Halos isang linggo na palaging ganon ang eksena. Kahit tumanggi na ako noong mga nakaraang araw ay patuloy pa rin ang pagdadala sa akin ng mga regalo ng bodyguard ng isa sa mga prinsipe sa bansang ito na para bang Isang araw ay magbabago ang isipan ko at tatanggapin ko na ang dala nila. Nagtitila manhid sila at imbes na sumuko ay mas nadaragdagan pa ang dala nilang regalo sa araw-araw na ginawa ng Diyos. Nagiging tampulan na tuloy ako ng usapan at kantiyawan dito sa trabaho ko. Mabuti na lang at mahigpit na ibinibilin ng aming manager na huwag nilang sasabihin o ilalabas sa kahit na sino lalo na sa media ang tungkol sa tila panliligaw sa akin ng prinsipe.
Ngayon nga ay ipinatawag pa ako ng manager sa opisina namin upang kausapin. Hindi pa man ako nakakapunta puwesto ko pagkatapos kong ilagay ang bag ko sa locker room ay pinasabi na niyang may pag-uusapan kami.
"Mikoy, alam kong may idea ka na kung bakit kita ipinatawag upang kausapin," panimula niya. Napayuko ako dahil sa hiya. Alam kong nagiging abala na rin ang pagpunta-punta rito sa mall ng mga inuutusan ni Rasheed.
"Pasensya na po, Sir. Hindi ko naman po inaasahan na hahantong sa ganito," kaagad kong hingi ng paumanhin sa kanya.
"Mikoy, hindi kita sinisisi. Alam kong ibinigay mo lang ang nararapat na serbisyo ng store natin sa prinsipe at sa iba pang customer natin. Palagi ko ngang iniisip nitong nakaraan na marahil ay sobrang natuwa lang ang prinsipe sa'yo kaya siya nagpapadala ng mga regalo. Ngunit ngayong dalawang linggo na at patuloy pa rin siya, mukhang iba na nga ang sadya niya sa'yo. Ngunit habang hindi mo mismo naririnig iyon mula sa kanya, huwag kang mag-iisip nang masama."
Ibayong kaba na ang nararamdaman ko sa mga oras na iyon lalo na at sa manager na namin mismo galing ang mga salitang madalas sabihin sa akin ni Efren.
"Pero Sir, aminado po ako na hindi ko rin po maiwasang isipin iyon... na may iba ng kahulugan ang pagreregalo na ginagawa niya," mahina ang boses kong sabi.
"Hindi ba po at bawal iyon?" dagdag ko pa.
"Bawal sa iba ngunit hindi sa kanila, Mikoy."
Napipi ako. Kinumpirma lang ng manager namin ang sinabi sa akin ng pinsan ko at ni Efren.
"Sinasabi ko ito sa'yo upang mapag-isipan mong mabuti, Mikoy. Sila ang halos may-ari ng bansang kinaroroonan natin ngayon kaya mga salita nila ang masusunod at ang mga batas nila ay para lamang sa kanilang nasasakupan. They are exempted to the rule as well as the wealthy families who are friends with them. Marami na kaming nababalitaan ngunit nagbubulag-bulagan kami. At kung sakali mang totoo ang hinala ko na malaki ang interes sa'yo ng prinsipe, maghanda-handa ka dahil hindi siya madaling tanggihan."
Napalunok ako nang magkabikig ang lalamunan ko dahil sa narinig ko.
"Kung may pagkakataon ay kausapin mo siya at kung maaari ay pakiusapan na rin na itigil niya ang pagpapadala rito ng kanyang mga tauhan upang ihatid ang kanyang mga regalo. Nakukuha na natin ang pansin ng iba. Baka mamaya ay media na ang magpunta rito upang mag-imbestiga," bilin niya.
"Opo, Sir. Muli po ay humihingi ako ng pasensya sa huling nangyayari. Hindi ko po sinasadya," pagpapakumbaba ko.
"Huwag kang mag-alala, Mikoy. Kung sakali ay baka ikaw pa ang maging daan upang maging bukas sa bansang ito sa mga relasyon ng magkapareho ang kasarian."
Kahit pagpapalakas ng loob ang sinabi niyang iyon ay hindi naalis ang kaba ko.
"At dapat mo rin sigurong ipagpasalamat na matiyaga si Prinsipe Rasheed sa'yo, Mikoy. Kung iba lang siguro, baka may ginawa nang hindi maganda sa'yo. Gayunpaman, mag-iingat ka pa rin. Hindi natin masasabi kung hanggang saan ang pasensya ng prinisipe."
Sa huling sinabi niya halos mangatog ang mga tuhod ko kaya naman hindi ko na pinansin ang mga mata at ang mga bulungan ng mga kasamahan ko nang dumaan ako para bumalik sa puwesto ko.
Eksaktong lunch break namin nang muling dumating ang isang tauhan ni Prinsipe Rasheed. Dali-dali akong lumapit sa kanya hindi upang abutin ang dala niyang mga pagkain kundi upang magbilin sa kanya.
"Can you please tell the prince that I want to meet him after my work?" pakiusap ko sa lalaki. Nanlaki ang mga mata niya at tumango nang ilang ulit.
"He will be waiting outside the mall for you," sayang-saya na saad nito bago umalis na tila nanalo siya sa lotto.
Siguro ay may incentive na ibibigay ang prinsipe sa mga tauhan niya sa kung sino man sa kanila ang tatanggapan ko ng ipinadala niyang regalo o kung kanino ko ipapaalam ang gusto kong mangyari.
Napailing na lang ako sa naisip ko.
Nang makabalik na ako sa puwesto ko ay kaagad akong nilapitan ni Efren.
"Nagising ka na ba sa katotohanan, Mikoy? Nagbago na ba nang tuluyan ang isipan mo?" may pagbibiro niyang tanong ngunit nang tignan ko siya ay seryoso ang mga mata niya. Malakas akong napabuntonghininga.
"Kakausapin ko na siya mamaya, Efren. Ipapatigil ko na ang ginagawa niya. Nakakaeskandalo na rin kasi," pagpapaliwanag ko.
Napailing siya.
"Paano kung ayaw niya, Mikoy? Ano ang magagawa mo? Tatanggihan mo ba siya kapag sinabi niyang gusto ka niyang makarelasyon?"
"Susubukan ko, Efren. Gaya ng palagi kong sinasabi sa'yo, naririto ako para magtrabaho at hindi upang maging nobyo ng sino man."
"Sana nga ay mapanindigan mo, Mikoy. Hindi madaling tanggihan ang prinsipe," nananakot niyang saad.
"Pwede ba, Efren ay huwag mo naman akong takutin? Palakasin mo na lang ang loob ko bilang kaibigan ko," nakikiusap kong sabi.
Siya naman ang bumuntonghininga.
"Maigi nga na magkausap na kayo upang maipaliwanag mo ang epekto ng ginagawa niya sa'yo lalo na sa trabaho mo rito. Mabuti rin na malaman mo mula mismo sa bibig niya kung ano ba talaga ang purpose ng pagreregalo niya na kahit tinatanggihan mo na ay hindi pa rin matigil-tigil," sa wakas, kahit papano ay napanatag ako at unti-unting kumalma.
"Oo, Efren. Ganon na nga ang gagawin ko," sang-ayon ko sa mga payo niya.
"Huwag kang mag-alala, Mikoy. Kapag hindi ka nakabalik dito sa mall bukas, kahit prinsipe siya ay ire-report ko siya ng kidnapping."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niyang iyon.
"Ano ka ba, Efren? Sinabi kong palakasin mo ang loob ko at hindi takutin," pagrereklamo ko sa kanya nang nakasimangot.
Natawa siya.
"Seryoso ako, Mikoy. Gagawin ko iyon kapag hindi ka dumating bukas. Sige, babalik na ako sa puwesto ko. Ingat ka mamaya," huling bilin niya bago niya ako iniwan.
Napakuyom ako ng kamay.
Sana nga ay may magandang idudulot sa akin ang pakikipag-usap ko sa prinsipe mamaya.
...
Sinigurado kong presentable ako bago ako lumabas sa locker room. Nang naglalakad na ako ay tumingin ako kay Efren na abala sa pagtingin sa kung sino iyong nakatayo sa bukana ng mall. Nagdikit ang mga kilay ko nang makilala ko ang uniform nito. Isa ito sa bodyguards ng prinsipe. Mukhang sinisiguro talaga nito na sisipot ako kaya pinasundo pa ako.
Pinakalma ko muna ang sarili ko bago ako naglakad papalabas sa store namin. Kanina pa kasi ako hindi mapakali. Ngunit kahit anong inhale-exhale ang gawin ko, mabilis pa rin kesa sa karaniwan ang t***k ng puso ko.
"Good evening, Sir," bati sa akin ng bodyguard na nakaabang na sa paglabas ko. Nanibago ako dahil sa pagtawag na ginawa niya dahil karaniwang sa akin nanggagaling ang pagbating iyon.
"Hi," nahihiya kong bati pabalik dito. Tila naghintayan pa kami kung sino ang mauuna sa aming maglakad ngunit nang ilahad niya ang kanyang kamay ay naiintindihan kong pinapauna na niya ako.
Lalong bumagal ang paglalakad ko nang papalayo na kami sa mall. Nagwawala na ang puso ko sa kaba nang sakay na kami ng elevator. Sino ba naman ang hindi kakabahan kung ilang sandali na lang ay magkikita na kami ni Prinsipe Rasheed at magkakausap?
Habang nakatingin sa main entrance ng mall ay hindi ko naiwasang hilingin na sana ay bumagal ang oras. Ninenerbiyos na kasi talaga ako. Ngunit kahit anong bagal siguro ang maging takbo ng oras ay makalalabas at makalalabas ako.
"This way, Sir."
Muntik pa akong madapa nang biglang magsalita ang bodyguard sa likuran ko. Natawa na lang ako sa aking sarili dahil sa ginagawi ko. Sa sobrang nerbiyos ko ay naging magugulatin pa ako. Kahit papano ay nabawasan ang kaba ko habang naglalakad na sa direksyon na itinuro niya.
Heto na naman. Muli ko na namang nahiling na sana ay bumagal ang oras habang papalapit kami nang papalapit sa pinakamagarang sasakyan sa mga naka-park. Hindi talaga maipagkakaila na napakayaman at VIP ang nakasakay roon lalo na at may bantay pa itong tatlong guwardiya sa paligid nito.
Nang sa wakas ay nakarating na kami sa kotse ay pinagbuksan ako ng bodyguard ng pinto. Humugot muna ako ng malalim na hininga bago ako pumasok sa loob ng kotse.
Napakalamig sa loob niyon at napakabango. Bangong pang-royal family.
"Good evening, Mikoy."
Nanigas ako sa pagkakaupo at saka dahan-dahan na lumingon sa katabi ko. Nagkasalubong ng mga mata ko ang mga mata ng prinsipe na halatang nananabik na muli akong makita.
"Prince..." Pumiyok ang boses ko dahilan para makagat ko ang labi ko. Natawa naman siya nang mapansin ang nangyayari sa akin. Pahiyang-pahiya tuloy ako at muling nag-iwas ng tingin sa kanya.
"I'm sorry, Mikoy. I can't help laughing because you really are so cute."
Nakakatawa na pala ang ka-cute-tan ngayon, bulong ng isipan ko. Syempre, hindi mo magagawang isaboses ang pamimilisopong iyon kung gusto kong umuwi pa na nakakabit sa leeg ko ang ulo ko. Kaya naman yumuko na lang ako.
"Are you ready for our date tonight, Mikoy?"
Napalingon ako pabalik sa kanya nang marinig ko ang sinabi niyang iyon.
"This is not a..." panimula kong pagtanggi ngunit kaagad niyang pinutol ang sinasabi ko.
"It is," ngiti niya sa akin bago siya nag-utos sa driver gamit ang lengguwahe nila na paandarin na ang sasakyan. Hindi na ako nakasagot pa dahil naging napakapormal na ng boses niya.