11: Dearest Byenan

1431 Words
NAKAGULATAN pa ni Alondra na halos alas tres na siya nagising nang araw na 'yon. Masyado siyang napagod sa byahe nila ni Knight kahit pa nga ba sabihin nang mabilis naman sila dahil gamit ang private airplane nito. Mabilis ang byahe, mabilis ang kasal kasama ang mga nasayang na oras sa picture-picture nila nito na ipe-flex daw sa social media upang magsilbing proof na kasal na sila. Sa sobrang bilis ng mga nangyari ay hindi na niya halos namalayan na nakabalik na sila ng Pilipinas. 'Sarap lang maging mayaman at mapera, nagagawa ang gusto sa isang pitik lamang. Nakakahiya. Naalala niyang sumuka siya sa loob ng eroplano kagabi, papunta at pauwi nila. Palibhasa ay first time niyang sumakay ro'n, parang hinalukay tuloy ang sikmura niya at hindi na niya naiwasan na maduwal kasehodang maging kahiya-hiya siya kay Knight. Wala sa loob na napabungisngis siya nang maalala niya ang nangyari. Nang maalala niya kung paanong mandiri si Knight nang sukahan niya 'to. Mayaman pala ang loko, may sariling eroplano. Akalain mo. Tapos ay sinukahan lang niya 'to. Napahagikgik siya, naibuga tuloy niya na ang iniinom niyang kape sa mga oras na 'yon dahil asa tawa niyang hindi na niya mapigilan. Grabe. Hindi rin niya talaga akalain na mag-e-enjoy siya sa trip to Vegas nila ni Knight, mas lalo sa company nito. Kahit pa nga ba wala naman 'tong ginawa kundi ang sungitan siya. At ang eksena ng pagiging assume-ra niya no'ng nasa elevator sila nito ay hindi na yata mapapalis sa isip niya at hindi puwedeng hindi niya tawanan sa tuwing naaalala niya Weird, sa ibang babae siguro ay ikakahiya na 'yon pero hindi siya tulad ng ibang babae. Bakit ba, e, inilapit naman ng kabalyero ang mukha sa kaniya, Ano pa ba ang aakalain niya? Natural, akala niya hahalikan siya nito. 'Yon pala ay may gagamba lang. May pahipan-hipan pa 'tong nalalaman! Oo na, apektado na ang buong pagkatao niya sa hipan na ginawa nito, hindi niya itatanggi 'yon sa sarili niya. Pero s'yempre ay ayaw naman niyang bigyan ng kung ano man na kahulugan 'yon. Normal lang ang makadama siya ng gano'n dahil babae siya at lalaki 'to. Sabi nga nila 'di ba, maraming naipagkakamali ang kilig at spark sa normal naman na nararamdaman sa tuwing nagkakalapit ang babae at lalaki. Masungit talaga si Knight. Daig pa ang inuurungan parati ng regla. Pero lately na nakakasama niya 'to ay napupuna niyang malambing din naman ang kabalyero. Malambing at gentleman din naman, nang hindi nito napupuna. Speaking of, s'yempre pa ay wala na 'to sa bahay nito nang magising siya. Saka na lang niya tsitsikahin si Gayle, siguro ay bukas na lang. Hindi pa rin naman siya magsasabi kay Knight, mas magiging maingat na lang siya sa gagawin niya sa susunod. Sa ngayon, kailangan niya na munang magluto ng hapunan nila. Sa gano'ng paraan man lang ay may ambag naman siya sa pagtira niya sa bahay nito nang libre. Saka hindi rin naman niya akalain na makakatuwaan niya ang pagluluto para kay Knight. Para sa lalaki, to be exact. Noong sila pa ng ex niyang si Gerard ay hindi naman siya nagkaroon ng pagkakataon na malutuan 'to dahil hindi naman umabot sa intimate ang relasyon nila. Mas gusto rin nito na kumakain sila sa labas. Pakanta-kanta pa siyang nag-uunab ng bigas nang magsabay na tumunog ang doorbell ng pinto at ang phone niya na nilapag niya sandali sa mesa. Pagkasalang niya ng bigas ay nauna na niya munang tinignan ang cellphone niya, si Poks lang pala. Nakarating na rito ang balita na nagpakasal siya, hayun, nagde-demand ng pauga. Sus, na para namang magagawa niya 'yon. Saka na lang niya 'to kakausapin at pagbibigyan ng pauga, kahit maligo pa 'to sa alak-- 'pag nakuha na niya ang balato niya kay Knight. Nilapag niya ang cellphone niya saka tinungo na niya ang pinto. Hindi niya alam kung paano gamitin ang mga kung ano-anong naka-install sa pintuan ng unit ni Knight. Itinuro naman nito 'yon sa kaniya kung paanoniya gamitin, hindi nga lang niya inintindi at may peephole naman. Bakit pa niya papahirapan ang buhay niya sa mga komplikadong pinagpipindot sa mga makabagong arte ng mga mayayaman kung sa peephole naman ay masisilip na niya kung sino ang taong nag-do-doorbell sa labas ng pinto. Tao na kahit pala silipin niya ay hindi naman niya makikilala. Hindi naman kasi siya ang nakatira sa bahay na 'yon! Natural na ang mga bisita ni Knight ay hindi niya kilala. "Hello po---" hindi pa man siya tapos sa sinasabi niya ay pumasok na sa loob ng bahay ay napagbuksan niya ng pinto na mga bisita. Isang may edad nang babae at isang babae na hindi naman nalalayo ang edad sa kaniya na nakasuot ng plain black scrub suit ang napagbuksan niya ng pinto. "Anong oras umuuwi ng bahay niya ang anak ko?" anang may edad na babae nang tuluyan na 'tong makapasok sa unit ni Knight. HIndi naman na siya nagulat nang sabihin nitong anak nito ang kabalyero. Halata naman din kasi ang pagkakahawig ng dalawa. Mas aristocratic lang ang ilong ni Knight sa nanay nito pero ang halos lahat naman ng features ng huli ay kinopya sa mapusturang ginang, na ngayon ay pinagmamasdan niya. "Umuuwi po si Sir Knight--" "Hindi ikaw ang tinatanong ko, Selina. Napaka-estupida mo talaga!" nakairap na putol ng ginang sa sinasabi ng babaeng kasama nito na tinawag nitong Selina. "Ah, okay po, pasensya na, Madam," tugon na lang ni Selina at yumuko. Lihim na napataas ang isang kilay niya sa nasaksihan. Hindi yata at matapobre ang nanay ng kabalyero. Kaya naman pala may bahid din ng sama ng ugali ang anak nito. Hindi pa rin niya nakakalimutan ang pangba-blackmail sa kaniya ni Knight, gaya nang hindi niya matatanggal sa utak niya na masama ang gano'n sa kapwa. Tumikhim siya para makuha ang atensyon ng mga bagong dating. "Wala pong fix na oras ang dating ng uwi ng anak niyo. Minsan ay alas siete, minsan naman ay inaabot siya ng alas nueve." "Really?" tugon nito sa kaniya sa may kataasan na boses. "Opo, really. Talagang-talaga," Labas ang lahat ng ngipin na sadyang nang-iinis na sagot naman niya sa ginang. "Kaya pala hindi rin naka-fix ang utak ng isang 'yon sa kung sino ang babaeng gugustuhin na mapangasawa." Wow, solid naman sa anghang ang banat nito sa kaniya. Parang others, mother in law naman niya! Nang pagmasdan siya nito mula sa paa niya, isang ngiting nakalabas ang mga ngipin niya ulit ang pinaskil niya sa kaniyang mukha para naman mauwa 'to kahit kaunti sa mabubungran ng mga mata nito pataas. Pero s'yempre pa ay hindi ito natuwa. Bagkus ay inirapan pa siya. "Hihintayin ko ang anak ko na dumating, may mahalaga akong sasabihin sa kaniya." Paismid nitong sabi bago siya talikuran. At tulad sa mga napapanood sa mga pelikula, naglabas 'to ng pamaypay kahit fully air-conditioned naman ang unit ng anak nito, at maarte 'yong pinaypay sa sarili. Naupo 'to sa mahabang upuan na nakahugis letrang malaking L na nasa sala ng bahay. Kasunod nito ang babaeng hindi nalalayo ang edad sa kaniya na hindi na mahirap hulaan na assistant nito o personal na katulong. "Kape po? Tubig or juice?" alok niya sa mga 'to, isinara na niya ang pinto. Napagpasyahan na rin niyang buksan ang smart TV na nasa sala para malibang ang kaniyang 'dearest b'yenan' habang naghihintay sa anak. Walang sagot. Para lang siyang kumausap sa hangin. Lihim na pinagkibit balikat na lamang niya 'yon. Kung gusto nitong mapanisan ng laway, bahala 'to. Pinasya na lang niyang ipagpatuloy ang naudlot niyang gagawin sana. BInigyan pa rin niya ng juice ang mga bisita at nilapag niya 'yon sa coffee table na nakapagitna sa sa sala. Kung pansinin ng mga bisita niya 'yon o hindi, bahala na ang mga 'to. "Inom po kayo, huwag kayong mahiya," aniya pa sa pabuskang paraan na alam naman niyang iirapan ng nanay ng kabalyero kahit hindi na niya 'to sulyapan. "Salamat, ate," magiliw at nakangiting sabi sa kaniya ni Selina. Nginitian niya rin 'to. Ang doña na katabi nito ay diretso lang ang likod sa pagkakaupo, gayon din ang pagkakatingin sa TV. Napailing na lamang siya. Ngunit bago siya magbalik sa kusinang parte ng bahay ay nakaisip siya ng kapilyahan... "Mano po pala, Mommy," wika niya sa nagulat na ginang nang kunin niya ang palad nito upang ilapat sa noo niya. Bukod sa narinig niya ang pagsinghap ng sopistikadang ginang ay naramdaman niya rin ang pagkakagulantang nito. Kaya naman palang magpakita ng reaksyon, kung bakit kay lamig ng pakita sa kaniya mula nang pumasok sa bahay ng kabalyero, aba!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD