NANLAKI ang mga mata ni Lorie sa magkahalong pagkagulat at sa biglaang pagragasa ng kakaibang koryente sa buong katawan niya nang bigla na lamang siyang halikan ni Choi. Alam ni Lorie na dapat ay itulak niya palayo ang binata. Iyon ang una niyang halik! Ni hindi nga niya maintindihan kung bakit siya hinahalikan ni Choi. Ngunit hindi iyon ang ginawa ni Lorie. Paano niya iyon gagawin kung nagdudulot ng masarap na pakiramdam ang mainit at malambot na mga labi ni Choi sa mga labi niya? Napasinghap si Lorie at tuluyan nang nawalan ng pagkakataong mag-analisa ang isip niya nang magsimulang gumalaw ang mga labi ni Choi. Nagliparan ang mga paruparo sa sikmura ni Lorie nang maramdaman ang marahan ngunit mainit na paghagod ng mga labi ni Choi sa bibig niya. Tila hinihigop ng hangin ang lakas niya.