Nagising ako dahil sa mahihinang takot mula sa aming pintuan. Unti-unti kong iminulat ang aking mga at medyo napadaing dahil sa sakit na nanggagaling dito. Hindi ko mapigilan ang mapahawak sa aking noo nang mas lalo itong sumakit. Huminga ako nang malalim bago ako umupo sa kama. Patuloy pa rin sa pagkatok ang tao na nasa likod ng pinto kung kaya ay mabilis akong napatingin sa kaibigan kong sobrang himbing ang pagtulog. Bahagya itong gumalaw ngunit hindi naman na gising.
Nakahinga ako nang maluwag dahil doon.
Mabuti naman at hindi niya narinig ang mga katok. Baka kapag masama pa ang gising nito ay ako ang papagalitan niya. Minsan pa naman ay hindi ko kayang kontrolin ang galit nito.
Ibinaba ko na ang aking mga paa sabay suot sa tsinelas. Nag-unat muna ako saglit bago napag-isipan na puntahan ang sino mang tao na gumising sa mahimbing kong tulog. Ayan tuloy, sumakit itong ulo ko.
Ano na bang oras ngayon? Hassle talaga kapag walang orasan eh. Hindi mo alam kung anong oras na. Ginawa ko ang lahat upang hindi makagawa ng ingay itong paglakad ko. Ayaw ko naman na maging dahilan kung bakit nagising ito sa kaniyang mahimbing na pagtulog. Baka maging kagaya pa ito sa akin na sasakit ang ulo.
Nang tuluyan na akong makalapit ay napa-hikab ako saglit bago hinawakan ang siradura ng pinto at unti-unti itong pinihit. Nang marinig ko ang mahinang pagtunog nito ay tsaka ko ito hinila papasok at tinignan ang taong nasa labas. Bumungad naman sa akin ang mukha ni Ely na nakangiti, nakasuot na ito ng bagong damit at parang nakaligo na rin. Ang aga naman yata niyang na gising? Hindi ba at ang usapan namin ay bandang alas dyes ng umaga?
"Magandang umaga, Val,"bati nito sabay ngiti, "Mukhang kakagising mo lang ah? Bibigyan ko pa ba kayo ng isang oras para maligo at maghanda?"
Labis naman ang aking pagtataka dahil sa mga tanong niya. Ano ang ibig nitong sabihin na bibigyan niya kami ng oras para maghanda? Hindi ba at napakaaga pa naman?
"Magandang umaga, Ely,"bati ko rito pabalik, "Ang aga mo naman yata ngayon? Hindi ba at mamaya pa ang usapan natin?"
Hindi ko talaga alam kung anong gusto nitong iparating. Masiyado itong sabik sa gagawin naming pagpunta sa Adventurer Guild. Alam ko naman na gusto niya lang kaming tulungan pero nais din namin magpahinga, antok na antok pa nga pa rin ako. Sumasakit din ang ulo ko at para bang may kung anong pumukpok dito.
"Anong ibig mong sabihin?" Tanong nito, "Hindi ba at ngayon naman 'yon? Sabi niyo ay alas dyes tayo magkikita-kita sa baba pero umabot na lang ang alas onse ay wala pa rin kayo roon. Kung kaya ay na isipan ko na pumunta rito at tignan kung handa na ba kayo."
Alas onse? Nagbibiro ba siya? Sobrang aga pa kaya. Hindi pa nga sumisikat ang araw, tapos sasabihin niya na late na? Iba talaga epekto ng lugar na ito, dahil sa kakulangan nila ng orasan ay hindi na nila alam kung anong oras na ba. Napapailing na lang tuloy ako.
Isang mahinang tawa lamang ang ibinigay ko rito atsaka lumapit sa kaniya. Hinawakan ko ang kaniyang balikat atsaka ito tinapik.
Hindi ko alam kung ano ang problema niya pero kahit ganoon ay hindi naman siguro tama na man-iistorbo ito ng tulog, ano?
"Masiyado ka naman yatang sabik, Ely. Hindi mo ba alam na sobrang aga pa?" Tanong ko, "Pupuntahan ka na lang namin sa iyong silid kapag alas dyes na. Anong numero ba ng silid mo?"
Kitang-kita ko naman ang pagtataka sa kaniyang mukha. Tila ba nagtatanong ito kung seryoso ba ako sa sinasabi ko. Hindi ko maintindihan kung bakit ganoon siya makatingin pero agad din itong ngumiti at hinawakan ang aking braso.
"May titignan lang ako. Maari ba akong pumasok?" Tanong niya.
Labis man ang aking pagtataka pero pumayag din ako, tinaggal ko na ang aking kamay sa balikat ni Ely at tuluyang binuksan ang pintuan.
"Tulog pa si Alessia kaya tahimik lang muna,"sabi ko. Nang tuluyan na itong makapasok ay maingat kong sinarado ang pinto, pagkatapos ay iginaya ko ito papasok hanggang sa makarating na kami sa kung nasaan si Alessia na hanggang ngayon ay mahimbing ang tulog.
"Mukhang wala nga kayong orasan dito,"mahinang sabi ni Ely habang nakatingin sa paligid. Abala ito sa pagtitingin-tingin na para bang may hinahanap siya.
Orasan? Teka, may orasan ba ang lugar na ito?
"Ano ang ibig mong sabihin, Ely?" Tanong ko at umupo sa aking kama. Lumapit naman ito sa may bintana atsaka hinawa ang kurtina. Pagkatapos ay binuksan ang mga bintana na naging dahilan nang pagpasok ng mainit na hangin.
Tanghali na ba?
"Bawat silid ng tinutuluyan natin ay mayroon talagang orasan. Mukhang na sira ang sa inyo kaya wala kayo nito dito,"paliwanag niya, "Hindi na ako magtataka kung bakit lagi kayong huli sa usapan."
Naglakad na ito papalapit sa akin habang may kinukuha ito sa kaniyang bulsa. Hindi ko man alam kung ano 'yon ngunit agad din niyang kinuha ang aking kamay at inilagay doon ang isang maliit na orasan. Para lang itong kasing laki ng normal na relo sa mundo namin.
"Ito ang orasan na tinutukoy ko,"paliwanag niya, "Dito ay malalaman niyo kung anong oras na ngayon. Huli na ba kayo sa usapan o masiyado pang maaga. Siguro nga ay sira ang orasan sa silid na ito kaya hindi ko mahanap. Huwag kang mag-alala, sasabihan ko ang nagbabantay sa baba."
Muli kong tinignan ang orasan at halos lumuwa ang aking mga mata nang makita itong alas dose na ng tanghali. Hindi ako makapaniwala na ganoon kami katagal na tulog. Kaya pala sobrang sakit ng ulo ko kasi napa-sobra na ang tulog ko. Hindi na rin ako magugulat kung bakit ganito rin ang mararamdaman ni Alessia. Isang nahihiyang ngiti ang ibinigay ko kay Ely nang mapagtanto kong mali ako. Confident pa ako na confident kanina kasi nga sobrang aga pa, iyon pala ay sobrang huli na namin. Hindi lang kami isang oras na late, kung hindi ay dalawang oras na.
"Pasensiya ka na,"sabi ko, "Hindi ko kasi alam na ganoon na pala katagal kaming natulog. Wala kasi talaga kaming kaalam-alam na alas dose na ng tanghali."
Ngumiti lamang si Ely atsaka tumabi sa akin. Mahinang hinaplos nito ang aking likuran at ibinaling ang tingin kay Alessia.
"Hindi ko naman kayo masisisi. Sobrang kapal ba naman ng inyong kurtina rito kaya hindi talaga papasok ang sinag ng araw. Malamig din itong silid na ito kaya siguradong mapapasarap ang tulog niyo, hindi lang iyon. Panigurado ay pagod na pagod din kayo sa lakad natin kahapon, kaya huwag ka mag-alala,"tugon ni Ely atsaka tumayo na, "Maligo ka na. Ako na bahala sa higaan mo. Baka mas lalo pa tayong mahuli, karamihan sa mga adventurer ngayon ay paunahang maghahanap ng trabaho."
Hinawakan nito ang aking dalawang kamay at hinila patayo. Isang mahinang tapik naman ang kaniyang ginawa bago ito nagsimulang magligpit sa aking higaan. Hindi ko naman mapigilan ang sarili ko na hindi mapangiti. Ang bait naman ng taong 'to. Kung siguro ay nasa mundo siya nang mga tao, hindi siya tatratuhin ng ganoon. Bagkos ay ete-take for granted pa siya ng iba dahil sa kaniyang background.
"Salamat,"sabi ko at tumalikod na. Kumuha na rin ako nag tuwalya bago pumasok sa banyo at sinimulan nang maligo.
Lumipas ang ilang sandali at na tapos na rin ako sa wakas. Inayos ko muna ang aking suot-suot na pantalon at long sleeve bago lumabas ng banyo. Isang tawanan naman ang aking narinig nang makalabas na ako rito. Abala sa pagkwe-kwentuhan at tawanan ang dalawa kong kaibigan kaya hindi nito na pansin ang aking paglabas. Hinayaan ko na lamang ang mga ito at tahimik na lumapit sa kanila.
Hindi ko alam kung anong pinag-uusapan nila pero sa tingin ko naman ay tungkol lamang ito sa adventure namin ni Alessia.
"Anong pinag-uusapan niyo?" Tanong ko. Sabay na lumingon naman sa akin si Alessia at Ely. Ngumiti lamang ang mga ito at tinapik ni Alessia ang tabi nito.
"Pinag-uusapan lamang namin ang pinagdaanan natin bago tayo makarating dito, ayon, tawa nang tawa itong si Ely dahil ngayon niya lang daw iyon narinig at possible pala raw ito,"paliwanag ni Alessia.
"Ang galing mo pala, Val,"puri naman ni Ely sa akin, "Unang araw mo pa lang na makikipaglaban pero kayang-kaya mo na talunin ang ganoong klaseng halimaw. Kung ako siguro no'n ay paniguradong patay na ako."
"Ang simpleng tao mo lang, ano?" Tugon ko, "Huwag mo na nga ako lokohin, Ely. Alam ko naman na malakas ka eh."
"Siguro ngayon,"ani nito, "Oh siya! Maligo ka na, Alessia. Ayaw mo naman sigurong mahuli, ano? Isa pa, alam kong maraming tao sa guild ngayon kaya kailangan natin magmadali upang hindi maunahan ng mga adventurers."
"Bakit?" Tanong ko, "Agawan ang mga misyon doon?"
"Hindi naman, ngunit mas mabuti na iyong maaga para makapaghanda pa tayo bago umalis,"ani nito.
Kung sabagay ay tama nga naman ito. Umalis na si Alessia at nagtungo na sa banyo, samantalang ako naman ay nagpatuloy sa pag-ayos ng aking damit at buhok. Lumipas lamang ang halos tatlumpong minuto ay lumabas na rin si Alessia. Maayos na ang damit nitong kakabili lang kahapon. Sobrang ganda naman kasi talaga ng shop na iyon tapos ang mura pa. Si Ely lang din ang nag-suggest sa amin na maganda raw ang quality ng mga produkto nila.
"Handa na ba kayong dalawa?" Tanong ni Ely. Sabay na tumango lamang kami ni Alessia bago sumunod sa kaniya palabas ng silid. Sinigurado ko munang sinarado ko nang tama ang pinto bago tuluyang bumaba.
Habang pababa kami ay hindi ko naman mapigilan ang hindi magtaka nang bigla na lang lumiko itong si Ely. Akala ko ba ay didiretso na kami sa Guild?
"Anita?" Tawag nito sabay katok sa isang pinto, "Anita? Nandiyan ka ba?"
Ang hilig talaga ng babaeng 'to manggulo, baka mamaya ay tulog pa pala ang taong 'yan. Hindi nagtagal ay bumukas naman ang pintuan at bumungad sa amin ang isang babaeng medyo may katandaan na. Kung titignan ay kamukhang-kamukha nito ang nagbabantay sa baba.
"Anong kailangan mo, Ely?" Tanong nito at napatingin sa amin, "Magandang tanghali sa inyo mga binibini. Ano na naman ang ginawa nitong si Elyssia sa inyo at talagang napapunta kayo rito."
"Ganiyan na lang po ba ako kasama?" Inis na tanong ni Ely at ngumuso.
"Parang ganoon na nga,"tugon naman ng matanda at tumawa nang bahagya,"Ano ba ang kailangan mo at napapunta kayo rito? Kung hindi naman pala ito tungkol sa panibagong gulo na ginawa mo."
"Anita!" Sigaw nito, "Gusto ko lang naman tanungin kung bakit walang relos sa kanilang silid. Alam mo naman kung gaano kaimportante ito sa mga adventurer katulad namin. Ayan tuloy, lagi silang nahuhuli sa usapan."
Ang kaninang mga singkit na mata ni Anita ay unti-unting lumaki. Hindi nagtagal ay mabilis itong yumuko sa harapan namin na labis naming ipinagtataka.
"Pasensiya na kayo, pasensiya na,"paulit-ulit nitong sabi, "Mukhang na punta kayo sa silid na iyon."
"Ano po ang ibig niyong sabihin?" Tanong ko, "Isa pa, ayos lang naman po kaya huwag na po kayong yumuko."
Unti-unting umayos ng tayo ang matanda atsaka tumingin sa amin. Isang malalim na buntong hininga ang kaniyang pinakawalan bago inaya kami papasok sa loob ng kaniyang maliit na silid. Nang makapasok kami ay punong-puno ito nang mga papel. Para bang isa itong opisina nang may-ari ng kompanya. Ganito kasi ang opisina ni Mommy minsan kaya hindi na ako nagugulat.
"Sa katunayan niyan ay ang silid na inyong pinapasukan ngayon ay silid ng adventurer noon. Hindi ko na alam kung nasaan ito ngayon pero isa iyong perwisyong tao. Lagi nitong binabasag ang aming mga kagamitan at gumagawa ng gulo. Alam naman namin kung gaano kaimportante ang relos sa inyo, kaya nga lahat ng silid sa gusaling ito ay may relos. Noong nandito pa ang lalaking iyon ay walang sawang binabasag nito ang buong kagamitan namin, isa na roon ang relos sa silid na iyon,"kwento ni Anita, "Kaya pagpasensiyahan niyo na talaga at nakalimutan na namin itong lagyan muli. Huwag kayong mag-alala, sa pagbalik niyo ay may relos na muli roon."
"Salamat po,"sabi ni Alessia.
Nanatili lamang kami roon ng halos ilang minuto bago muling nagpaalam sa kaniya. Lumipas ang ilang sandali at heto na kami ngayon sa harap ng Guild na kung saan kami maghahanap ng misyon. Hindi naman ganoong karami iyong mga tao sa paligid. Para lang itong isang simpleng araw, kagaya kahapon.
Abala ang mga tao rito sa kanilang sariling gawain. May ibang lasing na rin sa mga ganitong oras.
"Pasok na tayo?" Tanong ni Ely.
"Kailangan pa natin umakyat,"tugon ko. Nagtatakang napatingin naman itong si Ely sa amin sabay turo sa isang tabi na kung saan mayroong mga taong nakatayo lang pero inaakyat na patungo sa pinto ng Guild.
"Bakit kailangan natin pahirapan ang sarili natin kung pwede naman nating gamitin 'yan?" Tanong nito.
"Nandiyan pala 'yan?" Gulat na tanong ni Alessia, "Bakit hindi natin alam, Val!"
Kahit ako ay hindi makapagsalita dahil sa nalaman ko. May madaling paraan lang naman pala para makarating sa itaas tapos pinahirapan pa namin ang mga sarili namin. Kaya siguro napapatingin ang mga tao sa amin noong inakyat namin 'to.
Okay.
First timer naman kaya ayos lang. Naiintindihan namin ito.
Pero...
Nakakahiya talaga!
"Huwag niyong sabihin na ginamit niyo ang hagdan?" Gulat na tanong ni Ely.
"Hindi naman namin alam, eh,"tugon ko. Tumawa lamang si Ely atsaka napailing na hinawakan ang kamay naming dalawa.
"Ayos lang naman,"ani nito, "Kapag unang beses mo pang makakapunta sa guild ay talagang kailangan m muna pahirapan ang sarili mo. Hindi niyo pwedeng gamitin 'tong Lift Circle."
"Ganoon ba?" Nagtataka kong tanong.
"Oo, kaya tara na nang makahanap na tayo ng kauna-unang misyon na matatapos niyo. Sigurado ay magiging matugmpay naman ito agad, kayo pa?" Taas noo nitong sabi at kumindat.
Napangiti na lang ako dahil sa sinabi niya. Hindi ko alam kung ano dapat ang isasagot ko rito.
Ang sinasabi nitong Lift Circle ay para lang talaga siyang, elevator. Ang kaibahan lang ay ang Elevator ay gawa sa mga metal at iba pa para gumana, itong Lift Circle ay kailangan mo lang tumapak sa isang parang magic circle at ito na ang magdadala sa iyo sa itaas. Ang gara nga eh.
Nang makarating na kami sa tuktok ay agad kaming pumasok. Sobrang dami nga ng tao dito sa loob ng guild. Napapaiwas na lang ako dahil ayaw kong matamaan, ang lalaki pa naman ng kanilang mga katawan.
"Tara doon,"aya ni Ely, "Nandoon kasi naka-dikit 'yong mga misyon na kukunin natin."
"Paano pala dapat?" Tanong ko sa kaniya habang pilit na umiiwas sa mga tao na nandito. Ang ingay pa nga ng buong lugar kaya kailangan kong lakasan ang boses ko para marinig ni Ely.
"Una ay maghahanap tayo ng mga misyon na gusto nating kunin, pagkatapos ay pupunta tayo sa mga 'yon para kumpirmahin na tayo ang gagawa. Sa oras na matapos natin ang ating misyon ay babalik tayo rito upang ibigay sa kanila ang ebidensiya. Ang items na makukuha rin natin sa misyon ay pwede nating ibenta sa Merchant Guild,"paliwanag ni Ely.