ANNIKA

1584 Words
        "Nanay, pwede sama uli ako pagpunta sa opis ni Ysa bukas?"         Magkayakap kaming nakahiga para matulog na. Naihanda ko na yung mga ingredients na gagamitin ko bukas sa mga ulam na lulutuin ko.         "At bakit? Nandito naman si Tito Chris bukas. Wala siyang pasok,” tanong ko dito.         "Kasi gusto kong makita si Ysa bukas..." sagot nito. Napangiti ako dito.n Ang aga naman yatang magka-crush ng anak ko...         “Baka wala naman dun si Ysa bukas," sagot ko dito.         "Sige na, Nanay. Subok lang...." ungot nito.         "Sige na nga! Basta, behave ka lang dun ha?" sabi ko dito sabay halik sa ulo nito.         "Ye-hey!!!"         "Kaya matulog ka na," sagot ko dito.         "Ang init kasi, Nanay!" reklamo nito.         Umpisa na kasi ng summer kaya doble na ang init ngayon. Hindi na kinakaya ng electric fan namin ang temperatura ng paligid.         "Papaypayan ka na lang ni Nanay," sabi ko dito, at saka kinuha yung nakatabi ko lagi na pamaypay sa gilid ng kama.         "Bili ka na lang encon (aircon), Nanay. Para malamig," inosenteng sabi nito.         "Ikaw talaga...puro gastos ang laman ng isip mo. Walang pambili ng aircon si Nanay. Mahal yun!" sabi ko dito, at saka ako nag-umpisang magpaypay sa gawi niya.         "Nanay...."         "Hmm..."         "Mayaman kaya ang Tatay ko?"         Napatigil ako sa pagpapaypay. May kung anong kumurot sa dibdib ko.         "B-Bakit mo naman naitanong yan?"         Pinilit kong maging kaswal ang pagkakatanong ko.         "Kasi para hindi na tayo maiinitan, Nanay. Saka para hindi ka na nagtitinda," inosenteng sagot nito.         Dinaan ko na lang sa pagpapaypay sa kanya ang nararamdaman ko, para mabaling ang atensiyon ko dun. Hinaplos-haplos ko din ang ulo ni Zyrus.         "Bakit? Nahihiya ka ba sa pagtitinda ko?" pinasaya ko pa ang boses ko.         "Hindi po, Nanay. Ayaw kasi kita napapagod. Saka para nakakabili ka ng magagandang damit saka sapatos. Kasi lagi ka lang naka-tsinelas eh."         Kinagat ko ang ibabang labi ko para pigiling maiyak. Pilit kong nilulon ang namumuong bara sa lalamunan ko bago nagsalita.         "Kaya ikaw, bilisan mo nang lumaki, para mabilhan mo na ng sapatos saka damit si Nanay." biro ko dito.         Nag-angat ito ng tingin sa akin.         "Bakit hindi na lang po natin hanapin ang Tatay ko?" tanong nito.         Nag-iwas ako ng tingin. Paano ko ba sasagutin ang tanong nito?         "Nililibang mo lang ako, eh. Di ba sabi ko matulog na tayo? Mapupuyat si Nanay. Maaga pa akong gigising bukas para magluto ng mga ulam na dadalhin ko sa office ni Ysa," kunwari ay pagalit ko dito.         "Sorry, Nanay. Good night po...." sabay halik nito sa akin.         Pinaypayan ko lang ito habang salitang hinahalikan ang ulo nito. Naaawa ako sa anak ko. Hindi ko kayang maibigay sa kaniya ang mga gusto niya.         Mag-apply na lang kaya uli ako ng trabaho? May tatanggap pa ba sa akin?         Maraming bagong graduate at dalaga ang pwedeng i-consider ng nga kumpanya kumpara sa isang disgrasyada at may edad nang katulad ko.         Saka pihadong kinakalawang na ako. Baka ni magbukas ng computer ay hindi ko na alam. Saka sinong magbabantay kay Zyrus kapag nagtrabaho ako?         Muling sumagi sa isip ko ang paghahanap ni Zyrus sa Tatay niya. Apat na taon pa lang ito. Paano pa pag nag-aral na ito?         Si Biboy pa nga lang na kalaro niya ay napipikon na si Zyrus sa pang-aasar sa kanya na wala siyang tatay, paano pa kapag nasa malaking eskwelahan na siya?         Napabuntonghininga na lang ako. Pumikit ako para pilitin na ang sarili kong matulog. Pero iyung mukha ni Klarence Montenegro ang naiisip ko.         Putsa!         Nag-iba ako ng posisyon. Bakasakaling makatulog na ako. Biglang sumagi sa isip ko si Annika. Parang ang bait-bait nito. Kung hindi nga lang ako alangan dito, ay gusto ko itong maging kaibigan. Pero malabong mangyari ‘yon. Asawa siya ng may-ari ng isang malaking kumpanya.         Samantalang ako? Tindera lang ng ulam!         Pero may isang parte sa loob ko na sana ay makita ko uli siya bukas, at makakuwentuhan. Hanggang sa nakatulugan ko na pala ang pag-iisip dito.            NAGISING ako nang may mahipo akong mainit.         Zyrus?!         Napadilat ako. Nakita ko ang hirap nitong paghinga.         "Zyrus, anak?" nag-aalala kong tawag dito.         Pero hindi ito sumagot at nakapikit lang. Hinipo ko ang noo at leeg nito. Mainit. Lumalalim na din ang paghinga  nito at may naririnig na akong pagsipol.         Inaatake na naman siya ng asthma!         Bumangon ako at saka pinuntahan ang kuwarto ni Chris.         "Chris? Chris!" tawag ko dito sabay katok sa pintuan nito.         Nakailang tawag pa ako dito, bago ito nagbukas ng pintuan. Halos nakapikit pa ang mga mata nito nang bumungad sa pinto.         "Ate? Puyat ako kagabi," sabi nito.         "Pasensiya na," hinging paumanhin ko.         Finals na kasi, at alam kong gabi-gabi itong napupuyat sa kaka-review.         "Si Zyrus kasi.... mainit. Inaatake na naman ng asthma." sabi ko. Natatakot na ako pero kailangan kong kumalma.         "Ha? Magpapalit lang ako ng damit. Mag-ayos ka na. Dalhin na natin sa ospital!"         Agad itong tumalikod sa akin. Nahihiya man ako sa kapatid ko ay wala din naman akong magawa         Kung may ama lang kasi si Zyrus...              PAGKAHATID sa amin ni Chris sa ospital ay inutusan ko na itong umuwi.         "Mamaya na. Hintayin ko munang sasabihin ng doctor," sabi nito.         "Hindi na. Kaya ko na to," sabi ko dito.         Nasa bench kami sa Emergency Room. Bumili siya ng kape sa vendo machine, para kahit papaano ay magkalaman ang mga sikmura namin.         "Sigurado ka?" tanong nito.         "Oo. Uubusin lang siguro namin yung gamot sa nebulizer niya, at baka makauwi na din kami."         Alam kong kailangan pa niyang mag-review para sa exam niya, kaya ayoko na siyang abalahin pa. Kung babagsak siya sa exam ay gastos na naman iyon kung kukunin niya uli iyung subject na iyun sa susunod na sem.         "Sige. Bilhan na lang kita ng pwede mong makain dito bago ako umuwi."         Tumango na lang ako.              "OY, Pepper. Bakit wala ka kahapon?" tanong ni Mrs. Perez.         Nagpa-text lang ako kahapon kay Chris kay Ate Cynthia, para sabihing hindi ako makakapagdala ng ulam.         "Nagkasakit po kasi si Zyrus, eh. Dinala ko sa ospital. Bawi na lang ako sa inyo ngayon. May libre kayong dessert sa akin," sagot ko dito.         "Ah...okay na ba siya?" tanong uli nito.         "Opo. Nasa bahay na po. Wala kasing pasok ngayon yung kapatid ko sa school kaya may magbabantay naman sa kanya," sagot ko.         "Pepper!"         "Oh. Ayan si Mam. Hinahanap ka rin niyan kahapon," singit ni Ate Cynthia.         "Ay, Mam Annika. Magandang umaga po," bati ko dito.         "Bakit wala ka yata kahapon? May naging problema ba?" tila nag-aalalang tanong nito.         "Inatake po kasi ng asthma si Zyrus. Dinala ko sa ospital," sagot ko.         "Ganun ba? Okay na ba siya? Bakit wala yata siya ngayon?"         "Nasa bahay, Mam Annika. Andun naman ang kapatid ko."         "Sabi naman sa iyo, Annika na lang eh," nakangiting irap nito.         "Ay! Sorry. Nakakailang kasi...may kailangan ka ba?" Hinila ako nito palayo sa mesa ng mga empleyado.         "Punta kayo ni Zyrus sa bahay sa Sabado. Birthday kasi ni Ysa. Wala naman kaming bisita. Kayong mag-ina lang saka ‘yung dalawang kaibigan ng asawa ko."         "Ha? Ah eh.... nakakahiya naman. Hindi naman kami--"         "Pepper... please.... si Ysa lang kasi ang bata dun. Para may kalaro at kausap naman siya. Saka. kami lang ng asawa ko ang nandoon, saka iyung dalawang bestfriend niya. Tayo-tayo lang...." paliwanag nito.         Naisipan kong umoo na lang para hindi na ako kulitin nito.         "Ay, sige po...."         "Heto ang address namin," sabay abot nito ng kapirasong papel sa akin.         "Magdala ka na din ng Pork Sisig mo. Nagustuhan kasi talaga iyung Sisig mo nung makulit na kaibigan ng asawa ko," sabi nito, na tila humihingi ng paumanhin.         "Eh, sige po...."         Mukhang wala akong choice kung hindi ang sumipot sa Sabado...         "Magkano ba lahat? Babayaran ko na," sabay abot nito ng isang libong papel sa akin.         "Sa Sabado na lang ha... mga eleven ng umaga naroroon na kayong mag-ina, para sabay-sabay na tayong mag-lunch," habilin pa nito.         "S-sige..."         "Teka. Pahingi ako ng number mo, para ma-contact kita."         "Naku. Wala akong cellphone. Yung sa kapatid ko na lang, nahihiya kong sabi.         Hindi ko naman kasi kailangan ng cellphone. Wala naman akong kailangang i-text o tawagan. Wala din naman akong f*******: account. Hindi naman sa nagtatago ako, pero ayaw ko lang maubos ang oras ko sa kakapaliwanag sa mga kakilala ko kung bakit ako may anak, pero walang tatay.  Isa pa, hahati pa iyung pangload ko sa cellphone sa mga gastusin ko sa bahay. At least si Chris, kailangan niya talag iyun sa pag-aaral, at sa trabaho niya.         "O sige. Isulat mo na lang dito."         Naglabas ito ng maliit na papel at ballpen mula sa bag niya kung saan ko isinulat ang number ni Chris. Itatago ko na sana iyung perang inabot niya nang mapansin kong sobra ito.         "Ay, Annika. Sobra itong ibinigay mo. May sukli ka pa," sabi ko, sabay dukot ng panukli sa belt bag na suot ko.         "Hayaan mo na. Pantaksi n’yong mag-ina sa Sabado," sabi nito, nang tanggihan nito ang ibinabalik kong pera.         "Sobra-sobra na ito."         "Sa Sabado na lang tayo magkuwentahan. Okay? Sige na. Paalis na din kasi ako ngayon. May kailangan pa akong ipadala sa Cebu," paalam nito sa akin.         Inihatid ko ito ng tanaw nang maglakad ito palayo sa akin. Kumaway pa ito bago naglakad uli.         Nang wala na siya sa paningin ko ay sinilip ko ang papel na pinagsulatan niya ng address niya sa bahay. Namilog ang mga mata ko nang may umagaw sa akin ng pansin sa nakasulat sa papel.         Annika Montenegro.         Kaanu-ano niya si Klarence Montenegro??         Biglang may bumundol na kaba sa dibdib ko. ~CJ1016
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD