Chapter 2
Thana's P. O. V.
2 days before the night he met Magnus.
Pagkauwi ko sa bahay ay naririnig ko na naman si Mama na pinapagalitan ang nakababata kong kapatid na si Morana. Labing-isang taong gulang lamang siya ngunit nakakaranas ng ganito sa aming ina.
"NAPAKADALDAL MO! SABI KO SA 'YO HUWAG MO SABIHIN NA NANDITO AKO," sigaw ni Mama.
Pumasok ako sa loob ng bahay naming gawa lang sa kawayan.
"Ma!" tawag ko.
"Isa ka pa, nakita na naman kita. Pareho kayo ng kapatid mo mga sakit sa ulo!" aniya at tinulak si Morana.
Agad akong lumapit para sapuhin ang kapatid kong walang kalaban-laban kay Mama.
"Ate..." bulong niya at niyakap ako.
"Lintek na bumbay 'yan, sinabing balikan ako sa susunod na araw," bulong ni Mama.
Hinila ko si Morana patungo sa kwarto at pinaupo sa papag.
"Bakit mo naman sinabi sa bumbay 'yong ayaw ni Mama, hindi ba kabilin-bilinan niya na huwag sasabihin kapag nandito siya?" sabi ko.
"Pero ate, sabi mo sa akin masama na magsinungaling ako," aniya dahilan para mapahinto ako.
Napayuko ako. Hindi ko alam paano ipapaliwanag sa kaniya lalo na at murang edad pa lamang siya. Hindi siya pinag-aaral ni Mama dahil ang gusto ni Mama ay magtrabaho lang kami sa hacienda.
"T-Tama ka naman. Maliligo lang ako, tapos pupunta na tayo sa Hacienda," sabi ko.
"Ate, hindi ka ba matutulog? Kakagaling mo lang po kasi sa tahian, 'di po ba?" aniya.
Napabuntong hininga lamang ako. Napaupo ako sa tabi niya at sumandal sa kawayan na nagsisilbing wall ng bahay. Gusto ko na lang maiyak.
Ang totoo ay wala pa akong kinakain mula kagabi, gutom na ako, puro ako tubig. Mabuti na lang at may gripo sa loob ng banyo ng tahian. Inom lang ako ng inom kada mararamdaman ko ang pagkulo ng tiyan ko. Buong gabi akong nanahi at madami ng sugat ang mga daliri ko dahil sa karayom at blade.
"Magpahinga ka na, ate," ani Morana.
Umiling ako. Napansin kong wala na si Mama. Kinuha ko ang bag ko sa school at pinakita kay Morana ang isang garapon na may lamang pera.
"Wow, ate, ang dami," manghang sabi ni Morana.
"Nag-iipon ako ng pera para makapag-aral ulit ako, tapos kapag naka-graduate na ako, kukuhanin kita kay Mama, promise ko 'yan sa 'yo," sabi ko.
Hinalikan ako ni Morana sa pisngi at niyakap.
"Salamat, ate. The bek ka talaga."
"Mukhang... The best ang tama bunso," sabi ko at natawa.
"The best po ba 'yon?" natatawa niyang sambit.
Tumango ako.
Tinago kong muli ang bag ko sa ilalim ng mga damit ko. Hinawakan ko ang kamay ni Morana at hinila na siya palabas.
Bigla ko namang nakita si Mama na may kausap na bakla sa labas at narinig ko ang pangalan ko kaya agad akong nagtago.
"Bakit--"
"Shh!" saway ko kay Morana.
Pinagtago ko siya sa likod ko.
"Maganda kasi ang dalaga mo, manang-mana sa 'yo," boses iyon ng bakla.
"Alam ko, kaya nga interesado ako, magkano ba ang kikitain ko diyan?" tanong ni Mama.
"Limampung libo, kami na ang bahala sa anak mo. Papakainin namin 'yan at may pursyento siya sa makukuha niya kada gabi," ani ng bakla.
Nanlaki naman ang mga mata ko.
"Ma! Ano po 'to?" inis kong tanong at nilapitan sila.
"Wala! Tumahimik ka, bakit ba hindi pa kayo umaalis? Anong oras na wala pa kayo sa hacienda, kapag hindi ako binayaran ng amo niyo humanda kayo sa akin!" sigaw ni Mama.
Malakas ang t***k ng puso ko. Gusto ko nang sagutin si Mama at saktan. Ipagtabuyan dahil hindi ko maintindihan ang sinasabi niya at pakiramdam ko ay binebenta niya ako. Kahit kailan ay hindi nakapagsalita sa kaniya dahil sinasaktan niya ako kapag sumagot ako.
Hinawakan ko si Morana at hinila ko na paalis. Naglakad na kami patungo sa hacienda kahit tirik ang araw. Nanlalata na ang katawan ko dahil sa gutom. Pakiramdam ko ay nanghihina na ang mga tuhod ko.
"Grabe..." bulong ko at napaupo sa gilid ng tulay.
"Ate, okay ka lang po ba?" tanong ni Morana.
Tumango ako at pumikit. Bigla akong nakaramdam ng malabot at nakaplastik sa kamay ko. Napadilat ako. Nakakita ako ng isang plastik na may lamang burger.
"Binigay ng lalake," ani Morana at tinuro ang lalakeng naka-itim na jacket na mabilis ang paglalakad.
Akmang tatayo ako para habulin siya upang magpasalamat pero bigla akong napaupo dahil sa panlalata.
Akmang kakagat ako sa tinapay pero napatingin ako kay Morana. Tinapat ko sa bibig niya ang burger at ngumiti.
"P-pero--"
"Kumain ka na, baka hindi ka pa nag-aalmusal," sabi ko.
Kinuha niya ito at kinagatan. Tinapat niya sa bibig ko ang burger saka umiling.
"Ayaw mo na? Hindi ba masarap?" tanong ko.
"Okay lang, ate, iyan yung bagong burger na sikat doon sa kanto. Mahal 'yan, gusto kong kumain ka din po," sabi niya.
Kumagat din ako sa burger na hawak niya at masaya kaming naghati dito.
"Paako mo naman nalaman na mahal 'yon?" tanong ko.
"Pumunta kasi ako doon nung isang araw, bagong bukas siya tapos ang daming kumakain. Nainggit lang ako kaya umuwi ako, nakita ko po yung price tapos ang number ay seven at nine," aniya.
"Seventy-nine," sabi ko.
Sulit naman ang burger sa halagang seventy-nine dahil malaki ito at maraming gulay sa loob.
Matapos kumain ay naglakad na ulit kami patungo sa hacienda. Kagaya ng ginagawa ko sa loob ng dalawang taon. Pinunasan ko lahat ng picture frames at vase sa loob ng bahay, diniligan ko ang mga halaman sa paso na sa loob din ng bahay.
Si Morana naman ay nasa labas, nagwawalis ng mga tuyong dahon ng puno ng mangga at atis. Siya rin ang nagdidilig sa mga halaman sa labas. Ako na ang bahala dito sa loob ng bahay. Last year kasi nakabasag siya ng vase at nabugbog siya ni Mama dahil doon. Kaya simula noon, ako na ang bahala sa paglilinis sa loob ng bahay.
Napaupo ako sa hagdanan. Sobrang taas nito. Ang dami kong wawalisin at pupunasan. Sobrang laki ng mansion. Maarte kasi ang koreanang nagmamay-ari dito, matanda na 'yon at maingay kapag umuwi dito tapos may alikabok, bahing ng bahing tapos galit na galit sa amin ng kapatid ko.
Hindi ko naman alam kung kailan siya uuwi kaya kailangan araw-araw, malinis. Napatingin akong muli sa picture frame na malaki. Buong pamilya sila. Ang matandang babae na koreana, nakapangasawa ng Pilipino. Nagkaroon sila ng limang anak na lahat ay graduate na, nasa ibang bansa na ang mga ito kaya naiwan ang bahay na 'to dito. Ayaw daw ibenta dahil may memories nila.
Minsan naisip ko nang tumira na lang dito at matulog, kaso may gwardiya ang bahay na 'to, nagalit dati nung nakatulog ako sa sala ng Mansion. Lahat masungit. Nakakainis.
Nang matapos ako sa lahat ng gawain ay nagtungo ako sa labas para hanapin si Morana. Nakita ko naman siyang naglalaro sa damuhan habang nanghuhuli ng tutubi.
"Hoy, huwag mo hulihin, may buhay din 'yan," sabi ko.
"Para may alaga ako, ate. Aalagaan ko naman siya e," ani Morana.
Umiling ako.
"Thana--" halos mapatalon ako sa gulat nang marinig ko ang boses ng isang pamilyar na lalake.
Ang boses na 'yon...
Mabilis kong hinawakan ang kamay ni Morana at umatras kami.
"B-bakit?" tanong ko sa kaniya.
"Ngayon na lang ulit ako bumalik dito, hindi mo ba ako na-miss?"
Nagsimulang mangatog ang mga binti ko. Ang lalakeng nasa harapan ko ngayon ay isa rin sa trabahador. Bumabalik lang siya dito kada buwan para putulin ang mga sobrang sanga o halaman.
"A-Aalis na kami," naiilang kong sambit.
Akmang lalakad na ako pero hinawakan niya ang kamay ko.
"Bakit ba hindi mo 'ko magustuhan? Halos isang taon na akong nanliligaw sa 'yo!" inis niyang sabi.
Sinipa ko ang pagkalalake niya at mabilis na tumakbo kasama si Morana.
"Ate, baka saktan ka niya ulit!" ani Morana at niyakap ako.
Umiling ako. Muli kong naalala ang pagtatangka niya sa akin. Inabot ako ng gabi sa paglilinis noon at bigla niya akong kinulong sa kwarto at akmang hahalikan, nanlaban ako at nakatakas. Simula noon ay iniiwasan ko siyang madatnan dito.
Hindi ko naman magawang ipakulong siya o kung ano pa man dahil baka may kailangan pa bayaran at mahirapan ako. Ayoko maipit sa gulo lalo na at marami akong kailangan gawin.
"Tara na, umuwi na tayo, ihahatid na kita sa bahay," sabi ko.
"Saan ka pupunta, ate?" tanong niya.
"May sinabi yung kaibigan ko na bagong trabaho, isasama niya ako," sabi ko.
Tumango si Morana at sumunod sa akin. Naglakad kaming muli pauwi sa amin. Pagbalik ko sa bahay ay nakita ko si Mama na kausap ang kapitbahay namin dito sa skwater.
"Hindi ba magdidisi-otso na ang anak mo bukas?" tanong ng kapitbahay namin.
"Oo, bukas pwede ko na siya pagkakitaan," ani Mama.
Hindi pa ba niya ako napapagkakitaan ngayon? Lahat ginagawa ko at sa kaniya napupunta ang sahod namin ng kapatid ko mula sa hacienda.
"Pumasok ka na, ayoko muna makaharap si Mama," sabi ko.
Iniwan ko na si Morana sa tapat ng bahay namin at muli akong umalis.
******************