Prologue
BILANG Overseas Filipino Workers o OFWs, kailangan naming tanggapin na kapag tumuntong ang aming mga paa sa lupain ng mga banyagang bansa ay marami itong kahulugan.
Una pa lang, bago umalis ng Pilipinas ay iniisip na namin ang mga magiging buhay namin sa mga bansang katulad ng Saudi Arabia, Kuwait at Qatar, kung saan ay marami ring nagtatrabahong mga Pinoy.
Idagdag pa dito ang labis labis na kalungkutan sa mga Pinoy sa tuwing aalis na at magpapaalam sa pamilya.
Sa mga magulang at asawa, wala nang mas dudurog pa sa puso ng isang ina na makita ang kaniyang mga anak na nag-iiyakan at nagpupumilit na huwag umalis ang kanilang ina, ganon din sa isang ama.
Tinitiis nilang huwag lumingon sa pila dahil isang tingin lang sa kanilang mga anak at asawang pinipilit magpakatatag para sa kanilang pamilya ay nanaisin na nitong tumakbo pabalik. Ito ang isa sa pinakamasakit na pangyayari sa buhay naming mga OFWs.
Pangalawa, pagdating namin sa mga bansang aming pagtatrabahuhan ay kailangan naming maunawaan na kami ay nandoon upang magsilbi at kumita ng pera. Nangangahulugan din ito na wala kaming kasangga kundi ang aming mga sarili lamang sa oras na kami ay makaranas ng problema. Maliban na lamang kung may mabuting amo o kaya naman ay mga kapwa Pinoy na magiging takbuhan sa tuwing may dinaramdam.
Panghuli, habang kami ay nasa ibang bansa ay kalaban namin ang homesick at ang labis labis na kagustuhang makita ang aming mga mahal sa buhay. May mga OFWs na hindi nakakatiis at umuuwi na lang bigla, ngunit sa tulad ng ilan na kailangang tiisin ang lahat para lamang makapagpadala ng pera sa pamilya, ang mga OFWs ay nagtitiyaga at nagbubuno ng araw upang madali nang makauwi sa kani-kanilang bayan sa Pinas.
Tatlo lamang ito sa mga kahulugan ng pag-alis ng mga OFWs at ito ang mga pinakaunang ikukwento ng bawat isa sa tuwing tatanungin sila kung ano ang pinakamahirap na pangyayari sa buhay naming mga OFWs.
Nag-abroad ako upang magbago ang buhay ko at ng aking pamilya.
Katulad ng rason ng nakararami kung bakit nangingibang-bansa, ako ay nagnanais na makatulong sa aking pamilya upang mairaos at maiahon ang aming buhay sa hirap.
Sa Pinas, walang puwang ang tulad naming mga hindi nakapagtapos ng pag-aaral, kung mayroon man ay ang mga taong swerte lamang na nakakahanap ng maayos na trabaho na may maayos ring sahod. Kaya ko naisipang mag-enrol sa isang six months training center upang matuto sa pagiging caregiver. Pagkatapos kong makapasa at makuha ang aking mga dokumento ay lumipad ako kaagad sa bansang Kuwait kung saan ako bubuno ng tatlong taon sa aking pinirmahang kontrata.
Katulad ng mga naturang kahulugan ay dinanas ko rin ang mga iyon. Napakasakit sa dibdib na magpaalam sa mga magulang ko at sa aking mga kapatid. Punong puno ng luha ang aking panyo habang hindi ko alam kung paano magpapaalam sa kanila nang ako ay ihatid na nila sa airport. Pigil na pigil ang pag-iyak ng aking ama na siyang isang dahilan kung bakit ako mag-aabroad, upang maipagamot siya sa kanyang sakit.
Ayaw niyang lumuha at alam kong ginagawa niya ito dahil ayaw niya akong tumakbo pabalik.
Sobrang sakit ng araw na iyon nang magpaalam ako sa kanilang lahat.
"Nay, babalik po a-ako ha?" Hawak hawak ko ang kamay ng aking ina habang siya'y umiiyak na rin sa lungkot.
"Mag-iingat ka doon anak ko ha? Tatawagan mo kami ng iyong tatay," malungkot niyang sabi.
"Naaayyy," humagulgol na ako sa iyak nang yakapin niya ako.
Kung pwede lang sanang huwag nang umalis ay gagawin ko na, pero hindi pwede.
Hanggang sa ihuli ko ang pamamaalam ko sa aking ama.
"Tay," sambit ko saka ako nagkagat labi at pinipilit na huwag umiyak habang nakatingin siya.
Ngumiti ang tatay ko sa akin ngunit ang mga labi niya lang ang nakangiti. Kitang kita ko sa kanyang mga mata ang labis na kalungkutan sa aking pag-alis. At katulad ng sabi ko, magbabago ang lahat sa sandaling makita ko na umiyak siya.
Ngunit hindi.
"Angen anak, mag-iingat ka. Mahal na mahal ka namin ng iyong ina," niyakap niya ako bigla.
Doon ay bumuhos ang sobra sobrang luha ko na hindi ko na mapigilan.
Ang sakit sa pakiramdam na nagpapaalam na ako sa aking mga magulang. Alam kong babalik ako pero matagal pa iyon. Maraming pwedeng mangyari lalo pa at may sakit ang aking ama.
Ang dalangin ko na lamang ay sana gabayan Niya ako at ang aking mga magulang at mga kapatid habang magkakalayo kami.
"Sige na Angen, anak. Aalis na kami upang makapasok ka na," tinapik ni tatay ang aking mga balikat.
At kumalas na ako ng yakap sa kanya saka ako humalik sa kanyang pisngi.
"Mahal na mahal ko po kayo ni nanay, Tay,"
Ngumiti na lang siya.
At wala na silang kibong naglakad paalis kasama sina Loisa, Rene at Andoy.
Habang naglalakad sila ay kitang kita ko ang pagtaas baba ng mga balikat ng aking ama.
Bakit ayaw niyang makita kong umiiyak siya? Hindi siya lumilingon ngunit alam kong umiiyak siya.
Nakumpirma ko iyon nang huminto sila at hinimas ni nanay ang likuran niya.
Tumalikod na ako at naglakas loob na naglakad papasok sa airport.
Habang naglalakad ay bumubuhos ang luha ko at hindi ko na alam ang ginagawa ko.
Hanggang sa makarating na ako sa Raqqi, lugar sa Kuwait kung saan ako mag-aalaga ng isang 76 years old na matandang lalaki.
Sa Kuwait, nagbago ang buhay ko at ng aking pamilya.
Dito rin magbabago ang ihip ng hangin at ng timpla ng aking puso nang makilala ko si Asyong, ang lalaking bumihag sa aking puso.
At ito ang aking kwento.