"Agnes?! Agnes?!" Kay aga-aga na katok ni Aling Vergie sa gate ng bahay ng pinsan. Akay-akay niya ang anak na si Erlie. Hindi na kasi matahimik pa ang kalooban ng ginang. Gusto na niyang malaman kung totoo ang hinala niyang kondisyon ng anak, ng kawawa niyang anak.
"Agnes! Tulungan mo kami!" Umiiyak na rin ang ginang. Naninikip kasi ang dibdib niya. Parang hindi niya kakayanin na tanggapin ang lahat. Ngayon pa lang ay parang sasabog na ang kanyang dibdib.
Nagbukas ang ilaw ng bahay. Saglit lang ay nilabas na sila ni Aling Agnes.
"Insan, ano'ng ginagawa niyo rito?! Bakit ang aga-aga niyo?! At bakit ka umiiyak?!" Sunod-sunod ang naging tanong ni Aling Agnes sa ginang habang pinagbubuksan ang mga ito ng gate. Madilim pa kasi ang paligid.
Hindi nakasagot agad si Aling Vergie. Bagkus ay yumakap siya sa pinsan. Hinagud-hagud naman ni Aling Agnes ang likod niya.
"Ano'ng nangyari sa inyo?" puno ng pag-aalalang tanong ulit ni Aling Agnes subalit wala pa ring naging tugon si Aling Vergie. Umiiyak lang siya nang umiiyak sa mga balikat ng pinsan.
"Hali muna kayo sa loob. Tahan na muna. Sa loob muna tayo." Maingat na ikinawala ni Aling Agnes sa pagkakayakap ni Aling Vergie. Nanginginig ang buong katawan ni Aling Vergie na nakayapak kaya nabatid ni Aling Agnes na hindi basta-basta ang suliranin o pinagdadaanan ngayon ng pinsan.
Inakay nito ang mag-ina sa loob ng bahay.
"Umupo ka rito, Erlie, hah?" anito sa pamangkin. Pinaupo nito ang dalagita sa pang-isahang sofa at binigyan ng manika. May naka-ready agad itong manika para kay Erlie. Ito ang pinapalaro nito sa dalagita kapag ito ang nag-aalaga rito.
Tapos ay hinarap nito ulit ang umiiyak pa ring pinsan at matamang tiningnan. "Vergie, sabihin mo sa'kin kung ano'ng nangyari!"
Nanginginig na tumingin si Aling Vergie sa pinsan tapos ay kay Erlie na matagal.
Sumunod ang tingin ni Aling Agnes sa dalagita. At wala pa mang sinasabi si Aling Vergie ay kinutuban na ito ng masama.
"Vergie, ano'ng nangyari kay Erlie?! Ano'ng nangyari sa kanya?!" Yugyog nito sa magkabilang balikat ni Aling Vergie.
Napahagulhol na si Aling Vergie.
"Vergie, sumagot ka naman! Ano'ng nangyari kay Erlie?!"
Sinubukan munang pakalmahin ni Aling Vergie ang sarili bago siya sumagot. "A-agnes kasi... kasi parang--"
"Parang ano?!"
"P-parang buntis si Erlie, insan!"
Parang pasabog iyon sa pandinig ni Aling Agnes. Namilog ang mga mata nito. Unti-unting umawang mga labi nito na tumingin sa dalagitang tuwang-tuwa sa manika. Tapos ay unti-unti rin itong napaupo ng tuwid. "Diyos ko!" saka nasambit nito ng mahina.
Muli na namang rumagasa ang mga luha sa pisngi ni Aling Vergie habang nakatingin sa anak na walang kamuwang-muwang.
"Paano nangyari 'yon?" tigagal na tanong ni Aling Agnes. Kinilabutan ito kaya napahimas ito sa mga braso nito.
Nagyuko ng ulo si Aling Vergie. Patuloy pa rin siya sa pagluha. "Hindi ko alam..."
"Diyos ko! Wala silang awa! Mga demonyo sila!" naisatinig na lang ni Aling Agnes na awang-awa sa pamangkin.
Matagal na wala silang naging imikan na magpinsan. Patingin-tingin lang sila kay Erlie.
"Para makasiguro tayo. I-test natin siya. Pupunta ako sa bayan. Bibili ako ng pregnancy test kit," saglit ay nasaad ulit ni Aling Agnes.
"Salamat pero paano kung buntis nga siya, Agnes? Diyos ko! Hindi ko maisip ang magagawa ko!"
Hinawakan ni Aling Agnes ang isang kamay ni Aling Vergie. "Ipapakulong natin sila! Ako'ng bahala!" ta's matatag nitong sabi.
Laking pasasalamat ni Aling Vergie dahil mayroon siyang pinsan na katulad ni Aling Agnes. Dahil noon pa man ay kakampi na niya si Aling Agnes.
Nang tumaas na ang sikat ng araw ay nagbihis na si Aling Agnes at umalis. Naiwan pansamantala sina Aling Vergie at Erlie sa bahay nito.
At habang inaantay ng ginang ang pinsan ay sinusubukan pa rin ni Aling Vergie na kausapin si Erlie.
"Anak, sino'ng gumawa nito sa'yo? Sabihin mo, anak."
Subalit puro... "Eh!" at "Ah!" lang pa rin ang sagot ng dalagita. Kundi naman ay.. "Raro tayo!"
Walang nagawa si Aling Vergie kundi hayaan na lang anak at tingnan na lang habang lumuluha.
"Bakit? Bakit ang anak ko pa?" piping aniya sa sarili sa labis-labis niyang paghihinagpis.
Nadatnan ni Aling Agnes na umiiyak na naman si Aling Vergie.
"Tahan na 'yan. Wala na tayong magagawa kahit umiyak ka pa nang umiyak. Heto! I-test mo na si Erlie para makita natin ang resulta. Dumaan na rin ako sa kilala kong pulis kanina. Nagsumbong na ako at handa raw silang tumulong kung sakali."
Tumango si Aling Vergie. Humugot muna siya ng malalim na buntong-hininga bago niya inabot ang maliit na pakete ng Pregnancy Test sa kamay ng pinsan. Saka inalalayan na ang anak papuntang banyo.
"Erlie, anak? Ihi ka, hah?" malumanay niyang sabi habang binababa ang short ng dalagita.
"Raro tayo?" bigla ay ngumiting tanong ni Erlie.
Nagkatinginan sina Aling Vergie at Aling Agnes. Parang naunawaan na nila ang ibig sabihin ni Erlie.
Muling napahagulhol si Aling Vergie. "Hayup siya! Hayup siya kung sino man siya, Agnes! Demonyo siya!"
Hindi naman nakaimik si Aling Agnes. Bagkus ay napaupo ito at napasabunot ng buhok. Mga walang hiya sila para gawan ng masama pa ang isang tulad ni Erlie!
Nag-iyakan ang dalawang ginang dahil nabatid na nila na ginamit ng sino mang hayop na 'yon ang salitang LARO TAYO kay Erlie para mapagsamantalahan ito.
"Hindi ko sila mapapatawad! Hinding-hindi!" Iyak pa ng mas matindi ni Aling Vergie nang makita na nila ang resulta.
Buntis nga si Erlie! Buntis ang kawawang si Erlie!.........