Campus Love Team

1345 Words
By Michael Juha getmybox@h*********m fb: Michael Juha Full ---------------------------------- May isang insidente, inimbitahan kami sa opening ng isang malaking mall sa aming bayan, bahagi ng variety show. Kaming buong cast ay naka-assign na magsayaw. Mahaba kasi ang aming stage play kaya sayaw lamang ang ibinigay sa amin na slot. Syempre, maraming estudyante na dumalo dahil nakapaskil sa aming eskuwelahan ang opening at nandoon pa kami. Pagkatapos naming sumayaw, humarap kami sa audience at nagkulitan, tabi kami ni Carlo. Habang nasa ganoong kaabala kami sa pag-aaliw sa audience, dumampot si Carlo ng isang bote ng tubig na nasa harap ng entablado. Binuksan niya ito, akala ko ay iinumin niya. Ngunit nagulat na lang ako nang inabot niya iyon sa akin. Iyon bang pasimpleng pag-abot na kunyari ay nakinig siya sa biruan ng mga kasama at hindi nakatingin sa akin. Sigawan ang mga tao nang napansin ang ginawa niyang pag-abot sa akin ng bote ng tubig. Nagulat man, tinanggap ko ito at ininum. Hiyawan at sipulan uli ang mga tao. Dedma naman si Carlo na patuloy na naki-kantyawan pa rin sa mga kasama namin. Ngunit noong kinuha uli Carlo mula sa aking kamay ang bote ng tubig na nainuman ko na at dire-diretsong ininum din iyon, doon na pumutok ang napakalakas na hiyawan at tilian ng mga audience. Sobrang tuwa ng mga tao, lalo na ang mga estudyante. Ako man ay sobrang kinilig. Kaya kapag ganyang may mga variety shows or band shows, palagi na kaming nandoon upang magpakilig sa audience. At si Carlo naman, kina-career na talaga ang pagiging mag-love team namin. Iyon bang halimbawa ay nasa stage kami, huhugot iyan ng panyo o tissue at ipapahid sa pawis sa noo at mukha ko at pagkatapos ay aamoy-amuyin ang ipinahid niyang panyo. O di kaya ay hahawakan ang aking kamay o mag-aattempt na hahalikan ako kunyari. At kapag ganyan ang ginagawa niya, magsisigawan at magtitilian na ang mga estudyante na parang mga gago. Pero syempre, dahil scripted ang lahat, may kasama kami sa cast na kunyari ay haharang upang hindi matuloy ang paghalik. Kapag magkasama naman kami sa school o kahit sa labas ng school, may mga magpa-piktyur na sa amin. "Toy, pa-picture! Toy, pa-autograph! Toy, pa-video record ng greeting!" Parang mga artista lang. At pinagbigyan namin sila. Masaya... nakakatuwa, nakakakilig. Ngunit alam kong "for show" lang ang lahat. At alam ko, naki-laro lamang si Carlo sa aming "love team". Ngunit kung bale-wala para kay Carlo ang mga ito, ang eksena kung saan ko siya hinalikan ay tumatak sa aking isip. Gabi-gabi, ito ang bumabagabag sa akin. Hinahanap-hanap ko ito. Nami-miss ko siya. Namiss ko ang palaging pagsasama namin, ang mga biruan, kulitan, o landian sa stage kagaya nang hahawakan niya ang aking kamay at ilapit sa kanyang bibig, kunyaring hahalikan, iyong ilingkis niya ang kanyang bisig sa aking beywang, o iyong attempt niyang kunyari ay hahalikan ako sa bibig. Kinikilig ako kapag pumapasok ang mga eksenang iyon sa aking isip. Pati na iyong concern niya sa akin, pagbibigay ng pagkain na halos subuan na lang ako na feeling ko, isa akong babaeng inaalagaan ng boyfriend. Ito iyong yugto kung saan ay nagsimula na akong magtanong sa aking pagkatao. Dito ako simulang makaramdam ng sabay na malungkot at kiligin kapag magkasama kami ni Carlo, o kahit iyong sumagi man lang siya sa aking isip. Lungkot dahil alam kong hindi ko siya maaabot; kilig dahil may naramdaman akong kakaiba. "Anong pakiramdam mo na tayo ang nag-iisang boy-boy 'Love Team' sa campus?" ang tanong ko kay Carlo isang beses na naupo kami sa seawall na paborito naming hangout. Sa totoo lang kasi, simula nang may naramdaman na akong kakaiba para sa kanya, marami na akong tanong sa aking isip. "Proud." Ang sagot niya. "Iyong... may mga nagsasabing bakla tayo? Ano ang dating noon sa iyo?" "Wala sa akin iyon. Hindi naman kasi totoo eh. Di ba ikaw, sinabihan ka ng mga barkada kong bakla at ano ang reaksyon mo? Wala. Dahil hindi naman totoo, di ba? Walang epekto sa akin ang lahat." Tahimik. "Bakit ikaw? Naaapektuhan ka ba?" ang pagbalik naman niya sa tanong. "Hindi rin. Hindi naman totoo, di ba?" ang sagot ko na lang din bagamat ramdam kong tila nabilaukan ako sa pagkasabi ko noon. "Umm." Tumango-tango siya. "I-iyong paglalandian natin sa harap ng mga tao, anong naramdaman mo?" tanong ko uli. "Nag-eenjoy. Masaya kasi ang pakiramdam ko, kinikilig ang mga tao at natutuwa sila. Di ba ang saya? Ikaw ba, ano ang naramdaman mo?" "Eh, g-ganoon din..." Tahimik. Hindi na ako nagtanong pa. May lungkot akong nadarama sa mga sagot niya. Na na-confirm ko kasi na wala talaga siyang naramdman at bale-wala sa kanya ang lahat, taliwas sa naramdaman ko. Kaya naisip ko na ganoon na lang talaga ang role ko; ang magmahal nang patago. Gusto ko sanang itanong pa kung ano ang naramdaman niya sa eksenang halikan namin sa aming stage play. Ngunit sinarili ko na lang iyon. Masyado na kasing personal. Sa isip ko, baka magduda na siya. "Naranasan mo na ba ang ma in-love?" ang pagbasag ni Carlo sa katahimikan. "H-hindi pa eh." "Oww? Kahit na crush lang?" "Wala rin. Pag-aaral naman kasi ang inaatupag ko. Ayokong magkaroon ng kumplikadong buhay. Gusto kong matupad ang pangarap namin ng inay. Ikaw ba?" ang pagbalik ko naman sa tanong sa kanya. "Mayroon akong girlfriend noon. Kaso... pasaway ako dati kung kaya ay hindi tumagal. Hayun, may boyfriend na siya ngayon." "E, ngayon ba?" "Alam mo namang wala. Pero crush... mayroon." Pakiwari ko ay biglang may narining akong malakas na kalampag sa aking dibdib. "S-sino?" ang tanong ko. "Si Irene. Iyong muse ng department natin." At doon na tila nawalan ako ng lakas. Parang may sumuntok nang malakas sa aking dibdib. "M-maganda nga siya." ang sambit ko na lang. Totoo namang maganda si Irene. Kung magkataon, bagay na bagay sila. "Crush mo rin ba siya?" ang tanong niya sa akin. "Eh... s-siguro." Ang sagot ko. At tinapik niya ang aking balikat sabay biro ng, "Ikaw ha... may pa crush-crush ka nang nalalaman ngayon." Isang araw, dinala sa ospital ang inay ko dahil namimilipit ito sa sakit sa tiyan at beywang at hindi makalakad. Mabuti na lang at naroon din si Carlo. Tinulungan niya akong dalhin ang inay sa ospital. Ang van nila ang ginamit at driver nila ang nagmaneho. Napag-alaman sa resulta na may sakit siya sa kidney, isang kumplikasyon sa sakit niyang diabetis. At dapat ay tanggalin ang isa nito dahil malala na. Dali-daling tinawagan ni Carlo ang kanyang mommy at nagpaalam na kung puwede ay tulungan niya kami sa bayarin sa ospital. Wala namang pagdadalawang-isip na sumang-ayon ang kanyang mommy. Naging matagumpay ang operasyon ng inay. Nang makalabas na siya ng ospital, inalok ng mommy ni Carlo na sa kanila na kami tumira. Naawa raw ang mommy niya nang malamang naglalako lang ang inay ng kakanin. Suswelduhan na lang daw niya ang inay sa paglilinis ng bahay at pag-aalaga sa mga orchids na tanim ng mommy ni Carlo. May katulong naman kasi sila kung kaya ay iyon lang ang gagawin ng inay. May suweldo na, libre kain, at libre tira pa sa bahay nila. At ang charity na pinamunuan ng mommy ni Carlo ang regular na nagbibigay ng maintenance na gamot sa inay. Kung tutuusin, halos wala na kaming mahihiling pa. Kasi ang mommy na rin ni Carlos ang bahala sa allowance ko at sa iba pang mga kailanganin ko sa eskuwela. "Habang tumutulong ang inay mo sa paglilinis ng bahay, ikaw naman Chris ay dapat palaging nasa tabi ni Carlo. Ikaw ang magsilbing guwardiya niyan upang huwag nang bumalik pa sa pagkasalbahe. At kapag may ginawang kabalbalan iyan, sabihin mo sa akin ha? Huwag kang matakot." ang sabi ng mommy ni Carlo sa akin. Napangiting nagkatinginan kami ni Carlo. Parang nagkatotoo ang sinabi niya sa akin na ako ang "guardian soldier" niya. Iyon ang naging dahilan kung saan ay lalo pang naglapit ang aming mundo ni Carlo. Sa bagong setup na iyon, naging mas masaya ako. Palagi ko na kasing nakikita siya sa araw-araw. At lalo pang nagkalapit kami sa isa't-isa. (Itutuloy)
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD