ano? Pervert? Anong ibig mong sabihin?” humalakhak ito, tila nang-aasar.
Matagumpay ito dahil naasar nga siya! Pervert lang hindi pa yata nito alam ang kahulugan! O baka naman mal-educated? Hindi nakakaintindi ng English? Poor? Hampaslupa? Sayang ang gwapo pa naman sana!
“Wala! Pervert lang, hindi mo pa maintindihan, poor ka siguro. By the way, tauhan ka ba rito?” aniya habang nakaiwas ng tingin.
Hindi ito sumagot bagkus ay itinuon sa kanya ang usapan. “Bago ang mukha mo rito, dayuhan ka ba? Bakit ka namamasyal nang mag-isa?”
“Yeah, dayuhan ako rito saka naliligaw ako kaya nakarating ako hanggang dito sa batis.”
Tumango-tango ito. “Kaya pala. Halika, ihahatid na kita sa inyo. Alam ko ang mga pasikot-sikot dito.”
“At bakit naman ako magtitiwalang sumama sa ‘yo? Aba, mamaya kung saan mo pa ako dalhin! Baka nga may gawin ka pang hindi maganda sa akin!” patuloy niyang taray.
Mas pumilyo pa ang ngiti nito. “Wala akong gagawing masama sa ‘yo, Miss, at kung mero’n man, sigurado naman akong magugustuhan mo rin 'yon.”
Nagpanting ang kanyang tenga at para bang umakyat ang dugo niya sa ulo. “Ano?!”
Sexy'ng humalakhak ito. “Nagbibiro lang!”
“No, I can go back on my own!”
“Sige, ikaw bahala. Basta ingat ka lang ha? Maraming malalaking ahas diyan sa tabi-tabi.” sabi nito at nakangising tinalikuran na siya.
Ahas? Marami? Sa tabi-tabi? Kinilabutan at kinabahan siya bigla. Pa'no nalang kapag natuklaw s'ya sa paglalakad pabalik tapos magsusumigaw siya ng tulong at walang darating dahil malayo pa ang rest house mula rito?
Mariing umiling siya. Hindi pwede! Hindi pa niya nakukuha ang title ng best actress sa taon na ito kaya hindi pa siya pwedeng mamatay!
Aba’y hakot award yata siya no’ng year 2014 dahil sa isang television drama niya na siya mismo ang bida kasi bida-kontrabida yung lead role do’n kaya bumagay talaga siya at nagbunga nga ang pagganap niya roon ng maraming parangal tulad na lamang ng Princess of the Philippine Television, Outstanding Antagonist Award, Best Love Team of the Year together with her leading man to that drama, at marami pang iba. Tapos last year, aba! Kuhang-kuha ng beauty niya ang best actress award dahil sa pagganap bilang brutal na aswang sa isang horror film na naging box office hit din sa mga sinehan nationwide! Kaya, hindi talaga pwedeng mamatay na siya ngayon dahil goal niya this year na makuha pa rin ang best actress award!
“Uy, teka, hintay!” habol niya sa binata.
Tila hindi naman siya nito narinig dahil tuloy-tuloy lang ito sa paglalakad.
Tumakbo na talaga siya para maabutan ito at nilingon nga siya nito nang hawakan niya ito sa braso.
“Sandali... “ aniya.
“Oh? Akala ko ba ayaw mo ng tulong?”
“Well...“ nag-iwas siya. “I changed my mind. Nga pala, alam mo ba talaga ang daan pabalik sa rest house ng Hacienda del Martin?”
Magiliw ang ngiting tumango ito. “Alam na alam.”
“Kung gano'n, ihatid mo na ako ro'n.” aniya pa na tila nag-uutos lang sa isang utusan. “Basta 'wag kang magtatangkang gawan ako ng masama ah!”
Tumawa ito. “Alam mo, kung wala kang tiwala sa akin 'wag ka nalang magpahatid saka kung may gagawin man akong masama, edi kanina ko pa dapat ginawa 'di ba?”
Napakagat-labi siya. Tama ito, kung may gusto itong gawing hindi maganda sa kanya, dapat kanina pa ito kumilos pero bukod sa pangiti-ngiti at pagtawa ay wala naman na itong ginawa saka isa pa, hindi naman talaga ito mukhang masamang tao. Sa katunayan ay mukha pa nga itong tagapagligtas ng mga taong nasa panganib. Isa pa, subukan lang nitong gumawa ng hakbang na hindi niya magugustuhan ay humanda talaga ito!
“Sumunod ka sa akin, hinihintay na tayo ni Sebastian.” anito at nagtuloy-tuloy sa paglalakad.
Okay, who's Sebastian? Anang mataray niyang pag-iisip pero binalewala na lamang at sumunod sa binatang hindi pa niya alam ang pangalan hanggang ngayon.
Naglakad sila at nakaabot sa pinakamalapit na puno ng pomelo at nakita na nakatali roon ‘yong kabayong sumusunod sa kanya kanina. ‘Yong kabayong may pulang ribbon sa leeg! Lumapit dito ang binata at kinalas ang kabayo mula sa pagkakatali tapos ay sumapa na sa likod nito.
“Let's go. Ayaw pa naman ni Sebastian na pinaghihintay ng matagal.” baling ng binata sa kanya.
So, that's Sebastian, huh? Napangiti siyang bigla. Ang cute!
“Matutunaw si Sebastian sa ngiting 'yan.” anang estranghero habang nakangisi.
“So, s'ya pala si Sebastian?” magiliw na tanong niya.
Tumango ito. “At s'ya ang sasakyan natin sa pagbalik sa rest house?” patuloy niya.
Sa muli ay tumango ito.
Nakaramdam tuloy siya ng excitement. Matagal-tagal na rin kasi magmula nang huling beses siyang nakasampa ng kabayo mula sa isa sa mga workshops nilang mga artista noon tungkol sa pangangaral sa pangangabayo.
Makalipas ng ilang sandali, nakabalik nga sila nang walang nangyayaring masama sa kanya. Inihatid siya ng binata sa bakanteng lote, hindi kalayuan sa likod ng rest house kung saan kasalukuyang naroon ang mga kasama niya. Natatanaw na rin niya sina Abby at Mrs. Phoebe saka ibang mga kasamahan nila.
Inalis niya ang pagkakayakap ng mga braso mula sa baywang ng binatang naghatid sa kanya at bumaba siya mula sa pagkakasampa sa kabayo.
“Salamat.” aniya at tinalikuran na ito.
“Sandali.” kaagad na pigil nito kaya natigil siya. “Dayuhan ka at wala pang alam sa pasikot-sikot dito sa Hacienda kaya sana 'wag ka na ulit gumala sa taniman lalo na sa batis nang nag-iisa ka lang. Nag-aalala akong baka sa susunod na maligaw ka ay hindi na kita mabantayan at may mangyaring masama sayo. Kung maaari, manatili ka lang sa tabi ng mga kasama mo at 'wag gumala kapag hindi oras ng paggala.”
Kumalabog ang puso niya sa init na dala ng sinabi nito. Para bang buong may pag-aalala ang tinig nito. Nag-aalala ito sa kanya? Eh, 'ni hindi nga siya nito kilala kaya ba't mag-aalala ito ng ganito ngayon?
Hinarap niya ito. Bumaba naman ito sa kabayo at lumapit sa kanya.
Totoo at banayad niya itong nginitian. “Salamat sa paghatid ng walang anumang hinihinging kapalit. By the way, I'm Mel.” pakilala niya at inilahad ang isang kamay rito.
Nakangiti nitong tinanggap ang kanyang kamay at binitawan iyon saka nagsalita. “At sinong may sabing libre lang ang paghatid ko sayo?”
Napalis ang maganda niyang ngiti at kumunot ang kanyang noo. “What-“
Hindi na niya naituloy pa ang sasabihin nang bigla na lamang siya nitong hinila sa batok palapit rito at hinapit sa baywang padikit sa katawan nito saka siniil ng isang mainit at nakakalunod na halik. Nanlaki ang kanyang mga mata sa ginawa nito at nagwawala sa pagtambol ang kanyang puso. God! Anong ginagawa nito sa kanya!
Nang pinakawalan siya ay ngingisi-ngisi ito. “Ervin nga pala. Nice to meet you.” sabi lamang nito at sumampa na ulit sa likod ng kabayo.
“How dare you, moron!” naisinghal niya habang namumula ang mukha sa inis.
“Mel? Ganda talaga ng pangalan mo.” patuloy pa nito sa panunukso habang inihahanda na ulit ang latigo ni Sebastian.
“Urgh! You perverted poor moron! I hate you!”
“I like you too.” pilyong sagot lamang nito saka kinindatan siya at tuluyan nang pinatakbo ulit ang kabayo.
Nawala na ito ng tuluyan sa kanyang paningin ngunit ang pag-iinit ng kanyang pisngi sa inis ay narito at ramdam pa rin niya. That asshole! She thought he's different, kind, and gentleman pero bastos din pala ang lokong iyon!
Nagmamadali siyang nagmartsa pabalik sa rest house nila ng mga kasama niya habang hindi pa rin maipinta sa inis ang mukha. Idagdag pang paulit-ulit na nagpa-flashback sa kanyang memorya ang ginawang basta na lamang na panghahalik ng binata.
Damn you, Ervin!
“PAKIUSAP, Almira, kunin mo nalang ang lahat sa akin. Ang lahat ng mga kayamanan ko at kahit itong buong hacienda, ibalik mo lang sa akin ang anak ko.” umiiyak at dungisan na nakaluhod sa bermuda grass sa harap ng kontrabida ang bida sa eksena.
Umismid ang sosyalerang maldita habang pinapaypay ang sarili. “Hah! At bakit ko naman 'yan gagawin, Ciara? Sinabi ko na noon pa man, kukunin ko ang lahat sayo at wala akong ititira 'ni isa.”
Umiyak nang umiyak si Ciara habang tumatawa namang parang demonyita si Almira dala ng tagumpay sa pagpapahirap sa buhay ng bida.
“Haha.” tatawa-tawa naman si Ervin na nanunuod mula sa malayo habang nakasakay sa likod ng kanyang kabayo.
“Anong nakakatawa?” kunot-noong tanong ng kaibigan niyang si Mikoy na nakasakay din sa kabayo nito.
“Nakakatuwa kasi s'ya. Ang ganda niya, Koy!” sagot niya habang tuwang-tuwang pinagmamasdan ang babaeng nakakuha ng atensyon niya sa mga nagdaang araw.
“Sino? Si Lorraine?”
Tiningnan niya ang kasama at nakangisi na ito ngayon.
Natatawa namang umiling siya sa tanong nito. “Hindi. Yung isa.” aniya at itinuro ang babaeng nagpakilalang si Mel.
Nakaputing tubetop dress si Mel na hapit sa sexy nitong katawan kaya naka-expose ang makinis nitong balat at mahahabang legs. Hawak-hawak din nito sa isang kamay nito ang kulay gold nitong purse. Bagay na bagay sa aura nitong pangkontrabida. May matangos itong ilong, makinis na mukha, mahahabang pilik mata saka mapulang labi. Morena naman ang kulay ng balat nito at pantay iyon mula ulo hanggang paa. Seems like she has a skin color like Lovi Poe but her aura is like Stefi Cheon of the award-winning Korean novela My Love from the Star dahil sa katarayan.
Naalala pa niya nang unang masilayan dito sa hacienda ang dalaga. Panay ang selfie sa kalagitnaan ng coconut plantation kaya hindi niya maiwasang matawa habang pinagmamasdan ito mula sa 'di kalayuan. Nakaabot ito sa manggahan at saka naman tila inuhaw ang alaga niyang si Sebastian kaya itinali muna niya sa mga kakawayan ang kabayong alaga niya at iniwan saglit doon para kuhanan ng tubig mula sa batis.
Napatago naman siya bigla sa likod ng puno ng mangga nang marinig ang boses ng dalaga, naroon na rin pala ito sa batis! Pinagmasdan niya ito habang pa-selfie-selfie at masayang nagtatampisaw sa malinis na tubig.
Bumilis pang bigla ang paghinga niya nang mapagmasdan itong tila Dyosa ng batis at umikot-ikot sa saliw ng hangin habang nakahiwalay sa bawat gilid ang mga kamay at nakapikit ang mga mata. The goddess of nature in her white shorts and a red bra inside of her opened jacket exposing her sexy and flawless morena skin. f**k it! She's just so damn hot and sexy!
“Ha? Si Carmela Miranda? Eh maldita 'yan eh. Malditang kontrabida!” saad ni Mikoy.
Natawa na naman si Ervin. “Natural maldita kasi nga kontrabida, hindi naman pwedeng kontrabida tapos santa!”
“Oo nga, alam ko 'yon! Pero kontrabida kasi at balita ko pa, maldita rin daw 'yan sa totoong buhay saka masama ang ugali!” siguradong pahayag naman nito na animo'y may kasalanan si Mel na nagawa rito.
Pinagmasdan niya ang kontrabida. “Hindi ako naniniwala. Lagi siyang kontrabida kaya kailangan niyang panatilihin ang mean image sa public pero hindi ako naniniwalang masama siyang tao.”
“Ha?”
“Yan kasi ang problema sa atin, hinuhusgahan kaagad natin kung ano lang yung nakikita ng ating mga mata without even knowing the real side of the person. Minsan, hindi lang natin alam, kung sino pa yung mga kontrabida sa screen sila pa yung totoong may puso sa likod ng camera.”