Kabanata 16. First date?

1382 Words
Pagkatapos magkape ay gumayak na si Helena patungo sa palengke. Nakasuot ng itim na oversized shirt, pantalon at saklob. May dala lang siyang sling bag na naglalaman ng pera at ng dalawang nakatiklop na sako bag. Sumisikat na rin naman ang araw nang siya ay naglalakad papunta sa labasan. Duon ay maghihintay siya ng jeep papunta sa palengke. Mabuti at ang mga driver ng jeep ay hindi taga baryo kaya pinapasakay siya. Karamihan dito ay mga taga kabilang municipality na. Inuna niyang bumili ng mga tuyo, tinapa at dilis at mga pampalasang gaya ng bawang, sibuyas at paminta. Bumili rin siya ng carrots, luya at bell pepper para sa kaniyang atsara. Tumungo siya sa bilihan ng sariwang karne at isda. Bumili siya ng isang kilong paa ng manok, isang kilong tulingan at dalawang kilong maliliit na tilapya. Magtatagal ang mga pagkain na ito. Ia- adobo nila ang paa ng manok, isasaing ang tulingan at idadaing ang mga tilapya. “Ate pahingi naman po ng mga hasang, para lang sa pusa ko” request niya sa matandang lagi niyang binibilhan. May kapayatan ito at ang kamay ay namumuti na, marahil ay dahil babad sa tubig sa pagtitinda maghapon. Akala nga niya dati alipunga iyon e pero mukhang hindi naman sugat. “Oo naman suki, teka ihihingi rin kita sa iba.” Saka niya ito nakitang tumungo sa mga kalapit na tindera. Pagbalik nito ay kita niyang halos mapuno ang plastic ng mga hasang. Matutuwa si Olgrey! Iniayos nito ang kaniyang pinamili at dinoble pa ng plastik. Tumungo siya sa isang grocery para naman mamili ng mga shampoo at sabon. Pagkatapos niyon ay ang binhi ng mustasa, abono at pesticide. Nawili pa siyang bumili ng binhi ng sitaw at kalabasa. Dagdag kita rin iyon. Isa na lamang ang kulang sa kaniyang bibilhin. Battery ng radyo. Mabagal siyang naglakad dahil na rin kaliwa’t kanan ang kaniyang dala. Mabibigat rin ang mga ito at paniguradong kinabukasan ay mararamdaman niya ang p*******t ng balikat at braso. Hindi na niya mapunasan ang pawis na tumutulo sa kaniyang mukha. Naisipan niyang bumili rin ng extra na baterya ng kaniyang cellphone dahil labis pa naman ang kaniyang pera. Nakakahiya kila Joey kung lagi nalang siyang magpapa- charge. Ang tindahan nang mga ganung kagamitan ay nasa kantong katapat ng tindahan ng prutas sa Aguinaldo street. Mukhang mataray ang chinese na may ari ng mga iyon. Lagi lang itong nakaupo sa cashier at kung makautos sa mga dalagitang tindera ay parang walang galang. “Magkano po ang solar power? Yung set na” tinig iyon ng lalaking nasa harap niya. Pamilyar sa kaniya ang boses at ang tindig nito lalo na ang matambok nitong pwet. “6,780 220 watts” sagot nung chinese dahil tumingin lang dito ang dalagita. Hindi siguro alam ang impormasyon tungkol doon. “Sige po salamat. Nagtatanong lang po ako pero balak kong bumili sa susunod, magkano po ang earphones?” Bahagyang tumagilid ang lalaki. Kumpirmado si Eros nga. “May 150 may 200 po. Black o white po available” sagot ng dalagitang tila nahihiyang nakangiti. Naguguwapuhan ata sa binata. “Yung 200 at kulay black” sagot ng binata. Mabilis naman itong ipinlastic ng dalagita saka inabot ang bayad sa chinese na walang reaksyon. Siguro manhid ang mga chinese. Pagkalingon ni Eros ay napatda ito nang makita siya. Parang hindi makapaniwalang naroon siya Hindi ito kaagad nakapagsalita kaya siya na ang bumati. “Hello” mahinang bati niya. “Helena, hi. Ang aga mo ah. Namalengke ka pala.” Bati nito. “Oo, pauwi na rin, may bibilhin lang” sagot niya saka lumapit sa counter. Bumili siya ng apat na baterya ng radyo at ang battery ng kaniyang cellphone. Tinanong pa nito ang model ng kaniyang cellphone kaya pabulong niyang sinabi iyon. Nahihiya siya kay Eros. Nang lumingon siya ay nanatili lang nakatayo ang binata na parang naghihintay na siya ay matapos. “Helena gusto mo bang.. ahm.. meryenda tayo?” tila nauutal na yaya ni Eros. Napaisip siya. Hindi pa nga siya nakakakain maliban sa kape at ang kaniyang mga kamay ay tila nanginginig na sa gutom. “Sige, okay lang naman” sagot niya. Gumuhit ang magandang ngiti ng binata. “Ipagbitbit na kita ha. Mamaya ihatid din kita sa sakayan.” Saka niya ito pinagmasdang ngumiwi nang bitbitin ang dalawang sako bag. Nauna sa paglalakad si Eros. Tumigil ito sa harap ng maliit na space na may nakasulat na ‘Jayjay’s Siomai House’. Hindi pa siya nakakatikim niyon pero mukhang masarap. Mayroon ring rice. “Anong gusto mo?” nakangiting tanong ni Eros. “Siomai na may kanin” sagot niya. “Sige, ililibre kita ha.” Umorder ang binata ng tig isang siomai- rice at saka dalwang softdrinks. Nadismaya siya sa kanin. Ilang subo lamang ay naubos na niya ang kanin pero ang siomai niya ay tatlo pa. Napansin naman ito ni Eros na hindi pa nangangalahati sa kinakain. “Ate dalawa pa nga pong rice” Saka ito nakangiting tumingin sa kaniya. “Bitin pa ano? Kain lang ng kain. Ako’ng bahala.” Wika nito. Nahihiyang tumango na lamang siya. Pagkabigay ng kanin ay agad niya itong naubos. Ngayon niya naramdamang busog na siya. “Sa susunod isasama kita sa magagandang lugar at restaurants. Marami sa amin, siguradong magugustuhan mo ang lasagna at pizza” nagagalak na wika nito. Nakikita naman niya ang mga picture noon dahil may mga tarpaulin na kung saan- saan nakapagkit. “Sige sa susunod” sagot na lang niyang bahagyang ngumiti. Tila lalong natuwa ang binata na pumayag siya. “First date natin‘to ah” wika ni Eros. “Pasensya na biglaan eh, sa susunod planuhin natin” “Anong date? Miryenda lang to” sagot niya. “Date na rin na maituturing. Tayong dalawa lang e” kakamot kamot na wika ni Eros. Nakaupo parin sila at humihigop ng softdrinks. Ang sarap ng likidong iyon kahit na masakit sa lalamunan, gusto niyang patikimin si lola Huling. “Ate dalawa pa ngang order ng siomai tsaka ng softdrinks yung bottled lang. Take out po ” rinig niyang sabi pa ni Eros sa tindera. Siguro ipapasalubong sa kanila. Nang matapos nga ang tindera sa pag- prepare ng order ni Eros ay tumayo na rin sila. Ipinatong ni Eros ang supot sa mga gamit niya. “Baka malimutan mo mamaya yan ha” paalala niya rito. Kumunot naman ang noo ni Eros. “Binili ko yan para kay lola Huling, baka kasi ma- curious siya sa lasa ng siomai kapag ikinuwento mo” nakadama siya ng kakatwang bagay na ngayon lang niya naramdaman. Kinikilig ba siya sa kabaitan ng lalaking ito? “Naku hindi na kailangan, gumastos ka pa” sagot niyang nahihiya. “Magiging lola ko siya sa susunod e kaya dapat lang na bibigyan rin natin siya” wika nito saka binuhat ang kaniyang mga gamit. “Ewan ko sayo Eros” natatawang sagot niya saka naglakad papunta sa paradahan ng jeep. Iniakyat ni Eros ang kaniyang mga gamit sa loob at saka nagpaalam sa kaniya. “Bukas dadalaw ako sa inyo Helena” nakangiting sambit ng binata saka naglakad papalayo. Nakaramdam naman siya ng excitement sa isiping makikita niya ito bukas. Dali- daling naglakad si Eros pabalik sa kinaroroonan ng kaniyang tito sa gitna ng palengke. Marahil nagtataka na ang mga iyon dahil ang tagal niya e ang paalam niya ay bibili lang siya ng earphones. Kumain rin siya kanina. Sa palengke ay na- curious siya sa nilupak kaya bumili siya niyon. Hindi siya gutom pero napansin niyang parang lantang gulay at pagod na si Helena. Kung hindi nga niya nakita ang mukha nito ay hindi niya iyon makikilala. Parang namamalengke ng naka incognito ang dalaga pero maganda pa din. Halata sa mukha nitong unang beses lang nitong kumain ng siomai at halos masamid pa sa softdrinks nang dire- diretso nito iyong tinungga. Hayy, I can’t wait to let her see the world! Kaninang umaga ay inamin niya sa kaniyang tito na liligawan niya si Helena. Sa una ay hindi ito nagsasalita. Alam niyang nasabi na ng kaniyang ina kagabi pa ang tungkol dito. “Eros, malaki ka na. Ayaw kitang ituring na bata pero bago kita payagan, isama mo muna kami sa bahay nila Helena.” Susunod: Ang Pagbisita nila Eros.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD