Terror 01

1609 Words
Tatakbo nang tatakbo si Zeke upang makawala at mailigaw niya ang mga humahabol sa kanya. Hindi niya alam ang dahilan kung bakit siya hinahabol ng mga ito. Ang tanging naaalala niya lamang ay nagising siya sa isang bench ng bus stop habang naghihintay ng masasakyan, at ilang saglit lang ay bigla na lang sumulpot ang mga ito na nagpakita sa gilid ng bus stop. Hindi na sana ito papansinin ni Zeke kahit na kitang-kita sa dulo ng mga mata niya ang nakakatakot na itsura ng mga ito. Nanatili siyang nakaupo sa bench ngunit makaraan lamang ang isang minuto ay tumahol ang isa at sinundan ng dalawa pa. Napalingon siya rito’t magkahalong gulat at takot ang sumakop sa katawan niya. Masama ang mga tingin ng mga halimaw sa kanya. Sunod-sunod na rin ang malalakas na tahol ng mga ito na tila handa na siyang lapain, humahanap lang ng tamang tiyempo. Sa hindi niya maipaliwanag na rason, nataranta si Zeke. Maingat niyang hinakbang ang kanyang mga paa paatras. Ngunit, parang naramdaman ng mga halimaw ang paggalaw niya’t minasama ito. Nagsimulang maglakad nang dahan-dahan papalapit sa kanya. Nagpalala ito ng takot ni Zeke. Kaya kasabay ng bawat hakbang ng mga nilalang palapit sa kanya ay ang pag-atras niya rin hanggang sa tumatakbo na siya palayo sa mga ito. Hinabol na siya ng mga kakaibang nilalang na hindi niya matukoy kung ano ang tawag. Bago sa paningin niya ang mga naturang nilalang. Makakakita si Zeke ng liwanag sa may dulo ng isang eskinita. Hindi siya magdadalawang-isip na tahakin ang daan na ito kahit pa sobrang liwanag nito. Papasok siya rito. Hindi niya iisipin kung ano ito o kung ano man ang nasa kabilang banda. Ang iisipin niya lamang ay ang makalayo, ang mailigaw ang mga humahabol sa kanya, at makaramdam ng ibayong kaligtasan. Babangon mula sa pagkakahiga si Zeke. Hahabulin niya ang kanyang hininga. Tutulo ang maraming pawis mula sa kanyang mukha. Maging ang katawan niya ay mapupuno ng pawis. Manlalaki ang mga mata niya. Hahawak siya sa kanyang ulo. Panaginip. Dinalaw na naman siya ng masamang panaginip. Halos gabi-gabi na siya nitong binibisita, hindi pinapatulog. Tatayo siya’t lalapit sa bintana. Pagmamasdan niya ang kalangitan. Mag-iisip siya ng paraan upang hindi makatulog. Pipilitin niya ang kanyang sarili na hintayin ang pagsikat ng araw. Walang gabi na hindi siya binibisita ng bangungot. Ang mas nakakapagtaka pa ay palagi siyang hinahabol ng mga hindi niya mapangalanan na mga hayop o halimaw. Hihinga siya nang malalim. Hindi siya pwedeng matulog ulit. Baka matuluyan na siya’t hindi na magigising. Nagsimula lamang ang lahat ng ito, ang panaginip niya tuwing gabi noong umalis si Xenon. Simula sa mismong gabi na bigla na lang nawala sa tabi niya si Xenon nang magising siya sa unang gabi na binisita siya ng masamang panaginip. Tatalikod si Zeke sa bintana. Makikita ng mga mata niya ang sulat ni Xenon na nasa tabi ng laptop. Magbubuntong-hininga siya. Uupo siya sa upuan na nasa harap ng mesa kung nasaan ang laptop na nasa tabi lang ng bintana. Sasandal siya sa upuan. Tititigan niya ang papel na naglalaman ng sulat ni Xenon nang ilang segundo bago makakapagdesisyon na kunin ito. Gamit ang kanyang kanang kamay ay kukunin niya, aabutin niya ang sulat. Babasahin niya itong muli. Ilang beses na niya itong nabasa ngunit hindi pa rin niya alam ang pinakarason ni Xenon kung bakit ito umalis. Nakalagay lamang sa sulat ni Xenon na panandalian itong mawawala nang ilang araw dahil may importante itong kailangan na asikasuhin, at gustuhin man nitong sabihin kay Zeke ang totoong dahilan ay hindi maaari. Hindi alam ni Zeke kung ilang araw pa bago bumalik si Xenon. Lalapat ang paningin ni Zeke sa litrato nilang dalawa ni Xenon sa may tabi lang din ng laptop. Masaya silang magkaakbay. Kinunan ito ilang araw bago umalis si Xenon. Ito ang huling paglabas nila nang magkasama. Ibabalik ni Zeke ang sulat sa mesa. Ipapatong niya rito ang picture frame na naglalaman ng huling litrato nila ni Xenon. Papaikutin niya ang gaming chair na inuupuan. Titingnan niyang mabuti ang loob ng kwarto niya. Madilim ang kanyang silid. Tanging ang liwanag ng buwan na sumisilip sa walang kurtinang bintana niya ang nagsisilbing ilaw. Taimtim na maglalakbay sa loob ng silid ang mga mata niya. Magsisimulang dumalaw sa isipan niya ang mga huli nilang ginawa ni Xenon sa loob ng naturang silid. Ang kwarto niya ay napupuno ng mga ala-ala nilang dalawa ni Xenon. Bigla siyang mangungulila kay Xenon habang tinatanaw ang bawat parte ng kwarto. Hindi niya mamamalayan na unti-unti na siyang tinatalo ng kanyang antok hanggang pumikit na ang mga mata niya. Ngunit hindi matutuloy ang pagtulog niya, mapuputol ito’t magigising ang buong diwa niya. May anino na tatakip sa kanya mula sa bintana. Magtataka si Zeke dahilan na mapapalingon siya sa bintana. Paanong magkakaroon ng anino galing sa labas na kayang takpan ang halos buong bintana niya? Wala namang kahit na anong bagay ang nakaharang sa labas. Tatayo si Zeke. Mahina niyang itutulak ang upuan sa armrest nito gamit ang mga kamay. Lalapit siya sa bintana. Titingnan niya kung ano ang sanhi kung bakit may anino siyang nakikita. Ilalapat ni Zeke ang mga kamay sa frame ng bintana. Bubuksan niya ang bintana. Ilalabas niya nang bahagya ang kanyang ulo upang sumilip sa labas. Hindi niya makikita ang lahat sa labas kapag pasimple lamang siyang sisilip mula sa loob. Walang makikita si Zeke na kung ano man. Pero tumatama pa rin sa direksyon niya ang naturang anino. Kukunot ang noo ni Zeke. Titingnan niyang muli kung saan nagmumula ang anino. Wala. Wala talaga siyang makikita. Iihip ang malamig na simoy ng hangin. Sa isang iglap, mawawala ang anino. Sasampalin niya ang sariling mukha. Paulit-ulit niyang sasampalin ang sarili sa pag-aakalang dulot lang ito ng antok kung kaya kung ano-ano na lang ang makikita niya. Sasakit ang kanyang mga pisngi. Ang sampal ay magiging paghimas sa magkabila niyang pisngi. Gugustuhin na ni Zeke na matulog pero pipigilan niya ang sarili. Hindi siya maaaring matulog habang hindi pa sumisikat ang araw. Paniguradong mananaginip siyang muli. At magiging katulad pa rin ito ng mga nagdaang mga gabi kahit anong pilit niyang hindi managinip ay matatagpuan pa rin niya ang sarili na nakaupo sa kaparehong bus stop. At mapupunta siya sa isang eskinita na napakaliwanag ang dulo. Dulo na hindi niya maunawaan kung hanggang saan dahil sa tuwing kakainin siya ng liwanag nito ay magigising siya. Ito ang nakakapagpapabagabag kay Zeke. Paano kung isang gabi na makakatulog siya at matagpuan ulit niya ang sarili sa naturang lugar ngunit hindi na niya matatagpuan ang liwanag? Magigising pa kaya siya? Ito lang ang nagpapabalik ng kanyang kamalayan na siyang sanhi ng kayang paggising. Mananatili si Zeke na nakadungaw sa bintana. Hihintayin niya ang pagsilip ng sinag ng araw bago matulog. Pipilitin niya ang sarili na labanan ang antok. Iindahin niya ang pagod ng katawan kapalit ng matiwasay na pagtulog. Isa pa sa ipagtataka ni Zeke ay hindi siya binabangungot kapag tirik ang sinag ng araw. Makakatulog siya nang walang problema. Salungat na salungat kapag madilim na ang paligid. Tila kasabay ng kadiliman ay ang paghahasik ng mga masasamang panaginip sa kanyang kaisipan habang siya ay tulog. Tuluyan na lalabas ng kwarto si Zeke. Dadaan siya sa bintana. Tatapak siya sa maliit na terasa na gawa sa metal. Sapat lang ang laki nito para magkasya ang dalawang tao. Dalawang tao lang din ang kaya nitong bigat. Kung susobra ay maaari itong bumigay. May kalakihan lang ito nang kaunti sa bintana. Hahawak siya sa bakal na nagsisilbing harang. Yuyuko si Zeke. Pagmamasdan niya ang mga taong naglalakad sa daan. Gising na gising pa rin ang lugar nila kahit lagpas hatinggabi na. Magsasawa siya sa kakatingin sa baba. Itataas niya ang paningin at matiwasay na titingnan ang kagandahan ng syudad. Ang makukulay na mga ilaw na kitang-kita ni Zeke mula sa kinaroroonan niya. Isa sa mga advantage na nasa itaas na palapag ang apartment nila ni Xenon. Makukuntento siyang magtitingin-tingin sa mga galaw ng ilaw ng kotse sa may puso ng syudad. Hahayaan niya ang malamig na hangin na yumakap sa kanya. Matutuon ang tingin niya sa isang banda ng syudad kung saan kaunti lamang ang ilaw. Nasa hindi ito kalayuan mula sa kanya. May mapapansin siya na mga pigurang gumagalaw sa ibabaw ng mga bubong at rooftop. Tanging itim lamang na pigura ang makikita ni Zeke dahil na rin sa hindi gaano karami ang ilaw doon. Ngunit malinaw na malinaw niyang makikita ang ginagawa ng mga ito. Tanging ang hitsura lang ang hindi malinaw sa kanya. Tila naghahabulan ang mga ito at may pagkakataon din na tila nagsasagupaan. Susundan ng tingin ni Zeke ang mga pigura. Mapapansin niya na papalapit nang papalapit ang mga ito sa direksyon niya. Maguguluhan siya. Hindi niya pa rin maaninag ang mga hitsura ng mga pigura maliban sa isa na nakasuot ng mahabang black leather jacket hanggang sa may tuhod nito. Isa itong lalaki. May hawak itong mga baril sa magkabilang kamay. Ang ipagtataka lamang ni Zeke ay walang lumalabas na bala rito kahit na binabaril na ng lalaki ang purong itim na pigura. Nauuna ang purong itim na pigura habang hinahabol ng lalaking nakasuot ng leather jacket. Mapapaatras si Zeke nang mapagtanto niyang tatalon ang itim na pigura sa kanya. Tatama ang likod niya sa bukas na bintana. Sa takot, magmamadali siyang aakyat papasok ng bintana. Ngunit huli na ang lahat. Mapapaapak na ang itim ng pigura sa dulo ng metal na terasa bago pa man si Zeke makapasok. Purong itim ang bubungad sa paningin ni Zeke. Matititigan niya ito at sa ilang segundo lang ay mawawala ang kamalayan niya. Babagsak siya sa terasa nang walang malay.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD