Kabanata 2

1111 Words
NASA terrace ng bahay si Delilah. Malungkot na nakatingin sa malawak na bahagi ng bakuran na tinutubuan ng malalagong bermuda grass. Umihip ang hangin, nasamyo niya ang sariwang simoy ng hanging banayad na humahalik sa kanyang pisngi. Diretso ang tingin niya sa malawak na palayan. Mala-ginto ang butil ng palay sa tama ng sinag ng araw. Malamig sa matang pagmasdan ang mga 'yon. Ang bahaging kanyang natatanaw ay pag-aari nilang magkapatid. Isa sa mga ari-arian ng mga nasawi nilang magulang na pinamamahalaan ng kanyang kapatid na si Greta. At ang kayamanang naiwan sa kanila ng mga magulang ay masasayang lamang kapag natuloy ang kasal ng kanyang kapatid sa lalaking kinahuhumalingan nito. Nagpakawala siya ng isang marahas na hininga, humigpit ang hawak sa bakal na barandilya. Hindi niya lubos maisip kung bakit nagustuhan ng kapatid niya ang anak ng isa sa dating tauhan ng asyenda. Kaya naman hindi niya maiwasang isipin na salapi lang nila ang habol ng lalaki. Kailangan niyang gumawa ng paraan para hindi matuloy ang kasal. Kung tutuusin, dalawang buwan pa bago ang kasal ng mga ito, at mayroon pa siyang sapat na panahon para pigilan ‘yon. Ngunit ano ang maaari niyang gawin upang hindi matuloy ang kasal? Hindi pa niya nakikita ang lalaking pakakasalan ng kanyang kapatid. Pero isa lang ang matitiyak niya, nakikita na niyang kaaway si Amir! “Señorita.” Nagulat si Delilah. Napatingin siya kay Annabelle na halos kasing edad niya lang. Ito ang pamangkin ng mayordoma nilang si Manang Lorena, isa sa mga pinagkakatiwalaan nilang kasambahay. “Yes?” “Handa na ang tanghalian mo, señorita,” magalang nitong sagot. “Sige. Susunod na ako,” sabi niya at ngumiti. Pagkaalis nito sa kanyang harapan, malungkot siyang muling tumingin sa kanilang lupain, saka tumalikod. Binagtas niya ang matarik na hagdan patungo sa unang palapag ng bahay. Pagpasok niya sa komedor, bumungad sa kanya ang mga pagkaing nakahain sa mesa. “Tiya, sabayan mo po akong kumain,” yaya niya sa tiyahin na abala sa pagtimpla ng orange juice. “Naku, busog pa ako. Pero sasamahan kita,” tanggi ni Aling Clara. Inilapag nito ang pitser na may tinimplang juice sa mesa. Humugot ng silya at umupo sa tabi ng dalaga. “Ang iyong mga bagahe ay nasa iyong silid. Huwag kang mag-alala, walang nabago sa iyong silid at araw-araw kong pinapalinis sa mga kasambahay.” Pinasalamatan niya ang kanyang tiyahin. Alam niyang matikulosa ito, gusto nitong panatilihing malinis ang buong villa. Uminom muna siya ng tubig bago magsimulang kumain. Una niyang nilantakan ang gulay na pinakbet. Sobrang na-miss niya ang pagkaing Filipino. Palagi siyang abala sa trabaho kaya hindi niya mapagtuunan ng pansin ang pagluluto para sa sarili. “Kumusta naman ang iyong limang taong pamamalagi sa Amerika? Wala ka bang naiwanang nobyo na banyaga sa lugar na ‘yon, ha?” pagbibiro ni Aling Clara sa pamangkin. “Sa ganda mong ‘yan, tiyak na marami ang naglakas-loob na ligawan ka.” “Naku, hindi ko pinangarap na makipagrelasyon sa ibang lahi. Iba pa rin ang Pinoy. Kilala kasi natin ang ugali ng ating mga kalalakihan dito,” sagot ni Delilah sa kalagitnaan ng pagnguya. “Tungkol naman sa trabaho, ang masasabi ko lang ay masuwerte ako. Libre ang board and lodging ko sa nurses’ quarters na nasa loob ng hospital compound na aking pinapasukan. Halos naipon kong lahat ang kinitang dolyar.” Totoo ang kanyang tinuran. Hindi siya maluho at likas ang pagiging masinop sa perang pinaghirapang kitain. Kahit noong nasa Amerika pa siya, bihira siyang lumabas para gumastos. At hindi naman nasayang ang panahong ipinamalagi niya sa nasabing bansa. Marami na siyang naipong pera. Hangad talaga niyang makaipon ng malaking pera para hindi na siya mag-alala sa kanyang nalalapit na pagtanda. Mabubuhay siya nang maayos nang hindi umaasa sa perang kinikita ng asyenda. “May plano ka pa bang bumalik sa Amerika?” Umiling ang dalaga. Walang ibang nasa isip niya ngayon kundi ang pigilan ang nakatakdang pagpapakasal ng kanyang kapatid. “Matanong ko lang po, Tiya. Anong nangyari rito sa limang taon na wala ako?” tanong ni Delilah. Inabot niya ang basong naglalaman ng orange juice at ininom iyon. “Marami, iha,” tugon ni Aling Clara. “Tulad ng ano?” Inilapag niya ang baso sa mesa at tinitigan ang tiyahin. “Ang kapatid mo na lang ang tanungin mo,” baling nito sa kanya. “Siya ang nakakaalam ng lahat.” Mapakla siyang tumawa. “Alam ni Ate Greta na ngayon ang balik ko sa Pilipinas. Limang taon kaming hindi nagkita at umaasa akong makikita siyang masayang naghihintay sa 'kin sa airport. Pero anong ginawa niya? Mas pinili niyang makasama ang lalaking 'yon kaysa sa kapatid niya!” tukoy niya kay Amir. Marahil ay sarado na ang utak niya sa pag-unawa nang mga sandaling 'yon. “Abala lamang ang kapatid mo sa nalalapit na kasal nila ni Amir kaya hindi ka niya nagawang sunduin,” pag-aalo nito sa kanya. Binalik ng dalaga ang tingin sa plato at nagpatuloy sa pagkain. “Sabihin mo lang sa 'kin kung ano ang alam mo,” giit niya. “Tanging ang nalalaman mo lamang.” Isang buntong-hininga ang pinakawalan ni Aling Clara. “Tulad ng pagpapakasal ng kapatid mo at pagkakabenta ng inyong lupain sa San Miguel.” Nasamid siya sa narinig. Nag-aalalang inabot sa kanya ng tiyahin ang tubig. Tinanggap niya iyon at ininom. “Ang lupain namin sa San Miguel, ibinenta ni Ate Greta?” hindi makapaniwalang tanong ni Delilah, umaasang mali ang narinig niya. Tumango lang si Aling Clara bilang tugon. “Bakit daw niya binenta?” “Delilah, ang mabuti pa'y tanungin mo na lang si Greta. Hindi ko alam kung bakit niya 'yon binenta.” Sa pagkakaalala niya, ang kanilang lupain sa San Miguel ay kanilang plantasyon ng tubo. At sa kabilang bayan lang 'yon. Sa kaalamang iyon, lalo siyang nagduda sa pagkatao ni Amir. Hinala niya, ito ang dahilan kung bakit ipinagbili ng kapatid niyang si Greta ang kanilang lupa sa San Miguel. “Kailan niya 'yon binenta?” “Dalawang buwan na siguro,” kibit-balikat nitong tugon. “Hindi man lang niya ako hinintay makauwi para pag-usapan ang lupa namin sa San Miguel bago ibenta," dismayadong sabi niya. “Matagal na bang magkakilala sina Ate Greta at Amir?” “Ang ama ni Amir ay isa sa mga tapat na tauhan ng asyenda. Hindi malayong matagal nang magkakilala ang dalawa.” Napakagat-labi siya. Humigpit ang hawak niya sa kutsara't tinidor. Wala sa kanyang hinagap na ibinenta ng kanyang kapatid ang malawak nilang lupain sa San Miguel. Marahas siyang sumandal sa silya na kanyang inuupuan. Saan nito ginastos ang pera na pinagbentahan ng lupa?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD