"Annika!" Nagulat siya nang marinig ang tinig ng Kuya Simon niya sa may lobby ng kanilang opisina. "Uy! Annika," tawag pa muli ng kapatid sa kanya. Wala siyang balak lumingon sa kapatid. Dahil nasa labas na ng building si Rico at hinihintay siya. May usapan kasi sila ng nobyo na magkikita sila ngayon para kumain sa labas. Wala rin naman siyang nagawa kaya nilingon na niya ang kapatid. "Kuya Simon. Anong ginagawa mo dito?" Tanong niya sa kapatid nang lumapit ito sa kanya. "Hinihintay ka. Mag usap tayo," tugon nito. "Kuya pwede sa bahay na lang tayo mag usap. Nasa labas na kasi si Rico at hinihintay ako," saad niya sa kapatid. Agad namang bumalasik ang mukha ng Kuya niya pagkarinig sa pangalan ni Rico. "Halika ka nga rito," mabalasik na sabi ng kapatid sabay hila nito sa braso niya.