Nakaangkas sa likod si Zeke habang pinapatakbo ni Xenon ang motorsiklo. Nakasuot na ng pantalon si Zeke na diretso lang din niyang sinuot paibabaw ng kanyang short. Nakasukbit sa kanyang mga balikat ang straps ng backpack na pinaglagyan ng mga damit niya. Nakapatong naman sa pagitan ng likod ni Xenon at harap niya ang briefcase, hawak niya ito gamit ang kaliwang kamay. Ang kanyang kanang kamay ay nakapatong sa balikat ni Xenon. May suot din siyang itim na helmet. Tinatakpan nito ang buong ulo niya’t halos magkadugtong na ang dulo nito sa collar ng leather jacket na nakayakap sa katawan niya.
Nagtataka man si Zeke kung seryoso ba si Xenon sa sinabi nitong pupunta sila sa tinatawag nitong Genesis, hindi na siya nagkaroon pa ng pagkakataon na tanungin itong muli. Mabilis siyang hinatak ni Xenon palabas ng kanilang unit. Hindi na nga nila pa naisara nang maayos ang pinto. Sinipa lang ito ni Xenon upang magsara. Makalipas nga lamang ang ilang minuto ay pinapasakay na siya nito sa motorsiklo. Agad din nitong sinuot sa kanya ang helmet na bitbit nito sa kabilang kamay.
Pagmamasdan ni Zeke ang tinatahak nilang daan. Wala sila sa highway ngunit malapad pa rin ang kalsada at walang katao-tao. Sa tingin ni Zeke ay papalabas sila ng syudad, nasa bandang dulo na sila ng syudad na halos walang makikitang gusali.
Hindi malaman ni Zeke kung saan banda ng mundo ang Genesis na sinasabi ni Xenon. Ito ang unang beses na narinig niya ang ganoong pangalan ng lugar. Wala rin namang ganoong pangalan ng bansa sa mundo, sa pagkakaalam niya. Pupunta pa sila roon nang gamit lamang ang motorsiklo na mas lalong ipagtataka niya.
Pumapalibot sa kanila ang katahimikan. Itutuon ni Zeke ang pansin sa mga bagay na kanilang madadaan. Kakabisaduhin niya ang daan na tinatahak nila ngunit bigla siyang mapapakurap ng kanyang mga mata. Sa muli niyang pagdilat ay bago na ang lahat nang nasa paligid na bumungad sa kanyang paningin. Kukunot ang noo niya at lilingon siya sa kabila. Ganoon pa rin. Iba na talaga ang buong lugar. Hindi pamilyar sa kanyang mga mata at isip ang kanyang nakikita.
Ang kalsadang dinadaan nila ay sobrang haba at parang tulay na nagkukonekta ng dalawang magkalayong lugar. Lilingon si Zeke sa likuran. Ang tanging makikita lamang niya ay ang walang hangganan, hindi niya makikita ang dulo nito. Ibabalik niya sa harap ang tingin. Doon pa lang niya mapapansin kung gaano kamoderno ang pupuntahan nila.
Ito na ba ang Genesis? Itatanong ni Zeke sa sarili. Walang boses na lalabas sa kanyang bibig, tanging sa isip niya lang sinabi. Patuloy pa rin ang pagmamasid niya sa naturang lugar. Ang mga mata niya ay halos hindi makapaniwala sa kanyang nakikita.
Parang skyway ang mga malalapad na kalsada na nagmumukhang magkakapatong at sanga-sanga kapag mula sa maling anggulo titingnan. Ang lahat ng mga ito ay papunta sa iisang direksiyon, sa puso ng modernong syudad. Mapapansin din ni Zeke ang mga sasakyan na magkakasabay at madadaanan dahil mas mabilis ang pagpapatakbo ni Xenon na parang may hinahabol na oras. Maging ang mga sasakyan na ito ay kakaiba rin ang disenyo. May pagkakatulad ang mga ito sa kinagisnan niyang mundo ngunit mahahalata pa rin ang pagkakaiba.
Sasagi nang biglaan sa isipan ni Zeke ang hitsura ng motorsiklo mismo ni Xenon. Mapagtatanto niya ang pagkakahawig ng ibang detalye ng desinyo nito sa mga sasakyan na kasabayan nila sa kalsada.
Ididilat ni Zeke nang malaki ang kanyang mga mata. Hindi niya lubos maisip ang posibilidad na bigla niyang naisip. Posible kaya na rito rin galing ang ginagamit na motorsiklo ni Xenon? Mapapatitig siya kay Xenon, ang tingin niya ay ipupukol nang diretso sa likuran ni Xenon.
Bakit ngayon lang ito sumagi sa utak ko? Hindi makapaniwalang itatanong niya sa sarili.
Kalaunan ay naisip rin niya na paano ito sasagi sa utak niya kung wala siyang kaalam-alam sa mga pinaggagawa ni Xenon, ang trabaho nito, ang pagiging Dream Walkers nito? Ngayon lang din niya napagtanto na hindi niya kilala nang lubusan ang kanyang kasintahan. Sa tagal na naging sila ay marami pa ring mga bagay ang hindi niya alam tungkol sa buhay ni Xenon. Masyado itong misteryoso kung susumahin. Hindi nga niya alam ang family background ni Xenon.
Hindi mapapansin ni Zeke ang pagdating nila at paghinto ni Xenon ng motorsiklo sa tapat ng isang malaking gusali. Nalulunod siya sa kanyang mga iniisip na ngayon lang niya napagdugtong-dugtong at nagkaroon ng kabuluhan. Isang tapik ni Xenon sa balikat niya ang gigising at magbabalik kay Zeke sa kanyang wisyo.
Mapapatitig si Zeke sa mukha ni Xenon sa tapat niya. Wala na itong suot na helmet. Panunuorin lamang niya ang paghawak ni Xenon sa magkabilang gilid ng suot niyang helmet. Hahayaan niya itong hubarin ang helmet mula sa ulo niya.
“Tulala ka na naman. Ano ang iniisip mo? Alam mong maari kang magtanong sa akin. Sasagutin ko lahat nang malinawan ang isipan mo,” isasaad ni Xenon pagkatapos nitong hubarin ang helmet.
Saglit na tatalikod si Xenon. Isasabit nito ang helmet sa kanang hand grip. Nasa kabilang hand grip ang kanina’y gamit niyang helmet. Pagkatapos ay haharap ito kay Zeke. Nakapinta sa mukha at mga mata nito ang paghihintay sa pagsasalita ni Zeke. Alam nito na naguguluhan pa rin si Zeke lalo pa’t hindi nito natuloy ang pagpapaliwanag sana ng sitwasyon habang nasa apartment unit nila sila. Pero naudlot ito, hindi natuloy dahil sa sumalubong na sitwasyon ng unit nila.
Tulala pa rin na tititig si Zeke kay Xenon. Nagdadalawang-isip siya. Hindi siya sigurado sa kung ano ang uunahin niyang itatanong, kung ano ang una niyang gustong malaman.
“Naguguluhan pa rin ako, mahal ko, kahit na binigyan mo na ako ng ideya sa pamamagitan ng hologram. Gusto ko unawain ang nangyayari, unawain kita. Pero napagtanto ko na sa tagal ng ating pagsasama, wala akong alam sa buong buhay mo na salungat sa kung paano mo kilala ang sarili ko, kung gaano ako kabukas na ipaalam ang lahat ng tungkol sa akin dahil pinagkakatiwalaan kita,” mahabang iaani ni Zeke.
Magbubuntonghininga si Xenon. Malalim ang paghinga nito. “Pasensya ka na kung hindi ko naipaliwag nang maayos sa ‘yo at hindi ko naipaliwanag kanina sa apartment sa pagmamadali ko at kagustuhan kong makaalis tayo kaagad.” Ilalahad ni Xenon ang isang kamay sa harap ni Zeke. Tatanggapin ito ni Zeke at aalalayan nito si Zeke na makababa sa big bike nitong mototrsiklo. “Promise. Malalaman mo ang lahat lalo na’t nandito na tayo sa Genesis. Ligtas ka rito. Walang chemira ang makakaatake sa ‘yo rito.”
Ililibot ni Zeke ang paningin sa paligid. Nasa hindi gaanong kalawakan na parke sila. Maraming nakahilerang motorsiklo na halos kagaya ng kay Xenon. Nagkakaiba lang ito sa kulay ng linya na hindi alam ni Zeke kung desinyo lang ba ito o may iba pa itong purpose. Hindi kasi malayo na may iba pa itong gamit maliban sa tila nagmumukha itong disenyo. Mula sa mga kagamitan na napag-aralan niya, hindi malabo na ganoon din ang linyang may kulay sa motorsiklo.
Titingala si Zeke at makikita niya kung gaano katayog ang naturang gusali. Maging ito ay mahahalatang hindi lang ordinaryong gusali. Sa isang tingin pa lang ay malalaman nang gawa ito sa matibay na materyales. Hindi rin basta-basta ang pagkakagawa nito lalo pa sa komplikadong detalye ng naturang gusali. Masasabi talaga ni Zeke sa kanyang sarili na kakaiba ang lugar kung saan siya dinala ni Xenon. Sigurado siya na hindi ito nag-e-exist sa kinagisnan niyang mundo. At nasa iba silang mundo na hindi niya alam kung paano sila nakapunta. Sa pagkakaalala niya, nasa kalsada lang sila at sa isang iglap ay nandito na sila.
“Ito ang Genesis, mahal ko,” biglang panimulang isasambit ni Xenon nang matagal-tagal nang nakatitig si Zeke sa gusali.
Iaalis ni Zeke ang kanyang tingin mula sa gusali. Lilingunin niya si Xenon, ililipat niya ang kanyang pansin papunta sa lalaki. Titingnan lamang ni Zeke si Xenon. Hihintayin niya itong magpatuloy.
Huhubarin ni Xenon ang black leather gloves sa kaliwang kamay niya. Ipagpapatuloy niya ang pagsasalita. “Alam kong nagtataka ka kung paano tayo napunta rito at magkaibang-magkaiba ang nakikita mo kumpara sa mundo ng mga ordinaryong tao, kung saan tayo galing.” Ipapasok ni Xenon ang hinubad na gloves sa bulsa ng kanyang itim na fitted pants. “Ang Genesis ay isang lugar na matatagpuan sa ibang dimension. Ito ang masasabing lugar ng mga Dream Walkers. At hindi lahat ng tao ay makakapunta rito kahit ano ang gawin nila, maliban na lamang kung kasama sila sa mga bilang na tao na nakatakdang maging Dream Walkers o malapit na tao sa isang Dream Walkers. Kagaya ng sitwasyon mo, mahal ko. Nakapunta ka rito dahil sa akin, dahil isa akong Dream Walkers.”
“P-Pero. . . Ano ba talaga ang Dream Walkers na sinasabi mo? Iyan talaga ang hindi ko maintindihan,” isisingit ni Zeke sa gitna ng pagpapaliwanag ni Xenon.
Tititig si Xenon kay Zeke. Susubukan nitong ipaliwanag ang gustong maunawaan ni Zeke sa pinakamadaling paraan.“Kaming mga Dream Walkers ay mga piling tao na nakatakdang iligtas ang mundo, ang mga ordinaryong tao. Kami ang kumakalaban sa kasamaan na pinapalaganap ng Night Terrors. Sa madaling salita, ang Dream Walkers ay parang super heroes. Dumaan kami sa pagsasanay, mula sa paano namin protektahan ang sarili namin hanggang sa paano kami makipaglaban. Lahat nga ng iyon ay dito sa Genesis nangyayari.
“At itong Genesis nga ang tahanan ng mga Dream Walker. Ang masasabi naming head quarters ng Dream Walkers.” Itataas ni Xenon ang kaliwang kamay. Ituturo niya ang matayog na gusali. Susundan ito ng tingin ni Zeke. “At ang gusali na ‘yan ang pinakasentro nitong Genesis. Iyang ang nagsisilbing puso ng Genesis. Lahat ng nagpapagalaw dito sa Genesis ay galing sa gusali na ‘yan. Diyan din nakatira ang council na siyang pinakamataas na posisyon dito sa Genesis. Mga batikang Dream Walkers ang nasa council. Sila ang batas na mamumuno rito sa Genesis. Alam nila ang lahat nang tungkol sa Dream Walkers.”
“Ang Night Terrors? Sinasabi mo na ‘yan doon sa mensahe mo sa hologram. At bakit kinakalaban n’yo sila? Ano ba sila?” mas naguguluhang magkasunod na itatanong ni Zeke.
“Masasama silang nilalang. Wala pa talagang nakakaalam sa kung ano ang eksaktong hitsura nila. Ang alam lang namin ay napapalibutan ng napakaitim na usok. Natatabunan ng usok ang pagkakakilanlan nila. At ang mga chemira na humahabol at gusto kang saktan ay alaga ng mga Night Terror. Ang mga chemira ang pinapaatake nila sa mga ordinaryong tao upang lalo pa silang lumakas. Lumalakas kasi sila dahil sa takot ng mga tao. Ngunit ang hindi pa namin malaman ay bakit napapadalas ang pag-atake nila nitong mga araw kung kaya ay kailangan kong umalis. Kailangan namin alamin kung ano ang binabalik ng mga ito. Sinimulan na rin nilang atakihin ang mga malapit na tao sa aming mga Dream Walker,” isasagot ni Xenon.
Hihinga ito nang malalim. Maingat na hahawakan nito ang mga kamay niya. “Ito ang dahilan kung bakit nagpakita ako sa iyo at binigay ang briefcase upang maprotektahan mo ang iyong sarili habang wala ako sa tabi mo. Ngunit hindi ko inaasahan na ganoon na pala ang nangyayari sa ‘yo simula nang umalis ako. Tina-target ka na nila sa hindi ko malamang kadahilanan. At iyon nga ang rason kung bakit ako umalis. Isa ako sa naatasan na alamin ang pinaplano ng Night Terrors. Hindi ko lang inaasahan na malalagay ka sa kapahamakan. Mabuti na lamang at hindi ako nahuli.”
“Alam mo na ba?” itatanong ni Zeke. Mahirap malaman kung ano ang nasa mga mata niya. Magkahalong takot, pangamba, determinasyon, at tuwa ang lumalabas at pinapakita ng mga ito. Natatakot siya para sa buhay nila, nangangamba para sa kaligtasan ng taong mahal niya, determinado na magkaroon pa ng kaalaman sa mga bagay na bago lamang sa kanya, at tuwa na sa ginagawa ni Xenon ay napatunayan niyang mahal na mahal talaga siya ng lalaki; na natatakot itong mawala sa buhay nito’t gagawin nito ang lahat maprotektahan lamang siya.
Mapapansin ni Zeke ang bahagyang pagtaas at baba ng dibdib ni Xenon, palatandaan na bumuntonghininga ito. Mararamdaman ni Zeke ang mabigat na pagbuga ni Xenon ng hininga. Mahina itong iiling.
“Hindi pa rin hanggang ngayon. Pero nakakasiguro ako na malaki ang binabalak ng NIght Terrors. Matagal na panahon na rin ang nakalilipas nang huli silang kumilos nang ganito. Pero huwag ka mag-aalala, hindi ka na mapapahamak hanggang nandito ka sa Genesis.” May sasabihin pa sana si Xenon ngunit hindi matutuloy nang bumukas ang tarangkahan ng gusali. Lalabas mula rito ang grupo ng Dream Walkers. Mapapalingon ito sa diresyon nila.
“Oh, Xenon, nandito ka na pala,” ibabati ng isa na kasama sa grupo. At tsaka madadako ang pansin nito kay Zeke. Lalaki ang ngiti nito sa mga labi. “At sino itong kasama mo?”