Kent pov
FIVE YEARS of marriage and two years of relationship. For two years I was engaged to the woman who captivated my heart, Teresa Malicsi. Sa kanya ko natagpuan ang pag-ibig na alam kong hindi ko na matatagpuan pa sa ibang babae. Mahal na mahal ko si Teresa.
Maganda si Teresa, sexy at matangkad. Ilang buwan ko rin siyang niligawan bago ko siya napasagot. Nadaan ko sa tiyaga kung kaya nakamit ko ang kanyang matamis na oo. Sa kanya lamang umiikot ang aking buhay.
Nagkaroon ng direksiyon ang aking buhay nang makilala ko siya. Sa dalawang taon namin relasyon ay alam kong siya na ang babae para sa akin. Hindi ko kayang mawala si Teresa. Ganoon ko siya kamahal. Lahat ay kaya kong gawin para sa kanya. Twenty-seven si Teresa nang mga panahon na ‘yon at ako naman ay thirty years old. Sapat naman ang aking kinikita para masuportahan si Teresa at ang aming mga anak kung sakali man.
Kung kailan naman na bumuo na kami nang pamilya ay saka pa ako nawalan ng trabaho. Tatlong taong gulang na ang aming anak na si Kier. Lumalaki na rin ang aming gastusin sa bahay.
“Paano na tayo ngayon n’yan? Hindi na nga sapat ang kinikita mo para sa panggastos natin dito sa bahay ay ngayon ka pa mawawalan ng trabaho?” problemadong sabi sa akin ng aking asawang si Teresa nang sabihin ko sa kanya na wala na akong trabaho.
Pinilit ko pa siyang mag-resign sa trabaho para sa bahay na lamang ito pagkatapos ay ngayon pa ako nawalan ng trabaho. Nagsara ang kumpanyang aking pinasukan. Bankruptcy ang dahilan kung bakit nagsara. Lahat kaming empleyado ay walang naiuwi kahit magkano at kahit pa humingi kami ng tulong sa Department of Labor ay hindi naman kami matutulungan lalo pa at kaagad na umalis papuntang ibang bansa ang aming boss.
Nakakapanlumo.
Hindi ko alam kung paano ko haharapin ang aking pamilya. Ngayon pa naman na ang hirap maghanap ng trabaho.
“Maghahanap din ako kaagad ng trabaho,” wika ko. Bagsak ang aking mga balikat habang karga ang aming anak.
“Ang hirap kasi sa’yo ay ang bilis mong makontento sa kung ano ang meron ka!” bulyaw pa sa akin ni Teresa. “Sa tingin mo ba ang dali makahanap ng trabaho ngayon?” dagdag pang sigaw ni Teresa sa akin.
Nang magsama kami ay natuklasan ko ang ugali nang aking asawa. Hindi lamang ito nagger kundi magaan din ang kamay nito upang saktan ako. Kung ano ang mahawakan nito ay ibinabato sa akin. Posssesive rin ito ang dominante. Iniintindi ko na laman dahil mahal ko siya kahit pa nasasaktan na ako.
“Ako na ang bahala,” wika ko pa upang hindi na magwala pa si Teresa.
“Bahala?” tanong sa akin ni Teresa. Dinuro niya ako kung kaya ibinaba ko na muna sa crib si Kier. “Hindi ka na ba talaga nahihiya kay Mama? Kung hindi dahil sa kanya ay wala tayong bahay! Kahit peso ay wala ka pang naibabayad!” sigaw sa akin ni Teresa.
Alam ko naman na kailangan kong bayaran ang bahay na pinapagamit sa amin ngayon. Alam ko ang aking obligasyon. Hindi ko naman sinasadya na mawalan ako ng trabaho.
Hindi na bago sa akin ang kanyang pagsisigaw dahil wala namang araw na hindi ako umuuwi na hindi siya galit. Mabait lamang ito kapag may pera ako o di kaya ay kapag gusto nitong makipagtalik.
“Kakausapin ko na lang si Mama,” sagot ko.
Nabigla pa ako nang bigla niya akong kinalmot sa mukha. Ang haba pa naman ng kuko nito. Kulang ang galit ni Teresa kung hindi niya ako nasasaktan. Hindi ito makontento hanggat hindi umaabot ang kamay nito sa aking katawan. Naramdaman ko ang paghapdi ng aking mukha. Pakiramdam ko ay bumaon ang mahahaba niyang kuko sa aking makinis na mukha. Gusto kong magalit pero hindi ko magawa.
“Wala kang kahihiyan Kent! Kung wala ka no’n ako ay meron!” sigaw pa ni Teresa sa akin.
Lahat naman ay aking ginagawa ay para sa akin pamilya. Lahat ng sahod ko ay direkta kong ibinibigay sa aking asawa at wala akong itinitira sa aking sarili. Kay Teresa umiikot ang aking buhay, kahit pa nga sinasabi nang aking mga kasamahan sa trabaho na sobra na raw ang ginagawang pag-a-under sa akin ni Teresa. Lahat ay hindi ko pinapansin. Si Teresa pa rin ang ina ng aking anak. Nang pinakasalan ko si Teresa ay nangako ako sa sarili ko na siya lamang ang aking mamahalin. Ang pag-aalayan ko ng aking buhay kahit ano pa ang mangyari.
“Hindi ko naman ginusto na mawawalan ako ng trabaho. Isa pa ginagawa ko naman ang lahat para sa pamilya natin,” sagot ko pa.
Dahil sa naging sagot ko ay sinampal ako ni Teresa. Ang lakas ng sampal nito. Pakiramdam ko ay nabingi ako.
“Kahit anong gawin mo kulang pa rin!” sigaw niya.
Napahawak na lamang ako sa pisnging nasaktan. Upang matigil na ang pananakit sa akin ni Teresa ay tinalikuran ko na lamang siya. Pumunta ako sa kusina at naglagay ng ice sa mukha. Nang tingnan ko ang mukha ko sa salamin ay may sugat na mahaba dahil sa kalmot. Napapikit na lamang ako nang aking mga mata.
Mali ba na saluhin ko ang lahat ng pananakit ni Teresa? Kahit kailan ay hindi ko inisip na gumanti. Ganoon ko siya kamahal. Gusto ko ay masaya siya sa akin.
“Ano na ang gagawin natin ngayon ha? Magtititigan na lamang maghapon?” naririnig ko pa ring sigaw niya.
Ang mga gamit na mahawakan ni Teresa ay ibinabato nito. Gulong-gulo na ako. Hindi ko na malaman ang gagawin ko dahil sa mga nangyayari. Sa limang taon na pagsasama namin ay nagtiis ako sa pag-aakalang magbabago si Teresa sa akin pero lalo lamang naging grabe ang kanyang ugali. Pakiramdam ko tuloy minsan ay isa akong pagkakamali sa kanyang buhay.
Mayat-maya pa ay nakita ko si Teresa. Palabas ito ng pinto.
“Saan ka pupunta?” hindi ko mapigilang tanong.
“Asikasuhin mo ang anak mo at maghahanap ako ng mapagkakakitaan!” sigaw ni Teresa.
Hindi ko na siya nahabol. Alam ko naman na pupunta lang ito sa kabilang bahay kung saan nakatira ang mga magulang nito. Tiyak na magsusumbong na naman ito.
Napabuntong-hininga na lamang ako. Parang gusto ko rin magwala at magbasag ng gamit pero nanghihinayang ako. Dugo at pawis ko pa rin ang ipinambili ko sa aming mga gamit. Kung may naiambag man si Teresa sa aming pagsasama ay walang iba kundi ang bahay nila. Pag-aari iyon ng mga magulang ng asawa.
Kumuha ako ng walis at dustpan. Nilinis ko ang mga gamit na binasag ni Teresa. Ganoon naman palagi sa tuwing na galit ang aking asawa. Magbabasag nang magbabasag ito ng gamit. Hindi ko mapigilang hindi maawa sa aking anak. Nasasaksihan nito ang pag-aaway namin ng ina nito. Maging si Kier ay sanay nang makita na sinasaktan ako ni Teresa. Nahihiya ako sa aking anak. Ayokong nakikita niyang sinasaktan ako ni Teresa pero hindi ko naman maawat ang asawa ko kapag nagsisimula nang magwala. Sa tuwing na sasagot ako ay mas lalo ko pang pinalalaki ang away.