Taas-noo na pumasok sa loob ng classroom si Ms. Velasco. Kumukumpas sa hangin ang suot nitong kulay pulang uniform. Nakalugay ang kulay ginto nitong buhok na umabot hanggang balikat. Mas lalo tuloy lumitaw ang kagandahan ng bilugang mukha nito maging ang matangos nitong ilong. Nakakainggit. Maliban kasi sa pango ang ilong ko, hugis shotgun pa. Mahirap mang aminin pero may itsura si Ms. Velasco. Galit ako rito pero hindi ko maitatanggi ang nakikita ng mga mata ko. Pero kung ano ang kinaganda ng mukha, siya namang kinapangit ng ugali nito!
Walang emosyon na nilapag ni Ms. Velasco ang dalang mga teaching material sa ibabaw ng lamesa. Sandali muna itong nanatili sa pagkakatayo habang ginagala ang paningin na tila pinag-aaralan ang mga mukha namin. Sa likod ng suot nitong salamin, napakatalim ng mga mata nito kagaya ng kay Cherie Gil. Nakaka-intimidate na tila ba tumatagos ang mga titig nito hanggang sa pinakadulo ng buto at kaluluwa mo.
Napako ang tingin sa akin ng dragon. Ramdam ko ang pagtulo ng pawis sa noo ko. Gusto kong punasan ng palad ko pero pinigilan ko ang sarili ko. Magmumukha lang akong basang-sisiw kung mahahalata ng lahat na sobra ang kaba ko ngayon. Kahit ilang beses pa akong pahiyain ng dragon na ito, inaasahan pa rin sa akin ng mga classmate ko ang maging matatag. Tingin yata nila sa akin ay immune na sa mga mura ni Dragon Lady. Pathetic! Sabagay, ako ang presidente. I'm supposed to be the model student, right? Kung ako ang unang kakikitaan ng kahinaan, saan na kami pupuluting lahat?
Para akong binuhusan ng malamig na tubig. Tama ba ang nakita ko? Ngumisi sa akin si Ms. Velasco? Saglit lang pero habambuhay na itong tatatak sa aking isipan.
Nakahinga ako nang maluwag nang tuluyan ng umupo sa likod ng lamesa si Ms. Velasco, datapwa't nanatiling nakapako ang mga mata nito sa akin. Ewan ko pero may kakaiba sa mga tingin nito. Hindi kaya alam nito ang balak namin ni Layla? Baka nakatunog ito sa gagawin namin ngayon. Alam kaya nito ang tungkol sa ballpen? Pero paano? Mukha namang pangkaraniwang ballpen ang nakasabit sa bulsa ng uniform ko. Walang maghihinala na isa itong high-tech ballpen na merong built-in camera sa loob. Isang buwan ko ring inipon ang allowance ko mabili lang ito. Halos tinakwil ko na ang recess.
Muling ginala ng dragon ang paningin.
"What is an angle?"
Lalong natahimik ang lahat. Animo'y wala kaming narinig na tanong mula sa dragon.
Kumunot ang noo ni Ms. Velasco, naningkit ang mga mata. Ang mukha ay naging sindilim ng kalangitan ngayon sa labas. Kulang na lang ay may lumabas na usok sa magkabilang butas ng ilong nito.
"What is an AAANGGLLEEEE!" Hinampas ni Ms. Velasco ang desk gamit ang nakakuyom nitong kamao. "Walang sasagot?"
Namumutla ang mukha na nagtaas ng kamay si Karina, ang Vice President namin.
Pero kagaya nang inaasahan, hindi ito pinansin ni Ms. Velasco. At para saan? Hindi naman niya ito mapapagalitan dahil bukod sa pinakamatalino sa klase, si Karina ang pambato namin palagi sa mga Math at Spelling Bee. Isa itong wizard. Wiz kid. Walang interes si Ms. Velasco sa ganitong uri ng estudyante. Mas gusto niya ang mga tipong walang alam at ayaw sa Math. Sa pambu-bully ng mga estudyante nakakakuha ng kasiyahan sa buhay ang dragon na ito. Hindi ito maibibigay rito ni Karina.
Dumapo ang matatalim na mga mata ni Ms. Velasco kay Nana, ang Treasurer namin.
"Reyes! Stand up. Now!"
Agad na tumayo si Nana, mga mata'y kukurap-kurap.
"What is an angle!"
Nanginginig ang mga kamay na binuklat ni Nana ang hawak na Geometry book.
"A-A-Angle is a u-union of..."
"Gaga!" Kulang na lang ay lumuwa sa bunganga ni Ms. Velasco ang salitang gaga sa diin nang pagkakasabi nito rito. "What the hell do you think you're doing!"
Kukurap-kurap na napatingala si Nana. Nagbigay ito ng isang pilit na ngiti subalit agad ring naglaho nang makita ang madilim na mukha ni Ms. Velasco.
"A-Ano po'ng i-ibig ninyong s-sabihin?"
"Kita mo 'tong tangang 'to. Talagang tinanong mo pa 'kong gaga ka." Nagtiim ang bagang ni Ms. Velasco, tumayo sabay nameywang. "Halatang hindi ka nagbabasa ng aklat, Reyes. Ngayon mo lang siguro binuklat ang aklat na 'yan. The hell with you. You should already know what a freaking angle is. Isang araw na nating lesson 'yan. Or have you already forgotten, you little piece of s**t!"
"S-Sorry po, Ms. V-Velasco. B-Binasa ko naman po p-pero..."
"Sit! Goddamnit!"
Mangiyak-ngiyak na muling umupo si Nana, namumula ang mukha sa sobrang kahihiyan. Yumuko ito at umaktong binabasa ang hawak na aklat.
Pigil ang hininga na hinaplos ko ang nakausling ballpen sa uniform ko. Ramdam ko ang bahagyang panginginig ng katawan nito dala ng maliit na battery tumatakbo sa loob, nangangahulugan na patuloy pa rin ito sa pag-record ng mga nangyayari ngayon.
"Antipasado!"
"P-Po?" nauutal kong sabi.
"What is an angle?"
"A-An angle? An angle is-"
"Stand up, gaga! Double time!"
Agad akong tumayo. Ramdam ko ang pamumula ng mga pisngi ko. Nakatingin ang mga kaklase ko sa akin. Lahat sila malamang umaasa na masasagot ko ang tanong ni Ms. Velasco. Damn!
"An angle is the union... is the union of two non-collinear lines... which... which intersect at a common endpoint," sagot ko. Hindi ko na napigilan ang sarili ko. Napangiti ako sabay tingin kay Ms. Velasco.
Umasim ang mukha ni Ms. Velasco. Tila hindi nito nagustuhan ang sagot ko. May pahid yata talaga ang babaeng ito. Paano ito naging guro? Isa ito sa mga misteryo ng buhay na gusto kong malaman ang kasagutan bago ako mawala sa mundong ito.
"At bakit ka nakangiti? Niloloko mo ako? Are you deliberately mocking me?" taas ang isang kilay na tanong ni Ms. Velasco sa malamig na tinig. "Are you messing with me, Miya Antipasado?"
"H-Hindi po, Ms. Velasco. I-I'm sorry."
"You better, bitch."
Tignan natin kung ano ang sasabihin ng mga tao sa iyo sa oras na malaman nila ang ginagawa mo sa mga student mo, Lady Dragon. Pasisikatin kita, b***h!
"Sit!" tiim-bagang na utos ni Ms. Velasco sa akin sabay kumpas ng isang kamay. Sa paraan ng pagkakasabi nito, aakalain mong tuta ang inutusan nitong umupo sa halip na isang tao.
Agad akong naupo. Pasimple akong lumingon sa aking likuran, at gaya ng inaasahan, nakatingin sa akin si Layla, nangungusap ang mga mata. Marahan akong tumango sabay baling muli ng aking atensyon sa harap ng blackboard.
Biglang naghiyawan ang mga estudyante sa classroom na nasa kabilang bahagi lang ng blackboard namin. Kasunod nito ang masigabong palakpakan pagdaka'y malalakas na tawanan.
Pinaghahampas ni Ms. Velasco ang blackboard gamit ang mahabang meter stick.
"Quiet!"
Agad na tumahimik sa kabilang classroom.