Taleigha’s POV
Inggit sa akin ‘yung mga dalagang ka-street ko kasi bakit daw ang isang gaya kong babae na hindi naman mayaman, mahilig sa ukay-ukay at katulong lang naman ay nagkaroon ng ka-close at kaibigan na anak ng mayor. Si Alvar Aguilar ‘yon. Kinaiinggitan ako kasi napakaguwapo kasi ni Alvar. Hindi man matipuno ang katawan niya pero bawing-bawi naman siya pagdating sa pagiging maputi ng balat niya. Parang koreano din kasi ito kaya madalas ay napagkakalaman siyang anak ng koreano, pero ang totoo ay pure pinoy ito. Kamukha niya si park seo joon, marami ang nagsasabi niyon. Kaya one time, nag-try akong manuod ng korean drama. Ang una kong napanuod na korean drama na pinagbibidahan ni park seo joon ay iyong fight for my way. Ang ganda nun at masasabi ko rin talaga na hawig nga ni Alvar si park seo joon. Ang kaibahan lang nila ay maganda ang katawan ni park seo joon, si Alvar hindi, kasi medyo chubby siya na minsan ay parang payat, magulo. Paiba-iba kung minsan ang katawan niya kasi nagda-diet siya, kung minsan naman ay stress eating. Basta ang gulo. Pero kung magpapalaki siya ng katawan, oo, one hundred percent na kamukhang-kamukha niya si park seo joon.
Today, nag-half day lang ako sa work ko sa manisyon kasi gagala kami at makikipagkita ako kay Alvar para ma-claim ko na rin ang premyo kong brand new laptop at cellphone. Kapag alam kong si Alvar ang kasama ko, nagdadamit ako ng maganda at maayos para naman hindi nila akalaing yaya ako ng kaibigan ko. Madalas na kasing mangyari iyon kapag sinasama niya akong mag-mall. Kaya para hindi ko na maranasan iyon, nagpapaka-sosyal ako kahit na ang tingin ko sa sarili ko ay napaka-trying hard ko. Kasi naman, laking mahirap talaga ako kaya mahirap umastang maging mayaman sa mata ng ibang tao.
“Aba, day-off ba ng yaya at mukhang may larga?” sita sa akin ng mga basher ko dito sa street namin. Naka-dress kasi ako na maganda ngayon, tapos nakasapatos pa na puti. Itong suot ko ngayon ay hindi galing ng ukay. Galing ito kay Alvar, madalas niya kasi talaga akong binibili ng mga gamit sa tuwing magmo-mall kami. Kaya naman umiral na naman ang pagiging inggitera ng mga basher ko dito. Tatlo silang mga ka-edad ko na hate na hate talaga ako. Ang hirap sa mga ito, ang lala nilang manglait. Akala mo may mga narating na sa buhay kung mga umasta e, hindi pa naman din sila mga successful sa buhay nila.
“Magkikita kasi kami ni Alvar, today. Inaya na naman niya akong kumain sa labas. Ang saya nga e, malilibre na naman niya ako ng mga masasarap na pagkain at mabibilhan naman ng mga damit na magaganda. Tiyak na may mga tao na namang maiinggit diyan sa tabi-tabi.” Lumalaban na ako sa kanila paminsan-minsan para hindi na rin sila lumalaos. Nung una kasi hinahayaan ko lang silang laitin at pagtawanan ako, pero ngayong naririndi na ako sa mga masasakit na salitang binabato nila sa akin, natututo na akong lumaban.
“Inggit your face. Bobong ‘to, feelingera hindi naman marunong mag-english. Excuse me, Taleigha. You don’t have brain and your so jologs. I think you need go back in school for study again. Like, duh, so ugly women you! Me, im brain and im first honor. Not like you, bobo and so ugly,” sabi nang pilit na pilit mag-english na si Doti. Nagyayabang sa pag-e-english niyang mukhang tanga. Hindi ba siya natatawa sa sarili niya.
“Doti, mag-tagalog ka na lang. Ako ang nahihirapan sa iyo,” sagot ko sa kaniya.
“See, hindi niya gets kasi hindi siya nakakaintindi ng english,” natatawang sabi ni Shirley na proud sa kaibigan niya. Akala nila hindi ko ma-gets ang sinabi ni Doti e, hindi ko naman talaga gets dahil ang gulo ng english niya.
“Kung ako sa inyo, go home to your respective houses and read some books to improve your intellect. Because if you’re just going to boast about speaking English, you don’t compare to the intelligence I have. Don’t you know that all my grades are line of 9’s? If you’re going to boast about me, make sure you’re really good at speaking English,” sagot ko sa kanila na kinanganga nila. Nagulat sila nang ako na ang mag-english. Ako pa ang ginawa nilang bobo e, hindi nga ako nawawala sa pagiging first honor simula nung elementary pa lang ako.
“T-tara na nga, naiirita lang ako sa babaeng ‘yan,” sabi bigla ni Doti sabay hila sa mga kaibigan niya. Malamang sa malamang ay hindi nila na-gets ang english ko kasi hindi naman talaga sila sanay mag-english. Sila ang mga tunay na bobo.
Pag-alis ng mga basher ko, saktong dumating na si Alvar. Dala-dala na naman niya ang magara niyang kotse. Huminto siya sa harap ko at saka binaba ang bintana niya.
“Ready ka na ba?” tanong niya sa akin.
“Oo naman, kanina pa kaya ako naghihintay dito sa labas ng bahay namin. Saka, hindi ka ba manlang bababa para pagbuksan ako ng pinto?” tanong ko.
Umiling siya at saka ako tinignan nang masama. “Bakit, amo ba kita para pagbuksan pa ng pinto?”
Umirap ako. “Alvar, huwag mo akong andaran, kakatapos ko lang makipagmalditahan sa tatlong bruha dito sa street namin, dadagdag ka pa,” sagot ko sa kaniya kaya agad naman siyang ngumiti.
“Heto na nga po, tatanggalin ko na ang seatbelt ko para bumaba ng sasakyan ko,” sabi niya kaya natawa ako. Ako lang naman ang nakakagawa nito kay Alvar. Si Alvar na pagdating sa ibang tao ay talaga namang ginagalang siya ng husto. Ako, hindi, ay naku, siya dapat ang gumalang sa akin. Sa tagal na naming magkaibigan, panatag na ang loob ko sa kaniya. Saka, siya rin naman ang ayaw na galangin ko siya kasi magkaibigan nga kami.
Ako lang ang nag-iisang babae na kaibigan niya dito sa bayan namin. Pero may iba pa rin naman siyang kaibigan, kaya lang nasa Manila ang mga ito at ang iba naman ay nasa ibang bansa. Siyempre, mga rich kid na iyong mga kaibigan niyang iyon. Ako lang din talaga ‘yung bukod tanging purita na kaibigan niya.
“Thank you,” sabi ko pagbukas niya ng pinto ng sasakyan niya. Nauna na akong sumakay sa loob ng sasakyan niya.
“Oh, nandiyan na pala si Alvar, mag-ingat kayong dalawa, ha!” sabi ni nanay na nandito sa bahay. Hindi siya pumasok kasi lalabhan niya ‘yung mga damit na pinamili ko ulit kahapon sa ukay-ukay. Ang dami ko na rin talagang outfit na gagamitin kapag nag-aral ako.
“Salamat po, Tita Liza,” sabi naman sa kaniya ni Alvar matapos magmano.
Pag-upo ko dito sa tabi ng driver seat, nilingon ko agad ang likod ng sasakyan niya. Napangiti ako nang makita ko roon ang box ng laptop at box ng cellphone. Mukhang ito na ang premyo ko.
“Iyan na ba ang laptop at cellphone ko?” tanong ko sa kaniya nang makapasok na ulit siya dito sa sasakyan niya.
Tumango siya at saka na rin inabot sa akin ang mga iyon. Nanginginig at halos kinikilig ako nang mahawakan ko na ang mga box na iyon.
“T-teka, Alvar, b-bakit mansanas ata ang tatak nitong laptop at cellphone? Hindi ba’t android lang iyong naka-post sa pa-raffle ng papa mo?” tanong ko sa kaniya habang namimilog ang mga mata.
“Ito naman, magpasalamat ka na lang, kasi sa akin niya pinaubaya ang pagbili sa pa-premyo niya. Oo, hindi dapat apple ang tatak ng pa-premyo niya, pero kung ang kaibigan ko naman ang nanalo, aba hindi ako papayag na cheap na laptop at cellphone ang mapanalunan niya. Kaya, ayan, ‘yung bagong labas nila ang binili ko para lalo kang matuwa,” sabi niya kaya napalo ko siya bigla sa braso niya.
“Gago ka, Alvar, mahal kaya ang mga ‘to. Magagalit sa iyo ang papa mo kapag nalaman niya ito,” sita ko sa kaniya.
“Hindi, ako na rin kasi ang nagdagdag ng pera para mas magandang laptop at cellphone ang gamit mo. Actually, pareho na tayo ngayon ng cellphone at laptop. Tamang-tama, malapit na rin ang pasukan kaya may magagamit ka ng cellphone at laptop,”sabi pa niya na kinagulat ko. Kahit kailan talaga hindi puwedeng ‘di siya gagastos pagdating sa akin. Napakasarap niya talagang maging kaibigan.
“Parang kang baliw, Alvar. Hindi ko naman kailangan ng bonggang laptop at cellphone. Kahit ano naman ay ayos lang,” pakipot kong sabi sa kaniya kahit ang totoo ay gustong-gusto ko itong laptop at cellphone na binili niya. Hindi na siguro ako mahihiyang maglabas ng laptop at cellphone sa Vanguard University kasi bagong labas lang itong laptop at cellphone ko. Pang mayaman ang laptop at cellphone ko.
“Thank you lang, Taleigha, hindi mo pa masabi. Iyan ang ayaw ko sa iyo. Kunyari ka pang ayaw mo pero gusto mo naman talaga,” sabi niya kaya natawa ako. Kilalang-kilala na niya talaga ako.
“Oo na, thank you, salamat, gracias, merci, arigatou, gamsahamnida,” sagot ko kaya tawa na naman siya nang tawa.
“Hoy, matanong ko lang, saan ka nga pala mag-aaral? Hindi mo pa sinasagot ang tanong ko nung nakaraang linggo. Sabi mo hindi mo pa alam, gusto kong malaman kung saan ka mag-aaral at anong kukunin mong course?” tanong niya. Tiyak na magugulat siya kapag nalaman niyang sa Vanguard University ako mag-aaral.
“Secret na lang muna, ire-reveal ko na lang siguro sa social media ko sa unang araw ng pasukan namin,” sagot ko naman sa kaniya kaya napangiwi ang mukha niya.
“Ang dami mong kaartehan sa buhay, Taleigha. Sige, anong course na lang ang kukunin mo?”
Naalala ko tuloy ‘yung sinabi ni Madam Delia sa akin kahapon matapos niyang sabihin na na-enroll na niya ako sa Vanguard University. Sinabi nito na hindi niya ako na-enroll sa course na gusto ko. Gusto ko sanang mag-law, kaya lang doon niya ako in-enroll sa kagaya ng course ni Mcaiden. Para raw magkasama kami at mabantayan ko palagi ang gunggong na iyon.
“Business administration,” sagot ko sa kaniya kaya nagulat siya.
“What? Are you sure? Akala ko maglo-law ka? Anong nangyari?”
“Basta, hayaan mo na. Isa rin naman ‘yon sa course na gusto kong kunin. Ang mahalaga ay makakapag-aral ako ngayong taon,” sabi ko na lang sa kaniya kaya tumango siya at ngumiti. Iyon din kasi ang gusto ni Alvar, ang malamang mag-aaral ako ngayong taon. Akala niya kasi ay hindi ako mag-aaral at matutuloy na lang ako sa pagiging kasambahay. Mabuti na lang at hindi.
**
Sa Mall of asia kami nagpunta ni Alvar. Napagod na naman ako habang kasama siya kasi ang dami naming naging ganap sa malaking mall na ito. Pagdating kasi dito sa mall ay nanuod kami ng movie, pagkatapos ay saka kami kumain sa italian restaurant na sobrang sarap ng mga pasta. Nung ayaw pa niyang umuwi, nag-shopping kami. Bumili siya ng mga damit niyya at nilibre din niya ako. Ayoko sana kaya, lang hindi siya papayag na wala rin akong bitbit na paper bag. Pagkatapos mag-shopping ay nag-samgyup naman kami kasi nagutom daw siya sa pagsa-shopping namin. Akala ko last na iyon pero nag-ice cream pa kami. Dahil kay Alvar, nararanasan ko iyong buhay na mayroon ang mga gaya niyang rich kid. Masaya ako kasi binigyan ako ni Lord ng ganitong kabait na kaibigan na hindi ako kinakahiyang kasama.
“Taleigha?”
Napalingon ako sa likod ko nang makita ko si Mcaiden. Nakangisi siya sa akin habang kasama ang tatlong guwapong lalaki. Mga kaibigan niya ata.
“Anong ginagawa ng yaya namin dito sa mall?” tanong niya habang nakangisi. Bakit ba ngayon pa siya lumitaw gayong nasa parking area na si Alvar.
Help me, Alvar. May demonyo dito.