Kabanata 7

1196 Words
MASUSI ang ginawang obserbasyon ng doktor sa pasyente. At nang masiguro ni Delilah na maayos na si Beau, umalis na siya sa ospital. Matapos maibigay kay Mang Lorenzo ang kabayo ay pumasok na siya sa loob ng bahay. Paakyat na ng hagdan ang dalaga nang marinig niya ang boses ni Tiya Clara na nagmamadaling lumapit sa kanya. “Naku, ikaw talagang bata ka!” Mukhang hindi mapakali ang kilos nito. “Saan ka ba galing?” Nagkibit-balikat siya. “Namasyal lang po.” “Kanina ka pa hinahanap ni Greta,” sabi nito, at sinamahan siya paakyat ng hagdan. “Bakit niya ako hinahanap, nagpaalam ako sa kanya bago umalis?” baling niya rito, nasa kalagitnaan na sila ng hagdan. Napakamot sa noo si Aling Clara. “Umaga ka umalis, anong oras na?” Natigilan siya. Awtomatikong napatingin siya sa suot na relo. Alas tres na ng hapon. Nawili siya sa pamamasyal sa kabundukan, hindi niya namalayan ang oras. Dinala din niya si Beau sa ospital bago bumalik sa villa. Napatitig siya sa mukha ng kanyang tiyahin. Pinili niyang huwag sabihin dito ang tungkol sa lalaking nakilala niya kanina sa gubat. “Nasaan si Ate Greta?” “Umalis na. Matagal ka niyang hinintay. Sabi niya sa akin, isasama ka raw niya sa bayan.” Tumaas ang sulok ng labi niya. Kasalukuyan silang nasa tapat ng silid niya. “Para ano? Ipakilala sa tuso niyang nobyo? ‘Di bale na lang, Tiya Clara. Hindi naman ako interesadong makilala ang lalaking ‘yon.” ‘Yon lang at pumasok na siya ng silid. Pagsara ng pinto ay agad niyang hinubad ang kanyang damit. Nanlalagkit ang kanyang pakiramdam. Ang kanyang mala-porselana na balat ay nanlilimahid ng pinaghalong pawis at alikabok. Habang sinasabon ang katawan ay biglang pumasok sa isip niya si Beau. May ngiti sa labi niya. Kumusta na kaya siya ngayon? Umiling si Delilah nang mapagtanto niya kung bakit siya nag-aalala sa lalaking iyon. Hindi niya maintindihan ang sarili. Hindi niya ugali makipagkaibigan sa mga lalaki. Akma pa lang siya lalapitan ng mga kaklase niyang lalaki ay nagtataray na siya. Nagtapos siya ng pag-aaral ng walang kaibigang lalaki at hindi nakaranas ng relasyon. Hindi niya mawari kung bakit bumigay ang kalooban niya kay Beau at kung bakit hindi tuluyang maalis sa sistema niya ang lalaki gayong sandali lang silang nagkasama. Naligaw lang ito sa kanilang lupain. Kaya naman sigurado siyang hindi na sila magkikita pa. Humarap ang dalaga sa shower at binanlawan ang katawan niyang nababalot ng bula. Nakalugay ang mahaba niyang buhok at nakatapis siya ng tuwalya paglabas ng banyo. Binuksan niya ang pinto ng aparador at kumuha ng isusuot. Nang makabihis ay nagtungo siya sa komedor. Naabutan niya si Manang Lorena na abala sa pagluluto ng meryenda. “Ikaw ba’y nagugutom?” tanong ni Manang Lorena sa dalaga nang makita sa bungad ng pintuan. “Malapit nang maluto ang sopas.” “Busog pa ako, Manang. Naparito ako para magtimpla ng kape.” “Gano’n ba? Sandali, ipagtitimpla kita.” “Salamat po. Pero ako nang gagawa ng kape ko,” tanggi niya. Kumuha siya ng tasa sa cupboard at nagtimpla ng kape. “Manang, dumating na ba si Ate Greta?” “Nakausap ko sa telepono ang ate mo kanina,” saad nito na itinigil ang paghahalo ng niluluto. “Gabi na raw siya makakauwi.” “Bakit daw siya gagabihin?” usisa niya at humigop ng kape. Napahawak siya sa kanyang labi nang mapaso ito. “Wala na siyang ibang sinabi,” kibit-balikat na tugon nito. “Sige, maiwan na kita, Manang. Kapag dumating ang ate at hinanap ako, naroon lang ako sa beranda.” Lumabas ng komedor si Delilah na bitbit ang tasa na may umuusok na kape. Nagtungo siya sa beranda, dala ang librong kinuha niya sa lumang library ng yumao nilang ama. Doon na siya nilubugan ng araw sa pagbabasa. Nagising si Delilah sa mahinang tapik sa kanyang kaliwang pisngi. Hindi niya namalayan na nakatulog na pala siya habang nagbabasa. Nakita niya ang kapatid na nakatayo sa harapan niya, bagong ligo. Ibig sabihin, mahimbing ang tulog niya at hindi man lang namalayan ang pagdating nito sa villa. “Saan ka ba nanggaling kanina, ha?” tanong nito at masayang umupo sa silya. “Sabi ni Tiya Clara, alas-tres nang hapon ka na nakauwi.” “Hindi ko namalayan na nakapasok na pala ako sa gubat,” walang ngiti na sagot ni Delilah. Tinupi niya ang libro at inilagay sa mesa. “Ikaw, kamusta ang lakad n’yo?” “N’yo?” Nangunot ang noo ni Greta. “Si Amir, ang fiancé mo. ‘Di ba kasama mo siya?” Humalukipkip ito at tumingin sa malayo. “Hindi ko kasama si Amir. Napadaan ako sa taniman ng kape, hindi ko agad nabasa ang message na pinadala niya sa akin na maaga siyang umuwi. May emergency sa kanila.” “Emergency?” nakakunot-noo na ulit niya. Kumibit-balikat si Greta. “‘Yon ang nabasa ko sa mensahe. Nakalimutan niyang banggitin kung anong klaseng emergency.” “Hindi niya nakalimutan,” pagtatama niya, pinaikot ang mga mata. “Sinadya niyang hindi sabihin sa iyo dahil may itinatago siyang sikreto.” “Delilah!” masama ang loob na saway ni Greta sa kapatid. “Lagi mo na lang pinagdududahan ang pagkatao ni Amir.” Walang duda na mahal na mahal ng kanyang kapatid ang mapapangasawa. At kapag ang isang tao'y umiibig, ito'y bulag at bingi sa anumang kapintasan laban sa minamahal. Ang utos ng puso'y makapangyarihan. “Okay, fine! Whatever,” sabi niya sabay kuha ng libro. Binuklat niya ito at nagkunwaring nagbabasa. “Kung hindi mo siya kasama, sino ang pinuntahan mo sa bayan?” “Nakipagkita ako kay Attorney, Vargas. May mahalaga kaming pinag-usapan,” tukoy nito sa family lawyer. Marahan siyang tumango. Makahulugan ang tingin na ibinigay niya sa kausap. “May problema ba sa asyenda? Hindi ka tatapak sa opisina ni Atty. Vargas, kung walang problema. O baka nagpaplano kang magbenta ng alinman sa ating mga ari-arian?” “God, Delilah. Hindi porket nakipagkita ako sa ating abogado'y magbebenta ako ng mga ari-arian natin,” naiiling na wika ni Greta. “Nagawa mo na, hindi ba?” Nakipagtitigan siya sa kaharap. “Nalulugi ba ang Hacienda De Luna?” “Bakit mo nasabi 'yan?” “Dahil ibinenta mo ang lupa natin sa San Miguel nang hindi ko alam. Naisip ko, baka idinagdag mo sa asyenda ang pera sa pinagbentahan ng lupa.” “Hindi nalulugi ang Hacienda De Luna. Ibinenta ko ang lupa natin sa San Miguel dahil tuyo na ang lupa roon at hindi na magagamit sa pagsasaka, kaya minabuti kong ibenta na lang.” “Nasaan ang pera, inilagay mo ba sa bangko?” Marahan lang itong tumango. “Sigurado ka, Ate?” May sarcasm sa boses niya. Natigagal si Greta sa narinig. “At saan sa akala mo napunta ang pera?” mahinahon pa rin nitong tanong. Ibinenta mo ang lupa para bigyan ng pera ang iyong mapapangasawa. Ito ang gusto niyang sabihin pero iba ang lumabas sa bibig niya. “Wala. Naitanong ko lang,” kibit-balikat niyang sagot, saka tumayo at iniwan ang kapatid sa beranda.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD