Episode 1
“Paglaki ko, hindi ako mag-aasawa ng taga-rito sa atin. Ayoko ng maging magsasaka dahil sawa na akong magbungkal ng lupa at magtanim ng mga kamote. Mag-pupunta ako ng ibang bansa at doon ako magpapayaman at maghahanap ng afam!” buong pagmamalaki kong sambit habang naririnig ako ng mga kaklase ko.
Nasa ika-limang na baitang pa lang ako sa elementarya pero mula ng magkaroon ako ng kamalayan na sa kung gaano kahirap ang buhay dito sa amin ay talagang tinaasaan ko na ang pangarap ko.
Siyempre, libre lanh ang mangarap kaya naman dapat ko na talagang taasan.
Magtutungo ako ng ibang bansa at doon ako magpapayaman at mag-aasawa ng lalaking kulay bughaw ang mga mata.
Iyon ang talagang pangarap ko kaya nga kahit ayoko naman talagang mag-aral ay nagtitiyaga akong pumasok araw-araw at maglakad ng malayo papunta at pauwi galing ng paaralan.
Iniisip ko kasi na kailangan may pinag-aralan ako kahit paano para naman hindi ako maging aanga-anga paglumabas na ako bansang ito.
Favorite subject ko ang english dahil nga ngayon pa lang ay dapat na akong mag-ensayo para kapag dumating ang araw na makakarating na ako ng ibang bansa ay matatas akong makikipag-usap sa wikang english. Kahit pa maging mali ang pagbigkas o ang pag-spell ko sa salita nila ay wala naman silang pakialam basta't naiintindihan nila.
Kapwa lang din naman na tagarito sa bansang ito ang masyadong mapanlait kapag nakarinig na mali ang grammar kapag nagsalita ng wikang ingles.
Hindi ko rin naman sa kinakahiya ko ang pagiging magsasaka o trabahong bukid dahil anak ako ng magsasaka. Marangal na trabaho ngunit talagang nakakapagod at walang pag-unlad.
Bakit ko nasabi?
Ang lupa na sinasaka ni tatay ay minana niya sa kanyang mga ninuno. At gaya kung gaano kahirap noon ay siya pa rin na buhay namin ngayon.
Para bang paulit-ulit na lang ang cycle?
Magsasaka ka ng ipanganak kaya magsasaka ka rin na mamamatay.
Pagkatapos ay ganun na rin ang mga susunod na salinlahi kaya gusto ko naman na maiba ang takbo ng buhay naming mag-anak.
Gusto ko namang mangarap ng mas mataas.
Gusto kong makaahon sa pagiging putik.
Ang plano ko kapag nakatapos ako kahit high school lang ay mag-a-apply na ako pa-abroad.
Ayoko rin na magtrabaho ako rito. Gusto ko kapag nagpakapagod ako ay may malaki akong sweldo para kahit pagod ang katawan at isip ko ay may malaking pera na kapalit.
At saka, kapag nanatili lang ako dito sa lugar namin ay hindi malayo na dito na lang din ako makakapag-asawa.
At isa na naman na magsasaka kapag nagkataon dahil iyon ang pinaka pangunahing trabaho dito. Bukod sa pagiging construction worker.
Paano na lang kapag nagka-anak ako?
Mararanasan din ng mga anak ko ang hirap dahil anak lang din sila ng mahirap na magulang?
Ayoko nga.
Hindi na lang ako mag-aasawa lalo na ang mag-aanak kapag ganun na lang din ang pararanas kong sitwasyon sa mga anak ko.
Magagaya ako kay nanay na maaga pa lang babangon na para magparingas ng apoy sa kalan namin na de kahoy para magpakulo ng tubig para sa kape ni tatay.
Kung hindi saging, kamote, gabi ay nilagang ube ang almusal naming mag-anak at iyon na rin ang baon namin sa school ng nag-iisa kong kapatid na mas matanda sa akin.
Dalawa lang kaming magkapatid ng ate ko. Wala kaming kapatid na lalaki kaya ang tanging pag-asa ni tatay para may mag-asikaso sa bukid kapag hindi niya na kaya pagtanda niya ay ang mga mapapangasawa namin ng ate ko.
Siyempre, ayoko dahil ayaw na ayaw kong dito ako makakapag-asawa.
Ewan ko lang sa ate ko?
Basta ako, malakas ang paniniwala ko na hindi magsasaka ang mapapangasawa kug sakali.
“Daria, grabe ka naman sa mga magsasaka. Parang diring-diri ka, ha? Baka nakakalimutan mo na magsasaka ang halos na trabaho ng mga magulang natin!” pagsita ng class president namin na kuntodo complete uniform hanggang sa black shoes na nagingintab naman sa alikabok.
Siguro ay umuwi na naman galing sa maynila ang nanay niya na doon nagtatrabaho kaya mga dala na naman ang pinalumaan ng mga kung sinong tao.
“FYI lang naman, may sinabi ba akong masama laban sa pagiging magsasaka? “ hamon kong tanong hindi lang sa class president kung hindi maging sa iba kong mga kaklase na mukhang sumasang-ayon sa presidente namin na mas matalino pa ako.
Kaya lang siya ang binoto dahil nga madalas siyang bida sa mga bagong damit, sapatos, bag at kung anu-ano pang gamit na uwi ng kanyang nanay. Namimigay din siya ng mga candy at chocolates na minsan niya akong binigyan ay nakita kong expired na dahil nakaimprenta sa lalagyan.
Sinabi ko sa kanya at pinakita ngunit binaliktad niya ako.
Sinisiraan ko lang daw siya sa buong klase dahil matagal niya na raw alam na malaki ang inggit ko sa kanya.
Paano akong maiinggit sa kanya?
Sa talino at ganda ay mas laman na lamang ako sa kanya.
At hindi ko rin naman nilalait o minamaliit ang pagiging katulong o kasambahay pero iyon ang trabaho ng nanay niya sa ibang lugar pero kung makaasta siya ay daig pa niya ang isang heredera na magmamana ng malaking lupain.
May sasabihin pa sana ang class president pero dumating na ang teacher namin kaya naman kanya-kanya na kaming balik sa aming mga bangko.
Ngunit ang ikinapukaw ng lahat ng atensyon namin at kanya-kanyang tanong kung sino ang batang lalaking kasama ngayon ni Ma'am.
Payat at mukhang mahiyain ang batang lalaki dahil mula kanina ng pumasok ito sa loob ng classroom ay nakatungo lang ang ulo nito sa sahig na parang doon lang siya humuhugot ng lakas ng loob para ihakbang ang kanyang mga paa na mukhang nanginginig pa ang kanyang mga tuhod.
Maya-maya ay pinakilala na siya sa amin ng aming guro.
Siya raw ang bago naming kaklase na bagong lipat dito sa lugar namin.
Ang pangalan niya raw ay Matias Las Palmas na mula raw sa malayong lugar na ewan ko kung saan.
Talagang sa dinami-dami ng lugar na pwede nilang puntahan na mag-anak ay dito pa talaga napili?
Dagdag pa siya sa bilang ng class room gayong siksikan na nga kami rito.
Lumipas naman ang nakakaanatok na maghapon sa paaralan kaya bukas na naman.
Naglalakad na akong mag-isa dahil ayoko ng may kasabay na maiingay kaya hindi talaga ako sumasabay sa iba kong mga kamag-aral.
“Hoy! Bakit hindi ka nagsasalita? Pipi ka ba?!” malayo pa lang ako sa isang grupo ng mga batang lalaki na sa palagay ko ay mga kaklase ko ay naririnig ko na ang malakas na boses ng isa sa mga mayabang kong lalaking kaklase.
Wala na naman magawa sa buhay at mukhang may pinagti-tripan na naman.
Pag-abot ko sa kanila ay nakita kong ang bago naming kaklase na si Matias ang inaaway nila
Gaya kanina ay nakayuko lang si Matias at kahit panay ang tulak sa kanyang balikat ay hindi siya nagtataas ng tingin at hindi lumalaban sa nang-aaway sa kanya.
Napailing na lang ako at saka na sila nilampasan.
Ngunit ewan ko kung bakit huminto ako sa paglalakad.
Isang buntong-hininga ang ginawa ko at saka ako napairap sa hangin sabay balik sa mga kaklase kong nilampasan ko.
“Hoy! Wala na naman kayong mga magawa sa buhay niyo, ano? Lalo ka ng Bobby ka. Bagay talaga sayo ang pangalan mo dahil sa baboy na konti na lang talaga ay kahawig mo.” Pang-aasar kay Bobby na siyang lider ng grupong bully.
Malaki siya kumpara talaga sa iba naming kamag-aral na mga lalaki at idagdag pa na malaki ang katawan niya dahil mataba siya.
“Huwag kang mangialam dito, Daria. Mabuti pa umuwi ka na dahil baka gabihin ka sa daan pauwi at habulin ka ng gumagalang aswang at gawin kang hapunan!” sabay tawa ni Bobby pero hindi tumatawa ang tatlo niyang mga kasama dahil kilala rin nila ako. Malalagot sila sa akin oras na nakitawa sila.
Tumaas ang isang kilay ko sa sinabi niya.
“Ako pa talaga ang gagawing hapunan ng aswang? Hindi ba at kung meron man silang dapat gawin na hapunan ay ikaw yon, Bobby. Mas malaki at malaman ka kaya mabubusog sila ng husto.” Balik ko naman na pang-aasar sa kanya.
“Ang tapang mong kutong-lupa ka, ha?! Baka gusto mong tirisin kita?” pagbabanta pa niya pera inapakan ko na ang isa sa mga paa niya at saka ko piningot ang dalawa nyang tainga.
Hindi tuloy alam ng bully kong kaklase kung paano siya aaray sa ginawa ko sa kanya.
“Daria, tama na yan! Isusumbong ka namin kay Ma'am.”
Tinaasan ko lang din ng kilay at pinanlakihan ng mga mata ang isa sa mga kaklase kong lalaki na nagsabi sa akin noon.
Napayuko na lang ang kaklase kong nagsalita dahil alam niyang hindi ako natatakot.
“Sa susunod na makita ko pa kayong mag-abang para awayin ay hindi lang yan ang aabutin niyo sa akin!” banta ko sa apat kong mga kamag-aral na inaaway si Matias.
“Tara na! Aswang yan si Daria kaya nakakatakot!” sigaw ni Bobby at saka na sila nag-unahan na tumakbo.
“Anong aswang? Mas mukha ka pang aswang sa akin!” ganti ko naman at saka na hinarap si Matias na nasa likod ko.
“At ikaw naman, bakit ba hindi ka lumaban sa mga yon?” sermon ko sa kanya at saka ko pa pinulot ang bag niya na malamang na inagaw sa kanya nina Bobby.
“Salamat,” aniya sa akin na sa unang pagkakataon ay nagtaas siya ng mukha at ng tingin.
Mapungay ang kanyang mga mata at matangos ang ilong. Kayumanggi rin ang kulay ng kanyang balat. Mataas lang siya ng konti sa akin.
“Matias ang pangalan mo, hindi ba? Ako nga pala si Daria galing sa Dahlia Maria,” pagpapakilala ko sabay lahad ng kanang kamay ko kay Matias na para bang nagtataka pa na kinakausap ko siya.
“Bakit ba parang takang-taka ka? Ngayon ka lang ba nagkaroon ng kaibigan?” tanong ko at kinuha ang kanyang kanang kamay at saka ako nakipag-shakehands.
Ngunit tumango si Matias.
“Oo, ngayon nga lang ako nagkaroon ng kaibigan, Daria,” aniya sa akin kaya ako naman ngayon ang nabigla.
“Weh? Napaka imposible naman ng sinasabi mo. Paanong ngayon ka lang nagkaroon ng kaibigan?” tanong ko pero hinila ko na ang kamay niya para mag-umpisa na kaming maglakad.
Sobrang tipid magsalita ni Matias kaya naman ako lang ang panay na maririnig na nagsasalita.
“Saan ang bahay mo at ihahatid na kita? Baka kasi inaabangan ka lang nina Bobby at balak ka na naman saktan. Kapag nga inaaway ka nila ay magsumbong ka sa akin at ako ang haharap sa mga loko-lokong yon,” bilin ko pa kay Matias na lumiwanag ang mukha.
“Salamat, Daria,” aniya na naman.
“Sa hacienda na tinutumbok ng daan na ito ang bahay ko, Daria,” sabay turo niya pa sa daan.
May hacienda nga sa dulo ng daan kung saan nakaturo ang kamay ni Matias.
Malamang na bagong trabahador sa hacienda Pacita ang mga magulang niya kaya nagtransfer siya ng paaralan.
“Ihahatid na kita,” giit ko dahil baka nariyan lang sa paligid ang mga kaklase naming bully.
Umiling si Matias.
“Huwag na Daria. Baka masyado ka ng mapalayo sa inyo at gabihin ka nga sa daan,” pagtanggi na ni Matias.
Ngunit hinila ko na ang kaliwa niyang braso.
“Sanay akong maglakad, Matias kahit gabihin pa ako sa daan. Kaya huwag mo akong alalahanin. Ikaw ang inaalala ko dahil mukhang kay lalaki mong tao ay hindi mo kayang ipagtanggol ang sarili mo,” saad ko pa.
Matapos nga ng ilang minuto na lakaran ay nakarating na kami sa malaking gate na bakal ng hacienda Pacita.
“Paano, magkita na lang tayo bukas, Matias, bye.” Pagpapaalam ko na sa bago kong kamag-aral at kaibigan.
“Bye, Daria. Mag-iingat ka sa pag-uwi, ha. Magkita tayo bukas,” sabay kaway pa sa akin ni Matias at ganun din ang ginawa ko.
Hindi pa ako nakakalayo ng may maalala ako at saka muling lumingon sa kanya.
Nakita ko na may kasama ng babae si Matias.
May sinasabi ang babae na parang pinapagalitan ang bago kong kaibigan kaya nakayuko na naman ito.
Ngunit nabigla ako ng maya-maya ay hablutin ng babae ang braso ni Matias at saka hinila papasok ng malaking gate.
Siya kaya ang nanay ni Matias?
Bakit naman nagagalit siya sa anak niya gayong kauuwi lang galing sa school?
Naawa tuloy ako lalo kay Matias. Inaway na nga siya kanina ng mga kaklase namin tapos mapapagalitan pa siya sa nanay niya ngayong pag-uwi niya.