Patuloy lamang kami sa pagkain hanggang sa matapos ako. Ako na ang nagligpit ng pinagkainan namin dahil siya naman ang nagluto.
“Mahal, ako na riyan,”sabi ng aking Reyna sabay yakap sa aking likuran. Hinaplos ko naman ang kaniyang kamay at umikot upang harapin siya.
“Ikaw na ang nagluto kaya ako naman ang magliligpit. Doon ka na sa higaan at magpahinga, huwag ka masiyadong gumalaw. Alam mo naman na kailangan mo magpahinga at bawal sa iyo ang mapagod nang sobra,”nag-aalala kong sabi sabay lapit ng aking noo sa kaniyang noo at pinagdikit ito.
“Bakit naman,”tila nagtatampo nitong tanong. Tinignan ko ang nguso nito na ngayon ay nakasimangot at mabilis na hinalikan.
“Huwag ka na magtampo. Nag-aalala lamang ako sa iyo,”sabi ko at nginitian ito.
“Ngayon na nga lang kita napagsisilbihan dahil sa oras na bumalik tayo sa palasyo may mga katulong na naman tayo na magsisilbi sa iyo, tapos ngayon, hindi mo pa ako papayagan na gawin ito.” Mas lalo itong ngumuso sabay irap sa akin. Padabog itong naglakad patungo sa aming higaan.
Nagtatampo na naman ang aking reyna. Isang mahabang suyuan na naman ba ito bago ako nito patawarin? Napapailing na naglakad ako patungo sa kaniya atsaka ito yinakap sa likod. Hindi naman ito gumalaw o hindi naman nito kinalas ang aking pagkakayakap kaya napangiti ako. Hindi masiyadong malalim ang tampo nito sa akin, mabuti na lang. Baka hindi ako makaalis sa silid na ito kapag ganoon.
“Mahal ko,”malambing na tawag ko sa kaniya, “Alam mo naman na iniingatan lamang kita. Wala naman problema sa akin kung gusto mo akong pagsilbihan, kaso, may bata ka po sa loob ng iyong tiyan. Hindi mabuti sa iyong kalagayan ang magtrabaho na lang nang magtrabaho.”
Hindi pa rin umimik ang aking mahal na reyna kung kaya ay mas lalo kong nilapit ang aking sarili. Dahan-dahan kong pinadaos-dos ang aking kamay patungo sa kaniyang tiyan at hinaplos ito. Naramdaman ko ang mahinang pagsipa mula sa aming anak at agad na napangiti.
“Kita mo iyan? Kahit ang anak natin ay ayaw na mag-away tayo. Huwag ka na magtampo,”sabi ko pero ayaw pa rin nitong humarap sa akin. Huminga ako nang malalim at tumayo na. Umikot ako para maging magkaharap kami at tinignan siya sa kaniyang mga mata sabay luhod, “Sige na, ikaw na ang magligpit ng mga gamit natin doon. Aalis na ako ngayon na para makauwi ako nang maaga at hindi ka mag-aalala sa kung ano man ang nangyari sa akin sa labas.”
Mabilis itong tumingin sa akin at ngumiti nang sobrang lapad. Alam na alam talaga nito kung ano ang kahinaa ko. Walang pagdadalawang isip na niyakap ako nito bago tumayo at naglakad na patungo sa mesa na kung saan kami kumain kanina at nagsimula nang magligpit. Napapailing na lang ako na tumayo mula sa pagkakaluhod at nagbihis.
“Bibili rin ako ng ilang mga pagkain na makikita ko habang nasa bayan ako. May gusto ka bang ipadala, mahal?” Tanong ko sa kaniya. Mabilis naman itong umiling at ngumiti sa akin.
“Bilhin mo na lang ang mga pagkain na sigurado tayong tatagal. Hindi naman kasi maari na lagi tayong pupunta sa bayan,”saad nito. Tumango na lamang ako at lumapit sa kaniya sabay halik sa kaniyang noo.
“Alis na ako. Mag-iingat ka rito at huwag na huwag ka lalabas sa silid na ito, maliwanag?” Paalala ko sa kaniya. Agad itong umayos ng tayo sabay salute nito.
“Masusunod po, Mahal na Hari. Asahan mo na nandito lamang ako sa loob ng silid at naghihintay sa iyo. Hindi ko po bubuksan ang pinto kahit na sino pa man ang kumatok mula roon!” Masigla nitong sagot. Napangiti naman ako rito at tumalikod na.
“Mahal na mahal kita. Mag-iingat ka!” Pahabol nito.
“Mahal na mahal din kita,”tugon ko bago ko tuluyang binuksan ang pinto at lumabas na ng silid.
Muling bumungad sa akin ang napakatahimik na pasilyo ng gusaling ito. Wala akong nakikita na kahit isang tao o kahit ni isang nagbabantay sa daan. Hindi ko alam kung bakit pero baka abala sila sa pagwawalis o baka umalis. Wala rin naman akong pakealam at wala akong plano na alamin kung ano man ang pinaplano nila. Nasa kanila na iyon kung ano man ang kanilang gagawin, basta huwag na huwag lang nila gagalawin ang aking asawa o magkakamatayan talaga kami.
Patuloy na ako sa paglalakad hanggang sa tuluyan na akong makalabas ng gusali. Ngunit, hindi pa nga ako nakakalayo ay bigla na lamang may nagsalita sa aking likuran.
“Saan ka papunta?”
Mabilis akong umikot at nakita ang matandang nagbabantay sa gusali. Seryoso itong nakatingin sa akin habang may dala-dalang walis.
“Maghahanap ako ng bahay na pwedeng bilhin,”sabi ko, “Kinakailangan namin ng matitirhan ng asawa ko.”
Nakataas lamang ang aking isang kilay habang nakatingin sa kaniya. Isang mahabang katahimikan ang pumagitna sa aming dalawa pagkatapos kong magsalita, hindi ko alam kung bakit pero seryoso itong nakatingin sa akin.
“May alam akong bahay na pwede niyong bilhin pero bago iyon, kailangan mo pumunta sa bayan upang ipaalam ito sa namamahala,”saad ng matanda, “Hihingi ang mga ito ng buwis para sa bahay at lupa at ilang kagamitan na bibilhin mo para sa bahay.”
“Ganiyan ba kagastos ang magkaroon bahay dito?” Gulat na tanong ko.
“Hindi ka ba taga rito? Kayo ng asawa mo?” Magkasalubong na ang dalawang kilay nito na tila ba ay kinikilatis ako.
“Hindi,”tugon ko, “Nakatira kami dati sa lugar ng mga pulubi. Ang lugar na kung saan ay wala kaming tamang matitirhan.”
“Swamp,”bulong nito, “Hindi na nakakagulat kung bakit wala kang alam. Hintayin mo ako rito at babalik din ako agad. Sasamahan kita patungo sa bayan, baka hindi ka pa nga nakakabili ng bahay ay ubos na ang pera mo.”
Tumalikod na ito at pumasok sa gusaling inuupahan namin. Hindi ko naman mapigilan ang sarili ko na magtaka. Paanong nagbago ang paraan ng pagpansin nito sa akin? May nangyari ba habang tulog kami? Bakit parang kakaiba yata ang kinikilos ng tao, bakit parang bigla na lamang siyang bumait at hindi kagaya noong kakarating lamang namin ng asawa ko sa lugar na ito.
Ilang sandali pa ay bumalik na rin ang matanda. Ibinaling ko ang aking paningin sa bintana na kung nasaan ang aming silid at nakita ang aking asawa na nakangiting nakatingin sa akin.
“Hali ka na,”aya nito at na una nang maglakad. Kumaway na muna ako sa aking asawa bago ko sinundan ang matanda. Tahimik lamang kaming naglalakad hanggang sa makarating kami sa kung saan naka-upo ang matandang pinagtanungan namin ng asawa ko kahapon.
“Sa bayan na ito, asahan mong napakaraming magnanakaw. Laging may gulo at walang sawang bangayan,”kwento ng matanda at hinampas ang isang lalaking nakaharang sa daan, “Umalis ka sa daan ko o papaluin kita ulit. Kita mo naman na dadaan ako at nakaharang ka! Bwesit!”
“Aba!” Sigaw ng lalaki ngunit agad din umatras nang makita kung sino ang matanda.
May malakas na kapit ba itong matandang kasama ko at tila takot na takot ang karamihan sa kanila? I mean, hindi naman iyon nakakagulat dahil na rin sa awra na nilalabas nito pero matanda na siya.
“Kung gusto mo umiwas sa kanila, kailangan mo maging siga at maging matatag. Huwag na huwag kang magpapatalo. Kung kailangan mo makipagpatayan, gawin mo!” Ani nito at tinignan ako, “Halata naman sa inyo ng asawa mo na nangangayayat kayo. Sigurado akong wala kayong masiyadong pagkain noong nasa swamp pa kayo pero rito, maraming stock ang mga tao. Kaya maari mo itong bilhin, iyon nga lang ay sa malaking presyo.”
“Hindi ba ito illegal?” Bigla kong tanong.
“Illegal?” Tanong ng matanda, “Walang illegal sa lugar na ito. Kahit nga ang pagpatay ay legal dito. Kilala ang buong Fiend sa ganitong klaseng paraan ng pamumuhay. Kahit nga ang hari ay pinapatay ang kaniyang mga mamamayan kapag hindi niya ito na tipuhan o kung wala siyang magawa.”
Na ikuyom ko ang aking kamao dahil sa aking narinig. Talaga bang isang malaking biro lamang sa kanila ang buhay ng isang tao? Hindi ba niya na iisip na may pamilya ang kaniyang pinapatay? Minsan napapa-isip ako, ano ba talagang klaseng hari ang ganito kung umasta. Bakit hindi niya ayusin ang kaniyang pamamalakad.
“Hali ka na at malapit na tayo,”ani ito at mas lalong binilisan ang paglalakad. Sumunod na lamang ako habang nakatingin sa mga tao sa paligid na nakatingin din sa amin. Hindi ko na lamang sila pinansin.
Kagaya sa impormasyon na aking nakalap, napakagulo nga ng buong lugar. Wala akong makikita na nakangiting mga tao. Kung mayroon man ay dahil may ginawa itong krimen o may ginawa itong masama. Kahit ang pagbugbog sa mga mahihina ay wala lang din para sa kanila, pinagpupustahan pa nga kung mamamatay ba ito o hindi.
“Talo ka na! Kita mo naman na wala ng buhay ang taong iyan! Akin na ang pera!” Sigaw ng isang lalaki na may malalaking braso. Wala itong kilay pero punong-puno ng malalaking peklat ang mukha.
“Hindi pa iyan tapos! Makakahabol pa iyang pambato ko!” Sigaw ng lalaki.
“Makakahabol pa ba ang hitsura na iyan?” Natatawang tanong ng isang lalaki, “Naku, huwag ka na umasa pa. Kita mo na naman na sirang-sira na ang mukha niyan!”
Tinignan ko ang taong tinutukoy nila at halos hindi makapaniwala sa aking nakikita. Wala na itong buhay at punong-puno na ng sugat ang katawan.