Umaga na nang makarating kami sa isang panibagong bayan. Ayon kay Ely ay kailangan daw muna namin itong pagdaanan bago kami magpatuloy sa aming paglalakbay. Ito na raw ang huling oras na kung saan may makikita kaming mga tao. Ito na rin ang huling oras na may makikita kaming bahay, dahil sa oras na magpatuloy na naman kami sa aming paglalakbay ay hindi na namin alam kung ano ang mangyayari sa amin kinabukasan.
Isang malalim na buntong hininga ang aking pinakawalan bago inilibot ang aking paningin sa paligid. Sobrang daming tao rito at sobrang abala ng mga ito. Hindi ko alam kung ano man ang pinagkakaabalahan nila pero parang aligaga ang lahat. Karamihan sa mga ito ay patuloy lamang sa pag bili ng ilang mga pagkain at halos itapon na nga lang nila ang pera. Kung pagbabasehan ko ang ekspresyon sa kanilang mga mukha ay masasabi kong nagmamadali ang mga ito. Gusto ko sanang tanungin si Ely ngunit kitang-kita ko rin ang labis na pagtataka sa kaniyang mukha habang nakatingin sa lahat. Ano kaya ang nasa isip nitong babaeng 'to.
Patuloy lamang kami sa paglalakad habang hindi pinapansin ang mga tao sa paligid. Gusto ko man subukan na magtanong sa mga taong nakakasalamuha ko pero iniiwasan kami nito. Parang wala yatang oras ang mga tao na makipag-usap sa iba pwera na lang kung bibili. Napatingin ako sa isang bahagi ng bayan na ito nang makita ang isang batang lalaki na naka-upo sa isang tabi. Bakas sa mukha nito ang takot habang nakatingin sa mga taong mabilis na naglalakad sa harap niya. Hindi ko naman mapigilan na makaramdam ng awa dahil sa tingin ko ay nawawala ito. Sinusukan niyang abutin ang mga kamay ng mga taong dumaraan pero lagi lamang siyang tinutulak sa tabi. Tila ba wala silang pakealam kung ano man ang mangyari sa kaniya. Isang masamang tingin ang aking na ibigay sa taong tinulak ito na naging dahilan ng kaniyang pagtumba.
"Aba,"bulong ko. Napakuyom ang aking kamao dahil sa ginawa niya. Matagal ko ng gustong magkaroon ng kapatid, ngunit dahil sa hindi na pwedeng manganak sila Mommy ay wala akong magagawa. Tapos, ngayon na may nakita akong bata at ganito lamang ang ginagawa nila sa kaniya, parang gusto ko kamo silang upakan at tadyakan. Ayaw na ayaw kong kinakawawa 'yong mga taong mahihina at walang lakas. Bata pa naman ito at kailangan ng tulong, tapos ganoon ang gagawin nila.
Maglalakad na sana ko papalapit sa bata nang biglang hawakan ng isang tao ang kamay ko. Nang tignan ko ito ay nakatitig ang isang matandang lalaki sa akin. Mahahaba ang balbas nito at may sumbrero sa kaniyang ulo. Unti-unting umiling ang matanda atsaka lumingon sa paligid.
"Sundan niyo ako kung gusto niyong magtagal sa bayan,"bulong niya at binitawan ang aking kamay. Labis ang aking pagtataka habang nakatingin sa nakatalikod na na matanda. Gusto kong malaman kung ano ang ibig niyang sabihin kung kaya ay napatingin ako sa dalawang tao na nasa aking tabi. Gusto kong malaman kung nakita ba nila iyong ginawa ng matanda sa akin.
Ngunit, agad din naman akong nagulat nang bigla na lang dumaan si Ely sa aking tabi at sinundan ang matanda. Wala na rin akong magawa kung hindi ay sinundan ang kaibigan namin. Tahimik lamang namin tinatahak ang daan palayo sa mga taong sobrang gulo. Patungo kami sa isang sira-sirang bahay na hindi ko alam kung may nakatira ba rito o wala.
"Ano kaya ang ibig sabihin ng matanda sa sinabi niya sa iyo?" Tanong ni Alessia, "Na-iintriga rin akong malaman kung bakit ka na lang niya biglang pinigilan. Gusto ko rin sana tulungan ang batang iyon kanina, pero may nagsasabi sa akin na huwag ko raw gawin."
Napakunot naman ang aking mga noo sa sinabi ni Alessia. Kahit kailan ay hindi naging ganito ang aking kaibigan. Lagi itong tumutulong sa kapwa kung kailangan, isa pa, hindi rin pumalpak itong gut feeling niya. Sa oras na sinasabi nito na huwag niyang gawin ang isang bagay ay talagang hindi niya ito gagawin, dahil alam niyang may masamang mangyayari talaga kapag ganoon.
"Hindi rin ako sigurado,"tugon ko habang nakatingin pa rin ng deritso, "Pero sigurado ako na may mali sa bayan na ito. Hindi ko nga lang alam kung ano, hindi ko rin matukoy kung ano pero malalaman din natin 'yan kung hindi scam ang matanda."
"Sa tingin ko naman ay mapagkakatiwalaan siya,"tugon ni Alessia, "Isa pa, kung may masama siyang intensiyon siya sa atin. Nandiyaan naman si Ely para kumalaban. Alam mo naman na isa sa mga pinakamalakas iyang si Ely."
"Sabagay,"tugon ko. Tumahimik na kaming dalawa ni Alessia at sumunod na sa kanila. Pumasok naman itong matanda sa loob ng lumang bahay na ito. Sirang-sira na parang hindi mo talaga maisip na may taong naninirahan dito. Hindi ko naman mapigilan hindi husgahan itong lugar. Para sa matandang katulad niya, alam kong hindi ligtas para sa kaniya ang tumira rito. Ang bahay na ito ay parang isang bahay na inabandona na, matagal na.
Gusto ko sanang tanungin si Ely kung tama ba itong ginagawa namin pero na una na kasi ito. Kung kaya ay nanahimik na lamang ako at sumunod sa kanila.
May ilang parte sa bahay na ito ay wala ng bubong. Hindi ko lubos maisip kung ano ang magiging sitwasyon ng matanda kapag umulan ng malakas. Panigurado ay basang-basa na ang mga gamit nito at ganoon din siya. Hindi ko tuloy maisip kung ganoo kalamig ang mga panahong iyon.
"Malapit na tayo,"biglang sabi ng matanda atsaka inilabas ang isang susi mula sa kaniyang bulsa.
Sa harap namin ay isang lumang pinto na sa tingin ko ay kinakalawang na. Ipinasok ng matanda ang susi sa key hole atsaka unti-unting pinihit. Narinig naman naming lahat ang pagtunog nito na nagpapahiwatig na na buksan na niya ang silid. Muling kinuha ng matanda ang susi at isinilid sa kaniyang bulsa. Binuksan ng matanda ang pinto at na una nang pumasok.
"Tama ba itong ginagawa natin?" Tanong ko kay Ely. Lumingon lamang ito ng kaunti sa amin atsaka ngumiti.
"Huwag kang mag-alala. Ligtas tayo sa lugar na ito, sa ngayon ay alamin na muna natin ang rason kung bakit naging ganito ang bayan,"paliwanag niya, "Sapagkat, isa lamang ang sigurado ako ngayon. Hindi ganito ang bayan noong huling beses na pumunta ako rito. Alam kong may masamang nangyayari rito na hindi ko alam kung ano."
Natahimik naman ako dahil sa sinabi nito. Hindi ko kasi alam kung ano ang isasagot ko sa kaniya. Wala akong alam sa mundong ito at kung anong klaseng bayan ba ito noon.
"Pagkatiwalaan niyo na lang muna ako sa ngayon. Huwag kayong mag-alala. Hindi ako gagawa ng kilos na alam kong ikapapahamak ninyo,"paliwanag nito at naglakad na patungo sa loob.
Hindi na lang ako sumagot at tumango na lamang. Na una nang maglakad si Ely at sumunod na rin ako. Sinigurado kong na una ako kaysa kay Alessia dahil gusto kong siguraduhin ang kaligtasan niya. Gusto kong malaman kung ayos lang ba na pumasok ito o hindi, kapag may mangyari man sa akin ay maari ko itong itulak palayo at maligtas siya.
Ilang sandali pa ay tuluyan na kaming nakapasok sa silid. Halos malaglag naman ang aking panga dahil sa ganda ng buong lugar. Sobrang laki nito na aakalain mo ay isang palasyo. May mga mwebles din ito na sobrang kinang at sobrang ganda. Kung pagbabasehan ko ito ay isa lang talaga ang masasabi ko, isa itong mamahaling bagay. Kung ibebenta ko siguro ito sa mundo namin ay hindi ko na alam kung magkano ang halaga nito.
Hindi ako makapaniwala sa ganda ng buong lugar. Kung sa labas ng bahay ay sobrang gulo, luma at sobrang sira na. Dito naman sa loob ay sobrang ganda ng buong lugar. Sa sobrang ganda ay aakalain ko talaga na nasa loob ako ng isang palasyo na ngayon ko lang na puntahan.
Inilibot ko ang aking paningin sa paligid at hindi mapigilang mamangha. Sobrang ganda ng buong lugar.
"Maari kayong umupo rito,"biglang sabi ng matanda at itinuro ang mga sofa na nasa gitna ng silid. Tila ba ay sinadya talaga ang mga ito roon upang doon dalhin ang lahat ng bisita.
Gulat man ay sumunod na lang ako at umupo sa tabi ni Alessia. Samantalang si Ely naman ay sa kabilang banko na pang-isahan lamang. Nakatingin lamang ako sa matanda habang hinihintay itong maka-upo ng maayos sa kaniyang upuan.
Hindi ko masiyadong makita ang mukha nito sapagkat sobrang dami ng kaniyang balbas.
"Alam kong mga baguhan pa lamang kayo sa bayan na ito,"pagsisimula ng matanda.
"Sila lamang,"tugon naman ni Ely, "Nakapunta na ako sa bayan na ito ng ilang beses na. Hindi ko lang maintindihan kung ano na ang nangyayari sa buong bayan. Noong huling punta ko rito ay sobrang tahimik at matiwasay pa ng buong bayan. May nangyari ba sa mga panahon na hindi ako naka-bisita rito?"
Kitang-kita ko ang pagbaling ng atensiyon ng matanda kay Ely. Para bang sinusuri niya ito ng mabuti kung nakikilala ba niya si Ely. Ngunit agad din bumuntong hininga nang parang hindi niya talaga ito mamukhaan.