Chapter Nineteen: Fallen Ones NAGISING si Noelle nang makarinig siya ng kaladabog sa kusina. Nang binuksan niya ang pintuan ay natanaw niya si Ian na mukhang kagagaling lamang sa palengke at inaayos ang mga pinamili. “Malapit ko nang isiping, house wife ka, Ian,” napasimangot naman si Noelle at saka tuluyang lumabas ng silid. “Wala ka pa lang pasok kapag weekends?” napabaling ang tingin ni Noelle sa kalendaryo. “Oo, magluluto na ako para wala nang gagawin mamaya,” saad naman ni Ian na parang nagmamadali, ni hindi niya tinignan si Noelle. Nagulantang naman silang dalawa nang tumunog ang doorbell. Dahil napansin ni Noelle na may ginagawa si Ian ay siya na ang nagbukas ng pintuan.