Melanie's POV
"Bes, ready ka na ba?"
Napangiti ako sa kaibigan kong si Agatha ng tanungin niya ako. Sabay kaming pumasok sa loob ng simbahan habang busy ang mga tao na pinagmamasdan ang dalawang magka-pareha na ikinakasal sa harapan ng pari.
Hinimas ko ang aking tiyan at tumayo ako sa gitna ng aisle. Ang kaibigan ko naman ay naupo sa mahabang upuan ng simbahan malapit lang sa kinatatayuan ko. Tumingin akong muli sa kaibigan ko at kinindatan ko siya. Binuksan niya ang telepono niya at nagsimulang pindutin ang record kaya humarap ako sa mga taong ikinakasal at sumigaw ako ng malakas.
"Itigil ang kasal! Buntis ako at ikaw ang ama ng dinadala ko!" malakas kong sigaw.
Ang lahat ay natahimik at napatingin sa akin. Kumabog ang dibdib ko ng makita ko ang ilang kalalakihan na may mga dalang baril na biglang pinalibutan ang dalawang ikinakasal. Nakaipit lamang ang mga baril nila sa kanilang baywang na natatakpan ng suot nilang coat. Napatingin ako sa kaibigan ko. Pinatay niya agad ang telepono niya at mabilis na inilagay sa bulsa niya. Napalingon akong muli sa dalawang ikinakasal ng malakas na sumigaw ang bride.
"Magsama kayong dalawa, mga sinungaling!" sigaw ng babaeng ikinakasal at isang malakas na sampal ang dumapo sa mukha ng groom. Napatakip ako ng kamay sa aking bibig at bahagyang napabungisngis, sabay tingin ko kay Agatha na natatawa na din.
Nagtatakbo ang bride palabas ng simbahan pero tumigil siya sa harapan ko. Isang malutong na sampal ang pinadapo niya sa mukha ko na halos ikatabingi na ito ng ilong ko.
"Ouch! Masakit 'yon ha!" ani ko at tinignan ko ng masama ang bride.
"I hate you!" malakas niyang sigaw sa akin.
"I hate you too, teh! Akala mo ikaw lang ang marunong mag-english ha!" sagot ko naman sa kanya. Sa sobrang galit niya ay sasampalin sana niya akong muli, pero tumakbo siya ng marinig niya ang pagtawag sa kanya ng groom nya.
Napansin ko ang isa pang lalaki na pinapalibutan ng maraming kalalakihan. Hindi ko na lamang ito pinansin dahil hindi ko naman nakikita ang mukha niya. Napalingon ako sa malaking pintuan ng simbahan at nagkakagulo na nga ang lahat. Naririnig ko ang pangungutya sa akin ng mga tao sa paligid at pang-iinsulto nila pero tinaasan ko lang sila ng kilay.
"Bes, mukhang mga bilyonaryo pa yata ang napag tripan natin ngayon. Mukhang mapapahamak yata tayo dito," ani ng kaibigan ko. Napatingin ako sa mga tao sa paligid. Duon ko lang din napagtanto na mukhang hindi ordinaryong tao ang mga ikinakasal base na rin sa pagkakagayak ng simbahan.
Napatingin din ako sa mga bisita at maging sila ay naghuhumiyaw ang karangyaan sa bawat kasuotan nila. Kinabahan akong bigla at napatingin akong muli sa kaibigan ko.
"Dating gawi bes, tumakas muna tayo at duon muna tayo sa probinsya ninyo, kila lolo muna tayo," ani ko sa kaibigan ko.
Tumingin akong muli sa paligid at nagulat ako sa isang lalaking nakatayo hindi kalayuan sa akin. Nakaramdam ako ng matinding galit lalo na ng mag-tama ang aming paningin at sa pamamagitan ng aking mga titig ay ipinaramdam ko sa kanya ang matinding galit na nararamdaman ko sa kanya. Sa mga katulad niyang Dux.
"Bes, mamaya na ang landi, tara na at mukhang delikado tayo dito."
Para akong natauhan at binawi ko ang aking mga tingin sa kanya at muli akong tumingin sa paligid.
"Bes, ayun bukas ang pinto sa gilid. Duon tayo dumaan at walang makakapansin sa atin duon," wika ng kaibigan ko kaya nagmamadali na naming tinungo ang pinto. Mabilis kong inalis ang bunbon na lumang damit na inilagay ko sa aking tiyan upang magmukha akong buntis. Ibinalibag ko ito sa kung saan at mabilis na kaming lumabas ng simbahan.
"Bes, wait lang at may titignan ako." ani ko sa kaibigan ko.
"Don't tell me na tinamaan ka sa lalaking 'yon? Anyway, gwapo naman at magkamukha pa kayong dalawa," wika niya at bigla siyang natigilan.
Hinila niya ako paharap sa kanya at tinitigan ako sa aking mukha. Ngumiti ako sa kanya ng pilit pero walang reaksyon ang kaniyang mukha.
"Si Marcus ang lalaking 'yon?" tanong niya sabay silip sa loob ng simbahan. Tumango lamang ako sa kanya at nakisilip na rin ako sa loob ng simbahan. Kausap niya ang groom pero hindi ko nakikita ang mukha nito dahil nakatalikod ang groom. Naririnig ko ang pagsigaw nito at ang pagbabanta kaya nakaramdam ako ng pagkabahala. Kung totoong mga bilyonaryo nga ito katulad ni Marcus ay delikado nga ang buhay ko ngayon.
"Tara na bes, mukhang nagkamali tayo ng napag-tripan ngayon," ani ko sabay takbo ng mabilis at sumakay na kami ng jeep.
"Duon muna tayo kila lolo at ilang araw na nila tayong pinapauwi. At least duon walang makakahanap sa atin dahil hawak ni lolo ang lugar na 'yon," ani ni Agatha.
Ganito palagi ang ginagawa naming magkaibigan. Simpleng pandurukot at panggugulo sa mga ikinakasal ang ginagawa namin.
Namimili naman kami ng dudukutan. Hindi kami lumalapit sa taong alam naming maaari kaming mapahamak. Sapat na sa amin ang limang daang piso hanggang isang libo sa isang araw. Umuupa kami ng isang maliit na silid na kasya lang kaming dalawa. Madalas kaming mag-suot ng wig. Magaling kasi kaming mag-kaibigan. Katulad kanina, nagpanggap akong buntis at naka-wig ako. Ganuon din si Agatha, kulot naman siya kanina at may salamin sa mata. Pero ang hindi mawala sa isipan ko ay si Marcus. Ano ang ginagawa ni Marcus sa simbahan? Kakilala ba niya ang lalaking ikinakasal kanina? Hindi ko nakita ang mukha ng groom pero ang bride nakita ko. Napakaganda niya kaya siguradong gwapo ang lalake. Sayang lang at hindi ko nakita kanina ang mukha niya.
"Bakit kaya nanduruon si Marcus? Sa tingin mo bes magkakilala sila o baka magkaibigan ng lalaking ikakasal," ani ni Agatha.
"Kilala ko ang mga kaibigan ni Marcus at wala duon ang lalaking 'yon," ani ko.
"Bakit nakita mo ba ang mukha ng groom? Kasi ako hindi ko nakita ang mukha niya, tanging likod lang niya ang nakita ko. Nagkagulo kasi kanina nuong sinabi mo na itigil ang kasal pagkatapos bigla siyang pinalibutan ng mga kalalakihan na akala mo ba may babaril sa groom," wika ng kaibigan ko sabay tawa ng mahina.
"Kailangan nating magtago bes, siguradong hindi sila titigil hangga't hindi nila tayo nahahanap. Naaalala mo ba ang nangyari dati sa Baguio? Anak pala ng Governor 'yung ikinakasal tapos hinabol tayo. Kaloka 'yung nangyari nuon kaya nga hindi na tayo bumalik pa ng Baguio," humahagikgik kong ani.
"Nakakahiya naman ang dalawang ito," bulungan ng dalawang babae na kasabay namin sa jeep.
"Inggit ka teh? Gusto mo ihulog kita dito sa jeep para malaman mo kung sino ang mas nakakahiya sa ating dalawa ha?" gigil na gigil na ani ng aking kaibigan kaya napahagikgik akong muli.
Hindi naman kumibo ang dalawa sa pagtataray ng kaibigan ko hanggang sa makarating kami sa Tondo. Mabilis kaming bumaba at tinungo ang maliit na eskinita papasok sa lugar na tinutuluyan namin.
Mabilis naming nailagay sa maliit na bag ang gamit namin at pagkatapos ay umalis na rin kami agad. Hindi na kami mag-aaksaya pa ng oras. Kailangan na naming tumungo ng istasyon ng bus. Kailangan na naming umuwi muna ng Davao upang hindi kami mahanap ng mga taong ginulo namin sa kasal.