Episode 7

1032 Words
"Ms.Sioson," sambit ko sa pangalan ng personal secretary ng asawa ko. Agad naman niya akong narinig at lumingon sa aking direksyon. Matamis niya naman akong nginitian at saka nagmadaling lumapit sa akin. Narito ako ngayon sa loob ng opisina ni Eduard sa kanyang kompanyang pinapatakbo. Isang sulyap ang ginawa ko sa kanyang lamesang ginagamit at nakadama ako ng may pagmamalaki nang mabasa ang kanyang pangalan na naka embosed sa isang name plate habang nakasulat din kung ano ang kanyang pinanghahawakan na posisyon. Chief Executive officer. Deserved ni Eduard kung nasaan man siya ngayon. Masigasig siyang nag-aral. Gabi-gabi siyang nagsusunog ng kilay at madalas nalilipasan ng gutom basta magampanan lamang ng maayos ang lahat ng trabaho sa kumpanya. Lahat ng naging pagsusumikap niya, nasaksihan ko. Kaya naman proud na proud kaming dalawa ni Erin sa kanyang dedikasyon. Hindi rin naman nagtagal at pinagkatiwala na sa kanya ang buong kompanya at siya rin ang pumalit sa kanyang Lolo sa posisyon nito bilang CEO. Siya ang napili sa pagitan nilang dalawa ni Darwin. Oo, magkatunggali sila sa nasabing posisyon. Pareho kasing hindi naging mahilig ang ang aking biyenan na lalaki at Papa ni Darwin sa negosyo kaya naman napunta sa kanilang mga anak ang pribilehiyo para humawak ng isang malaking kumpanya. Maraming hawak na business si Lolo Bener at karamihan ay mga may kinalaman sa food products na pang export. May mga beauty products din kung saan in-demand na in-demand sa kasalukuyang panahon. Masasabi kong magaling talaga sa larangan ng negosyo ang asawa ko. Dahil simula ng siya ang humawak sa kumpanya ay mas lalo itong nakilala ng mga tao at lumaki ng doble at triple ang sales ng bawat produkto. "Good morning, Ma'am." Pagbati naman ni Ms. Sioson sa akin. Payat ang pangangatawan at may pagka-morena si Ms. Sioson. Ang pinakagusto ko sa kanya ay lagi siyang may nakahanda na ngiti sa mga labi. Noong unang taon ng asawa ko sa pagiging CEO ay madalas siyang mag palit ng sekretarya at bukod tanging si Ms. Sioson lamang ang nag tagal na ng limang taon. Marahil naman kasi ay sobrang dedicated din niya sa trabaho at isa pang napansin ko ay simple lamang ang sekretarya ng aking asawa. Hindi katulad ng ibang mga nauna sa kanya na halos lumuwa na ang dibdib sa mga suot na hapit na hapit na damit o kaya naman ay mag-mukhang clown sa sobrang kapal mag-apply ng make-up sa mukha. Alam kong ayaw na ayaw ng asawa ko ang mga ganoong klase ng babae. Kaya naman hindi na ako nagtataka kung bakit agad niyang pinalitan kahit pa qualified sa posisyon. Inabot ko ang mga dala-dalahan kong mga papel na naiwan ng aking asawa sa bahay. Tinawagan kasi ako ni Eduard kanina at sinabi na may naiwan siyang mga mahahalagang papeles dahil sa nagmamadaling umalis ng bahay. Kailangan pa naman sa board meeting nila na gaganapin ngayong alas-diyes ng umaga. Kaya naman talagang nagmamadali akong kumilos. Tamang-tama naman at wala pang alas-otso y media. Kaya naman agad ko nang isinunod dito sa kompanya ang mga kailangan ng aking asawa. Akma sa sanang kukunin ni Ms. Sioson ang mga hawak ko ng may isang tao na pumasok sa opisina. "Iyan ba ang inutos sayo ni Eduard na dalhin dito? Akin na at ako na ang magdadala sa meeting." Si Ylona ang nagsalita at nagtanong. Childhood friend siya ng asawa ko at dito rin siya nagtatrabaho sa kumpanya bilang finance account/Manager. Matangkad at maganda ang hubog ng katawan ni Ylona. Pantay ang kulay ng puting balat, lampas balikat ang haba ng kanyang straight na buhok, matangos ang ilong, ang mga mata niya ay parang inaantok na tulad ng sa manika. Pwede siya sa mga beauty pageant at idagdag pa na matalino siya at talagang sosyal kung kumilos at maging sa pagsasalita. Hindi ko tuloy maiwasan na tingnan ang sarili kong itsura. Nakatali lamang ang mahaba kong buhok na isang beses ko lang yata na sinuklay. Mabuti nga at naglagay ako ng konting pulbos para mag mukha namang fresh ang mukha ko. Nakasuot lamang ako ng simpleng pantalon na maong at blusa na masasabing pang-araw-araw lamang na damit ng isang ordinaryong tao. Literal ang kasabihang kung sino ang panganay, siya ang maliit sa magkakapatid. Nasa 5'3 lang ang tangkad ko samantalang sina Alexis at Abby ay nasa 5'6 or 5'7 ang height. Bilugan ako pero hindi naman ako chubby na matatawag. May pagka singkit ang mga mata naming magkakapatid dahil may lahing chinese si Papa. Maliit pero matangos ang ilong ko at mabuti na lamang at bagay sa maliit at maninipis kong mga labi. Ganun pa man, wala pa rin ako kung ikukumpara kay Ylona. Sa pagkakaalam ko, summa cumlaude siya nang magtapos sa college. Ako? Highschool graduate na hindi pa nakatungtong ng college. "Ah,okay." Sagot ko at saka tumingin ng nakaka-unawang tingin kay Ms. Sioson. Dapat kasi ay siya ang magdadala ng kung anuman na mga kailangan ng asawa ko sa meeting dahil siya ang sekretarya at hindi si Ylona. "Thanks." Tugon naman ni Ylona na nakangiti at walang paalam na lumisan na ng opisina ni Eduard. "Ma'am, would you mine if iiwan ko na po kayo dito? Mag-umpisa na po kasi ang meeting in less than ten minutes." Magalang na imporma ni Ms. Sioson habang nakatingin pa relo na nasa kanyang bisig. Ngumiti ako at umiling. "You may go, Ms. Sioson." Ngumiti naman ang mabait na sekretarya at bago ako iniwan ay isang mainit na kape muna ang kanyang binigay sa akin. Wala naman akong gagawin sa bahay, kaya naisip kong dito muna ako sa opisina ni Eduard at hintayin na lamang ang tanghalian. Mamaya na lamang akong hapon uuwi sa bahay lalo pa at mainit na ang sikat ng araw sa labas. Wala akong dalang payong. Nilibang ko na lamang ang aking sarili sa pagbabasa ng mga magazines habang nakaupo sa malambot na set malapit sa may pinto. Makalipas ang halos kalahating oras ay bumukas ang pinto ng opisina. Tuloy-tuloy na pumasok si Eduard at kasunod si Ylona. Hindi nila napansin ang presensya ko dahil hindi naman sila lumingon sa direksyon kung nasaan ako. Hindi nakaligtas sa paningin ko kung paano umangkla sa braso ng asawa ko ang kamay ni Ylona.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD