MATINIS na hagikgik ng isang batang babae ang gumising kay Choi. Hindi siya kumilos sa pagkakahiga at tumitig lang sa kisame. Patunay ang hagikgik na iyon na hindi panaginip lamang ang mga nangyari nang mga nakaraang araw. Talagang sumulpot sa buhay ni Choi ang anak na hindi niya alam na mayroon pala siya. And now, he had no choice but to keep her. At least, hanggang sa makita niya si Sheila. Kailangan nilang mag-usap ng babaeng iyon sa ayaw at sa gusto nito. Kailangang masiguro ni Choi na kukunin uli ni Sheila ang bata dahil sa totoo lang, hindi niya kayang karguhin nang matagal si Maja. “Teka lang, huwag kang malikot nababasa rin ako.” Napabangon si Choi nang marinig ang natatawang tinig na iyon ng isang babae. Maiksing panahon pa lang silang nagkakakilala ngunit agad niyang nakilala