CHAPTER 01
Siya si Hellmohr Falcon, isang bilyonaryong lalaki na hindi mo gugustuhing makilala. Lahat ay umiikot sa kanya.
Kinakaibigan niya ang mga taong mapapakinabangan niya pero kaya ka naman niyang mawala sa landas niya once na magsawa na siya sa'yo o kapag wala ka nang silbi.
Kilala siyang walang awa at wala siyang pakialam kung madumihan ang kamay niya basta makuha niya lang ang gusto niya.
Wala siyang ilegal na hanapbuhay at lahat ng pera niya ay galing sa legal--- pero alam mo kung anong ilegal?
'Yun ay ang nakakatakot niyang ugali.
Maraming nagsasabi na ang itsura niya lang ang maganda at nakakaakit sa kanya, pagkatapos no'n... wala nang maganda pa sa kanya.
Gwapo.
Mayaman.
May kapangyarihan.
Lahat ay meron na siya.
Maliban lang sa tunay na makakasama niya sa buhay.
“AHHHH! Bitawan mo ko!” Rinig na rinig na pagmamakaawa ng isang kawawang babae sa isang lalaki sa gitna ng gubat.
Mabilis na hinawakan nang mahigpit nu'ng lalaki ang pisngi ng babae na halos madurog na ang panga niya.
“Hindi ka makakatakas sa akin. 'Yun ang tatandaan mo,”wika sa kanya ng lalaki na para bang nababaliw na ito. Diretso lang na nakatitig ang babae sa nakakatakot na mukha ng lalaking nasa harapan niya ngayon.
“Pero bago kita patayin, maglaro muna tayo nang habul-habulan. Mukhang magaling ka naman do'n,” sabi nu'ng lalaki sa kanya at marahas siyang binitawan nito at parang naramdaman niya pa na muntikan nang mabali ang leeg niya.
Tumayo na nang maayos 'yung lalaki at nagkasa ito ng baril na hawak-hawak nito.
Awtomatikong napalunok na naman ang babae sa kaniyang nakikita ng mga oras na 'yon.
“Bibilang akong sampu at malaya kang tumakbo kahit saan mo pa gustong pumunta. Isa!”Kahit nahihirapan ang babae dahil sa natamo niyang pilay sa paa mula sa pagkaka bugbog sa kanya ng lalaki ay pinilit niyang tumayo at huwag indahin ang sakit na kaniyang nararamdaman. Hindi lang kasi ang paa niya ang masakit kundi ang buong katawan niya.
“Dalawa. Tatlo. Apat.” Sunod-sunod na pag bibilang nu'ng lalaki kaya lalo siyang nagmadali na tumakbo.
“Lima. Anim.”
Rinig niya pa rin ang bilang nito at mabilis siyang napatakip ng tenga at medyo napayuko pa siya nang magpa-putok ito nang baril sa langit.
Hindi rin naman 'yon nagtagal sapagka't muli niyang ipinagpatuloy ang pagtakbo. Wala na siyang oras para tumigil pa at magpadala sa takot na kaniyang nararamdaman.
Mas binilisan niya ang ginagawa niya at kahit nasasaktan ang paa niya ay pinagsawalang bahala niya 'yun dahil ang mahalaga lang para sa kaniya ay ang makaalis na siya sa impyernong lugar na 'yon.
“Hindi ito ang magiging katapusan ko. Hindi ako dito mamamatay.” Matapang na sabi niya sa sarili niya.
Kailangan niya kasi 'yun para magkaroon siya nang lakas ng loob na makatakas kasi kung hindi niya gagawin 'yun ay baka bumigay na siya.
“Yu hoo. Asan ka na.” Rinig niyang boses nu'ng lalaki sa may bandang likuran niya kaya mabilis siyang napayuko sa mataas na damo na nakita niya.
Kung ano ang pinag papasalamat niya ngayon--- 'yun ay ang madilim ang paligid na tila ay uulan pa.
Dahil tiyak na madali lang siyang makikita nu'ng lalaki kung sakaling maliwanag.
BANG!
Mabilis na naman siyang napatakip ng tenga sa putok ng baril na 'yun. Alam niyang malapit lang sa kaniya ang lalaki sapagkat malakas ang tunog na ginawa no'n.
“Asan ka na? Magtago ka lang nang mabuti,” sabi pa nu'ng lalaki at tila parang nahigit ng dalaga ang kaniyang hininga nang makita niya ang lalaki sa may harapan niya.
Pero dahil nga madilim at nakatago siya sa matataas na damo kaya hindi siya nakita nito.
Awtomatiko rin na tinakpan niya ang bibig niya para hindi siya makagawa ng kahit na anong ingay. Tanging ang pagkabog lang ng dibdib niya ang naririnig niya ng mga oras na 'yon.
Inabot nang halos dalawampung minuto ang pagtatago niya sa mga damo na 'yun hanggang sa nagsimula nang pumatak ang ulan mula sa kalangitan.
Dahil do'n kaya nakakuha siya nang magandang tiyempo para lumabas--- sinigurado niya muna na nakalayo na 'yung lalaki bago siya tumayo sa pinag tataguan niya.
Mabilis siyang tumakbo sa magkasalungat na direksyon na pinuntahan nu'ng lalaki.
Maingat at tahimik ang ginawa niyang pagtakas hanggang sa makita niya na 'yung kalsada sa may hindi kalayuan. Inipon niya ang lahat nang lakas niya para makatakbo papunta sa kalsada na 'yon hanggang sa isang malakas na putok na naman ang narinig niya kaya mabilis siyang yumuko.
“HOY!” Napalingon siya nang marinig niya 'yun at nakita niya 'yung lalaki na nakatingin sa kanya at agad na itinutok 'yung baril sa direksyon niya at muling nagpaputok ng baril.
BANG!
Napayuko na naman siya at laking pasasalamat niya na hindi siya tinamaan nu'n saka mas binilisan niya na ang paglalakad upang makababa papunta sa kalsada na nakita niya.
Takbo lang siya nang takbo pero pinag iingatan niya na madulas siya dahil sa putik gawa ng ulan. Alam niya kasi na kapag nadulas siya ay tiyak na maabutan siya ng lalaking tinatakbuhan niya at 'yun na ang magiging katapusan niya.
Napalingon pa siya sa likod niya para tingnan kung nakasunod pa rin ba sa kanya 'yung lalaki pero doon niya napansin na nawala na ulit 'yung lalaking humahabol sa kanya kaya naman kinuha niya ang pagkakataon na 'yun para mas tumakbo pa siya nang mabilis hanggang sa makababa na siya do'n sa kalsada.
Hindi niya alam na 'yung lalaking humahabol pala sa kanya ay nadulas dahil sa putik at tumama ang ulo nito sa bato dahilan kung bakit ito nawalan ng malay.
Malaya siyang nakatakbo sa madilim at sa kahabaan ng kalsada na tinatahak niya. Kahit sobrang nanghihina na siya at kahit lalong sumasakit ang paa niya dahil sa nababasa ito ng ulan ay hindi niya 'yun ininda.
Ilang minuto pa siya na naglalakad sa kalsada na 'yon hanggang sa may nakita siyang sasakyan na paparating.
Parang gusto nang bumigay ng katawan niya pero pilit siyang humarang sa gitna ng kalsada para pigilan ang sasakyan na 'yun.
TAHIMIK lang na nagmamaneho ng kotse niya si Mohr nang mga oras na 'yon at agad siyang napapreno dahil sa babaeng biglang humarang sa dadaanan niya.
Kung hindi lang bagong bili ang sasakyan na gamit niya ay siguradong mas pipiliin niyang banggain ang babaeng 'yun dahil nagmamadali siya pero napilitan siyang huminto.
Sunod-sunod niya 'yung binusinahan pero napansin niya na diretso lang na nakatingin sa kanya 'yung babae.
Hindi niya alam kung anong klaseng tingin ang binabato nito sa kanya pero basta ang alam niya ay hindi niya 'yun nagugustuhan.
Napakunot din ang noo niya nang mapansin na sobrang dumi ng babae at puro pasa rin ang mukha niya.
Idagdag pa ang basag na bibig nito na may dugo pa.
Nabigla siya nang mabilis na lumapit 'yung babae sa may bintana ng kotse niya sa may parte ng passenger seat.
"Tu-- tulungan mo-- mo 'ko," sabi nung babae sa kanya.
"May-- may gustong pumatay sa sa--akin. "Pagmamakaawa pa na dagdag saad nu'ng babae.
Hindi naman maiwasan ni Mohr na mapakunot ng noo dahil sa kaniyang narinig bago siya nagsalita.
"Galing ka ba sa loob ng gubat na 'yun? "Tanong niya sa babae at tinuro niya 'yung gubat kung saan doon nga siya lumabas.
"O-- oo." Sagot nu'ng babae.
Palihim na napangisi si Mohr sa isinagot nito.
"Sakay!"sabi niya dito.
Mabilis naman na sumakay ang babae sa sasakyan ni Mohr.
Agad na iniikot ni Mohr ang kotse niya pabalik at mabilis itong pinatakbo.
Hindi alam ng babae na ang taong gustong pumatay sa kanya ay kaibigan ng taong hiningan niya nang tulong.
Ano nga ba ang mangyayari sa kanya?
Nakaligtas nga ba siya sa taong gustong pumatay sa kanya o mas magiging malala ang buhay niya sa piling ng lalaking kasama niya sa loob ng sasakyan?
.
.