KARINA
Hinatid niya ako sa condo pagkatapos naming mag-dinner sa isang restaurant. Tumawag daw kasi si Catalina at may sakit daw ang anak nito.
Sa ngayon ay wala pa akong balak mag-demand sa kanya dahil hindi pa siya tuluyang kumakapit sa akin. Pero sa oras na maramdaman kong baliw na siya sa akin ay saka ko uumpisahan ang aking plano dahil hindi naman ako nagmamadali.
Pagkapasok ko sa condo ay dumerecho ako sa kuwarto. Ibinaba ko ang bag sa ibabaw ng kama at pabagsak akong humiga sa malambot na kama. Nang pumikit ako ay lumarawan sa aking isip ang mga nangyari sa amin ni Sergio. Kung paano niya akong inaangkin ng paulit-ulit at kung paano niya sinasabi sa akin kung gaano niya ako kamahal. Ayokong maniwala sa kanya na minahal niya ang kapatid ko. Dahil kung totoo man yun. Hindi sana niya pinili si Catalina kaysa kay Katherine kahit na gaano pa kalalim ang dahilan. Sarado ang utak ko sa ano mang paliwanag niya.
Mabigat ang katawan na bumangon ako sa kama. Nagpunta ako sa malaking cabinet at binuksan ko ang ibaba nito kung saan nakatago ang malaking box ng lagayan ng personal na gamit ni Katherine. Ipinatong ko ito sa ibabaw ng salamin na mesa at naupo ako sa couch.
Suminghap ako at tinangal ang takip nito. Bumungad sa akin ang larawan niya at ni Sergio. Nakayakap ito sa kanyang likuran at hinalikan ang kanyang pisngi. Kitang-kita ko ang masayang ngiti sa labi ng aking kapatid na may hawak pang bulaklak. Sa likod nito ay naroon ang date at may nakalagay din ditong happy monthsary.
Ibinaba ko ang picture at kinuha ko ang isang box kung saan naroon ang kanyang mga alahas. Siguro bigay din yun ni Sergio sa kanya.
Sa huli ay kinuha ko ang phone niya. Palagi kong itong tinitignan kapag naalala ko siya kaya. Minsan tinatawagan ko pa ang phone niya. Kahit alam kong hindi na niya magagawang sumagot pa.
Nag-umpisang magbagsakan ang aking luha nang buksan ko ulit ang gallery niya. Nakita ko ang masasayang pictures niya kasama si Sergio.
Habang tinitignan ko ang mga larawan nila ay may numerong tumawag sa kanyang phone. Bigla akong kinabahan pero sinagot ko rin ito.
“Hello?”
“Huh! Ako ba talaga ginagalit mo Katherine?” Rinig ko sa kabilang linya ang galit na galit na boses ng babae.
“Sino ka?” Nanginginig ang kamay kong tanong sa kanya.
“Huwag ka ng mag-maang maangan pa! Alam mong ako ito Katherine! Layuan mo ang asawa ko! Kung hindi! Ipapakita ko kay Sergio ang kababuyan na ginawa mo!”
Nabitawan ko ang phone ng hindi ko sinasadya kaya nahulog ito sa paanan ko. Natigalgal ako at parang napako sa kinatatayuan ko.
Sigurado ako, si Catalina ang tumawag sa akin! Pero anong video ang sinasabi niya? Wala akong alam tungkol doon!
Nang makahuma ay pinulot ko ang phone. Sinubukan kong tumawag ngunit out of coverage na ang phone niya.
Kaagad kong kinuha ang phone ko at tinawagan ko si Marla.
“Hello, Marla?”
“Karina? Bakit?” wika niya nang sagutin ang tawag ko.
“Busy ka ba? Puwede ka bang magpunta dito? Ako na lamang ang maghahantid sa’yo pauwi.”
“Hindi naman, okay I’ll be there in thirty minutes.”
Ibinaba ko ang tawag at nagpalit na rin ako ng damit. Kumuha ako ng wine at inilagay ko sa table. Nag-uumpisa na namang manginig ang aking katawan. Pakiramdam ko hindi lang basta nagpakamatay ang kapatid ko! Pakiramdam ko may foul play sa nangyari at hindi lang siya basta nagbigti!
Halos maubos ko na ang isang bote nang dumating si Marla.
“Anong nangyari sa’yo?” Nag-aalalang tanong niya sa akin.
Hinila ko siya sa upuan paharap sa akin.
“Bago mamatay si Katherine, may iba ka bang napapansin sa kanya? Sa ikinikilos niya or ipinapakita niya? May alam ka ba na hindi ko alam, Marla?”
Awang ang labi niya nang tignan niya ako. Nag-iwas siya ng tingin na parang inaalala yung mga nangyari noon bago mamatay ang kapatid ko.
“Ang huling naalala ko lang…palagi siyang may kausap noon sa phone…tapos kapag gigising kami palaging namamaga ang mata niya. Kapag tinatanong ko siya hindi siya sumasagot sa akin, Karina. Iniisip ko baka si Sergio ang dahilan. Halos isang buwan siyang ganun nang umalis si Sir Sergio at Ma’am Catalina pagkatapos ng kasal nila.” Paliwanag niya sa akin.
Suminghap ako at mariing napapikit sinapo ko ang akong mukha ng dalawang kamay.
“B-bakit? May iba ka bang nalaman?”
Tinignan ko siya at ipinakita ang phone ni Katherine na nasa tabi lang ng upuan ko.
“Tumawag si Catalina sa dating phone ni Katherine. Nagbabanta siyang layuan ko si Sergio. Kung hindi ipapakita niya ang video ng kababuyan ni Katherine. Naguguluhan ako Marla…paano kung bukod sa pagpapakasal ni Sergio sa babaeng yun may iba pang dahilan kung bakit nagpakamatay ang kakambal ko?” Natatarantang sabi ko sa kanya. Napasabunot ako sa aking sarili.
“Karina, huminahon ka—”
“No! P-Paano ako hihinahon Marla?! Naguguluhan na ako sa nararamdaman ko! Hindi ko na alam kung anong paniniwalaan ko! Alam mo ba?! Alam mo ba ang nararamdaman ko ngayon? Gusto ko silang patayin lahat! Gusto ko silang ibaon sa hukay kagaya nang nangyari sa kapatid ko! Pero hindi ko magawa dahil alam kong mali pa rin ang pumatay ng tao!”
Sa labis na galit ko ay inihagis ko sa pader ang bote at nagtalsikan ang bubog nito. Naramdaman ko sa aking pisngi ang pagtama ng bugbog pero hindi ko ito ininda dahil sa labis na galit.
“K-karina tama na…hindi makakabuti sa’yo ang ginagawa mo.”
Niyakap niya ako at tuluyan na akong napahikbi sa kanyang balikat.
“S-si Ka–therine… hindi siya nagpakamatay…sigurado akong may nangyari…na nagtulak sa kanyang gawin yun…” mahinang sambit ko habang humihikbi at napakapit na ako sa kanyang braso. Napaupo kami sa sofa.
“Tama na…tutulungan kita, Karina. Tama na huwag ka ng umiyak.” Alo niya sa akin. Dalawa na kaming umiiyak ngayon.
Kinabukasan ay hindi ako nakapasok dahil sa wala akong maayos na tulog. Mabuti na lamang nilinis ni Marla ang kalat ko kagabi. Humingi ako ng tawad sa kanya dahil hindi ko na siya naihatid. Magtataxi na lang daw siya pauwi.
Napatingin ako sa phone ng muli itong umilaw. Kanina pa tumatawag si Sergio pero wala akong ganang sagutin ang tawag niya. Pinatay ko ang phone at muli kong sinubsub ang aking mukha sa unan.
Narinig ko ang pagbukas ng door kaya tamad na tumayo ako sa kama. Manipis na pulang pantulog lang ang suot ko kaya inayos ko ang aking sarili. Sabi kasi ni Marla babalik daw siya para hatiran ako ng pagkain bago pumasok.
Pero laking gulat ko nang si Sergio ang bumungad sa akin. Nag-alala niya akong tinignan at may dala pa siyang pagkain.
“Sabi ni Marla may sakit ka daw kaya ako na lang ang nagdala ng pagkain. Hindi mo kasi sinasagot ang tawag ko.” Wika niya nang pumasok sa loob ng pinto at ini-locked ito. Binaba niya ang pagkain sa table at saka ako nilapitan na wala pa rin sa sarili.
“What happen? Bakit namamaga ang mata mo? May problema ba? Nag-away ba kayo ni Karina?”
Nag-angat ako ng tingin sa kanya nang marinig ko ang pangalan ko.
“Why? Inaway ka ng kakambal mo?”
Sinubukan niya akong hawakan ngunit. Umatras ako palayo sa kanya. Alam niya ang tungkol sa akin. Kinukuwento pala ako ni Katherine sa kanya.
“Umalis ka na Sergio, marami ka pang trabaho.” Iwas ko sa kanya. Sinubukan ko siyang talikuran ngunit mabilis niyang nahila ang braso ko.
“Ini-iwasan mo ba ako? Okay pa tayo kagabi diba? Bakit ka nagkakaganyan? May nagawa ba ako sa’yo? Galit ka ba sa akin? Sabihin mo, dahil ayoko ng ganito, Katherine.” Pagsusumamo niyang nakatingin sa akin. Hinamig ko ang aking sarili. Pinigilan ko ang aking emosyon na gustong kumawala sa akin.
Hindi ako maaring mabisto ni Sergio. Pero kailangan kong malaman ang tungkol sa nangyari sa kapatid ko!
“Iwan mo na si Catalina…at ang anak niyo at magpakasal na tayo Sergio.” Seryosong sambit ko na ikina-awang ng kanyang labi.
Hindi ko alam kung hangang saan ang kaya niyang isakripisyo para sa kapatid ko. Pero kahit gawin man niya ang bagay na yun. Walang kasalang magaganap sa pagitan ng dalawa.