"KIRSTEN." Nakuha ko ang atensiyon ng mga magulang nang mapansin nila ang pagdating ko sa salas ng aming bahay. Pakiramdam ko ay napakatagal na rin nang huli akong nakapunta rito. Ang nakahandang ngiti ng mga magulang ko para sa akin ay naudlot nang bumaba ang tingin nila sa hawak ko. Kumunot ang noo nila at bumakas ang pagtataka sa kanilang mukha nang makita ang mga dala-dala kong maleta at bag. "Ano 'yang mga dala mo?" naguguluhang tanong ng ama ko. Napalabi ako at nag-iwas ng tingin sa kanila. "Mga gamit ko po..." Nang marinig ang sinabi kong 'yon ay namayani ang katahimikan sa pagitan namin. Ilang segundo rin ang lumipas bago sila nakabawi. "Bakit mo dala ang mga gamit mo?" tanong na ng ina ko. Kinagat ko ang pang-ibabang labi at mas iniyuko ang ulo. Hindi ko alam kung paano sas