CHAPTER 1
“Nadia, ano ba! Kanina ka pa ha! Konti na lang ang pasensiya ko sa’yo kaya umayos ka! Baka hindi mo magugustuhan ang gagawin ko sa’yo kapag ako ang pumasok diyan!” singhal ni Tita sa akin na siyang nanloko at pumilit sa akin para maging escort o hostess.
“Ano ha! Iiyak-iyak ka diyan na akala mo naman may mangyayari sa’yong masama! Umayos ka, sinasabi ko sa’yo!” singhal niya habang inaayos niya ang iba ko pang mga kasamang escort din.
Dahil natatakot ako kay Tita Dulce na saktan uli ako ay inayos ko ang aking sarili. Kanina pa ako kinakati sa suot kong binili pa ni Tita sa palengke. Yung panty kong wala pang isandaan na kabibili namin ni Tita parang kinakain na gutom na yatang akin. Hindi ko maintindihan ang aking nararamdamang magkakahalo-halo na. Ramdam ko yung gutom ko na pinapangibabawan ng nerbiyos na mawasak. Ayaw ko pa sana. Hindi pa ako handa. Gusto ko sana sa taong mahal ko. Ibibigay ko lang sana ang p********e ko sa taong siguradong makakasama ko na habangbuhay. Sa lalaking pakakasalan ako at magiging ama ng aking mga supling.
Hindi ko mapigilang hindi maiyak dahil wala akong lakas na tumanggi kay Tita. Na kung alam lang sana Tatang ang sinapit ko sa kamay ng aking tiyahin, paniguradong hindi papayag si Tatang. Sila nina Nanang ang nag-usap dito at ang pinalabas kay Tatang ay marangal na trabaho ang pagpapasukan sa akin ni Tita. Kadugo ko pa mismo ang naging bugaw ko. Si Nanang na alam kong hindi papayag ang siyang nakiusap pa sa akin na subukan ko lang. Ang mga inaasahan kong sana tumulong sa akin ang naglagak pa sa akin sa putikan.
“Iiyak-iyak ka pa kaya nasisira ang make-up mo. Tignan mo nga oh! Mukha ka nang clown. Saka pang-ilan escort mo na ito para namang first time mo pa. May nangyari ba sa’yo? Pinilit ka bang ibigay ang p********e mo kung ayaw mo? Trabaho lang ito. Nasa sa’yo pa rin kung ibigay mo ang pechay mo pero kung hindi, buo pa rin naman ‘yan kaya huwag mo nga akong inaartehan. Sige na, mag-ayos ka uli. Paano ka niyan mapipili ng mga dumadating na mga customer kung ganyan ka! Sinasabi ko sa’yo ha! Kapag walang pipili sa’yo, tandaan mo, pagsasayawin kita mamaya ng hubo’t h***d! Ipanalangin mo na magustuhan ka nang usap-usap at paminsan-minsang hawak lang kaysa ikaw ang nasa harap na sumasayaw ng h***d! Ang tigas kasi ng ulo mo!” pagsasabon ni Tita sa akin. Nakayuko lang ako. Napapahiya kasi ako sa mga kasama kong pinagtatawanan ako. Pero kailangan ko bang mahiya sa kanila eh pare-pareho naman na silang mga puta. Ako? Hindi pa. Paputa pa lang. Nakakainis!
Pinunasan ko ang luha ko agt kinuha ko ang make-up kit ko para matigil na si Tita Dulce. Nang naayos ko ang sarili ko ay umupo ako nang maayos para makita ako ng mga padating na mga bisita na kumukha sa amin para maging escort nila sa taas ng hotel na iyon. Magkakaroon daw kasi ng bachelor’s party at namimili ang mga mayayamang bisita ng kanilang escort at yung mga hindi mapipili bilang personal escort ay siyang sasayaw ng h***d sa harapan ng lahat. Ayaw kong sasayaw nang h***d pero ayaw ko rin namang mapili. Paano kung pilitin ako ng customer na makatalik? Hindi pa ako handa. Hindi pa pwede no!
“Umayos kayo ha. Padating pa lang yung groom. Kung sino ang mapili ng groom iyon ang may pinakamalaki ang bayad!” sigaw ni Tita sa aming lahat. Nakapamaywang pa siya na akala mo tindera lang ng baboy sa palengke. “Kahit ang groom ay pwedeng pumili ng katalik sa inyo at huwag nang umarte ha? Mahal din naman ang bayad. Bilyonaryo ang kukuha sa service ninyo kaya inikot ko pa ang buong Pilipinas para makahanap ng birheng iaalay. Ang request ng nagpa-surprise sa groom ay virgin kaya huwag akong ipahiya. Kung hindi kayo virgin, magsialisan na muna riyan. Sinigurado ninyo sa akin na virgin kayo ta’s hindi pala. Sisirain lang ninyo ang pangalan ko.”
“Kung virgin pala ang kailangan eh baka walang maiwan sa amin dito, Madame,” pabulong na sagot ng isa na ikinangiti ng lahat.
“Anong sabi mo, Badet?”
“Madam, huwag namang Badet. Bhie ho. Bhie ho ang palayaw ko at wala ho akong sinabi.”
Huminga ako nang malalim. Noong isang buwan lang ako nag-debut kaya sigurado akong virgin pa ako pero bakit ko pa iyon kailangang ipangangalandakan?
“Sige, kung kayo ang mapili at tingin naman ninyo di na kayo virgin, galingan na lang umarteng parang virgin pa rin!”
Nagtawanan sila. Alam naman kasi ni Tita na ginalaw na ang mga kasama ko sa mga nauna na naming pinuntahang mga party. Pangatlong sabak ko sa trabaho ito kaya ako nagdadasal na sana hindi ako mapili. Sana hindi ako magustuhan ng kahit sino dahil hindi pa ako handa para ibigay ang aking p********e dahil lang sa pera. Naswertehan ko lang sa naunang dalawa dahil walang balak na pilitin at galawin ako dahil sa mukha kasi akong dalagita pa. Pero yung isa doon nahipo ako. Hanggang hipo pa lang naman.
Kahit pa sabihing dito gumanda ang buhay ni Tita, hindi pa rin ako kumbinsido na ito lang dapat ako hanggang tumanda kagaya niya. Totoong tumitira sa isang condo si Tita Dulce, maraming mga investment at hindi nauubusan ng pera pero hindi ko pinangarap maging puta at maging bugaw pa rin balang araw bilang trabaho. Mas bata pa nga raw si Tita sa akin nang naging stripper siya. Iyon ang kuwento niya sa akin. Halos lahat ng sikat na club daw sa Manila nasayawan na niya. Ilang lalaki ang bumahay sa kanya at ilang beses din siyang sinaktan at iniwan. Paano ba seseryosohin ng isang lalaki ang kagaya niyang nakilala at napulot lang sa bar. Sino ang magseseryoso sa isang puta lang. Hindi ganoon ang buhay na gusto ko. Hindi ako pinangarap na maging kagaya ng Tita pero bakit parang wala akong magawa? Bakit hindi ko kayang ipagtanggol ang gusto kong sana makatapos sa pag-aaral?
Nakatapos naman ako ng Grade 12. Pinag-aral pa ako ng hanggang Grade 12 kung ganitong trabaho lang din pala ang kabagsakan ko? Masakit ang loob ko pero ang hirap para sa akin na sisihin sina Nanang at Tatang. Dahil sa hirap ng buhay at dahil wala na kaming makain kaya napilitang ipasama ako kay Tita na may balak din naman palang ibenta ang aking virginity. Kung hindi lang sana nagkasunud-sunod ang aming kamalasan sana pinag-aaral pa ako nina Nanang at Tatang. Nagkasakit kasi si Tatang kaya napilitan kaming pumunta ng Manila para maipagamot. Tumira kami pansamantala kay Tita pero nang lumaon, hindi nakakayanan ni Nanang ang trato ni Tita sa kanya, sa amin kaya nakiusap siya na lumipat na lang kami sa paupahan. Nayabangan si Tita sa ginawang iyon ni Nanang kaya kami sinisingil ng mga bayad ng pinangpa-opera ni Tatang na kapatid niya mismo. Kaya naman ako ang napili niyang magtrabaho raw muna para makabayad kami ng pagkakautang namin sa kanya at para may makain kami. Wala din naman akong aasahan kay Nanang kasi wala naman siyang ibang pagkakakitaan kundi ang magbenta ng ulam at miryenda sa dati naming tinitirhan pero dahil dine-demolish na ang tinitirhan naming squatter area ay wala na rin kaming aasahan nang lumipat kami sa isa na namang squatter na aming tinitirhan na paupahan ni Tita Dulce. Malayo na nga lang sa bahay ni Tita kaya naman kinuha niya akong tumira sa kanya na muna habang nagta-trabaho raw. Ang alam ni Tatang, sa marangal na trabaho ako ipinasok. Pero kahit may pagkakataon akong magsabi, nanahimik na lang ako. Hindi lang naman kasi kaming tatlo lang ang magugutom, pati na rin ang dalawa kong maliliit pang mga kapatid. Kapit sa patalim ang ginagawa ko ngayon para mabuhay. Kay Tita, walang kamag-anak pagdating sa pera. Nababaon na kami sa utang at wala na rin makain ang pamilya ko kung di ko pa lunukin ang pride. Naalala ko pa ang sinabi ni Nanang nang sinusundo ako ni Tita.
“Kung hindi ka sasama sa Tita Dulce mo, saan tayo pupulutin ng mga kapatid mo? Nadia naman, nakikita mo ba ang kalagayan ng Tatang mo, anak? Yung mga kapatid mo, paano mabubuhay ang mga iyan kung hindi ka maging practical. Maganda ka anak, maputi, matangkad at seksi. Gamitin mo na muna ‘yan at kapag makabalik na ang Tatang mo o ako sa trabaho, saka ka na lang mag-aral uli,” pakiusap ni Nanang sa akin at doon ako nagulat kung paanong binago ng kahirapan ang kanyang paninindigan. Siya pa mismo na ina ko ang nagsabi no’n.
“Pero Nanang, pwede naman ako sa ibang trabaho eh. Pwede akong mag-saleslady o kaya sa mga fastfood.”
“Sige. Pwede naman talaga anak pero saan ka kukuha ng perang panghanap mo ng trabaho? Hanggang kailan kami makahihintay na makahanap ka ng trabaho? Pwede ba natin sabihin sa sakit ng Tatang mo na, huwag ka muna kikirot ha, wala pang pera. Huwag ka munang gumaling kasi wala pa tayong nadidilehensiya kasi naghahanap pa si Nadia ng marangal na trabaho. Pwede bang pakiusapan ang mga bituka ng mga kapatid mo na huwag munang magutom kasi gusto mong maging saleslady?”
Huminga ako nang malalim. Nagsimula na akong maluha. Pakiramdam ko kasi wala akong ibang pamimilian.
“Sabi mo sa akin dati, mag-aral akong mabuti para mabago ko ang buhay ko. Pero ano itong pinagagawa mo sa akin?”
Nilingon ako ni Nanang. Tigib ng luha ang kanyang mga mata. “Iba na ang sitwasyon, anak. Mamamatay na tayong dilat. Kung pwede lang na ako ang sasama sa Tita mo, ginawa ko na. Kung pwede lang ako na lang ang magpuputa, hindi ikaw ang ipagtutulakan ko. Anak, nakita mo naman ang kalagayan ko. Pilay ako. Nakasaklay. Kahit ganito ako noon, nagluluto ako kasi may puhunan tayo pero ngayon wala na. Masakit sa akin na ipagtulakan kitang gawin mo ito ngunit buhay nating lahat ang nakasalalay. Maging practical na lang tayo muna anak at kapag okey na ang lahat, pwede ka naming tumigil diyan sa trabaho mo. Kapag may malaki ka nang ipon, pwede kang mag-aral uli. Pwede ka lang magbago anak. Bata ka pa para baguhin mo ang buhay mo. Hindi lahat ng mga galing sa ganyang trabaho ay naging ganyan habang-buhay. Subukan mo lang muna. Pwede naman siguro na hindi mo ibibigay ang katawan mo. Trabaho lang.” Pinunasan ni Nanang ang kanyang luha. Nakikita kong masakit para sa kanyang sabihin iyon sa akin. “Kapag daw hindi ka pa namin mapakiusapan na sumama ngayon sa Tita Dulce mo, palalayasin na tayo at iparenta itong tinitirhan natin sa iba. Kung hindi ka sisipot ngayon sa kanya anak, saan tayo pupulutin?”
Wala akong maisagot pero nagdabog akong pumasok ng bahay.
Nakita ko si Tatang na walang kaalam-alam sa trabahong sinasabi ni Tita sa kanya. Nakahiga sa papag. Nahuli kong nakatingin siya sa akin at may luha ang mga mata. Mabilis niya iyong pinunasan saka niya itinaas ang kanyang manipis at butas-butas na kumot. Alam ko, masakit sa loob ni Tatang na aalis ako. Hindi ko alam kung alam niya ang magiging trabaho ko kasi ang sabi ni Nanang, hindi namin ipaaalam kay Tatang dahil paniguradong hindi siya papayag at pare-pareho kaming mamamatay nang dilat. Hindi siya papayag na maging kagaya ako ng kinaiinisan niyang kapatid niya ngunit anong magagawa ko?
“Sorry anak. Kung hindi lang sana ako nagkasakit hindi ka sasama sa Tita mo na magtrabaho. Kung sana may magawa lang ako. Ngayon, naging pabigat pa ako.” Garalgal ang boses niya. Namumula ang mga matang tumingin sa akin. “Huwag kang mag-alala. Hindi ka ipahahamak ng Tita mo. Ihahanapan ka no’n ng maayos at disenteng trabaho.”
Hindi ko pinansin. Umakyat ako sa taas.
Nakita ko ang mga kapatid kong dinidilaan ang supot ng tigpipisong chichirya na binili ko mula sa huling pera namin. Iyon lang ang kinain nila. Tig-isa nilang tigpipisong chichirya. Sila lang dalawa ang kumain kasi wala na kaming pera pa. Siguro nga, tama sina Tita at Nanang. Maging practical na lang muna ako. Kumakalam na ang aking sikmura. Literal na kumakalam. Paano pa sina Tatang at Nanang na kahapon pang di nakakakain?
Hanggang sa narinig ko na ang boses ni Tita Dulce sa labas.
“Ano na? Sasama ba yang anak ninyo ngayon o hindi? Kung hindi, magbalot-balot na kayo kasi wala akong ipambubuhay sa inyo. Itong paupahan ko na ito, ipaupa ko na lang sa nakababayad.”
“Kapatid mo ako. Alam mong wala kaming malilipatan. Huwag naman puro pera lang Dulce. Maawa ka naman sa amin,” pakiusap ni Tatang sa kapatid niya.
“Kaya nga pagtrabahuin mo yang panganay mo. Ipasama mo sa akin nang mapakinabangan mo!”
“Bata pa siya, gusto ngang mag-aral sana muna eh!”
“Oh tapos? Ako pa ang magpapaaral? Kuya, ako na ang tumutulong sa inyo! Ngayon kung mag-inarte kayo, alis na lang kayo rito sa paupahan ko! Bwisit!”
“Saan naman kami pupunta? Alam mo naman ang kalagayan namin.” Humihikbi na si Tatang. “Ikaw ang may kaya. Ikaw ang may pera. Tayong dalawa lang ang magkapatid ta’s ganyan ka pa sa akin?”
“Huwag mo nga akong dramahan, kuya. Nagsisimula ka na naman eh.”
“Hindi ako nagda-drama pero sana naman buksan mo ang puso mo. Maawa ka naman sa amin.”
“Maawa? Eh di ba nga, ako ang sumagot lahat ng gastusin mo sa hospital pati pangkain ninyo? Saka kuya, nakalimutan mo yatang minamaliit mo ang trabaho kong paging puta noon pa? Di ba ikaw ang numero uno na kontrabida sa buhay ko?”
“Kasi nga pinapag-aral kita noon. Pinapatapos para sa magandang trabaho at hindi ganyan.”
“Isusumbat mo na naman ang pagpapaaral mo sa akin? Oh, nasaan ba ako ngayon? Hindi ba ako yumaman? At ikaw? May nagawa bang pagmamalinis mo?”
“Hindi sa gano’n…”
“Hay naku! Ano? Sayang ang oras ko rito oh! Sasama ba ‘yang anak ninyo o hindi para matapos na ngayon ang usapan. Wala akong oras sa kadramahan. Pera ang kailangan ng lahat. Pera ang katumbas sa akin ng oras at kapag magtagal pa ako rito, sayang ang pera ko.”
“Hindi na. Hindi siya sasama sa’yo,” boses ni Tatang.
“Eh di sige. Magsimula na kayong magbalot-balot. Mamaya, may kukuha na rito. Wala akong pakialam sa inyo at huwag na huwag na kayong lalapit pa sa akin ha! Wala na kayong makukuhang tulong pa sa akin! Ang aarte ninyo! Wala na nga kayong makain ang pride pa rin ninyo ang inuuna ninyo. Pwe!”
Huminga ako nang malalim. Mabilis akong bumaba.
“Tita Dulce!”
Lumingon si Tita Dulce sa akin.
“Sasama po ako sa inyo huwag lang ninyo kaming palayasin at pag-usapan na lang ho natin ang kikitain.”
Ngumiti si Tita.
Yumuko si Nanang. Halatang nasasaktan ngunit wala siyang magawa.
Ibinaling ni Tatang ang tingin niya sa amin ni Tita. Alam niyang hindi ito ang gusto niyang kahantungan ng buhay ko dahil gusto niya mag-aral muna sana ako. Kung alam lang niya na papuputain lang ako ni Tita, malabong papayag siya na sasama ako kay Tita. Pero nandiito na ito kaya kailangan ko nang tanggapin ang aking kapalaran.
Huminga ako nang malalim. Gagawin ito para sa pagmamahal ko sa aking pamilya.