Taleigha’s POV
“Yaya niyo ‘yan?” tanong ng kasama niyang kaibigan. Tinitignan ako nito mula ulo hanggang paa. Nakakatakot siyang tumitig, parang may gustong gawin sa akin. Ang guwapo niya sana kaya lang ay parang may sayad ito sa utak kung umasta at magsalita.
“Oo, bakit nagulat ka ba, Aatos?” tanong din ni Mcaiden sa kaibigan niya. Please lang, Mcaiden, huwag dito.
“Guys, we’re at the mall, please don’t cause any trouble here, it’s embarrassing,” saway sa kanila nung isang seryosong lalaki na parang ang bait. Mabuti pa siya, mukhang matino at may pinag-aralan.
“Don’t be such a buzzkill, Zeshawn. Hindi lang kasi ako makapaniwala na may ganiyan kayong kasambahay sa bahay. Dalaga, mukhang ka-edad lang natin tapos…” nahinto sa pagsasalita ‘yung Aatos nang titigan niya ako sa mukha.
“Tapos, ano?” tanong pa ni Mcaiden na nakakunot ang noo.
“Maganda siya, kung may ganiyan akong kasambahay sa bahay, baka palagi ko itong inaano,” sagot ni Aatos kaya napangiwi ako. Tama ang hinala ko. Gago at malibog ang isang ito.
Gaya nang inaasahan ko, tumawa lang si Mcaiden. “Aatos, hindi lahat ng babae papatusin mo. Mahiya ka sa sarili mo, katulong namin ito kaya huwag siya, iba na lang,” saway naman sa kaniya ni Mcaiden.
“Mcaiden, mauna na ako, hinihintay na kasi ako ng kasama ko,” paalam ko sa kanila. Aalis na dapat ako nang biglang hawakan ni Mcaiden ang braso ko.
“Sandali lang, may iuutos muna ako,” sabi niya kaya napangiwi ang mukha ko.
“Mcaiden, day off naman aya niya saka nasa galaan ito kaya hindi naman ata tama na utusan mo pa siya hanggang dito sa mall,” saway ulit sa kaniya ng kaibigan niyang mabait na si Zeshawn.
“Puwede ba, Zeshawn, shut up. Hindi mo dapat kaawaan ang laruan kong ito,” sabi ni Mcaiden kaya nahihiya na ako. Pinapahiya na niya ako sa mga kaibigan niya. Dito pa lang nanliliit na ako, paano pa kaya kapag nasa school na kami?
“Bitiwan mo nga siya!” biglang sabi ni Alvar na dumating na dito. Salamat naman at binalikan niya ako. Kaya lang napangiwi ako nang tabigin niya nang malakas ang kamay ni Mcaiden para mabitawan ako. Hindi maganda ito. Hindi na dapat dumating pa dito si Alvar.
“At sino naman itong gago na ito? Boyfriend mo, Taleigha?” tanong ni Mcaiden na ngingisi-ngisi. “Ikaw, proud ka bang may girlfriend na katulong? Kasi, katulong namin ‘yan ,e, baka hindi mo pa alam?” sabi pa ni Mcaiden na pati kay Alvar ay pinapahiya na rin ako. Nakakasura kasi nakita na tuloy ni Alvar kung ano ang trato sa akin ng gagong ito.
Pero hindi ko inaasahan ang sunod na ginawa ni Alvar. Isang malakas na suntok ang binigay niya kay Mcaiden, dahilan para mabuwal siya sa sahig. Nagsigawan ang mga taong nakakita sa amin. Lahat ng mga tao ay sa amin na nakatingin ngayon kaya lalo na akong nahihiya.
“Gago ka ah!” sigaw ni Mcaiden at akmang susugurin na dapat si Alvar nang biglang may dumating na mga security guard. Gamit ang pito nila, napatingin tuloy kami sa kanila.
Doon na ako hinila ni Alvar palayo doon. Nagtatakbo na kami papunta sa parking area. Ganoon na rin ata ang ginawa nila Mcaiden.
**
Hindi kumikibo si Alvar habang nasa biyahe na kami. Galit na galit siya sa akin, hindi ko raw kasi sinabi sa kaniya na ganoon pala ang trato sa akin ng anak ng mga amo ko.
“Ayokong sabihin kasi nahihiya ako. Bakit ko naman ipagkakalandakan na binu-bully ako ng anak ng amo ko,” paliwanag ko sa kaniya.
“Kahit manlang sa mga magulang niya ay dapat nagsasabi ka para hindi siya lumalaos. Grabe, nasa labas ka na, ginaganoon ka pa niya. Dinig na dinig ko ang sinabi niyang laruan ka lang niya. Hindi tama iyon, Taleigha. Mabuti na lang at nasapak ko siya sa mukha kaya kahit pa paano ay nawala ang galit ko,” proud niyang sabi.
“Iyon nga e, sinapak mo pa siya. Hindi mo ba naiisip ang maaring gawin niya sa akin kapag pumasok na ako sa work ko? Alam mo, Alvar, baka sa akin gumanti ‘yon,” inis kong sabi sa kaniya. Hanggang ngayon ay kinakabahan tuloy ako kapag naalala ko ang ginawa niya sa bundol na iyon.
“Ano, sasapakin ka din niya, ganoon? Tang-ina, Taleigha, bawal iyon. Puwede siyang makulong kapag ginawa niyon. Actually, bawal nga rin iyong ginagawa niyang pambu-bully sa iyo, e, puwede mo siyang kasuhan,” sabi pa niya habang ramdam ko ang galit na nararamdaman niya ngayon kay Mcaiden.
“Napakayaman ng pamilyang Calvry, Alvar. Sa tingin mo ba kapag ginawa ko ‘yan ay mananalo ako sa kaso na isasampa ko? Hindi, kasi lahat ay gagawin nila para matalo ako. Anong laban ko sa mga bilyonaryo na iyon? Isa pa, mabait ang lahat sa kanila, si Mcaiden lang talaga iyong hindi. Mabait ang mama, papa at ate niya. Lahat sila okay, siya lang ang bukod tanging ganoon.”
“Ayoko na lang magsalita. Naiinis ako sa iyo, Taleigha. Naiinis akong malaman na ganoon ang sinasapit mo doon. Kanina, nung marinig ko ang sinabi niya at kung paano ka niya ipahiya, kumulo talaga ang dugo ko. Hindi ako makapaniwalang may gumagawa sa iyo ng ganoon. Grabe talaga,” sabi pa niya. Busa siya nang busa habang nagda-drive. Halatang nadismaya sa nalaman at nangyari sa akin.
Paghatid niya sa akin sa bahay namin, hindi na siya kumibo ng husto. Gusto niyang mag-resign na ako doon, bibigyan na lang daw niya ako ng trabaho sa munisipyo. Kaya lang hindi ako pumayag kasi masyado nang malaki ang sahod ko sa manisyon ng mga Calvry, isa pa naka-enroll na ako sa Vanguard University kaya hindi na talaga ubra ang gusto niyang mangyari. Naghiwalay tuloy kaming magkaibigan nang masama ang loob niya, kasi hindi ako pumayag sa gusto niya.
“Oh, bakit parang hindi ka ata nag-enjoy sa lakad ninyo ni Alvar?” tanong sa akin ni nanay nang salubungin niya ako sa loob ng bahay namin.
“Napagod lang po ako,” sagot ko sa kaniya. Binaba ko sa lamesa ang mga pagkaing binili ni Alvar para kay nanay, tatay at kuya. Pagkatapos ay saka na ako tumuloy sa kuwarto ko.
Tinignan ko agad ang cellphone ko pag-upo ko sa papag. Baka kasi mag-message si Alvar. Baka kako sakaling makipagbati na siya sa akin pero pag-check ko sa cellphone ko ay wala. Ayoko pa naman ng ganitong pakiramdam, iyong magkagalit kami ng taong close friend ko.
**
Maaga akong gumising today, kasi may event sa mansiyon. Birthday ni Sir Riven kaya magiging abala ang lahat. Ang problema ko ay ngayong araw na ulit kami magkakaharap ni Mcaiden. Tiyak na galit na galit sa akin iyon dahil sa ginawa sa kaniya ni Alvar kahapon sa mall.
Wala na sina nanay at tatay nang magising ako, pero may almusal naman nang naka-ready sa lamesa. Naligo muna ako at pagkatapos ay saka ako kumain. Kailangan kong kumain kasi ramdam ko na agad ang pagod na mangyayari sa akin sa mansiyon. Kapag kasi may event sa mansiyon, walang pahingang mangyayari, buong maghapon ay puro trabaho ang mangyayari.
Tulog pa si kuya nang umalis ako kaya ni-lock ko na lang ang pinto pag-alis ko. Pagdating sa labas, naglakad ako sa kanto para sumakay sa tricycle. Nandoon kasi ang paradahan ng mga tricycle.
Malapit na ako sa mansiyon nang tumawag sa akin si Manang Beth. Ang dami na raw ginagawa sa mansiyon kaya bilisan ko raw. Minadali ko pa tuloy ang pagda-drive nung tricycle driver para lang mapabilis ako.
“Diyan na lang po.” Inabot ko na ang bayad at saka ako bumaba ng tricycle. Nang makita ako ng security guard dito sa mansiyonay agad niya akong pinagbuksan ng gate. Malayo palang ako ay tanaw ko na ang mga catering na nag-aayos na ng mga lamesa at upuan. Nagse-set-up na rin ang mga sounds system. Nagtatakbo na agad ako papunta sa likod ng mansiyon, hindi na ako dumaan sa harap kasi baka makita ko agad doon si Mcaiden. Ayoko munang magpakita sa kaniya kasi natatakot ako.
“Ay, naku, Taleigha, mabuti dumating ka na,” sabi ni Manang Beth. Inabot niya agad sa akin ang walis. “Sige, tumuloy ka na doon sa second floor, magwalis ka at pagkatapos ay maglampaso. Kailangan mamayang ala una ng hapon ay tapos na tayong maglinis,” utos niya kaya kumilos na agad ako.
Pati dito sa loob ng mansiyon marami ring nag-aayos. May pictorial pang nagaganap sa may sala. Doon ko nakita ang buong pamilya na abalang nagpi-pictorial. Bigla namang napatingin sa akin si Mcaiden kaya agad akong umiwas nang tingin sa kaniya. Dali-dali akong umakyat sa hagdan para pumunta na sa itaas.
Ang lawak nitong second floor kaya aabutin ako ng ilang oras sa paglilinis dito. Nakakasura lang kasi nakakatamad kumilos ngayon. Nakakalungkot pa rin kasi dahil hanggang ngayon ay wala pa ring tawag o message sa akin si Alvar. Palagi kong naaalala ‘yung sinasabi niya na kakausapin niya lang ako kapag nabalitaan niyang hindi na ako nagtatrabaho dito sa pamilyang Calvry. Eh, paano ko gagawin ‘yun e, ito na ang nakasanayan ko. Hindi ako puwedeng umalis dito, hindi talaga.
Nasa kalagitnaan ako nang paglilinis ko dito sa second floor nang maramdaman ko ang mga kilala kong yapak ng isang tao. Yapak ng isang taong kinatatakutan kong makaharap ngayong araw.
“Taleigha?” tawag sa akin ni Mcaiden kaya dahan-dahan akong humarap sa kaniya. Nang tignan ko siya, seryoso itong nakatingin sa akin.
“Mcaiden, s-sorry sa nangyari kahapon.” Inunahan ko na agad siyang magsalita kasi iyon naman din ang gusto niyang marinig sa akin. “Hindi kasi alam ni Alvar na anak ka ng mga amo ko. Hindi niya alam kaya sinapak ka niya,” paliwanag ko pa.
Ngumisi siya. “Hindi ko matatanggap ang pagso-sorry mo. Sa ngayon, hahayaan ko na lang muna ang nangyari pero sa oras na mag-umpisa na ang klase natin sa Vanguard University, humanda ka kasi doon kita gagantihan. Asahan mo na magiging impyerno ang buhay mo doon. Nagkaroon ng pasa ang mukha ko dahil sa sapak ng kaibigan mo. Natakpan lang ito ng makeup ngayon kaya hindi halata, pero kapag wala ‘yung makeup ay may pasa ako. Isa pa, huwag na huwag mong sasabin sa kanila ang nangyari. Hindi nila puwedeng malaman iyon, lalo na sina mama at papa,” pagbabanta niya kaya kinabahan ako lalo. Parang kasalanan ko pa tuloy ang nangyari sa kaniya.
“Sir, hindi naman kasi mangyayari iyon kung hindi mo ako ginanoon sa mall kahapon, e,” hindi ko na napigilang mangatwiran.
“Kailanman ay hindi ako magiging mali sa mga ginagawa ko, Taleigha. Saka, bakit sumasagot-sagot ka na ngayon? Hindi ka na ba natatakot sa akin? Ah, kasi may tagapagtanggol ka na. Sino ba ang gagong iyon na malakas ang loob na sapakin ako? Sa oras na makilala ko siya, humanda rin siya sa akin.” Kinuha niya ang itim na supot na kung saan ay mayroon ng mga libag na nawalis ko dito sa second floor. Napangiwi ako nang makita kong tinapon niya ulit ang mga iyon sa paligid. Pagkatapos ay saka na siya pumasok sa loob ng kuwarto niya.
Nakakapanginig talaga siya ng laman. Kahit kailan wala na siyang magandang nagawa sa buhay ko. Kailan kaya mababaliktad ang mundo naming dalawa? Kailan kaya ‘yung mga araw na siya naman ang mabu-bully ko para maramdaman niya ang pakiramdam nang ginaganito.
Tang-ina niya.