Hindi ako mapakali sa aking upuan. Hindi tuloy ako makapagtrabaho ng maayos. Patingin-tingin ako sa saradong pintuan sa opisina ni Boss. Trenta minutos na pero hindi pa din lumalabas ang kaniyang mommy. Paano kung pinapagalitan niya ito, dahil sa mga pinagsasabi ko?
Naku, Pipay! Kakaumpisa mo pa lang pero mukhang masisisante ka agad. Hindi mo pa man nababalik ang lahat ng ginastos mo sa pagkuha ng requirements.
Napaayos ako ng upo nang magbukas ang pintuan. Lumabas doon si madam, seryoso ang kaniyang mukha, pero nang makita niya kami ni Mady, ngumiti siya.
"Ma'am, bumisita po pala kayo.." sabi ni Mady.
"Yes, may sinadya lang ako sa boss niyo." Nginitian niya si Mady saka siya tumango at ngumiti din sa akin.
Nagpaalam na siyang umuwi.
Habang naghihintay ng oras ng uwian, maya't maya akong napapatingin sa may pintuan ni Sir. Hindi pa siya lumalabas mula kanina.
Natatakot ako na baka sa oras na lumabas siya, sabihan niya ako na last day ko na ngayon.
ALAS-singko y media. Nag-aayos na ng mga gamit si Mady. Anumang oras kasi ay uuwi na si Sir.
Nang magbukas ang kaniyang pintuan, halos mapatalon ako sa gulat.
Tinignan niya ako. Seryoso.
Lagot... Hinihintay ko na ibuka niya ang kaniyang bibig. Ine-expect ko na din kung ano ang kaniyang sabihin.
Kaya nang magsalita siya, napanganga ako.
Sinundan ko siya ng tingin hanggang sa makapasok siya sa elevator.
"Ano'ng nangyari?" tanong ni Mady. Pinilit kong ngumiti at umiling. Nahihiya akong magkuwento sa kaniya. Baka mamaya sabihin na sobrang daldal ko, kahit na totoo naman.
Nagpaalam na din siya pagkatapos ng trenta minutos.
Samantalang ako, naiwan. May pinapatapos si Sir na trabaho sa akin. Kailangan niya daw ito bukas ng umaga.
Tiyak na parusa niya ito sa akin, dahil mukhang nasabon siya ng kaniyang mommy.
Nakakainis, pero mas maayos na ito kaysa sesantehin niya ako. Paano na lang ang mga pangarap ko. Paano ang mga bata?
Tumawag ako sa landline ng tindahan na malapit sa inuupahan namin, upang magbilin para sa mga kapatid ko, na male-late ako ng uwi. Susunod na lang ako sa palengke.
Sumasakit na ang batok at mata ko sa ginagawa ko. Pagod na ako at inaantok kaso kailangan ko itong madaliin at tapusin.
Alas-nuebe na ako nakauwi, dumiretso na sa palengke kung nasaan ang mga kapatid ko.
May dala silang pambahay ko na damit kaya nakagpalit na muna ako sa cr sa palengke. Hindi ako makakakilos ng maayos sa pampasok na damit na suot ko.
Latang-lata ako, dahil sa pag-o-overtime na wala sa oras. Kaso wala akong magagawa, trabaho iyon.
Maayos ang benta namin. Hindi ko na kayang magluto kaya kumain na lang kami ng lugaw sa may kanto bago kami umuwi at magpahinga.
Kinaumagahan, nanlalata akong pumasok.
"Coffee, please..." sabi ni Sir bago nagdire-diretso papasok sa kaniyang opisina.
Nagtimpla ako ng kape at dinala ito sa kaniya.
Napangiwi siya sabay iwas ng tingin nang makita niya ako. Pintasero ang buiset. Malapit ko ng isipin na bakla siya dahil sa ginagawa niya sa akin.
Kaso,
ano ang eksplanasyon doon sa nasaksihan ko noon sa kaniyang mesa?
"Where are the documents?" tanong niya sabay lahad ng kamay.
Kinuha ko ito sa pinagpatungan ko kagabi. Pagkabigay ko ng mga papel sa kaniya, tinapon niya agad ito sa basurahan.
Hindi ako makapaniwalang tumingin sa kaniya. Lintik!
Pinigilan ko ang sarili ko na huwag siyang pektusan. Gago talaga!
"Ang sabi ko, itapon mo," sabi niya habang pilit na tinatago ang ngiti sa kaniyang mga labi.
Tinago ko sa aking likuran ang nakakuyom na kamao ko.
May araw ka din sa akin, lalake ka!
Kung paabangan ko kaya sa mga kilala ko na siga, nang madala?
Huminga ako nang malalim. Bumuntong hininga ako para kontrolin ang inis ko para sa kaniya.
Ngumisi siya saka pinaikot-ikot ang kaniyang swivel chair na kinauupuan.
Aba!
"Ayos ang damit mo ngayon, huh..." aniya.
Hindi na mawala-wala ang ngisi niya. Ang inis ko ay nabawasan sa kaniyang sinabi.
Napangiti ako.
Wow! Sa wakas, nagustuhan din niya ang damit ko. Baklang to!
"Para kang ibuburol," tumawa siya ng malakas. Tuwang-tuwa at naubo na sa katatawa.
Nawala ang ngiti ko sa labi. Inikutan ko siya ng mga mata.
"May ipag-uutos ka pa po, Sir?" magalang na tanong ko sa kaniya. Pinilit ko ang ngiti na nakapaskil sa aking labi upang ipakita na hindi ako apektado sa pang-iinis niya sa akin.
"Ipagtimpla mo ako ng kape," utos niya.
"Okay, Sir..." Lumabas ako at nagpunta sa pantry upang ipagtimpla siya ng kaniyang kape.
Nilapag ko sa kaniyang mesa saka ako tumalikod. Hindi pa ako nakakalabas ng pinto nang magsalita siya.
"Ano ba 'to?" naiiritang tanong niya. Lumingon ako at nakita kong sa kape nakatutok ang kaniyang tingin.
"Black coffee, Sir. 'Di ba gusto mo iyan?" tanong ko. Ginawa ko lang naman ang turo sa akin ni Mady. At saka ganiyan naman ang tinitimpla ko lagi.
"Ayaw ko 'to, gusto ko ng may creamer."
"Okay, Sir..." Nagpunta ako ng pantry at kumuha ng isang maliit na sachet ng creamer.
Binigay ko ito sa kaniya. Pero pati ang paglagay ng creamer sa kaniyang kape, inutos pa niya sa akin.
Hinalo-halo ko ito.
Tinikman niya saka sinabi na kulang ang creamer. Aba! Kumuha ako ng ilang piraso.
"Malamig na to. Magtimpla ka ng bago..."
Hindi pa naman malamig. Ang arte!
Bumalik ako sa pantry at ginawan siya ng panibagong kape. May creamer na tatlong sachet para sure na sure na malinamnan.
Pagkahigop niya, binaba niya agad.
"Matabang," reklamo niya.
"Huh?"
"Hindi mo ba nilagyan ng asukal?" tanong niya. Kailan pa siya nag-asukal?
"Akala ko po, ayaw mo ng matamis?" seryoso kong tanong. Medyo naiinis na ako sa kaniya.
"Nagrereklamo ka?" nakangisi niyang tanong.
"Ah, hindi ho, Sir..." Kinuha ko ang tasa saka binalik sa pantry para lagyan ng isang kutsarang asukal.
"Matabang pa din..." Bumalik ulit ako.
"Matabang..." reklamo niya ulit. Ang aga-aga pa pero pagod at haggard na ako dahil lang sa kape niya.
Aba, lintik talaga!
Walong kutsarita na ang nilagay ko, huh!
"Masyadong matamis," reklamo naman niya nang dinagdagan ko ng isang kutsarita ng asukal.
"Pagod ka na?" tanong niya.
Pinilit kong ngumiti.
"Nagrereklamo ka?" nang-iinis pa niyang tanong.
"Hindi... Nagrereklamo ako? No. I love my job!" sabi ko pa. Narinig ko lang ito kay Mady.
Tumawa si Sir.
"Sige na. Ayusin mo ang timpla ng kape ko."
Bumalik ako.
Paghigop niya sa kape, napaubo siya...
"What the hell!"
"Kulang sa tamis?" nakangiti kong tanong.
"No, tama lang... Napakasarap!" aniya habang hinahaplos ang kaniyang leeg.
"Ayaw ko na pala ng kape," aniya. Sinenyasan niya ako na kunin ko na ang tasa.
Buti naman...
Pagod akong naupo sa puwesto ko. Natatawa namang tumingin si Mady sa akin.
"Ano'ng nangyari? May regla ba si Sir?" tanong niya.
"Baka... Sabi na, e... Binabae talaga si Sir," sakay ko naman sa kaniyang sinasabi.
Hindi ko napansin na nakatayo na pala si Sir malapit sa may elevator.
Jusko! Ano na naman kaya ang susunod niyang ipapagawa sa akin nito?
Tawang-tawa si Mady nang makaalis si Sir.
Kinuwento ko din sa kaniya ang nangyari kahapon.
"Lagot ka talaga..." sabi niya.
"Baka sa susunod hindi ka na makauwi dahil tatambakan ka niya ng trabaho..."
"Okay lang... Magkano pala ang overtime natin?"
"One hundred per hour..."
Okay, hindi na din masama. Kaso, walang kasama ang mga bata sa pagtitinda sa gabi.