SHEINA
"Hindi ko maintindihan," sagot kaagad ni Jeron sa sinabi ko. "Hindi ko alam kung bakit kailangan nating maghiwalay dahil lang miyembro ng NPA ang tatay mo."
"Lang? Jeron, hindi ba big deal para sa 'yo ang nalaman mo ngayong tungkol sa tatay ko?"
Umiling siya kaagad. "Not really. Eh ano naman kung rebelde siya o kriminal? Hindi naman siya ang girlfriend ko. Ikaw naman. Kaya 'wag mo nang sabihin ulit yan, Sheina. Hindi ako natuwa sa sinabi mo."
Naiiyak na talaga ako. Natataranta na rin kasi si Jeron. Kitang-kita sa mga mata niya ang lungkot ng sinabi ko ang mga katagang iyon. Sa totoo lang, ayoko rin naman sa sinabi ko, pero ano ba ang magagawa ko? Ngayong napagtanto ko na kung gaano kaseryoso ang nangyari kagabi, hindi ko pwedeng idamay si Jeron sa magulo kong buhay.
"Jeron... Isang rebelde si Tatay. Hindi siya isang pangkaraniwang tao lang. Kaya habang ako ang girlfriend mo, malalagay ka sa alanganin. Mapapahamak ka!"
"That does not make sense to me," giit niya naman in his perfect English conyo accent. "Hindi naman ganoon yun, Sheina. Kahit naman wala tayong relasyon, may chance pa rin na mapahamak ako. Ang totoo niyan, dahil sa nalaman ko tungkol sa ama mo, mas gusto kong maging mas malapit pa sa 'yo. Mas kailangan kong protektahan ka. I don't care about being in danger. I don't like playing safe anyway."
"Pero paano kung pati ikaw ay madamay?" kontra ko sa kanya. Ayoko mang parang ipinagtatabuyan ko siya ngayon, pero kung ito ang kailangan kong gawin, gagawin ko talaga. "Hindi mo pa ba nakikita, Jeron? Habang hindi pa nahuhuli sina Tatay at ang mga kasamahan niya, pwede nila akong balikan. At pwede ka ring madamay."
Akala ko nakumbinsi ko na doon si Jeron dahil matagal din bago siya sumagot, pero umiling ulit siya sa akin at mas lalo lang niya akong nilalalabanan sa mga arguments ko. "Look, Sheina. Hindi tayo pwedeng maghiwalay dahil lang sa isang bagay na hindi pa naman nangyayari. Walang maghihiwalay. Hindi tayo maghihiwalay."
"So okay lang sa 'yo na palagi kang nakalagay sa panganib? Hindi naman pwede yun! At saka ano ang iisipin ng pamilya mo? Kapag malaman nila na isang miyembro ng Neo Partisan Army ang tatay ng girlfriend mo, sure ako na hindi nila magugustuhan iyon---"
"I don't care about what they say, Sheina. This is my life. Ako lang ang magdedesisyon para sa akin."
Hindi ako agad nakakasagot sa mga sinasabi niya sa akin dahil nagugulat din talaga ako sa kanya. Bigla na lang kasi siyang naging matapang... o assertive. Ayaw niyang magpatalo at talagang halata sa kanya na ipaglalaban niya talaga ang gusto niya kahit kanino, kahit laban sa akin pa.
Naiintindihan ko na ngayon ang sinasabi ni Raffy na kahit parang soft at reserved si Jeron ay may ibang side din siya na napaka-cool at napakatapang niya. At kahit nga ngayon eh. Mahigpit na niya akong hinahawakan sa mga kamay ko na para bang tatakbo ako palayo kapag nabitawan niya ako roon. Kaya naman feeling ko mas nai-stressed ako ngayong magpaliwanag sa kanya sa sitwasyon niya.
"Hindi mo kasi naiintindihan eh... Hindi ka ba na-warningan ng DOH bago ka nagpunta rito ng San Policarpio? Nasa paanan ang lugar na 'to ng isang bundok, Jeron. Bundok na mahirap puntahan at iniiwasan ng mga tao. Perpek gawing kuta ng mga tulisan. At ang bali-balita ay malapit daw sa bundok ang kasalukuyang kuta ng mga rebelde na yan. Hindi lang napasyal o aksidenteng napadpad dito ang Gregorio na yun. Talagang kaya nilang magpunta rito kahit ano'ng oras mang gustuhin nila. Kaya kahit na may mga pulis sa paligid, pwede pa rin nila tayong masaktan. Ganoon sila kalapit sa atin."
"I don't care, Sheina. Kahit na ano pa sila, hindi kita hihiwalayan dahil lang doon."
"Kahit na tutukan ka rin ng baril dahil sa akin?" hamon ko sa kanya. Gusto ko sanang matakot naman siya sa mga sinasabi ko, pero mukhang may katigasan din pala ng ulo ng lalaking ito. Talagang hindi man lang siya nasindak na isang miyembro ng Neo Partisan Army ang ama ng jowa niya. Eh siguro kung ibang lalaki ang jowa ko ngayon, baka tumakbo na sila palabas ng bahay.
"Nope. I'm not going to change my decision. At saka hindi ako duwag, Sheina. Para saan pa na ROTC ang NSTP ko noong college kung aatras din naman ako agad."
Natawa na lang ako sa sinasabi niya. "Jeron naman eh... Hindi naman kasi subject lang itong pinasukan mo. Totoong buhay na 'to. Okay lang sa 'yo? Na araw-araw parang nakalagay na rin sa hukay ang isa mong paa?"
Nagkibit-balikat siya. "Sheina, ever since I came here, I already considered myself to be in danger. And to answer your question, yes. Binigyan kami ng warning ng DOH bago kami mag-apply rito. And yes again, okay lang sa akin na may ganoong risk. Kung noon ngang hindi pa kita kilala ay okay lang sa akin na may kasamang panganib ang pagtrabaho ko rito sa San Policarpio, ngayon pa kaya na kilala na kita? Na girlfriend na kita? Anon'ng klaseng boyfriend naman ako noon kung iiwan lang kita agad as soon as I found out that your father is a rebel?"
"Wag mo akong Englisin, Jeron, utang na loob namabn. Wala akong nababasang subtitle sa may dibdib mo."
Natawa siya doon. And then kumalma na rin siya. Kumalma na kami pareho. Niyakap na niya ulit ako. "I will not go away. I just don't want to break up with you."
Natahimik na ako. Hindi ko na lang siguro ipipilit na hiwalayan niya ako, dahil parang wala rin naman siyang balak na makinig sa akin. Yun nga lang ako naman siguro ang araw-araw na mababaliw nito dahil sa takot ko na baka balikan ako ng mga NPA na yun. Ayoko man sanang i-acknowledge, pero parang nagiging paranoid na rin ako. Lalo na kapag may kumakatok sa pinto namin. Talagang napapaigtad ako sa gulat. Oo, hindi na ito tulad kagabi na mag-isa ko lang hinarap ang Gregorio na yun, pero ibang takot din pala ang dulot ng kasama ko ngayon si Jeron. Kasi paano kung may mangyaring masama sa kanya dahil sa akin? Mababaliw na siguro ako doon nang bongga.
Kaya nang finally ay dumating na si Nanay, ninerbiyos pa ako na baka NPA na ang dumating. Ang kaso kaagad kong narinig ang paiyak na pagtwag niya sa akin sa labas palang ng bahay namin. Nandoon siya, umiiyak habang kumakatok sa pinto at pinalilibutan ng mga chismosa (ngunit useful) kong mga kapitbahay. Naging emotional tuloy ang reunion naming mag-ina. Umiyak kaagad si Nanay nang makita ako. "Patawarin mo ako anak. Nangyari ang lahat ng 'to dahil iniwan kitang mag-isa rito..." hikbi niya. "Hayaan mo, hindi na mauulit 'to."
Natigilan naman ako doon dahil iisa lang ang naiisip ko sa sinabi niya. "Teka, 'Nay. Ano ang ibig sabihin mo diyan? Isasama mo na ba ako ng Maynila?"
Pero umiling si Nanay. "Kung pwede lang sana eh. Ang kaso naman, wala ka ng matutuluyan doon sa bahay ng amo ko. Ayaw mo rin naman doon sa Kuya mo. Kaya magandang dito ka na lang."
"Ha? Eh ano 'yung sinasabi mo?"
Si Nanay naman ang nagtaas ng kilay sa akin. "Teka, hindi pa ba sinasabi sa 'yo ni Jeron ang tungkol sa napag-usapan namin nang tumawag siya?"
"Ha? Ano'ng napag-usapan?" tanong ko rin. Tapos napalingon ako kay Jeron na pulang-pula na ngayon ang buong mukha for some reason.
"Sheina, pumapayag na ako na umupa rito si Jeron sa bahay."
Muntik na akong mag-cartwheel na narinig ko. "T-Talaga?"
Tumango si Nanay. "Naisip ko kasi na tama lang naman na may kasama ka rito sa bahay habang hindi ka pa nakakapangibang bansa. Kita mo ang nangyari. Kung hindi dahil kina Jeron ay baka kung napano ka na anak. Kaya sige na, papayag na ako na dumito si Jeron. Nagkausap na rin naman kami nang masinsinan, kaya alam na niya ang mga ayaw kong gawin niyo dito habang magkasama kayo sa iisang bubong na hindi pa kayo kasal."
Siguro kung may iniinom lang ako ngayon ay baka naubo ko na. "Nay naman eh. Hindi naman ako ganoon. At saka dito pumanaw sa bahay si Lola. Akala mo ba magagawa kong makipaglandian dito gayong may chance na nandito pa ang multo niya at nakamasid lang sa akin? Eh wala nga yata akong privacy eh."
Hindi natawa sa biro ko si Nanay. Napansin ko rin kasing masyado niyang sineryoso iyong nangyari. Pumapayat na pa naman siya, kaya hindi ko alam kung ano ang dapat kong sabihin sa kanya ngayon para kumalma na rin siya. Parang mas traumatized pa nga siya kaysa sa akin eh. Kanina ko pa nga gustong sabihin na sobrang miss ko na siya, o na sana 'wag na lang siyang bumalik ng Maynila, na dito na lang siya. Pero hindi ko na sinabi ang mga iyon dahil alam ko naman na hindi ako pakikinggan ni Nanay. Hangga't may pagkakataon kasi siya, alam kong iiwas siya na magtagal sa lugar na ito. Ang lugar kung saan nasugatan ang puso niya nang napakalalim.
Kaya bago kami matulog, pagkauwi ni Jeron kina Raffy (dahil doon siya matutulog at sa Lunes pa siya lilipat dito sa bahay) ay nagkwento na ako kay Nanay tungkol sa pagkakita ko kay Tatay. Hindi naman na nagulat si Nanay sa sinabi ko. Para ngang sumaya pa siya nang malaman niyang pinuntahan ako ni Tatay para pagmasdan mula sa malayo eh.
"Nay, ano kaya sa tingin niyo ang dahilan kung bakit bumalik dito si Tatay? Ang sabi mo ay sigurado kang ayaw na niyang makipagbalikan sa inyo, so bakit nagpakita pa siya rito?"
Napabuntong-hininga si Nanay sa tabi ko. Magkatabi kasi kami ngayong matutulog. "Anak, kahit naman nasira kami ng Tatay mo, hindi naman kasama doon ang relasyon mo sa kanya. Anak pa rin ang turing niya sa 'yo, kaya malamang ikaw talaga ang pakay niya sa pagbabalik niya rito."
"Pero ayoko na bumalik pa siya o lumapit sa akin," sabi ko. "Hindi ko naman siya kailangan na sa buhay ko."
"Alam ko... Malaki ka na para kailanganin ang tulong niya. At kahit galit ka sa kanya, hindi mawawala ang katotohanang mag-ama kayo. Kaya siguro siya nagpakita sa 'yo. Gusto niyang makita kung kumusta ka na ba. Pero hindi ka na niya nilapitan dahil alam niyang galit ka sa kanya. Ginawa niya na rin yan noon kay Kuya Kris mo."
"Talaga? Nagpakita rin siya kay Kuya Kris?"
"Oo. Nakita raw siya ni Kuya Kris mo sa likod ng dati niyang high school noon ng nag-aaral pa siya rito. Nanood raw ito ng laban ng Kuya mo sa Intrams sa basketball."
"Oh wow. Hindi ko alam yan ah. HIndi sinabi ni Kuya sa akin."
"Hindi na niya nasabi sa 'yo dahil ayaw niyang maguluhan ka pa. Pero naiintindihan mo na ba? Kami lang ang nasira. Pero kayo ng Kuya mo, dapat nga ay inaasikaso niya kayo. Kaso nasaan siya? Sumama siya sa mga kaibigan niyang namundok. Dahil ano? Dahil pinag-initan siya ng mga sundalo dahil matagal na niyang kaaway iyong isa sa mga sundalong nadestino rito? Napaka-selfish ng Tatay mo, Sheina. Inuna niya pa talaga ang pride niya kaysa pamilya niya."
"Kaya nga ang kapal ng mukha niyang bumalik dito at magpakita sa akin."
"Eh siguro nami-miss ka na rin niya. Mahal na mahal ka naman talaga ng Tatay mo, Sheina. Hindi ko iyon maitatanggi. Noong kakapnganak ko nga lang sa 'yo ay umiiyak yun kapag nilalagnat ka. Siya rin kasama mo madalas dahil nga may trabaho ako noon sa Talisay."
"Pero nagbago na siya, 'Nay. Hindi na siya ang dating tatay ko."
"Yan ang hindi ko masasabi, Sheina. Mas maganda pa rin sana kung makakaharap at makakusap mo siya para ikaw na mismo ang humusga. Kaya nga lang, baka mapatay ko siya kapag nagpakita siya sa 'yo na nandito ako. Dahil papatayin ko talaga siya. Pinahamak ka niya. Alam ko namang dahil sa kanya kaya ka nalagay sa panganib. Kaya humanda talaga siya. Huwag na lang siyang magpapakita kahit anino niya habang andito ako."
***
Tatlong araw ang nilagi ni Nanay dito sa San Policarpio. At aaminin ko, noong dumating na ang araw na babalik na siya ng Maynila, gusto ko siyang pigilan. Gusto ko siyang kumbinsihin na dito na lang siya, kaso sa dami ng utang niya noon pa, imposibleng mapapasunod ko sa kagustuhan ko si Nanay. Hindi ko na nga napigilang maiyak nang inihatid na namin siya ni Jeron sa bus station.
"Jeron, iho, 'yung bilin sa 'yo ha. May tiwala ako sa 'yo. Wag mo sana ako biguin."
Tumango-tango naman si Jeron. "Opo, 'Nay. I'll do my best. And thank you po sa pagtitwala sa akin kahit na kailan lang tayo nagkakilala."
"Naku, ayos lang. Basta mag-iingat kayo rito ha. Kung may problema, tawagan niyo ako."
"Opo." Nagyakapan na kami at tahimik na lang akong nagpaalam. Ayoko na kasing magdrama at baka mauwi pa sa full-blown emotional breakdown pa ako rito sa terminal. Magiging laman na naman ako ng mga balita niyan eh.
Nang pauwi naman kami, nagulat ako nang dumating bigla si Raffy kung nasaan kami. At may dala pa itong motor. "Buti naman at nakarating ka na," sabi ni Jeron sa kanya. "Ba't ang tagal mo?"
Pinandilatan siya ng kaibigan niya. "Nagrereklamo ka pa? Eh ang layo ng binilhan mo nito. Sa kabilang probinsya pa talaga."
"Ah... Eh doon lang kasi may brand na yan. Ang sabi mo mas maganda ang big bike kaysa normal na motor."
"Oo naman! Nakita mo ba ang mga kalsada rito sa atin? Talagang dapat big bike ang gamit mo rito, ano? Masisira lang ang motor mo kapag 'yung mga pabebeng motor ang binili mo."
Hindi na ako nakatiis. Sumingit na ako sa usapan nila. "Teka lang ha. Ano 'to? Nagpabili ka ng motor, Jeron?"
Tumango naman siya. "I need it, Sheina. Para hindi na ako naglalakad kapag pupunta ako sa inyo from work."
"Ah... Sosyal mo naman. Nakakabili agad ng motor."
"At para hindi ka na umangkas sa motor ng iba," sabi niya pa. Alam kong si Larry ang tinutukoy niya kaya hindi ko alam kung matatawa ba ako o maiinis. "Tara, test drive natin. Mag-date rin tayo, Sheina. Let's have our first proper date as a couple."