SIMULA
Eto yung punto ng buhay ko na hindi ko inaasahan na makilala ko ang lalaking babago ng buong buhay ko.
Ang lalaking dating nakikita ko lang sa paligid ng mga magagandang babae sa campus namin at sikat sa school.
Ang lalaking hindi ko hinagap na magiging akin kahit kailan.
Ang lalaking hindi man ganoong kahilig ngumiti pero hindi nito matatawaran ang appeal nito. Ang lalaking hindi matutumbasan ng kahit sinong lalaki na ata sa mundo.
Ang lalaking ito rin ang dahilan kung bakit siya ang ama ng anak ko ngayon.
Sa isang munting pagkakamali na panghabambuhay na pala naming bitbitin dalawa.
"Sige Hija, ire pa" paulit-ulit na sinasabi sa akin ng babaeng nagpapaanak.
Butil ng pawis, dugo, luha yan na ang lumabas sa katawan ko pero hindi pa rin lumalabas ang aking anak.
"Ire pa!" pagpipilit niya sa akin.
Pumikit ako at hinigpitan ang pagkapit sa kumot at sinunod ang sinabi niya sa akin. "AHH!” Isang malakas na pagsigaw pati pag-ire ang ginawa ko para lumabas na siya.
Ilang oras ang dinanas ko sa labor at ngayon ay sobrang nahihirapan naman ako sa panganganak. Hindi man lang ako umabot sa ospital kaya dito lang ako sa bahay nanganganak ngayon.
“Nakikita ko na ang ulo niya. Sige pa, ire pa!” aniya.
Muli kong ginawa ang sinabi niya sa akin hanggang sa sa narinig ko na ang matinis na iyak ng bata.
Isang matinis na iyak na dinig na dinig sa buong kabahayan naming. Pakiramdam ko ay biglang nawala ang lahat ng lakas ng katawan ko pagkatapos.
"Babae ang anak mo, hija." sabi ng matanda sa akin.
Pero halos hindi ko na maintindihan ang sinasabi niya dahil inaagaw na ng pagod at sakit ang aking ulirat basta ang alam ko lang ay lumabas na mula sa akin ang anak ko.
Ang anak namin ng lalaking nakasama ko ng gabing iyon.