Kabanata I
Paunawa: Ang mga pangalan ng mga tauhan at mga eksena sa kwentong ito ay kathang isip lamang. Ano mang pagkakatulad nito sa mga pangalan at mga tagpo sa buhay ng partikular na OFW sa ibang bansa ay hindi sinasadya at nagkataon lamang.
ANGENIKA
"LAGI KO naman kasing sinasabi sa kanila na huwag na nilang kakainin ang bawal sa kanila, pero ayon, kinakain pa rin. Nasasayang ang perang pinadadala kung lagi na lang sa gamot napupunta."
Ito ang sentimyento ko na kasalukuyan kong inilalabas kay Margaret habang naglalakad kami sa Bayan Botanical Garden and Park.
Day off namin ngayon, ang una sa tatlong day off namin sa buong buwan.
"Alam mo naman kasing masarap ang bawal kaya't unawain mo na lang. Mga magulang mo iyon," wika ni Margaret na panay ang pagse-selfie sa paligid.
"Naku Margaret, kung alam mo lang. Napakahirap magpalaki ng magulang," sabi ko pa.
"Buti nga at wala ka pang asawa at anak, ikaw na ang katuwang nila ngayon," aniya.
"Paano na lang kaya kung may asawa at anak na ako, sino na ang mag-aalaga at magbibigay panggastos sa kanila?"
Hindi ko talaga mapigilan ang sarili ko dahil naiinis akong malaman na naospital na naman si tatay dahil sa pagkain ng mga bawal sa kanya. Diabetic kasi siya kaya't maaaring magkaroon ng komplikasyon kapag lumala iyon.
"Ikaw pa rin ang tutulong sa kanila kahit na may asawa at anak ka na. Tandaan mo, ikaw pa lang ang may trabaho at nag-aaral pa ang mga kapatid mo," wika pa niya saka itinali ang sintas ng kanyang sapatos.
"Iyon na nga eh. Ako pa rin. Kaya sana ay makikinig sila sa mga sinasabi ko, diba?"
"Ganyan din naman tayo noong mga bata tayo. Kahit bawal ginagawa, kaya't unawain mo na lang sila," patuloy pa niya.
"Bahala nga sila. Kapag ako talaga nakapag-asawa," hindi ko itinuloy.
"Nakapag-asawa ng? Arabo?" Natatawa niyang wika.
"Sis, maawa ka naman sa matres ko baka masira ang bahay bata pag 'di ko kinaya," natatawa ko ring sabi.
"Naku sis, basta mayaman, gwapo, at hindi mabaho, go na. Kaya namang tiisin ang size kaya huwag ka nang choosy," sabi pa niya.
"Ang tanong, meron ba? Wala naman diba? Kaya huwag na tayong umasa," umirap pa ako.
"Teka nga, day off natin ngayon. Dapat naghahanap tayo ng majojowa, para sa susunod ay may kasama na tayong iba," aniya.
"Gaga. Bakit nagsasawa ka nang kasama ako?" Naiinis kong sabi.
"Oo. Paano ba naman kasi, sa bahay ni Yusuf, tayo ang magkasama, sa day off tayo pa rin, wala nang bago sis," aniya.
Totoo nga naman. Magkasabay lang kaming pumasok ni Margaret kay Yusuf. Ang mga anak ni Yusuf ang nagdala kay Margaret sa kanilang main house upang may kasama akong domestic helper sa bahay. Hindi ko kasi kakayanin kung ako na nga ang nag-aalaga sa matanda tapos ako pa ang maglilinis ng buong bahay.
Tatanda ako kaagad kapag nangyari ito.
"Sige, maaga pa naman kaya pwede pa tayong lumipat ng ibang pwesto. Nakakasawa na rin tumambay sa botanical garden na ito ano," sabi ko pa.
Kaya naman nagtungo kami sa Al Riqqa Park. Doon ay mas maraming Pinoy ang tumatambay kaya naman hindi nakakailang kung saan namin gustong maupo at mag-ingay.
"Pinoy ba ang hahanapin natin?" Tanong niya.
"Seryoso ka talaga sa paghahanap?" Sagot ko sa tanong niya.
"Mukha ba akong nagbibiro?" Aniya.
"Nakakasakit ka na ha? So sawa ka na talagang kasama ako? Break na tayo," kunwari ay nagtampo ako.
"Gusto mong mukha mo ang ibreak ko, ang arte mo ah," aniya.
Humarap na ako sa kanya at saka ako naglabas ng pagkain sa bag. Nagugutom na ako. Mag-aalas dose na kasi ng tanghali.
"Gusto ko din naman ng Arabo kaso mas gusto ko ng Pinoy syempre. Basta Pinoy, sweet lover," sabi ko pa.
"Driver iyon," aniya.
"Ganon na din iyon, bruha," natatawa kong wika.
"So kung Pinoy, ano namang nga katangian ang gusto mo?"
"Kailangan ko talagang sagutin iyan?" Tumingin ako sa kanya.
"Syempre. Para kapag may nakita ako, ituturo ko kaagad sayo,"
"Teka, bakit parang ako itong nangangailangan ngayon ng jowa, e ikaw itong ayaw akong kasama?" Tanong ko.
Nakakahalata na ako sa babaeng ito.
"Mukha kasing sa ating dalawa ay ikaw ang mas nangangailangan," sagot niya.
"Bakit mo nasabi? Bruha ka," natatawa na naman ako.
"Paano, sa tuwing lalabas tayo, puro problema sa pamilya ang sinasabi mo, gusto ko namang makarinig sayo ng problema sa love life kaya hahanap tayo," saka siya tumingin sa paligid.
"Ang sama mo talaga. So hahanapan mo ako ng jowa para magkaroon ng problema sa love life? Ang ending gusto mo lang pala akong ma-broken heart? Kaibigan mo ba ako Margaret?" Hinawi ko pa ang balikat niya upang tumingin sa akin.
Pero ayaw niyang tumingin.
"Sis, magdescribe ka nga ng gusto mo sa Pinoy," aniya.
"Luh. Ayaw ko nga,"
"Isa, sisigaw ako dito ng magnanakaw," pagbabanta niya.
At kilala ko siya. Kapag sinabi niya ay gagawin niya, kaya naman wala akong lusot kundi magbigay ng mga katangian na gusto ko.
"Gusto ko ng singkit at palangiti na mga mata. Matangos na ilong, kayumanggi at saka matangkad," nakatingin pa ako sa taas habang sinasabi ang mga iyon.
"Sis, macho gwapito? Hindi mo gusto?"
"Kung macho pa, e di tiba-tiba na ang aking ganda," sabi ko pa saka tumingin sa kanya.
Tiningnan ko kung saan siya nakatingin at halos kilabutan ako nang makita ko ang sentro ng mga paningin niya.
Tugmang tugma ang nakikita ko ngayon sa mga katangian na sinabi ko kanina.
"Sis, sa palagay ko ay nahanap ko na ang bagay sayo," aniya sabay tayo at lalapit sa lalaking nakasuot ng asul na t-shirt at maong na itim habang nakatayo lang at gumagamit ng cellphone.
Singkit siya. Matangos ang ilong, matangkad, kayumanggi at matipuno ang pangangatawan. Napakaganda ng tindig nito at tila ba tinalo pa nito ang babae sa umbok ng pwetan nito.
Nakakainis.
"Hoy, Margaret, tumigil ka nga," tumayo na rin ako at akmang pipigilan siya pero mabilis talaga siyang maglakad sa liit niyang iyon.
"Hoy, Margaret tumigil ka, nakakahiya," sigaw ko pa.
Hanggang sa makalapit na siya sa lalaki at kinalabit iyon.
Shocks. Tumalikod ako bigla at ayaw kong makita ang ginagawa niya pero wala akong choice kundi hilahin siya paalis.
"Excuse me boss, Pinoy ka ba?" Tanong niya sa lalaki.
Nagtataka ang lalaking tumingin sa kanya habang hawak nito ang kanyang cellphone.
"Oo bakit?" Seryosong tanong nito at saka naman ito tumingin sa akin nang papalapit ako.
Shocks. Ang pula ng lips niya at ang ganda ng mga mata niya kahit singkit siya.
"Type ka kasi nitong kasama ko," walang preno niyang sabi.
"Huwag kang maniwala sa kanya," agad kong sabi at saka ko tinakpan ang bibig niya.
Hinila ko na siya paalis at nakita kong sobrang ngiti ang ginawa niya at nasilayan ko ang mga ngiti niyang iyon na parang bibihag sa aking damdamin.
Kaso, ngayon lang iyon. At hindi ko na inaasahan ang pagkikita naming muli.
"Margaret, isasako talaga kita. Nakakahiya ang ginawa mo," naiinis kong sabi habang naglalakad paalis.
"Asus, gustong gusto mo naman. Nakita mo ba ang mga ngiti niya? Diba ang bongga? Shemss, ang gwapo niya. Sana pala kinuha ko ang social media account niya," sabi pa niya habang humahabol sa akin.
"Madik ammu kanyam (Ewan ko sa'yo)," wika ko sa dayalekto ng mga Ilocano.
KUMAIN kami sa isang Pinoy restaurant dahil namiss kong kumain ng Pinakbet. Ito kasi ang specialty ng mga Ilocano kaya't namimiss ko na talaga.
Ang pagkain kasi dito ay puro maaanghang at maraming bawang at sibuyas. Madalas na manok ang ulam dahil bawal naman ang karne ng baboy dahil Muslim Country ito.
Pagkatapos naming kumain ay namasyal pa kami ng namasyal hanggang sa mapagod na kaming dalawa.
"Ano, uwi na tayo? Baka hinihintay na tayo ng apo ni Yusuf. Uuwi pa iyon sa kanila," sabi pa niya sa akin.
Ang apo ni Yusuf na si Abu Rakim ang nagbabantay sa kanyang lolo sa tuwing mayroon kaming day off. Mabait naman itong binata na siyang bunso sa kanilang mga magkakapatid.
"Sige, mamimili lang ako ng mga de-lata at ibang goods para kapag ayaw ko ng ulam na ipapaluto ni Yusuf ay may sarili akong pagkain. Mahirap na," sabi ko pa.
"Sige ako rin," aniya.
Kaya naman nagtungo na kami sa Oncoast Salmiya Grocery upang mamili ng aming kanya kanyang mga pagkain.
Malapit na lang ito sa aming pinagtatrabahuhan na bahay pero hindi kasi kami basta bastang makalalabas kaya naman bibilhin na namin ang mga kaya naming bilhin ngayon para hindi na kami mahirapan pa.
Agad akong nagpunta sa may mga noodles at mga tsitsirya dahil paborito ko ang pagkain na ito lalo na sa tuwing nagbabasa ako ng mga nobela sa Dreame app dahil sinusundan ko ang mga kwentong Pinoy ni Otor Flo.
Nahuhumaling kasi ako sa pagbabasa lalo pa at parang dinadala niya ako sa Pinas at inililibot sa mga bukirin, sa mga kanto at mga syudad doon. Kaya naman kahit papaano ay naaaliw ako at hindi ko namimiss ang Pinas bukod sa pagvivideo chat namin ng aking mga magulang at mga kapatid.
Naging past time ko na rin talaga ang pagbabasa at naeengganyo ko na rin si Margaret.
Pagkatapos kong maglagay ng sapat na tsitsirya, candies and chocolates pati na ng mga noodles ay nagtungo naman ako sa estante ng mga de-lata.
Namimiss kong kumain ng sardinas at dahil bawal dito ang meat ay puro de-latang isda lang ang naka-display.
Habang namimili ako ng brand ay aksidente kong natabig ang mga nakasalansan doon kaya't nagkandahulog iyon hanggang sa gumulong na sa kung saan saan.
"Shocks," nasambit ko.
Isa isa kong pinulot ang mga iyon at nahihiya kong tiningnan ang mga taong nakatingin lang sa akin.
Anong palagay nila sa akin engot?
Kaya naman chance ko nang magsalita ng lenggwahe na hindi nila naiintindihan.
"Anya ngai ti kit-kitaen yu? Apay, ti kuna yu ket ning-ning nak? Anya met nga pinagkitkita Yu kanyakun. Sinal-it Kitdi. Salbag Yu amin (Ano ba naman iyang mga tingin ninyo sa akin? Bakit, ang alam niyo ay mangmang at tanga ako? Ano ba naman yang mga matang iyan. Bwisit naman oh, mga animal kayo.)," Wika ko sa salitang Ilocano habang naiinis na pinulot ang mga de-latang nahulog.
Pupulutin ko na sana ang isa pang gumulong nang may pumulot nito.
Mula sa kanyang pantalon pataas ay nakita ko ang pamilyar na mukha ng lalaki.
Matangkad siya. Maganda ang pangangatawan, singkit ang kanyang mga mata, matangos ang ilong, kayumanggi.
Nakasuot siya ng asul na damit at itim na maong pants.
Ngumiti siya sa akin at saka ko nasilayan ang kanyang mga ngipin at mas lalong naningkit ang kanyang mga mata.
"Ilocano ka pala?" Tanong niya sa akin.
Nabigla ako sa sinabi niyang iyon.
Oh my, naintindihan niya ang mga sinabi ko?
"O- oo, bakit?" Tanong ko sa kanya.
"Ilocano ak met (Ilocano rin ako.)," Aniya.
Nabigla ako.
Hindi ko alam ang sasabihin ko sa kanya.
"Siyak gayam ni Ignacio, ngem awagan nak lattan nga Asyong (Ako pala si Ignacio, ngunit tawagin mo na lang akong Asyong)," inilahad niya ang kanyang mga kamay sa akin.
Parang may sariling isip ang mga kamay ko na agad inabot iyon at nakipagkamay sa kanya.
Dumaloy sa katawan ko ang koryente ng kanyang mainit na palad at saka ako natauhan nang magsalita siya.
"Anya't nagan mo? (Anong pangalan mo?)" Tanong niya.
"A-Angen. Angenika," nauutal kong wika.
Ngunit hindi pa siya bumibitaw sa aking kamay.
"Uh -oww," maya maya ay sumulpot si Margaret sa likuran ko at mausisang tumingin sa aming dalawa.
Sa ikalawang pagkakataon, ay nagkita kaming muli ni Asyong, at dito pa talaga sa grocery kung saan ako gumawa ng eksena.
HAAAYYY, buhay.
Pagtatapos ng Unang Kabanata.