Prologue
Sayang
Itinaas ko ang aking kamay at tinakpan ang sinag ng araw na tumatama sa aking mukha habang nakaupo ako sa damuhan at namamahinga naman ang aking mga binti roon. Hindi gaanong masakit ang pagkakatama ng init sa aming balat at nakakaya lang namang indahin dahil narin sa malakas na hangin gawa ng inuupuan kong lugar.
“Bakit ba gustong gusto mo rito?” tanong ni Feli sa akin habang nakahilata rin ito sa inilapag naming banig at naroon rin ang aming mga lunchbox.
“Presko ang hangin, sariwa,” sagot ko sa kanya at itinukod pa ang aking mga kamay sa likuran, halos tingalain ang langit na gumagalaw.
“Di ka nandidiri rito?” Isa iyon sa mga kaibigan ko, si Alma.
Umiling ako at ipinikit ang aking mga mata, dinama ang init dahil sa araw na para akong hinahalikan at ang lamig gawa ng hangin.
Sa estado ng aming buhay, hindi na ako magtataka kung ba’t may mga taong iniisip na baka ay mandiri ako sa lugar.
Well… maarte ako pero nailulugar ko rin naman ang ganoon kong ugali. Kung may gusto rin akong masamang sabihin ay kinikimkim ko nalang, ibinabaon ko nalang sa aking utak kaysa makasakit ako ng damdamin ng iba.
Alam ko naman na hinahangaan ako ng lahat. Bukod sa nabibilang ako sa angkan ng pinakamakapangyarihang tao sa lugar na ito, nakikilala narin dahil sa aking hitsura. Ayokong magmalaki pero sa totoo lang, ako lang ata ang may matinong mukha rito. Iyong iba ay normal na mga tagabukid talaga. Maiitim, mahirap, at kadalasan sa kanilang mga pamilya ay magsasaka ang hanapbuhay. Pero may mga nagagandahan rin naman ako lalo na iyong kapatid ni Feli na si Teresa at minsan lang lumalabas ng kanilang bahay.
“Dapat sa mansion niyo nalang tayo tumambay, Riss...” si Feli, bakas sa mukha ang disgusto at pagkakairita sa init na tumatama sa kanyang balat.
Tiningnan ko siya saglit pero pumikit rin ako. Siya pa itong mas nag-iinarte eh kung tutuusin mas maputi naman ako sa kanya, mas makinis ako. Morena siya, medyo matangkad at may payat na pangangatawan. Anak siya ng family driver namin at alalay ko narin minsan. She’s okay to be with kaya nagkasundo rin kaming dalawa at naging magkaibigan na.
“Ayoko sa mansion... nakakasawa...” sambit ko.
“Okay rin naman dito… Masarap rin ang hangin,” si Rowena na tinatanaw rin ang kabuuang lugar.
“Pero mas maraming makakain doon, Riss... at mapagsisilbihan pa tayo ng mga katulong niyo,” si Feli na hindi parin tapos sa pagrereklamo.
Bahagya akong bumangon at tumayo ng tuwid. Huminga ako ng malalim bago may masabing masama sa kanya.
Napaghahalataan talaga siyang walang kinakain sa kanila... napaghahalataang pobre.1
“Next time nalang, Feli... madalas ka rin naman doon e,” sagot ko at pinagpagan ang aking uniporme.
Humalukipkip siya sa kanyang kinatatayuan, bumusangot na. Masyado na siyang spoiled sa akin kaya ganyan na umasta, akala mo ay nakatira narin doon at parte narin ng pamilya ng mga Buenaventura. Kung paprangkahin ko rin at sasabihan kong ‘Feli, stop na. Socialclimber at golddigger kana masyado.’ I’m sure maooffend siya. At ayoko ring magalit siya dahil baka magsumbong siya kay Mang Ignacio, iyong driver namin na tatay niya.
Bumaba rin naman kami sa bundok para bumalik na sa eskwelahan. Nasa ikatatlong baitang na kaming lahat sa isang publikong paaralan dito sa bukid.
“Dadaan ka pa sa cafeteria, Rici?” tanong ni Alma sa akin noong makapasok kami.
Kabisado nila ang mga lakad ko lalo na't iyon lang rin ang ginagawa ko araw araw. Naging routine ko na iyon at bawat oras ay may pinaggagawa talaga ako. Sinusulit ko ang bawat oras ng aking buhay. Nakagawian ko na iyon simula bata pa ako at hindi ko talaga kaya iyong nagmumukmok lang. Gusto kong may ginagawa ako o may pinupuntahang lugar.
Tumango ako na ikinalingon naman ni Feli sa akin, nakapaskil agad sa mukha na gusto niyang sumama sa akin at magpalibre ng pagkain. Sa lahat ng mga kaibigan ko, siya talaga ang madalas na nagpapalibre, iyong palaging walang pera at kahit limang piso ay iaasa pa sa akin.
“Yep… mauna nalang kayo. Sasama ka sa’kin, Feli?” tanong ko kahit expected ko na iyon.
Tumango siya.
“Medyo nakulangan ako roon sa lunch ko... manlilibre ka, Rici?” Ngumisi pa siya sa akin habang naglalakad na kaming dalawa patungo roon.
“Oo naman…” Ngumiti ako sa kanya. Ibang klase rin talaga ito. May alaga ba siyang bulate sa tiyan? Ganoon ba sila kagipit at pati ang pagpapabakuna ay hindi niya naranasan?4
Dinukot ko ang pitaka sa aking palda habang papasok na roon. Natuon sa loob noon ang dalawa kong mga mata kaya hindi ko na namalayan ang lumalabas sa cafeteria. Doon lang ako napaangat ng tingin noong nabangga ako sa isang matigas at may matapang na amoy ng isang mumurahing pabango ng kung sinong lalake.
Sumimangot ako dahil sa pagkabigla at nag-angat na ng tingin. Nakasalubong ko agad ang mga mata niyang nasa akin na. Natutop ang aking bibig at napatitig sa kanyang singkit na mga mata na mukhang iritado, sa maiitim at makapal niyang kilay na nagkakasalubong na. Ang natural na namumula at basa nitong labi ay nakaawang habang ang mga kamay ay nasa kanyang bulsa suot ang isang malinis na uniporme at kulay ng ID niyang nabibilang sa mga Senior.
“Hindi ka naman nag-iingat!” singhal agad ni Feli sa iritadong boses na ikinabalik ko sa aking sarili.
Binasa niya ang pang-ibabang labi at nag-iwas rin naman ng tingin saka ako nilagpasan. Napakurap ako at sinundan ng tingin ang likod niyang naglalakad na paalis, umaakto na parang pader lamang iyong nabangga niya dahil hindi man lang ito nagsorry.
“Ang suplado talaga ng lalakeng iyon! Purket guwapo kung makaasta akala mo hindi tagabundok...” inis na bulalas ni Feli at nasa likod rin nito ang tingin.
Hindi agad ako nakasagot sa mga lintanya ni Feli dahil napako na ang aking mga mata roon. Hindi ito ang unang beses na nagkatinginan kaming dalawa, at sa tuwing nagkakasalubong ang aming mga mata, hindi ko alam kung anong meron sa suplado at singkit na mga matang iyon kung bakit natutulala ako.
Alam ko naman ang background niya. Nakatira sila sa parteng bundok at base narin sa kanyang tindig, sa kanyang pananamit, masasabi mo talagang kapos sila sa buhay. Iyon nga lang, sa likod ng mga mumurahing damit na sinusuot niya ay ang makisig niyang pangangatawan at guwapo niyang hitsura. He got a perfect facial structure from his jawline to his eyes, nose and lips... wala kang mahahanap na kapintasan at parang perpekto talagang inukit ang kanyang kabuuan. Malinis itong tingnan kahit na nakatira lang sa parteng bundok at hindi gaanong nasunog ang balat sa init. Natural iyong kayumanggi at sobrang itim ng kanyang buhok na medyo magulo ngunit nababagay rin sa kanyang madilim na ekspresyon.
Kinalabit ako ni Feli kaya awtomatiko kong nahila ang sarili ko para bumalik sa aking sarili.
“Sino nga ulit iyon?” tanong ko sa kanya habang umaabante na ulit kami.
“Si Bram, Senior at isang scholar na nakatira sa bundok,” sagot niya, gumuguhit ang pang-iinsulto sa kanyang mukha.
Nilingon ko iyong muli kahit na wala na ang kanyang presensya roon.
Guwapo sana... pero ba’t ganoon katapang ang pabango? Nabili niya lang ata iyon sa gilid ng kalsada sa palengke.
“Sayang,” tangi kong sambit at ibinalik ang tingin sa loob ng aking pitaka.