SAPO-SAPO ko ang ulo nang magising ang diwa. Hindi ko agad nagawang makagalaw sa kinahihigaan nang maramdaman ang matinding sakit ng ulo ko. Para bang binibiyak ito sa dalawa.
Ilang saglit din akong nanatili sa ganoong posisyon bago naimulat ang mga mata. Sumalubong sa akin ang kulay puting kisame.
Malalim akong bumuntong hininga bago nagawang bumangon mula sa pagkakahiga, ngunit agad din akong natigilan nang subukan kong umupo sa kama ay may sumidhing sakit sa pagitan ng mga hita ko.
“What—” Hindi ko na naituloy ang sinasabi nang matantong wala akong damit. Malinaw kong nakikita ang hubad na katawan. Mabilis kong hinatak ang puting kumot para itago ang sarili sa ilalim nito.
Hindi ko agad nagawang makagalaw sa kinauupuan dala ng sobrang pagkagulo. Sinusubukan kong alalahanin ang nangyari kagabi para malaman kung bakit ako humantong sa ganito.
Nasa birthday party ako ng isang kaibigan. Nagkasiyahan kami at masyadong nalunod sa alak. Matapos noon ay…
Natigil ang pag-iisip ko nang may maramdamang gumalaw sa ibabaw ng kama. Namilog ang mga mata ko nang matantong hindi ako nag-iisa sa kama.
Dahan-dahan ang naging pagbaling ko sa aking gilid para tingnan ang taong katabi. Parang tinakasan ako ng ulirat nang makakita roon ng isang lalaki na walang damit pang-itaas. Natatakpan naman ng puting kumot ang kalahati ng katawan niya.
There’s… there’s a beast in my bed!
Hindi ko na napigilan ang pagsigaw sa pinaghalong gulat at takot. Naging dahilan ito para magmulat ng mga mata ang lalaking nakahiga sa tabi ko.
“Ma, ang aga-aga, sumi—” Natigilan siya sa sinasabi nang magkatagpo ang mga mata namin. Nagkaroon ng kunot ang noo niya at pinasadahan ako ng tingin dahilan para humigpit ang hawak ko sa kumot na nakatakip sa katawan ko.
Wala pa rin siyang imik nang maupo siya sa ibabaw ng kama. Hindi maalis ang tingin niya sa akin na napupuno ng pagtataka.
“You…” nanginginig kong usal nang maging pamilyar na sa akin ang lalaking kaharap. No doubt. It’s him! He’s the man with the blue eyes that I met last night at my friend’s party.
Bumale ang leeg niya at pinakatitigan ako, tila inaalala ang mukha ko. Ilang saglit pa ay umawang ang bibig niya. Mukhang sa wakas ay naalala na ako.
“You’re Eyah’s friend, right?” naninigurado niyang tanong, mahahaluan din ng gulat.
Wala sa sarili akong tumango, gulo at bigla pa rin sa nangyayari.
“Why… why are we here? And what…” Mariin akong napalunok at bumaba ang tingin sa sarili namin. Parang pinagbagsakan ako ng langit at lupa nang matantong tila pareho kaming walang kahit na anong suot na saplot sa ilalim ng puting kumot na ito. “What… what happened between us?”
Hindi siya kaagad nakasagot sa tanong ko. Gaya ko, bakas din ang matinding gulat at pagkagulo sa kanya. Pareho kaming walang ideya sa nangyari.
Nang walang umimik sa pagitan namin ay bigla akong nakaramdam ng hiya at ilang. Umiwas ako ng tingin sa kanya dahilan para mabaling ito sa paligid ng kwartong kinalalagyanan. Parang malalaglag ang panga ko sa gulat nang makita ang mga damit na nagkalat sa sahig. Agad kong nakilala ang iba sa mga ‘yon na damit ko.
Muli akong tumingin sa lalaking nasa tabi ko. Nangunot ang noo ko nang mapansing tila may pinagmamasdan siya sa bandang gitna ng kama. Dala ng kuryusidad ay tiningnan ko rin ‘yon. Halos lumuwa ang mga mata ko nang makakita ng kulay pulang mantsa sa puting kobre-kama.
Saglit na natigil sa pagtakbo ang utak ko nang may ideya ang pumasok sa isipan ko. Tila ngayon pa lang rumerehistro sa akin ang mga pangyayari.
“I think something happened between us,” sabi ng lalaki na nasa tabi ko na para bang nabasa nito ang nasa isipan ko. Napahagod pa siya sa sariling buhok na animo’y namomoblema.
Mabilis kong naitakip ang palad sa bibig. Umapaw agad sa mga mata ko ang luha.
“No… it can’t be.” Parang naiiyak akong bumaling sa lalaking katabi. Gusto kong paniwalain ang sarili na mali ang iniisip namin. Imposibleng isuko ko ang sarili sa isang lalaki na kagabi ko lang nakilala sa isang party, pero ang nasasaksihan ko sa aking harapan ang nagpapatunay na totoo ang lahat ng ito. It wasn’t a dream!
“Hey, calm down. Don’t cry—”
“Don’t go near me!” pigil ko sa kanya nang akmang lalapit siya sa akin. Mukhang wala naman siyang balak na masama sa akin ngunit hindi ko na mapigilan ang emosyon na unti-unti nang kumokontrol sa akin.
Nasabunutan ko ang sarili at tuluyan nang naiyak. Hindi ko matanggap ang nangyari.
Mukhang dala ng kalasingan sa naganap na birthday party kagabi ng isang kaibigan ay nawala ako sa sarili. Kaya ngayon ay humantong ako sa ganitong sitwasyon. Aksidente kong naibigay ang puri sa lalaking hindi ko naman lubos na kilala o mahal.
Napuno agad ng problema ang isipan ko nang maisip ang magiging kahihitnan ng pagkakamali ko. Unang naisip ko ay ang magiging reaksiyon ng fiancé ko kapag nalaman niya ang nangyaring ito. Sunod ay ang sasabihin ng mga magulang ko sa akin. Panigurado ay magagalit sila. Sinira ko ang pangako ko sa kanila na mananatiling birhen hanggang sa maikasal na ako sa lalaking mahal ko.
Pinilit ko ang sariling tumigil sa pag-iyak at ikinalma ang sarili. Nang magawa, muli ko nang binalingan ng tingin ang lalaking nasa tabi ko. Hanggang ngayon ay bakas pa rin sa kanya ang gulat at pagkagulo sa nangyari, ngunit nang makasalubong niya ang mga mata ko ay bigla na lang napuno ng pag-aalala ang mukha niya.
“Hey, Miss. I won’t hurt you. Gaya mo, naguguluhan din ako sa nangyari. Ang huli kong naaalala ay nasa birthday party ako ni Eyah,” paliwanag niya. Sa halip na kumalma ay wala itong naging epekto sa akin.
“Let’s… let’s not talk about this,” nauutal kong sabi. Ayaw ko nang pag-usapan kung ano man ang nangyari sa pagitan namin. It was just a mistake!
“Isipin mo na lang na one-night stand ang nangyari sa atin…” Tumango-tango pa ako. “Tama, one-night stand lang. Pareho lang tayo nasa impluwensiya ng alak kaya nangyari ito. Pero ngayong nasa matinong pag-iisip na tayo, kalimutan na lang natin ang lahat.”
Nawalan siya ng imik sa sinabi ko. Nananatili lang nakatuon ang kulay asul niyang mga mata sa akin. Ngayon ay hindi ko na masyadong mabasa ang emosyong nakikita ko roon.
“Are you sure about that?” tanong niya matapos akong pagmasdan.
Walang pagdadalawang-isip akong tumango.
“Yes.”
Iniwas ko na ang tingin sa kanya at ipinulupot ang kumot sa katawan ko. Todo pa ang iwas ko na aksidenteng mapatingin sa gawi niya dahil hindi naman ako tanga para hindi malaman na wala siyang suot na kahit ano. At ngayong kinuha ko ang kumot na tanging tumatakip sa mga katawan namin, siguradong may makikita akong iba roon.
Kahit na ramdam ko pa rin ang sakit sa pagitan ng mga hita ay pinilit ko na ang sariling umalis sa ibabaw ng kama. Nagmamadali kong dinampot ang mga nagkalat na damit sa sahig at tinungo na ang banyo.