Terror 03

2042 Words
Pag-aaralan nang mabuti ni Zeke ang bawat kagamitan na nasa loob ng briefcase. Isa-isa niyang ilalabas mula sa briefcase ang mga naturang kagamitan at ilalatag niya ang mga ito sa kama. Sa unang tingin ay aakalain niya na kaunti lang ang laman ng briefcase. Ngunit habang inilalabas niya ang bawat kagamitan, nang paisa-isa, ay tila hindi ito nauubos. Mas marami pa pala ang laman nito kumpara kung titingnan lang ang sukat ng briefcase. Magtataka siya kung paano nagkasya ang ganito karaming gamit sa loob ng briefcase. Hindi kalakihan ang naturang briefcase. Hindi rin ito sobrang liit. Normal lang ang sukat nito kagaya sa mga makikita sa telebisyon na pinaglalagyan ng naka-bundle na perang papel. Magkikibit-balikat si Zeke, iwawaksi niya ang sariling tanong na sanhi ng kanyang kuryusidad. Sa halip, ipagpapatuloy niya ang paglalatag ng mga kagamitan hanggang sa wala na siyang mahawakan mula sa loob ng briefcase. Halos mapuno rin ang kanyang kama sa dami ng nailabas niya. Ang lahat ay portable, mga madaling dalhin kung saan man siya pupunta. Pamilyar sa kanya ang ibang kagamitan. Karamihan pa nga sa mga ito ay mapapangalanan niya agad gaya ng baril na may kakaibang disenyo kumpara sa mga ordinaryong baril. Moderno at mahahalata na high-tech ang naturang sandata. May isang linya na tila umiilaw nang hindi gaanong maliwag na kulay asul ang nagmimistulang desinyo nito sa bandang gitna, umaabot ito sa magkabilang dulo ng baril lalo na sa kung saan lumalabas ang bala nito. Titingnan niyang mabuti ang naturang baril, ang bawat parte nito. Susubukan niyang pag-aralan ang baril kung paano ito gumagana, kung katulad din ba ito ng ordinaryong baril na nakikita niya. Lilipas ang ilang minuto nang pagtingin-tingin niya sa baril ay wala siyang masasabi na doon ilalagay ang bala nito. Kukunot ang kanyang noo. Hindi niya mauunawan kung paano gagana ang sandata, maguguluhan siya. Mayroon man ito hawakan at trigger kung saan nilalagay ang bala ng ordinaryong baril ay hindi niya ito mabuksan o kung ano man para malagyan ng bala. Sa kalituhan ni Zeke ay mapipihit niya ang trigger ng baril nang hindi sinasadya. Magugulat siya sa pagputok nito at pagtama ng bala sa isang parte ng dingding ng kanyang silid. Makakahinga siya nang maluwag nang wala siyang natamaan at nasirang gamit sa loob ng kwarto niya. Sa bakanteng parte ng dingding tumama ang bala. Aakalain niya na ganon na iyon. Hindi niya aasahan ang pagsabog nitong muli habang nakatarak sa dingding ang bala. Makikita niya ang paglusaw ng bala pagkatapos nitong sumabog na ikinagulat din niya. Mabilis ang pagiging liquid nito at ganoon din kabilis ang pagkalat nito na dingding. Lalaki ang kanyang mga mata niya sa kanyang nasasaksihan. Hindi basta basta ang baril na hawak niya sa kanyang mga kamay. Mas lalong dadami ang mga katanungan niya. Hindi man niya ito isaboses ay mahahalata sa kanyang mukha ang kagustuhan niyang malaman kung ano pa ang magagawa ng baril. Tatayo si Zeke at dahan-dahan na mag-uunahan ang kanyang dalwang paa papunta sa direksyon ng nasirang dingding. Matutuon ang kanyang mga mata sa likidong nagsisimula nang tumigas. Mabubuo sa loob ng kanyang isipan ang isang conclusion. Hindi siya maaring magkamali nang makita niya nang malapitan ang likido. Doon niya makukunpirma na gawa sa nickel ang bala. Pero hindi lang ito purong gawa sa nickel kasi kaya nitong malusaw pagkatapos ng pagsabog at bumabalik agad ito sa pagiging matigas makaraan ang ilang segundo. Sa pagtaas pa lalo ng kuryusidad ni Zeke ay itataas niya ang isang kamay. Susubukan niyang hawakan ang ngayo’y matigas nang nickel na nakadikit at nagkalat sa dingding. Wala sa isip niya na bahagyang nasira na ang dingding at nabutas na ang parte kung saan tumama ang bala. Umibabaw sa isipan niya ang pagkamangha sa kanyang natutuklasan. Mabuti na lamang at ang natamaan niya ng bala ay hindi ang dingding na nagbubuklod kanya at ng kasunod na unit. Kundi ito ang dingding na nakaharap sa labas. Tatalikod si Zeke at tatama ang kanyang tingin sa iba pang mga kagamitan na nagkalat sa kama niya. Papasadahan niya ng tingin ang bawat kagamitan. Halata pa rin sa mukha niya ang pagkamangha. At babalik siya sa kanyang pwesto kanina. Pupulutin ni Zeke ang glasses na bago rin sa paningin niya. Gawa ito sa purong transparent na plastic. May kakapalan din ito ngunit hindi ito pansinin kapag titingnan mula sa malayo dahil na rin sa pagiging transparent nito. Susuriin niya ang bawat parte nito. Walang makikita si Zeke na kakaiba maliban sa isang button sa kanang bahagi ng frame, sa may dulo ng nagsisilbing lens at hook sa tenga. Pipindutin niya ang button pero wala pa rin siyang mapapansin na kakaiba. Kung kaya ay susuutin ito ni Zeke. Magugulat si Zeke sa bubungad sa paningin niya. May parang hologram siyang nakikita. Sisiguruhin niya na hindi lang guni-guni at gawa ng imahinasyuon ang kasalukuyan na kanyang nakikita. Ikukurap niya ang kanyang mga mga nang ilang beses, paulit-ulit. Tatanggalin niya ang glasses at tititigan ang lens. Aatras nang bahagya ang ulo niya at kukunot ang noo. Wala siya makikitang hologram kaya isusuot niyang muli ang salamin at makikita niyang muli ang hologram. Habang nakatingin nang malalim sa isang dako, tatango si Zeke. Hihimig ang kanyang boses na parang alam na niya kung paano gumagana ang salamin. Tatanggalin niya itong muli at isusuot. Makukumpirma niya ang kanyang hinuha. Tanging siya lang ang makakakita ng mga makikita niya habang suot ang salamin. May mga kulay asul na guhit at numero siyang nakikita. Gumagalaw ang numero sa tuwing ililipat niya sa ibang bagay ang focus ng tingin niya. Lilingon siya sa pinto ng kwarto niya. Susubukan niya kung tama ang nasa isip niya na ang numerong nasa upper right corner ng kanyang paningin ay ang distansya ng bagay mula sa kanya. Mabilis na magbabago ang numerong nakikita niya. At gaya ng nasa isip niya ay hihinto ang paggalaw ng mga numero sa saktong sukat ng distansya. Bahagyang babagsak ang panga niya, mapapanganga si Zeke. Hindi siya makakapaniwala na may ganitong gadget na pa lang nalilikha sa panahon ngayon. At sobrang linaw ng paningin niya kapag suot niya ito. Makikita niya ang kahit na gaanong kaliit na bagay o detalye kapag gugustuhin niya. Iisipin niya na lang na i-zoom in at kusa nang magzo-zoom in ang lens. Ganoon din kapag gusto niyang i-zoom out ang kanyang nakikita. Huhubarin ni Zeke ang suot na salamin. Itatabi niya ito sa lamesa. Uupo siya sa gaming chair na nasa tapat ng mesa. Hahatakin niya ang upuan palapit sa gilid ng kama. At ipagpapatuloy niya ang pag-examine ng iba pang mga hindi kakaibang kagamitan. Mauubos ang kanyang oras sa pag-aaral ng bawat kagamitan. Gusto niyang alamin sa lalong madaling panahon kung para saan at paano pagaganahin ang mga ito, lalo pa’t naguguluhan pa rin siya sa mensahe na iniwan sa kanya ni Xenon. Aabutin siya nang dapit-hapon sa pag-aaral ng mga kagamitan. At hindi niya mamamalayan na dahan-dahan na siyang tinatalo ng pagod. Lagpas isang araw na siyang walang tulog kakaisip at kakahanap ng sagot sa kung ano ang ibig sabihin ni Xenon sa Dream Walker at Night Terror. Pero wala pa rin siyang nakuhang tamang sagot sa mga tanong niya habang nagre-research sa online. Iba ang lumalabas sa search engine, at sa tingin ni Zeke, ay hindi ito konektado. Sasandal si Zeke. Nasa kamay niya ang isang itim na damit. Nakapatong sa kandungan niya. Hihinga nang malalim si Zeke kasabay ng pagpikit niya ng mga mata. Panandalian niya sanang papahingahin ang mga mata. Pero didiretso sa pagtulog ang kanyang katawan at isipan. *** Suot-suot ang glasses na kayang magkalkula sa loob ng isang segundo, titingnan ni Zeke ang mga papalapit na chimera. Itututok niya ang baril na nasa kanang kamay niya. Eksaktong limang metro ang layo ng chimera mula sa kanyang kinatatayuan ay iilaw ang bilog na kulay pula sa gitna ng glasses – ang target bilang palatandaan na dapat na niyang paputukin ang hawak niyang baril. Walang makikita na lalabas na bala mula sa baril kapag ipapaputok niya ito. Kapag tatama na ang bala sa target ay doon pa lamang mapapansin ang ang bala na gawa sa metal na lead. Malulusaw ang bala sa loob ng bunganga ng chemira, magiging likido dahil sa apoy nito. Kakalat sa katawan nito ang nalusaw na lead. Magiging bato ang buong katawan nito’t sasabog makaraan lamang ang ilang saglit. At hindi kalaunan ay madudurog ang katawan. Aakalin niya na tapos na ang lahat nang mapatay niya ang tatlong humahabol sa kanya. Maglalabasan pa ang iba pang mga chimera mula sa ‘di kalayuan. Isa-isa niya itong babarilin ngunit tila hindi sila nauubos, lalo silang dumarami. Tatakbo si Zeke. Gamit ang suot na sapatos na kasama sa mga gadget, tatalon siya sa itaas ng mga bagay na nakaharang sa daan, sa kanyang dadaanan. Hindi siya mawawalan ng balanse dahil sa suot na sapatos. Pinanatili ng naturang sapatos ang kanyang balanse. Mapapasinghap siya nang paulit-ulit na tumunog ng beep ang baril nang kakasa na siya. Mapapansin niya ang pagpatay-sindi ng kulay asul na maliit na ilaw sa gilid ng baril, naubusan siya ng bala. Bibilisan ni Zeke ang pagtakbo. Hihingalin siya. Hindi na niya alam kung saan siya pupunta. Wala rin siyang makikita na liwanag na palaging dahilan ng pagkakagising niya. Mawawalan siya ng pag-asa. Maiisip niya na ito na ang katapusan niya. Ipipikit niya ang kanyang mga mata, tatanggapin ang kung ano man ang mangyayari sa kanya, ang kahahantungan niya. “Zeke, dito!” Maririnig niyang sigaw ng isang pamilyar na boses. Iaangat ni Zeke ang tingin sa harap. Nandoon si Xenon, ang mahal niya. Nakasakay ito sa motorsiklo. Malaki at kakaiba ang disenyo nito. Nakahinto ito't bahagyang nakatalikud ito sa kanya habang binabaril ang papalapit na mga chimera na ilang metro na lang ang layo. Tatakbo nang mabilis si Zeke papunta sa kinaroroonan ni Xenon. Hindi siya mag-aaksaya ng oras pagkalapit niya sa kinaroroonan ni Xenon. Agad siyang sasakay sa likuran ng motorsiklo. Magpapatakbo nang mabilis si Xenon dahilan upang mapapakapit si Zeke sa baywang nito. Sobrang bilis nito, aapoy ng asul ang turbina nito't tila may naiiwan pang faded na kulay asul na ilaw sa daan. Ngunit mabilis din itong mawawala sa loob lamang ng isang iglap. Maliligaw nila ang humahabol sa kanila. “Pasensya ka na, mahal ko, kung pati ikaw ay nadadamay,” isasambit ni Xenon. “Hindi ko naman inaasahan na mangyayari ang lahat ng ito," dagdag pa nito habang nasa harap an ang tingin at pa tuloy sa pagpapatakbo ng motorsiklo. “s**t!” iuusal ni Xenon nang may malaking chimera na may pakpak ng dragon ang humarang sa dadaanan nila. “Kunin mo ang baril sa likod. Barilin mo ‘yang humaharang. Bilis!” Susundin agad ni Zeke ang sinabi ni Xenon. Tatanggalin niya ang isang kamay mula sa pagkakahawak sa baywang ni Xenon. Ililipat niya sa balikat ni Xenon ang kabilang kamay mula sa baywang nito. Hindi magdadalawang isip na kunin ni Zeke ang baril na nakasukbit sa likuran ni Xenon. Halos wala itong ipinagkaiba sa kanina'y ginamit niya maliban na lang sa sukat nito. May kahabaan ito, halos kasinghaba ng riffle, ngunit hindi kabigatan. Magaan lang ito sa kamay. Kaya nga niya itong maniobrahin gamit ang isang kamay lang. Patatamaan ni Zeke ang halimaw na humaharang sa daraanan nila. Makakaiwas ito. Lilipad ito’t bubuga ng apoy sa kanila. Matutumba sila sa pagpikit ni Xenon ng manibela upang makaiwas. Hindi pa man nakakatayo si Xenon ay agad niyang huhugotin ang mga baril na ikinabit niya sa kanyang magkabilang binti. Pagbabarilin niya ang umaatakeng chimera ngunit hindi matatamaan ang ulo nito. Ang pakpak nito ang matatamaan. Babagsak ang chimera, mahihirapan itong makalipad. Tatayo si Xenon at aalalayan nito si Zeke na makatayo rin. “Lilituhin ko ang chimera. Patamaan mo ang ulo nito,” isasambit ni Xenon. Tatalon si Xenon upang mawala ang pokus ng chimera kay Zeke. Hindi sila mabibigo nang sumunod nga kay Xenon ang chimera. Matutuon ang pansin nito kay Xenon. Itututok ni Zeke ang hawak na baril nang natuon na ang pansin nito kay Xenon. Isang tira lang ay matatamaan ang chimera sa ulo nito. Lalapitan si Zeke ni Xenon sa kinaroroonan niya. Yayakapin siya ng mahal niya. “Huwag kang mag-alala, mahal ko. Hindi tayo mamamatay. Mabubuhay tayo. Lalaban tayo nang magkasama.”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD