Naya’s POV
Tapos ko nang idikit sa dingding ng kuwarto ko ‘yung poster na kinuha ko sa may poste kanina. Hindi talaga ako tumigil hanggang hindi ako nakakakuha ng ganoon. Basta pagdating kay Stefano, gagawin ko ang lahat. Ngayon palang talaga ay excited na ako sa magiging pa-contest niya. Naku, sana talaga ay manalo ako. Sana ako na ang palaring maka-date ni Stefano. Ipagdadasal ko talaga ‘yan gabi-gabi.
Pagkatapos kong idikit ang poster ni Stefano sa kuwarto ko, lumabas na ako ng bahay para puntahan ang frenny ko. Sakto, nadatnan kong siyang nagdidilig ng halaman sa harap ng bahay nila. Agad naman siyang napangiti nang makita ako.
“May favor ako sa iyo, frenny,” sabi ko agad kay Ari. Siya ang best friend ko. We’ve been best friends since we were young. Paano kasi, simula grade one hanggang highschool, magkaklase kami. Kaya lahat ng kalokohan at kagagahan ko sa buhay ay alam niya. Siyempre, ganoon din ako sa kaniya. Lahat din ng mga malalang kasalanan ay nagawa na namin. Kami ‘yung magkaibigan na kapag nagkasama, palaging disaster ang nangyayari kapag umiral ang pagkagaga namin.
“Oo naman, kahit ano pa ‘yan,” sagot niya at saka ako inabutan ng isang slice ng cake na cake pa ata ng mama niya dahil birthday nito kahapon. “Sige, sabihin mo, anong favor ba ‘yan, frenny?” tanong naman agad niya sa akin nang ayain niya akong maupo sa terrace ng bahay nila.
I first set the cake she gave me on the table and then I approached her. I leaned on her shoulder and whispered. Baka kasi mapagalitan na naman kami ng mama niya kapag narinig ang plano namin. “May pasusundan ako sa kapatid mong lalaki,” sabi ko sa kaniya.
“Sino? Makakasama ba ‘yan sa kapatid ko? Sabihin mo na agad para alam ko kung papayag ba ako o hindi dapat?” Nadala na kasi siya. Nung may favor kasi akong hiningi sa kaniya at inutusan ko ang kapatid niyang lalaki na bumili ng condom para i-prank namin ang ka-workmate kong babae ay nahuli ang kapatid ni Ari ng ina nila na hawak ang condom na ‘yun. Akala ng ina nila ay nakikipag-s*x na ito sa ganoong edad kaya pati kami ni Ari ay napagalitan dahil umamin sa ina nila ang kapatid ni Ari na ako talaga ang nag-utos niyon. Ang natatandaan ko, halos kalahating buwan akong hindi pumupunta rito dahil sa hiya sa mama niya. Mabuti nga ay okay na ulit ako dito. Kaya ngayon, nag-iingat nalang din talaga kami ni Ari.
“Sa tingin ko hindi naman mapapasama ang kapatid mo rito. Susundan niya lang ang boyfriend ng ate ko. Gusto ko kasing malaman kung ano ba talaga ang pinaggagagawa ng lalaking ‘yun sa buhay niya. Kailangan kong makakita ng baho niya. Kailangan kong malayo ang pangit na ‘yun sa buhay ng ate ko,” paliwanag ko habang sinusuklay-suklay ng kamay ko ang buhok niya. “Huwag kang mag-alala, bibigyan ko naman ng pera ang kapatid mo kahit pa paano. Limang daang piso lang naman ay masaya na ‘yun ‘di ba?”
Mabuti na lang at pumayag siya. Masaya tuloy akong umuwi sa bahay namin. Hindi na ako nagtagal sa bahay nila Ari at may inaabangan kasi akong email tungkol sa pa-contest ni Stefano. Baka kasi nakatanggap na rin ako.
Pag-uwi ko sa bahay. Nag-open agad ako ng laptop. Nagulat ako dahil nakatanggap na nga ako ng email.
Good day, Naya Cuervo,
I congratulate you for being one of the official participants in the upcoming anniversary contest in the showbiz life of Stefano Virgo. I just wanted to inform you that tonight, at seven o’clock, there will be a live streaming on Stefano’s official Star book page. All of you are invited to watch the live streaming to be informed about the important details of Stefano’s game. It is crucial not to miss the live streaming tonight, as it will be a significant loss if you are not tuned in. Thank you very much, and good luck!
Napatalon ako sa tuwa. Nakatanggap ako ng email kaya ang ibig sabihin lang nito ay kasali na talaga ako sa contest niya. Aabangan ko ang live streaming mamaya. Hindi ako puwedeng magpahuli.
“Naya, nariyan ka ba sa kuwarto mo?” tanong ni mama sa labas. “Kung nariyan ka, halika na rito sa labas. Kakain na tayo.”
“Sige po, nariyan na po!” sagot ko nang pasigaw. Sinara ko na ang laptop at saka lumabas.
Paglabas ko, sakto namang na pumapasok na sa pinto si Ate Ayah. Nagkatinginan kaming dalawa pero, agad akong umiwas nang tingin sa kaniya dahil hanggang ngayon, natatangahan pa rin ako sa kaniya.
“Oh, tamang-tama ang dating mo. Halika na, kakain na tayo ng tanghalian,” sabi ni Mama kay ate nang makita ito.
“Busog pa po ako. Saka, napagod din ako sa nilakad ko kaya mamamahinga na lang po muna ako sa kuwarto ko,” sagot niya. Napairap ako. Sigurado akong hindi pa kumakain ‘yan. Siya pa, pakainin ng Ralph na ‘yun? Asa! Wala ngang ibubuga ang pasarap sa buhay na lalaking ‘yun, e. Ay, naku. Hindi ko talaga ma-gets si ate kung bakit pinipili pa rin niyang mahalin ang lalaking ‘yun? Ginto kaya ang alaga ng lalaking ‘yun kaya hindi niya maiwanan? Nakakaloka talaga siya.
“Napapansin ko, hindi na sumasabay sa pagkain natin ‘yang si Ayah. Naiinis ako sa babaeng ‘yan. Pagsabihan mo ‘yan, Laya,” galit na sabi ni Papa Nelson habang galit din ang mukha.
“Hayaan mo na, ganoon talaga ang mga nagma-mature na. Mas gusto nila ‘yung may sarili ng mundo,” sagot ni mama sa kaniya.
“Aba, hindi ganoon dito sa bahay. Makikisalamuha naman siya kahit pa paano. Porket ba wala akong trabaho dahil lumpo ako ay mawawalan na siya ng galang sa atin,” galit pa rin na sabi ni papa. “Kung hindi lang ako nagkaganito, hindi naman ako magiging pabigat sa inyo, baka hanggang ngayon may trabaho pa rin ako,” dagdag pa niya na halos mangiyak-ngiyak pa. Mas lalo tuloy akong nainis kay ate kasi nagkakaganito tuloy sina mama at papa. Sa tuwing maaalala ko ‘yung pag-abot niya ng pera sa mukhang perang nanay ni Ralph, nabubuwisit ako.