Terror 04

2216 Words
Mapapansin ni Zeke na hindi mapakali ang mga mata ni Xenon. Tititigan niya ang mukha ng lalaki lalong-lalo na ang mga mata nito na tila’y may hinahanap sa paligid, nagmamatyag. Maging ang unti-unting pagkunot ng noo ni Xenon at ang pagbabago ng ekspresyon sa mga mata nito ay hindi makakatakas sa mapanuring tingin ni Zeke. “May problema ba?” ibubulong ni Zeke makalipas ang ilang segundo na hindi pa rin mapirmi ang tingin ni Xenon. Gagalaw ang ulo ni Xenon, lilipat ang tingin nito kay Zeke, at diretsong titingnan nito sa mga mata si Zeke. Nagdadalawang-isip pa ito kung ipapaalam nito kay Zeke ang gumugulo sa isipan nito. Ngunit, dahil sa naguguluhang mukha na pinupukol ni Zeke rito ay hihinga nang malalim si Xenon. Ibubuka ni Zeke ang kanyang bibig. “Anong nasa isipan mo, Xenon? May ibang bagay ka pa bang hindi sinasabi sa akin maliban sa Dream Walkers at Night Terrors na hindi ko maunawaan?” magkasunod na itatanong niya kay Xenon. Hindi nawawala sa kanyang mukha ang kaguluhan. “Wala,” tanging maisasagot ni Xenon. Ang mga mata nito ay muling lilingon sa magkabilang banda at paikot sa paligid. Mahahalata ito ni Zeke. “Xenon. . .” isasambit ni Zeke gamit ang napakaseryosong tono ng boses. Hindi siya naniniwala na wala lang ito. Sa buong pagsasama nila bilang magkasintahan ay hindi niya kahit kailan pa nakita na naging ganito kaseryoso ang nobyo. Paniguradong may bumabagabag dito. “Alam ko may iba pang bagay na hindi mo sinasabi sa akin. Please. Ipaunawa mo naman sa akin ang mga nangyayari. Nagsimula lang ang lahat ng ito nang umalis ka.” Hahawakan siya ni Xenon sa kaliwang kamay gamit ang kanang kamay nito. At habang hawak nito ang kamay ni Zeke, maglalakad si Xenon palapit sa motorsiklo nitong nakahiga sa sementadong daan sa ilalim ng maliwag na ilaw ng hindi gaanong kabilugan na buwan, hila-hila si Zeke na nakasunod at sumusunod lamang. Panandalian nitong bibitawan ang kamay ni Zeke upang itayo ang motorsiklo. Sasakay si Xenon rito. Ilalahad nito ang kanang kamay at aalalayan niya si Zeke upang makasakay ito sa bandang likuran. Magbubuntonghininga si Xenon. “Nakapagtataka lang kasi. . . Wala manlang umatake sa atin pagkatapos no'ng nakakalipad na chemira. Tila nawala iyong ibang humahabol sa atin,” ipapaliwanag ni Xenon pagkaupo ni Zeke. Gagabayan nito ang mga kamay ni Zeke na ihawak sa bandang tiyan. Ang mga braso ni Zeke ay pupulupot palibot sa baywang ni Xenon. Bahagyang ipipihit ni Xenon ang kanyang katawan upang harapin si Zeke. Ilalapat nito ang isang kamay sa pisngi ni Zeke. Hahaplusin niya nang may pag-iingat at lambing ang pisngi ni Zeke. “Humawak kang mabuti, mahal ko. Ipapaliwanag ko ang lahat pagdating natin ng apartment. Kailangan na natin iwanan ang lugar na iyon sa lalong madaling panahon kahit maging ako ay ayaw sa ideyang ito. Wala tayong magagawa kundi lisanin ang apartment, ikaw kasama ko. Hindi ka na ligtas kapag iiwanan pa kitang muli sa apartment. Hindi ko kayang mawala ka, mahal ko.” Ngingiti si Zeke nang nakatikom ang bibig, magkalapat ang mga labi. Magaan siyang tatango na tila sinasabi niya na nauunawaan niya ang ibig ipahiwatig ni Xenon sa kanya. “Nauunawaan ko, mahal ko,” isasambit ni Zeke bilang pagsang-ayon. “Gustuhin ko man na hindi ka dapat madamay, ngunit sa nangyayari ngayon ay nadadamay ka na. Pasensya na, mahal ko. Nang dahil sa akin, sa trabaho ko ay napapahamak ka,” may malumanay na mga mata na paghingi ng paumanhin ni Xenon. Lalakihan ni Zeke ang ngiti sa kanyang mga labi kasabay ng pag-iling niya ng kanyang ulo. “Huwag mo sabihin ‘yan, mahal ko. Ang tanging hiling ko lang naman ay maunawaan ko ang mga nangyayari sa kasalukuyan. Kahit saan pa man tayo magpunta ay okay lang sa akin basta’t magkasama tayo. Alam mo naman na wala na akong ibang mapupuntahan kundi ikaw lang.” Mapapatitig si Xenon kay Zeke nang ilang segundo bago dahan-dahan na sasakupin ng mukha nito ang maliit na espasyo na pumapagitna sa kanilang dalawa. Palapit nang palapit ang mukha nito sa mukha ni Zeke hanggang sa nasa isang sentimetro na lamang ang agwat nila. Ngunit hindi tuluyang maglalapat ang kanilang mga labi nang may marinig silang huni ng sasakyan na palapit sa kinaroroonan nila. Base sa tunog nito ay sasakyan ito ng nagpapatrol na pulis. Mabilis na aayos nang upo si Xenon. Hahawakan nito ang manibela. “Humawak kang mabuti sa akin, mahal ko,” isasabi ni Xenon bago nito pipihitin ang manibela. Agad nitong papaandarin ang motorsiklo palayo sa naturang lugar. Lilingon si Zeke sa likod. Makikita niya ang ilang sira-sirang mga bagay sa gitna ng daan. Pero hindi na niya nakikita pa ang chemira na umatake sa kanila at napatay nila. Tila naglaho ito na parang bula. Wala ni kahit ano man na bahagi ng katawan nito ang naiwan sa kalsada. Maging ang bala na gawa sa nickel na naging sanhi ng pagkamatay nito ay walang makikitang nakakalat sa kalsada. Tanging ang mga sirang mga bagay na nakaharang sa daan lamang ang naiwan. Parang walang nangyari rito kung hindi lang nagkalat ang mga sirang bagay. Malalim na ang gabi habang tinatahak nila ang daan pabalik ng kanilang apartment. Malamig ang simoy ng hangin na tumatama nang direkta sa balat ni Zeke lalo pa’t nakasuot lamang siya ng shorts at t-shirt na pambahay. Ang kadalasang sinusuot niya kapag nasa loob lamang siya ng kanilang apartment at walang plano na lumabas. Mararamdaman ni Zeke ang lamig ng hangin at bahagyang manginginig ang kanyang mga braso. Mapapansin ito ni Xenon kung kaya ay ihihinto nito ang motorsiklo. Saglit na ipaparada ni Xenon ang motorsiklo sa tabi ng malapad na kalsada na sa tingin ni Zeke ay nasa highway. Ngunit hindi ito gaanong ginagamit dahil nasa may sulok na ito ng syudad. Mukhang alam na alam na ni Xenon kung saan dadalhin ang mga umaatakeng chemira upang makaiwas ng malaking damage sa syudad. “Bakit mo hininto?” nagtatakang itatanong ni Zeke. Hindi sasagot si Xenon. Pipihit ito paharap kay Zeke at diretso lamang nitong huhubarin ang suot na black leather jacket. “Isuot mo ito. Nanginginig ka na sa lamig.” Iaangkla nito sa likuran ni Zeke ang jacket at ipipwesto na parang isusuot nito kay Zeke ang jacket. “Huwag na. Kaya ko pa naman,” pagtatanggi ni Zeke ngunit halata na sa hitsura niya na nilalamig siya. “Isusuot mo ang jacket na ito o magpapalipas tayo ng buong gabi sa daan? Mamili ka.” Titingnan ni Xenon si Zeke nang seryoso. Itataas pa nito ang dalawang kilay habang naghihintay ng sagot ni Zeke. “Tingnan mo nga iyang sarili mo. Nanginginig ka na sa lamig. At saka paborito at gustong-gusto mo naman na sinusuot ang mga jacket ko, hindi ba? Bakit parang ayaw mo ngayon?” Tatalim ang tingin ni Zeke kay Xenon. Iikot ang kanyang mga mata. At wala siyang magagawa kundi ang suotin ang jacket ng kasintahan. Ayaw man niyang aminin kay Xenon na tinamaan siya sa sinabi nito, tahimik niyang itataas ang kanyang mga kamay. Ipapasok niya ang kanyang magkabilang braso sa sleeves ng jacket habang inaalalayan siya ni Xenon. Itong katangian ni Xenon na ito ang isa sa dahilan kung bakit nagustuhan niya ang lalaki. Sobrang maalaga nito sa kanya na halos pakiramdam niya’y ayaw na siya nitong pagawain ng kung ano man. Parang sinasabi na ni Xenon sa mga kilos nito na ito na ang bahala sa kanya, ito na ang bahala sa lahat. Ngingitian siya ni Xenon nang pagkatamis-tamis. “Ayan. Hindi ka na giniginaw. At bagay na bagay sa ‘yo ang jacket ko.” Ipapatong ni Xenon ang isang kamay sa ulo ni Zeke at bahagya nitong paglalaruan ang buhok nito. “Sa susunod, huwag ka nang mahiya na sabihin sa akin na giniginaw ka, okay? Parang first time lang natin na magkasama sa labas sa inaakto mo.” “Hindi naman sa ganoon. Hindi ba’t nagmamadali tayong makabalik ng apartment. Iniisip ko lang na matatagalan tayo kapag aabalahin pa kita sa pagmamaneho.” Iiwas ng tingin si Zeke. Mararamdaman niya ang pag-init ng kanyang magkabilang pisngi. “Magmaneho ka na nga nang makarating na tayo sa apartment.” Maririnig niya ang mahinang pagtawa ni Xenon. Ngunit hindi na siya nito kinulit pa. Bumalik ito sa pwesto nito at binuhay ulit ang makina. Bago pa man patakbuhan ni Xenon ang motorsiklo ay walang tingin-tingin na aabutin nito ang mga kamay ni Zeke. Muli nitong ipupulupot iyon paikot sa bewang nito nang mahigpit. Papaandarin na ni Xenon ang motorsiklo at magiging tahimik lamang ang daan nila papunta ng kanilang apartment. Hindi na tatangkain pa ni Zeke na magsalita. Wala rin naman siyang sasabihin at kuntento na siya na kasama niya si Xenon, na nasa malapit niya ang presensya nito. Sobra siyang nangulila nang basta na lamang siya nitong iwan nang hindi nagpapaalam sa kanya nang maayos at personal. Akala niya’y iniwan na siya nito at palusot lamang nito ang sulat na iniwan. Masarap ang pakiramdam ni Zeke na suot niyang muli ang paborito niyang jacket ni Xenon. Kapag suot-suot niya ito ay pakiramdam niya’y nakayakap na rin sa kanya si Xenon. Hindi man siya ganoon kagaling sa salita upang malaman ni Xenon ang nararamdaman niya ay parang alam at nararamdaman naman nito ang gusto niyang iparamdam. Matiwasay na makakarating sina Zeke at Xenon sa kanilang apartment. Walang kahit na ano man ang naging abirya o humarang sa kanila na chemira. Sa tingin ni Zeke ay tapos na siyang habulin ng mga ito sa gabing ito. Gising na gising na rin ang diwa niya. Biglang maaalala ni Zeke na kanina ay nakatulog siya sa gaming chair habang pinag-aaralan ang mga kagamitan na laman ng briefcase. Hindi niya mawari kung paano siya napunta sa labas at totoo nang hinahabol ng mga chemira sa daan. Lalo pa siyang maguguluhan nang pumasok sa isipan niya na suot na niya ang glasses at may hawak nang mga baril upang labanan ang mga humahabol sa kanya. Paano siya nakalabas ng kwarto at nasa gitna na ng daan, nakikipaglaban? “Mahal ko. . .” Isang tapik ang gigising at magbabalik ng diwa ni Zeke. Ikukurap niya nang ilang ulit ang kanyang mga mata bago niya mapagtatanto na nasa harapan na sila ng pinto ng apartment nila. Nakatayo sa harapan niya si Xenon. Nakapinta sa mukha nito ang pag-aalala. “Anong bumabagabag sa isipan mo? Okay ka lang ba?” Iiling si Zeke. “O-Okay lang ako. Huwag ka mag-aalala.” Isang tango lamang ang isasagot ni Xenon sa kanya bago ito tatalikod sa kanya. Bubuksan ni Xenon ang pinto at mauuna itong pumasok. Susunod din agad si Zeke. Bubungad sa kanila ang nagkakagulo nilang mga gamit sa loob. Parang dinaanan ng bagyo loob ng apartment unit nila. Nakataob na ang study table niya. Ang laptop niya ay nasa sahig na’t sira. Ang kama naman nila ay nabali na sa gitna, gutay-gutay na rin ang kumot, unan, at pati ang kutson ay hindi na mahitsura. Gulagulanit na ang mga ito. Nagkalat din sa sahig ang iba pa nilang kagamitan na sira na. Hindi na magagamit pa. Kukunot ang noo ni Zeke. Wala siyang maalala na nagkaganito ang unit nila. Ibig sabihin ba nito ay inatake siya ng chemira rito bago pa man niya matagpuan ang sarili sa gitna ng daan? Susundan ng tingin ni Zeke si Xenon habang papalapit ito sa cabinet na siyang natitirang nakatayo sa isang sulok. Bubuksan ito ni Xenon at ilalabas ang isang backpack. Kung may isang bagay man na masasabi ni Zeke na hindi nagalaw, ito ay ang cabinet. “Anong ginagawa mo?” biglang itatanong ni Zeke nang wala sa sarili. Nakatanga siyang nakatingin kay Xenon. “Tama nga ang hinala ko. Hindi na ligtas dito. Kailangan na nating lisanin ang lugar na ito, mahal ko. Para rin ito sa ikabubuti mo.” Ipagpapatuloy ni Xenon ang pagliligpit ng mga damit nila, lalong-lalo na kay Zeke sa loob ng backpack na hawak. “Saan tayo pupunta? Panigurado kahit saan tayo magpunta ay matatagpuan pa rin tayo,” isasagot ni Zeke. Naisip kasi niya na kahit saan pa man sila magatgo ay matutunton pa rin sila ng mga chemira. Matutunton siya ng mga ito lalo pa na napatunayan na niya na siya ang target ng mga ito. Haharapin siya ni Xenon. Sinasara na nito ang zipper ng backpack. Lalapit ito sa kanya at ibibigay sa kanya. “May alam akong lugar kung saan ay ligtas ka. Ligtas tayo. Hindi tayo matutunton ng Night Terrors doon,” ihahayag ni Xenon. Tatalikod ito at pupulutin ang bukas na briefcase na nasa sahig. Isa-isa nitong pupulutin ang ibang kagamitan na binigay nito kay Zeke. “Mabuti at maayos pa ang mga ito. Pwede pang gamitin,” iuusal ni Xenon nang masuri niya ang nagkalat na kagamitan. Iaayos niya ang mga ito pabalik sa loob ng briefcase. “Saan?” patanong na ibubulong ni Zeke matapos niyang maunawaan ang sinabi ni Xenon. Tatayo nang tuwid si Xenon mula sa bahagya nitong pagkakaupo sa sahig at matapos nitong i-lock ang breifcase nang maayos. Bibitbitin nito ang briefcase gamit ang kanang kamay. Saka ito titingin nang diretso sa mga mga ni Zeke, tititig “Sa Genesis,” pinal na itutugon ni Xenon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD