Angel's POV
GABI na pero wala pa rin si Alden. Sayang naman yung nihanda ko sa mesa. Akala ko kasi maaga siyang uuwi. Nakatulugan ko na nga lang sa couch ang paghihintay sa kaniya. Hanggang sa magising ako ay wala pa din.
Alas dose na ng hatinggabi kaya niligpit ko na lang ang inihanda ko sa mesa.
Anong oras ba talaga uuwi si Alden? Sa susunod nga kukunin ko na yung number niya para man lang matawagan ko siya.
Tinahak ko ang kwarto namin. Paulit-ulit ko lang sinulyapan ang orasan.
Hanggang sa naisipan ko na lang na humiga.
--
KINAUMAGAHAN...
NAGISING akong sumuot sa ilong ko ang pabango ni Alden. Kaagad akong bumangon at tinahak ang dressing room.
"Alden..." masayang tawag ko sa kaniya ng makitang nagbibihis ito. Tumakbo kaagad ako palapit sa kaniya tsaka ito niyakap ng mahigpit habang nakatalikod siya sa akin.
Unti-unti niyang winakli ang mga kamay ko mula sa pagkakayakap sa kaniya.
"B-bakit? Hindi ba puwedeng yakapin ko ang asawa ko?" tanong ko naman sa kaniya. Humarap siya sakin.
"You know what? Ikakasal na ang babaeng mahal ko."
Nasaktan ako sa sinabi niya. Ako yung kaharap niya pero ibang babae ang iniisip niya. Hindi ko pinahalatang nasasaktan ako. Ngumiti lang ako.
"Ano naman ngayon kung ikakasal na siya? Nandito naman ako." sabi ko sa kaniya at muli siyang niyakap ngunit itinulak niya na naman ako.
"Hindi ikaw ang kailangan ko, Angel. Umalis ka muna sa harapan ko."
"Ayoko." buong tapang na sagot ko. "Kapag gusto kong yakapin ka! Yayakapin kita. Kahit pa ibang babae ang iniisip mo. Nandito ako, Alden. Asawa mo 'ko kaya ako naman dapat ang isipin mo." turo ko sa sarili.
"Naging asawa lang kita dahil sa mga kapatid mo. Hindi ko gustong makasal sa' yo, Angel. Ikaw lang ang may gusto nito."
"Subukan mo rin kaya akong tingnan para naman makita mo kung ano ako sa buhay mo at kung gaano ako kaganda. Hindi yung babaeng mahal mo na hindi ka naman mahal ang palaging nasa isip mo!" sigaw ko sa pagmumukha niya.
Nagulat na lamang ako ng bigla niya akong sakalin. "Huwag na huwag mo na ulit sasabihin sa akin 'yan!" pabalang niya akong binitawan tsaka ito umalis sa aking harapan.
Ako naman itong makulit. Hinabol ko pa siya hanggang sa pintuan ng kwarto.
"Alden..." tawag ko. Natigilan siya.
"Sasama ako sa' yo sa office kaya hintayin mo 'ko." parang walang nangyari na sabi ko.
Humarap siya sakin tsaka niya ako tiningnan na parang walang pakialam. "Anong gagawin mo sa office ko?"
"Kung hindi mo naaabutan dito sa bahay ang mga niluluto ko para sa' yo. Siguro naman sa office mo puwede kitang igawa ng coffee o 'di kaya utusan mo lang ako kahit na ano." nakangiting sabi ko. Binalewala ko ang pagiging cold niya sakin.
"Bahala ka. I' ll just wait for ten minutes here."
"Talaga?"
Sinamaan niya kaagad ako ng tingin. "Narinig mo naman ang sinabi ko' di ba?"
Kaagad akong kumilos para magmadaling maligo at magbihis.
Kahit na nagmadali ako ay kulang ang ten minutes sa pagbibihis ko kaya sa pagbaba ko ay wala na si Alden. Iniwan niya na ako.
Ano bang silbi ng pagiging Angel ko kung hindi ako marunong lumipad? Este... mag-commute na lang ako. Susundan ko ang asawa ko.
Bago ako lumabas ay nagluto muna ako ng paborito niyang adobo. Siyempre may pasalubong ako para naman matuwa ang lalaking mahal ko.
Naglakad-lakad muna ako dahil nasa dulo pa ang sakayan ng jeep. Mabuti na lang mapupuno na ito at isa na lang ay lalarga na.
Nakahinga naman ako ng maluwag dahil umalis na ang jeep. Feeling ko naman malalagas buhok ko sa bilis magmaneho ng driver. Mukhang road to forever yata 'to.
"Manong, abay magdahan - dahan ka naman baka malagas pustiso ko sa sobrang bilis mo magmaneho." sigaw ng matanda na nasa tabi ko.
Jusko! Bago pa yata ako makakarating sa office ni Alden mukha na akong mananangal dahil sa buhok kong lumilipad lipad at naging buhaghag.
Sa wakas ay nakarating na rin. Tumingala ako sa building. Napangiti ako nang makita ang bilboard ng asawa ko.
"Pangiti-ngiti ka pa diyan! Ang gwapo talaga ng asawa ko." ngayon pa lang ay gusto ko na siyang kurutin.
Pagpasok ko ay kaagad akong sinita ng guard. Sheyt! Siya na naman. Siya yung guard na naka-assign dito noon. Baka hindi na naman ako nito papapasukin.
"Bakit?" kaagad na tanong ko.
"Natatandaan kita ah." turo pa niya sa akin.
"Baka nagkakamali lang 'yang mga mata mo. Hindi ba' t makalimutin ka na." sagot ko.
"Sino nagsabing makalimutin ako?"
"Oh, diba? Nakalimutan mo na. Ikaw nagsabi no'n." kaagad na palusot ko.
Napakamot ito ng ulo. Kalbo na nga kumakamot pa. Nangangati pa pala ito kahit wala naman ng kuto.
"Diyan ka muna." hindi niya ako pinapasok ng tuluyan. Iniwan niya ako at nagpunta sa reception area.
Tinuro-turo pa niya ako habang nakikipag-usap sa babae. Napansin kong tumawag ang babae at maya-maya lang ay lumapit na sa akin ang guard.
"Pumasok ka na." sabi niya.
"Sabi ko naman sa 'yo hindi ako yung babaeng tinutukoy mo." sabi ko sa kaniya sabay talikod dito.
Siguro tinawagan muna nila si Alden para itanong kung puwede akong pumasok.
Pagpasok ko sa elevator ay sakto rin naman ng pagpasok ng isang babae.
Napatitig ako dahil ang ganda niya. Isa kaya siya sa mga staff rito sa office? Isa kaya siya sa mga employee's ni Alden? Kung oo, hindi malabong pagkainteresan siya ni Alden. Maganda na at mukhang napakabait pa dahil sa maamo nitong mukha.
Binawi ko kaagad ang aking tingin ng makita kong tumingin siya sakin. Napangiti ito. "Hi!" bati niya. Nag-hi narin ako.
Sabay na rin kaming lumabas ng elevator. Huwag niya sabihing sa office rin siya ni Alden pupunta? Nakasunod lang ako sa kaniya. Sinadya kong mauna siya sakin. Hanggang sa tumapat ito sa pintuan ng office ni Alden.
Nanlaki ang mga mata ko ng pumasok nga ito sa loob. Natigilan ako. Pero kaagad rin naman akong tumakbo para mapigilan ko ang pagsarado ng pinto. Nakaawang lang ang pinto ng office ni Alden kaya nakikita ko sila sa loob.
Napaawang ang labi ko ng halikan siya sa pisngi ng asawa ko. Kung makatitig naman ang asawa ko sa kaniya ay halatang nagagandahan ito. Maganda nga naman at isa pa simple lang pero napakalakas ng dating.
Sino ba ang babaeng 'to?
Alden's POV
ISANG katok ang narinig ko kaya pinapasok ko kaagad ito. Alam kong si Venus ito. Expect ko ng pupunta siya rito dahil yun naman ang sinabi niya. Hindi ngaako nagkakamali. Ang babaeng mahal ko ang nasa harapan ko. Wearing her simple outfit.
Ngumiti ito at lumapit sakin. Hinalikan ko. kaagad siya sa pisngi pagkatapos ay pinaupo ito.
"Nandito ako para imbitahan ka sana sa nalalapit namin na engagement party ni Marco." wika niya.
"Puwede mo naman ako padalhan ng invitation card. Bakit sadyang ikaw pa talaga ang pumunta?" tanong ko sa kaniya.
"Dahil mahalaga ka sakin, Alden. Hindi sapat ang invitation card para imbitahan ka. Isa pa, gusto rin naman kitang kamustahin."
"Huwag kang mag-alala, okay ako." kaagad na sabi ko.
"Oo alam ko. Nakikita ko naman na okay ka. Pero sana huwag mo lunurin ng alak ang sarili mo sa bar."
"Gusto ko lang magpakasaya, Ven. Kaya ako naglalasing. Kahit kasi nagparaya ako hindi pa rin kita nakakalimutan. Ikaw at ikaw pa rin."
"I'm sorry, Alden."
"No, it's okay. Atleast masaya ka, masaya na rin naman ako. Gano'n yung nagagawa ng love 'diba?" sabi ko sa kaniya.
"Salamat, Alden. Hindi na rin ako magtatagal. Atleast nakita kitang pumapasok ng office at hindi palaging nasa bar. Ayos na sakin makita kang ganito, Alden. Hindi yung nagpapakalunod ng alak sa bar."
Tumayo na ito kaya kaagad ko itong nilapitan at kaagad na niyakap.
" I love you, Ven. And this I love means... saying goodbye."
Angel's POV
Hindi ko na tinapos pa ang eksenang yakapan ng asawa ko at ng babae sa office niya. Hindi ko marinig ang usapan nila pero alam ko at kitang-kita ko mula sa mga mata ni Alden kung gaano niya kamahal ang babaeng 'yon.
Umatras ang mga paa ko. Hindi na ako tumuloy pa sa office ni Alden. Namalayan ko na lang palabas na ako ng building. Doon ko ibinuhos ang sakit na naramdaman ko sa eksenang nakita ko.
Kaya pala hindi ako magawang mahalin ni Alden.
Kahit na anong gawin ko hindi niya na talaga siguro ako magugustuhan.
Pero kahit na, gagawin ko pa rin ang lahat para lang magustuhan niya ako.
Pag-uwi ko ng bahay ay itinulog ko na lang ang sakit na naramdaman ko.
Paggising ko ay kaagad kong sinulyapan ang wall clock. Napabalikwas ako ng makitang alas syete na ng gabi.
Bumangon kaagad ako para maghanda ng hapunan. Maya maya baka nandito na si Alden. Kahit walang kasiguraduhan na uuwi siya rito. Ipaghahanda ko pa rin siya dahil asawa ko siya at umaasa pa rin ako sa kabila ng nakita kong eksena kanina na uuwi siya rito.
Hindi nga ako nagkamali. Tamang-tama, pagkatapos kong maihanda ang hapunan sa dining table ay may narinig akong mga yapak. Habang nakatalikod ako ay unti-unti akong humarap dito.
"Alden?" ngiting-ngiti na bati ko sa kaniya. Binalewala ko ang nakita ko kanina. Kaagad akong lumapit sa kaniya para ito yakapin.
"Mabuti naman umuwi ka. Nakahanda na ako ng hapunan. Tamang-tama ang pagdating mo." nakangiting sabi ko sa kaniya.
Tinitigan niya ako. Bakit kaya?
"Anong ginawa mo rito maghapon? Hindi ka lumabas o namasyal?" tanong niya habang tinititigan ako.
Ibinaling ko sa ibang direksyon ang aking paningin. "Ahm...ang ginawa ko... nanuod ng movies, kumain at natulog hanggang maghapon. Tapos ito nagluto ng hapunan." nakangiti pa rin na sagot ko. Ang galing kong magtago ng emosyon.
"Bakit mugto mga mata mo?"
Napayuko ako dahil nahalata niya pala ang mga mata ko. "Ano ka ba?" pasimple ko siyang pinalo sa braso. "Dahil 'to sa pinanuod kong kdrama. Yung endless love. Namatay kasi yung babae sa ending kaya ayun mugto mga mata ko kaiiyak." pagsisinungaling ko. Buti na lang napanuod ko na yun noon pa kaya nakahanap kaagad ako ng dahilan.
"Gusto kong panuorin ang kdrama na' yon." sabi naman niya.
"Naku! Maiiyak ka lang do'n."
"Para malaman ko kung nakakaiyak ba talaga. Ang babaw ng luha mo. Iyon lang napaiyak ka na." sabi naman niya.
Hindi mo lang alam. Ikaw ang dahilan kung bakit ako umiyak. Sa isip-isip ko.
Ano pa kaya ang ginawa nila ng babae kanina? Hindi ko na alam ang kasunod ng kanilang yakapan dahil umalis na kaagad ako. Hindi ko na kasi kaya makita pa ang eksenang nagpapasikip lang sa dibdib ko.
Habang magkaharap kami sa dining table ay naisipan kong magtanong kay Alden.
"Alden, gusto mo ba sa mga babae? Mahinhin? Mabait, seryoso at isa pa... siyempre maganda."
"Hmmm..." tanging sagot lang niya.
"Alin do'n ang gusto mo?" dagdag na tanong ko pa.
Napansin ko kasi mahinhin yung babaeng nakasabay ko sa elevator kanina. Kaya siguro hindi niya ako magustuhan dahil napakaingay ko.
"Sa lahat ng nabanggit mo. Lahat iyon gusto ko." sagot niya.
"Gano'n." napanguso na lamang ako.
Isa lang yata ang nakuha ko do'n. Siyempre ang pagiging mabait ko. Isa pa ang pagiging maganda ko. Pero mas lamang yata sa kaniya ang pagiging seryoso at mahinhin ng babae. Yun ang pinakagusto niya.
"Bukas, sasamahan kita bumili ng masusuot mo."
"Isusuot ko? Para saan?"
"Engagement party."
"Engagement party? Kanino?"
Hindi na siya sumagot.
"O-okay..."